Friday, November 27, 2015

Tortang Pancit Canton


Mayroong ipinagmamalaking luto ng pancit canton ang isa kong kaibigan.  Nang magawi siya sa bahay ay ipinakita niya kung paano ito lulutuin.

Nang marinig ko ang tortang pancit canton mula sa aking kaibigan ay napaisip ako kung paano kaya iyon?  Medyo weird ang dating sa akin ng pagkaing iyon pero dahil na rin sa walang merienda, ayun at natikman ko rin ito.

Isang minuto niyang pinakuluan ang pancit canton at pagkatapos na ma-drain ang sabaw nito ay kanya itong ibinabad sa binateng itlog.  Pagkaraan ng ilang sandali ay saka niya ibinuhos ang ibinabad na pancit canton sa kawali at hinulma ito na tipong torta.  Ang siste ay dapat na nababalot ng itlog ang pancit canton para surprise ang dating nito.

Friday, November 20, 2015

Tulya


Marami ka talagang matutunan kapag natututo kang maglakwatsa.

Nang makarating ako sa Ilocos, isang hindi pangkaraniwang luto ng tulya ang aking natikman.  Sa totoo lang, hindi bago sa akin ang kombinasyon ng kalabasa at sitaw.  Isa kasi ito sa paborito kong ulam lalo na kapag inihahalo ito sa ginisang karne o di kaya sa dinuguan.

Hindi ko alam na masarap pala ang kalabasa at sitaw sa tulya.  Kaya nang matikman ko ito ay ginaya ko rin ang lutong ito at talaga namang sarap-sulit ang putaheng ito.

Friday, November 13, 2015

Pagkain at Bulaklak


Parte na ng kaugalian natin ang mag-alay ng bulaklak at pagkain sa ating mga mahal sa buhay na pumanaw na.  Ang paghain ng pagkain ay namana daw natin sa mga Chinsese samantalang ang bulaklak naman ay sa mga puti. 

Minsan ay may pumuna sa isang tao na may dalang pagkain sa sementeryo.  Ang sabi ng pumuna ay imposible daw na matitikman o malanghap man lang ng patay ang dala nitong pagkain. Ang balik naman ng pinunang tao ay imposible din daw na malanghap ng patay ang dalang bulaklak ng taong pumuna sa kanya.


Ang mga bagay na ating nakagawian ay minana lang natin o tayo ay naimpluwensiyahan ng ibang tao.  Marahil ay sumasang-ayon sa ating paniniwala ang mga gawaing ito kaya’t atin din itong pinapraktis.  Sa ibang tao ay wala itong basehan at lalong wala itong tuwirang ipinapakitang katotohanan, ang mahalaga ay hindi natin nakakalimutan ang mga mahahalagang tao na naging bahagi na ng ating buhay at napamahal na sa atin.  Kung ano man ang klase ng pamamaraan para patuloy silang buhay sa ating alaala at isipan, siguro ay respeto na lang sa trip ng ibang tao.  Walang pakialamanan kumbaga dahil wala namang natatapakan o nasasagasaang ibang tao.

Friday, November 6, 2015

Bread Roll




Nakailang beses na rin akong nakagawa ng ganitong pagkain at laging blockbuster ito.  Nakita ko lang ito dati sa label ng isang mayonnaise at nang sinubukan kong gawin ay success naman.

Minsan ay may tumulong sa akin na magprepare nito at sobrang natuwa yata ang kasama ko at sa dami ng aming ginawa ay tiyak na mapaparami daw siya nang kain.  Sobrang laki nang tawa ko nang maluto ito ay hindi niya nagawang panindigan ang kanyang sinabi.  Wala pa yatang limang piraso ang kanyang nakain ay umayaw na siya.  Sobrang mabigat daw pala sa tiyan at kagyat siyang sumuko.  Ang ending, inabot pa ng kinabukasan ang natira naming bread rolls.


Friday, October 30, 2015

Bawang


Effective daw ang bawang na kainin ng mga taong high blood.  Pero hindi ito mabisang pangontra sa mga taong magaling magdulot ng high blood sa kapwa.  Haha.

Nang mapadaan kami minsan sa Mindoro ay namakyaw kami ng bungkos ng bawang.  Isa kasi ang bawang sa masugid na laman ng aming kusina.  At dahil native na bawang ang siyang itinitinda sa Mindoro, patok itong pampasalubong sa bahay.

Hindi ako mahilig kumain ng bawang.  Minsan ay nababadtrip ako lalo na kapag nakakakagat ako nito sa kasarapan ng aking pagkain.  Pero kapag naggigisa ay gusto ko ang amoy nito.  At heto nga at namamakyaw ako ng bawang kahit na di ko ito trip kainin.

Nang bumalik na kami sa upuan namin sa loob ng bus, may isang babae na mukhang inosente ang tanong.  Ang tanong ng babae ay kung mabisang pangontra daw ba ang bawang sa aswang at kung totoong maraming aswang sa aming lugar.  Haha.  Natawa talaga ako sa tanong na iyon ng babae at tipong excited na makakita ng aswang.  Mabuti na lang kamo at hindi full moon ng gabing iyon at malamang ay sinampolan ko siya.  Haha.


Bago ko sinagot ang tanong ng babaeng iyon ay isinabit ko muna sa aking leeg ang isang bungkos ng bawang.  Pagkatapos ay sinabihan ko ang babae na hindi effective ang bawang bilang pangontra sa aswang.  Biglang siniko ako ng aking pinsan sabay sita sa akin na baka maniwala ang babae na isa akong aswang.  Haha.

Friday, October 23, 2015

Apple


‘One apple plus one apple?’ 

Eto ang paboritong kuwento na isini-share ng aming kapitbahay na teacher sa tuwing may mga umpukan at katuwaan.  Noong nag-aaral daw siya sa grade one ay ito ang naging tanong sa kanya ng kanyang guro.  Dahil sa hindi pa raw siya ganoon ka seryoso sa pag-aaral at hirap siya sa mga numero, madalas daw ay sumasabit sa gilid ng bangin ang kanyang grade sa Math.  Kaya’t kapag numbers na raw ang pinag-uusapan ay todong balisa na agad ang kanyang pakiramdam.

‘Ma’am, may I go out.’ 

Ang hirit niya sa kanyang guro sabay talilis agad.  Dahil sa malapit lang sa school ang kanilang bahay, ang madalas daw niyang takbuhan ay ang kanyang nanay.  Natatawa na lang daw ang kanyang nanay sa tuwing makikita ang hitsura nito na animo’y natatae dahil pinagpapawisan ito ng todo.

‘Two apples, anak.’

Sa tuwing masasagot ng kanyang nanay ang Math question ay tuwang-tuwa siya at mabilis pa sa alas-quatro kung ito ay tumakbo pabalik sa school.  Para daw siyang isang henyo dahil alam niyang tama lagi ang sagot ng kanyang nanay.

‘One banana plus one banana?’

Patay!  Iba na ang question ng kanyang teacher nang makita siyang nakabalik na sa loob ng kanilang silid.  Pakiramdam daw niya ay para uli siyang matatae at nagsimula na namang lumitaw ang pawis sa kanyang noo.

‘Ma’am, apple lang po ang alam ko.’

Haha.  Sa tuwing binibitawan nito ang kanyang punchline ay asahan mong hagalpakan na kami ng tawa.  Sadyang walang kupas talaga ang joke na iyon ng teacher naming kapitbahay.  Noong una ay ayaw ko pang maniwala subalit true to life experience pala niya talaga iyon.

Friday, October 16, 2015

Yakult



May napakinggan akong lokal na awiting reggae na may lyrics na sadyang pangkiliti ng imahinasyon.  Ang taong pumapatay daw ng sunog ay bumbero.  Ang taong naggugupit daw ng buhok ay barbero.  Ang taong mahilig daw uminum ng yakult ay yakulero.  Haha.

Siguro ay marami na sa atin ang nakatikim na ng yakult.  Wala na lang pakialamanan kung tawagin man tayong yakulero o yakulera.  Marahil ay naengganyo tayo ng commercial nito at sa dulot nitong tulong para sa ating digestion.  At marahil din ay meron sa atin na talagang may stock nito sa ref at naging ugali na ang pag-inum nito.

Sa makabagong panahon kung saan ay sari-saring sakit ang ating dinadanas dahil sa mga makabago at kung minsan ay nakakapaminsalang mga pagkain, marapat lang siguro na maging maalaga tayo sa ating katawan at sarili para hindi tayo magkakasakit.  Kung minsan, ang isang murang supplement gaya ng yakult ay pinanghihinayangan nating gastusan pero kapag naospital na tayo ay mas libong higit pa ang ating ginagastos para gumaling.  

Disclaimer lang po.  Hindi po ako ahente ng yakult at di rin po ako nagbebenta ng yakult.  Hehe.

Friday, October 9, 2015

Fried Chicken


Ano ba ang lasa ng fried chicken?

Kung di ka vegan, malamang ay isa sa top picks mong pagkain ay fried chicken.  Tiyak na mapapadami ka nang kain kapag fried chicken ang iyong ulam.  At malamang sa hindi ay mapapakamay ka pa dahil alam mong sarap to the bones ang pagkaing ito.


Pero ano nga ba ang lasa ng fried chicken?  Haha.  Naisip mo ba na darating ang sandali na hindi na alam ng taste bud mo ang lasa ng fried chicken kapag laging fried chicken ang ulam mo?  Dahil sa nagiging ordinaryo na lang ang fried chicken sa iyo ay tipong hindi na espesyal ang lasa nito na iyong hahanap-hanapin.  Kumbaga nawawala na ang excitement dahil ang ulam mo ay fried chicken na naman.  Hehe.

Friday, October 2, 2015

Pink Salmon


May mga tipo ng pagkain na maalala mo pa lang ay tulo laway ka na agad.

Minsan ay nasumpungan ko sa palengke ang belly strips ng pink salmon at dahil ilang taon na rin akong hindi nakatikim nito ay agad akong bumili ng isang pakete.  Natimbang na ang selyadong pakete ng salmon at hindi na pwede humirit ng dagdag.  Haha.

Maliban sa sinigang, ang trip kong luto para dito ay prito na half cook lang at sabay patulo ng oyster sauce para mas lumasa.  Dahil may sariling mantika ang isdang ito, hinahayaan ko na lang na kumatas ang mantika nito para maluto ito sa kanyang sariling mantika.  Kapag malapit na itong maluto ay saka ko ito papatakan ng oyster sauce para mas sumarap at hindi ko na ito nilalagyan ng asin.  At tiyak, kahit sinong makakaamoy nito ay siguradong gugutumin agad.

Friday, September 25, 2015

Tuna and Noodles


Kapag walang-wala talaga, ang karaniwang takbo ng ulam ko ay tuna na hinahaluan ng noodles at kung anu-ano pa.

Nakagawian ko nang mag stack ng mga delatang pagkain pang emergency.  Minsan kasi ay nagkaroon nang malalim na baha at dahil hanggang beywang ang lalim nito, hindi na ako nakalabas ng bahay para bumili ng pagkain.  Ang ending, buong araw akong dyeta at nagtyaga sa crackers at kape.  Haha.

Ang isang paborito kong niluluto ay tuna na hinahaluan ng noodles at mushroom.  Dry ang pagkakahanda nito at mas maganda kapag hindi malabsa o masyadong malambot ang noodles.  Mas lalong masarap kapag egg noodles ang gamit dahil hindi maalat ang timpla nito.  At para mas lalong sumarap pa ito, ang sekreto ko dito ay additional oyster sauce at ground pepper.

Friday, September 18, 2015

Tulya


Minsan ay wala akong magawa at kapag wala akong magawa ay naglilikot ang aking isipan tungkol sa pagkain na pwede kong pagtripan sa araw na iyon.

Sa pag-iikot ko sa palengke ay nakuha ang atensiyon ko ng tulya at bigla ay naalala ko ang pagkaing ito na sinahugan ng gulay nang minsang gumala ako sa isang probinsiya.

Kapag nagluluto ako ng pagkain ay tinitiyak kong kaya kong kainin ito.  Haha.  Kapag may nagtatanong kung masarap ang pagkaing niluto ko, ang usual kong sagot ay napagtitiyagaan naman.  Hehe.

Nang araw na iyon ay naisip kong sahugan ang tulya ng sweet corn at malunggay.  Simula nang magkamalay ako, abundant ang malunggay sa amin dahil may tanim kami nito sa harap ng bahay namin.  Halos lahat yata ng lutong gulay sa amin ay kadalasang sinasamahan ng malunggay kaya't nakahiligan ko na rin itong kainin.  Wonder gulay nga daw ang malunggay dahil may mga sanggkap itong na di matatagpuan sa ibang mga gulay.

Kaya't ayun, tama lang ang maalat na lasa ng tulya sa tamis ng lasa ng sweet corn at sa lasa ng malunggay.  Huwag lang dadamihan ang malunggay dahil papait ang timpla nito.

Friday, September 11, 2015

Cheesedog


Simulang nang dumami na ang mga nagtitinda ng street foods, dumami na rin ang uri ng mga street food na pwedeng mabili at kasama na dito ang hotdog/cheesedog.

Habang dumadami ang kumpetensiya ay nagiging creative ang marami sa mga tindero't tindera na mag-offer ng iba pang pwedeng ibenta sa kalye.  Ang mga traditional na kikiam, fish ball, squid ball ay nadagdagan ng kung anu't ano pa.  Nakakatuwang isipin na sa baryang halaga ay pwede ka nang tumikim ng mga pagkain na kadalasan ay nabibili ng buo lang  At hindi dito nalalayo ang cheesedog/hotdog.

May mga kilala ako na kapag wala silang ulam ay pupunta lang sila sa nagtitinda nito sa may kanto at may instant ulam na sila at may kasama pang libreng sawsawan.  Kung sa resto o karenderia sila bibili ay mas mahal ang benta sa hotdog/cheesedog samantalang dalawang piso lang kada hiwa ang pagkaing ito.

Friday, September 4, 2015

Minatamis na Buko Strips


Kapag nasa probinsiya ako ay madalas naming gawin ang meriendang ito.

Dahil libre ang niyog at kailangan mo lang ang taong kukuha nito, sagana ang ganitong klaseng kakanin sa amin.  Hindi naman kasi mahirap lutuin ang kakaning ito at kadalasan ay isang bagsakan lang at ubos na agad ito.  

Masarap ihanda ang mura pang buko, iyon bang hindi pa makapal at matigas ang laman.  Masarap kasi sa bibig ang medyo malambot na buko strips kumpara sa matigas na.  Mas maige ding gamitin ang muscovado at para mas mabango, malaking tulong ang vanilla syrup.  At mas patok lalo na kapag ang nabuong syrup ng asukal ay malagkit at medyo namumuo.  Sarap!. 


Friday, August 28, 2015

Bagnet


Kapag dumayo ka sa Ilocos, ang isa sa mga kukumpleto ng experience mo ay ang bagnet.

Para sa mga meat lovers, tiyak na isang tulo-laway experience ang dumaan sa palengke kung saan sangkatutak na display ng bagnet ang siyang bubusog sa iyo.  Ang makita pa lang ang mga ito ay isang nakakagutom na encounter na at tiyak na hindi ka makakatanggi na magbitbit pauwi ng ilang kilo nito lalo na at laging sariwa ang mga ito.

Sa mga hindi pa nakakatikim nito, halos magkatulad lang sila ng lechon kawali pero di hamak naman na mas crunchy ito at iba ang pagkakatimpla kumpara sa ordinaryong lechon kawali.  Pero gaya nga ng mga usual na paalaala, hinay-hinay lang sa pagkain nito at baka mapaaga ang iyong buhay.  

Friday, August 21, 2015

Shellfish


Hindi daw lahat ng isda ay lumalangoy.  Haha.

Isa marahil sa simpleng luto ng shellfish ay igisa ito sa bawang at sibuyas, lagyan ng pampalasa kasama ng sabaw at presto may ulam ka na.  At dahil isa ang Pilipinas sa mga lugar sa mundo na mayaman sa iba't ibang uri ng laman dagat, tiyak na merong mabibiling shellfish dyan lang sa tabi-tabi.

Meron akong kakilala na may allergy sa tahong pero pagdating sa tulya ay ayos lang.  Ano kaya 'yon?  Haha.  Di ko makonek ang kanyang allergy sa halos magkasingtulad na laman dagat.  Marahil ang tahong ay may ibang sangkap kaya't pakiramdam niya ay kumakapal ang kanyang labi kapag kinakain niya ito.  Pero ibang usapan daw kapag buhay na tahong ang kanyang kinakain.  Haha.

Anyways, mayaman sa iodine ang shellfish at dahil karamihan sa mga lalake ay mahilig sa ganitong uri ng pagkain, bibihira ang merong goiter sa lalake kumpara sa babae.  At dahil kailangan ng katawan natin ang iodine, hindi masamang makahiligan natin ang kumain ng shellfish.

Friday, August 14, 2015

Drinks


Malalaman mo daw ang sexual status ng isang tao sa pamamagitan ng inumin nito.  Hehe.

May kanya-kanya tayong preference pagdating sa inumin.  Kumbaga, comfort food ang usapin dito kaya’t kung maaari, gusto natin ay ang inumin na makapagpapasaya sa atin.

Minsan ay hindi natin iniisip na malaking bagay pala ang  inumin para sa ating well-being.  Kapag nagkakasayahan na, madalas ay hindi natin naiisip na baka ang inuming pinagpapakasasaan natin ay hindi pala mabuti ang dulot nito sa ating kalusugan.  Ang sabi naman ng iba, madalas daw kung ano ang bawal ay siyang masarap.

Pero papaano nga ba malalaman ang sexual status ng isang tao dahil sa inumin niya?  Simple lang.  Kapag wala pa daw experience ay 'juice' ang oorderin nito.  Kapag sanay o bihasa na, 'tsa-a' na ang paborito nito  Haha. 

Friday, August 7, 2015

Polvoron


Dati rati ay simpleng panghimagas lang ang polvoron na ginagawa sa bahay.  Naranasan ko pang gumagawa na sa pamamagitan nang pagsangag ng pulbos na gatas at saka hahaluan ng mani at asukal para sumarap.  Pero ngayon ay maraming iba't ibang flavors na ang lumalabas at isa na ito sa mga matatawag na patok na pasalubong.

Marahil kapag usapang polvoron, hindi mawawala sa ating alaala ang larong sisipol ka pagkatapos mong kumain ng polvoron.  Haha.  Malamang ay parte na ito ng ating kultura at masarap isipin na bata man o matanda ay alam ang larong ito.  

Ang pinakagusto ko sa polvoron ay hinahayaan ko itong matunaw sa bibig ko at hindi ko kailangang nguyain ito para makadami.  Masarap namnamin ang lasa at sarap nito lalo na kapag masarap ang pagkaluto.  Try mo minsan na gawin ito at malamang ay maaappreciate mo ang sarap ng polvoron.

Friday, July 31, 2015

Adidas


Kung mahilig ka sa sports, pwedeng umorder ng sports shoes online.  Pero kapag usapang 'adidas' sa Pinas, tinutuhog ito ng stick.

Walang makapagsasabi kung kelan nagsimulang gamitin ang salitang adidas na patungkol sa tatlong mahahabang daliri ng manok.  Actually, mahilig ang mga Pinoy na maggawa ng mga kakaibang pangalan sa iba't ibang mga bagay at kasama na dito ang mga pangalan sa pagkain.  Kaya nga kapag estranghero ka, tiyak na matatawa ka na lang kapag lingid sa iyong inaasahan ang mga salitang gamit ng iyong Pinoy na kausap.

Isa sa mga best seller ang pagkaing adidas na mabili lang diyan sa kanto.  Paborito itong iniihaw at kapag malupit ang lasa ng sawsawan  mo ay tiyak na dadami ang suki mo.  Kapag hindi mo pa natitikman ito, isa ito sa mga street food na di mo dapat palampasin.  At tiyak mapapajogging o mapapatakbo ka sa sarap.  Hehe.

Friday, July 24, 2015

Buttered Shrimp


Mabuti pa daw ang hipon at hindi nagrereklamo kahit buttered ito.  Haha.  Good joke or bad joke, nagpapatawa lang po para naman pampalubag sa isang stressful na araw.  Wala pong bad intention ang first sentence ng entry na ito.

Kadalasan sa mga event at handaan, mayroong lutong hipon lagi at hindi marahil mawawala ang buttered shrimp.  Kumpara sa sinigang na hipon, hindi kasi ganoon ka messy ang buttered shrimp considering na walang sabaw ito.  Aw, naglalaway na ako habang tinitingnan ang picture na ito.  Haha.  

Anyways, may mga kilala ako na talagang naduduling sa sarap lalo na kapag masarap ang pagkaluto ng buttered shrimp.  Napapapikit pa nga ang mga loko at habang may natitira pa ay hindi nila ito tatantanan.  Malamang nga ay may kanya-kanya tayong fave food.  Malas mo lang kung allergic ka sa hipon at hindi mo maeenjoy ang sarap na pinagpipiyestahan ng iba.  

Friday, July 17, 2015

Donut


Sino ba ang pwedeng tumanggi sa isang nakakatulong-laway treat na ito?

Halos lahat sa atin ay may sweet tooth at kapag isang pagkaing matamis ang usapan, isa marahil ang donut sa mga top picks na mapipili.  Sa paglipas ng panahon, laging mayroong bagong flavor at konsepto ng donut.  Dapat kapag donut lover ka ay up-to-date ka rin lagi sa latest fad ng pagkaing ito at talaga namang masasabi mong donuts are made from heaven.

Pero bakit nga ba ang ibang donuts ay may butas?  Hmmm.  Ang sabi ng iba ay para daw madaling hawakan ito.  Pero papaano mo ito mahahawakan nang maige kung naliligo naman ito sa chocolate o malagkit na coating?  May humirit naman bigla na bakit daw kailangang problemahin pa kung bakit may butas ang donut, hindi ba pwedeng kainin na lang at ienjoy ang pagkakataong iyon?  Haha.  Sya, sya, kainan na.

Friday, July 10, 2015

Balimbing


Ang balimbing ay kilala bilang starfruit o averrhoa carambola.  Sa Pilipinas ay madali itong alagaan at palaguin at kadalasan ay makikita ito sa ating bakuran lang.

Noong kabataan ko, kapag kapanahunan ng balimbing, talaga namang hindi kami magkakandaugaga sa pagsungkit o pag-akyat sa puno nito.  Marami kasing mga puno ng balimbing sa mga kapitbahay namin at dahil hindi naman binibili sa amin ang prutas na ito, magpaalam ka lang ay puwede ka nang manungkit o umakyat sa puno nito.

Ang madalas na kapartner nito ay asin.  Kapag matamis ang balimbing ay diretso kagat na kami.  Pero kapag medyo may kaasiman ay isinasawsaw sa suka muna para mas patok.  Ang ilan pa nga ay ginagawang minatamis ito.

Sa paglipas ng panahon, nagkaroon ng peste sa balimbing sa aming lugar kaya't simula noon ay hindi na napapakinabangan ang bunga ng punong ito.  Kapag umuuwi ako sa aming probinsiya ay hanggang alaala na lang ang mga prutas ng balimbing noong kabataaan ko.

One time, nang nagbakasyon ako sa Mindanao, muli akong nakakita ng balimbing sa katabing bahay nang tinutuluyan ko.  Dahil magkakilala ang mga tao sa probinsiya, madali akong nakahingi.  Talaga namang nanumbalik ang kabataan ko nang muli kong matikman ang sarap at asim ng balimbing lalo na iyong hinog na.  Pagkatapos ng maraming taon ay ngayon ko lang ulit natikman ang bungang ito.

Friday, July 3, 2015

Tortang Sardinas


Matagal ko nang narinig ang tungkol sa tortang sardinas pero kelan ko lang ito sinubukang gawin. 

May ilang mga kakilala ako na gustong-gusto nila ang tortang sardinas.  Masarap daw ito lalo na kapag ginigisa mo sa maraming sibuyas.  Ang amoy at lasa kasi ng sibuyas ang siyang pang-neutralize ng lasa at amoy ng sardinas.


Nang sinubukan kong gawin ito ay parang kumain pa rin ako ng sardinas na walang sauce.  Siyempre, sardinas nga e. Haha.  Dahil hindi ako mahilig kumain ng sibuyas, iginisa ko lang sa mantika ang sardinas at ilang sandali pa ay nilagyan ko na ito ng binateng itlog.  Ayun at napulaan tuloy ako ng kaibigan ko na di daw iyon ang tamang preparasyon.  Malamang next time ay lalagyan ko na ito ng tinadtad na sibuyas para lang makain ko ito nang hindi hinihiwalay ang sibuyas sa ulam.

Friday, June 26, 2015

Sayote


‘Ayan nga!’

Naagaw ang aking pansin ng isang babae na medyo napalakas ang boses habang inginunguso nito ang napiling ulam.  Napatingin ako sa aking katabi at nakita kong nakaarko ang kilay nito.  Ang lalakeng umaasikaso sa kanya ay nakangiti naman at hindi apektado sa mala-mataray na hitsura ng babae.

‘Sa ‘yo, ‘te?’


Narinig ko muli ang tanong ng lalakeng tindero at natatawa na ito.  Doon ko napagtanto na magkakilala pala ang dalawa at tipong isang normal na tagpo ito para sa kanila.  Ilang sandali pa ay nakita ko ang lalakeng tindero na sumasandok ng order ng babae at ako man ay natawa sa aking nakita.  Sayote pala ang order ng babae.

Wednesday, June 24, 2015

Mother and Child


Isang nakakaantig na larawan ang makita na mahimbing na natutulog ang isang bata sa piling ng kanyang ina.

Marahil, para sa isang bata, sapat na ang presensiya ng kanyang ina para maramdaman nito na secure siya.  Pero hindi pa na-program ang kanyang utak sa uri nang pagmamahal kung saan ay buong puso at kaluluwang ibinubuhos ng ina nito para sa kanya.  

Sa ating paglaki at pagtanda ay doon na lang natin nabibigyan ng pansin at paghahalaga ang natatanging pagmamahal ng ating ina.  Iyon bang tipong kahit buhay pa niya ang kapalit ay ibibigay niya ito sa atin sa ngalan ng pagmamahal.  At talagang napakasuwerte natin kapag naranasan natin ang ganoong pagmamahal ng ating ina.

Minsan ay hindi natin naibabalik ang ganitong klaseng pagmamahal sa ating ina.  Kadalasan kung saan huli na ang lahat, doon na lang natin naiisip na sana pala ay naibuhos din natin ang pagmamahal sa ating ina habang nabubuhay pa ito.  Sana kung naibalik man natin ang pagmamahal at pagpapahalagang iyon, marahil ay higit na magiging masaya ang ating mahal na ina.

Kaya, habang nabubuhay pa ang ating mahal na ina, sana ay hindi natin ipagdadamot ang pagmamahal na kaya nating ibigay sa kanya.   Sana ay maramdaman niya ito para naman sa mga nalalabi pa niyang mga araw na kapiling tayo ay masasabi niyang sulit ang kanyang buhay dahil minahal din natin siya nang lubos.

Tuesday, June 23, 2015

Foot Ambulance


Sa isang lugar kung saan ang mga taong nakatira ay nasa bundok o liblib na lugar, walang matinong transportasyon ang pwedeng magdala ng taong may sakit o ng patay kundi sa pamamagitan ng duyan.

Kapag naririnig natin ang salitang duyan, ito ay kadalasang tumutukoy sa isang bagay na ginagamit bilang pahingahan o tulugan.  Subalit sa mga liblib at mahirap na lugar sa ating bansa kung saan ay malayo sila sa bayan, ito ay kadalasang ginagamit bilang ambulansiyang de paa o foot ambulance.

Gamit ang duyan, karaniwang nagtutulung-tulong ang mga tao sa isang pamayanan upang dalhin ang kanilang kabarangay sa pinakamalapit na pagamutan o punerarya.  Dahil walang sasakyang magagamit sa pagtawid sa ilog at sa pagbaba-akyat sa bundok, ang duyan ang siyang mabisang paraan punan ang pangangailangang ito.  

Nakakalungkot mang isipin na marami pa rin sa ating mga kababayan na nakatira sa mga liblib na lugar ang hindi man lang makapasok sa clinic o pagamutan upang magpatingin sa doktor.  Kung kelan malala na ang kanilang kundisyon ay saka pa lang sila madadala sa isang pagamutan gamit ang duyan.  

Ang nakakatuwa lang sa ganitong pangyayari ay ang pagtutulong-tulong at pagsasama ng mga tao sa pamayanan na iyon upang mairaos nila ang pangangailang ng miyembro ng kanilang pamayanan.

Monday, June 22, 2015

Tag-ulan


Tag-ulan na naman at talamak na uli ang pagbaha.

Ang tao daw ay sadyang salawahan.  Sala sa init at sala sa lamig.  Kun todo reklamo kapag pinagpapawisan ang lahat ng singit sa katawan pero kapag lumamig naman ang panahon dahil sa ulan ay baha at hassle sa pagbiyahe naman ang idinadaing.  Pati tuloy ang panahon ay hindi alam kung papaanong pakisama ang gagawin sa mga taong mahilig magreklamo.  Hehe.

Kapag panahon ng tag-ulan, kesa sa magmukmok at magreklamo, dapat ay ienjoy na lang.  Masarap humigop ng mainit na sabaw lalo na kapag maanghang ito.  Masarap ang tsamporado kasama ang tuyo o daing.  Masarap ang mainit na kape o tsokolate lalo na kapag pinapagpapawisan ka.  Masarap ang maligo sa ulan na para bang bumalik ka sa iyong pagkabata.

Madaming pwedeng pagkakaabalahan kahit na panahon ng tag-ulan.  Kailangan lang ay madiskarte ka at magiging masaya ka sa iyong ginagawa.



Sunday, June 21, 2015

Buwis-Buhay


Kasama sa ating adventure ang buwis-buhay na mga bagay.

Paminsan-minsan, may mga challenge sa ating paglalagalag na kinakailangan nating gawin.  Kapag hindi kasi natin nagawa ito, darating ang sandali na manghihinayang tayo sa pagkakataong iyon.  Parang may kung anong kulang kumbaga sa lakad nating iyon at suwertehan na kung mauulit pa iyon.

Lakasan nang loob ika nga kapag may gagawin tayong isang bagay na sa tingin natin ay susubok sa ating kakayahan.  Kadalasan ay nakakainggit ang mga taong na tipong walang takot sa katawan at ang lahat ng bagay ay sinusubukan.  Pero kapag tayo na, nandoon na naiihi at kinakabog tayo dahil sa takot.

Pero siyempre hindi naman natin isusugal ang ating buhay.  Kailangan pag-isipan pa rin natin ang ating kaligtasan bago ang lahat.  Better safe than sorry, ika nga.  Dapat ay alam natin ang mga ligtas na puwedeng gawin bago tayo sumugal sa mga buwis-buhay na adventure.  At kung malalagpasan mo ito ay daig mo pa ang nanalo sa lotto.

Saturday, June 20, 2015

Aswang - 18


Pansiyam.  Isa daw sa mga mabisang pangontra sa aswang ay ang pagsasabit ng bawang.  Sa ibang mga bahay na aking napasok, halos ang bawat bintana nila ay may nakasabit na bungkos ng bawang at ganoon din ang kanilang pintuan.  Para ngang ginagawa nilang dekorasyon ang bawang sa kanilang bahay at obvious na naniniwala silang protektado ang loob ng kanilang bahay laban sa aswang.

Ang biro ng iba ay baka piniprito nila ang bawang at bahagi na ito ng kanilang diet dahil ang mga nakatira doon ay high blood.  Ang iba kasi ay ginagawang gamot sa high blood ang bawang.  O baka naman nagtitinda sila ng pritong mani at kailangan nila ang sandamakmak na bawang para sa kanilang paninda.  Hehe.

Pero mayroong flaw o butas ang ganitong paniniwala.  Mayroon kasi akong kakilala na pinapaniwalaang ‘aswang’ sa aming lugar.  Nang minsang makasabay ko siya sa palengke ay bumili rin ito ng bawang.  Gagamitin daw niya itong panggisa sa ulam nilang nilagang baka.  Haha. 

Pangsampu.  Pinapaniwalaan na sobrang malakas ang pang-amoy ng mga aswang lalo na sa mga buntis at bagong panganak na sanggol.  Pero malakas din daw ang kanilang pang-amoy sa mga nasusunog na plastic at goma.  Ayon sa lumang paniniwala sa amin, nanggagalaiti daw sa galit ang isang aswang at tipong manunugod daw ito ng sino mang magsusunog ng goma.  Haha.  Di ba nakakatawa ang ganitong paniniwala.  Kahit sino man sigurong makaamoy nang nasusunog na goma ay magagalit dahil sa matindi at nakakasulasok na amoy nito.  Kung baga, aswang man o ordinaryong tao ay hindi matutuwa kapag nakaamoy nang nasusunog na goma.  Kahit nga ang mga tao sa kalye sa tuwing may welga ng mga drivers ay nagagalit kapag nagsusunog ang mga protesters ng goma.

Panglabing-isa.  Hindi daw makakatagal sa loob ng simbahan ang isang aswang.  May nagsasabing para daw silang sinisilaban sa loob ng simbahan at hindi daw nila matatapos ang misa at kagyat na lalabas sila.  Kung baga ay hello at goodbye ang drama nila kapag napadaan sa simbahan. 

Personally ay hindi ako naniniwala sa ganitong sabi-sabi lang.  Mayroon kasi sa aming binabansagang isa sa mga mabangis na aswang pero miyembro siya ng samahan sa aming parokya kung saan ay aktibo siya sa simbahan.  Halos palagi siyang present sa lahat ng mga aktibidades ng simbahan at tumutulong talaga siya sa buong duration ng misa.  Kung totoo ang paniniwalang ito, disin sana ay hindi siya magiging bahagi ng mga gawain ng simbahan.

Panglabingdalawa.  Ang isa marahil sa mga hindi pangkaraniwang tanong ay kung papaano patayin ang isang aswang.  Kalimitan kasi ay mahaba daw ang buhay ng mga ito at hindi basta-basta namamatay kapag walang nasasalinan ng kanilang kapangyarihan.  Pero sa mga ordinaryong sitwasyon kung saan ito ay napapaaway habang siya ay isang aswang, hindi raw basta-basta ito mapapatay.

Sa pagkakataon na iyong masugatan daw ang isang aswang (kung anyong aswang siya sa pagkakataong iyon), dapat daw kinabukasan ay kailangang puntahan mo siya sa kanyang bahay at makita mo ito.  Ang ordinaryong pagkakataon na makita mo siya kung ikaw ang nakasugat sa kanya ay ang mabisang paraan daw para ito ay tuluyang mamatay.  Para daw isang sumpa ito sa kanila at dahil dito hindi ka nila papayagang madalaw sila kapag sila ay masugatan.


Kadalasan ay itinataas nila ang hagdan ng kanilang bahay para walang magtangkang umakyat sa kanilang bahay kahit sino pa man.  Kung hindi man, sinisigurado nilang nasa loob ng saradong silid ang sugatan nilang kamag-anak at walang sino man ang pwedeng makakita sa kanya maliban sa miyembro ng kanilang pamilya.  Sa ganitong paraan ay hindi daw magkatotoo ang paniniwalang mamamatay ang sugatan nilang kapamilya.

Friday, June 19, 2015

Pizza


Kapag paborito mo ang isang pagkain, kahit na uulit-ulitin mo pa ito ay hinding-hindi mo aayawan.

Sa paglipas ng mga taon, nagiging paborito ko na rin ang pizza.  Ang gusto ko sa pizza ay yaong madaming cheese at tipong maghihilaan kami ng pizza para malantakan ko ang nakakatakam na cheese nito.  Kahit kaunti lang ang toppings nito basta sagana sa cheese ay solve na ako.

Sa kabilang banda, ang ayaw ko naman ay ang thin crust at maasim ang timpla.  Kahit kelan ay hindi ko talaga maeenjoy ang ganitong pizza.  Kaya't kung may manlilibre at tipong di ko kursunada, kahit kilalang pizza chain pa yan ay di ko papatusin.  Haha.  Suplado ang dating.

Thursday, June 18, 2015

Claustrophobia


Kapag ikaw ay takot sa mga maliliit na espasyo, tiyak mahihilo at madali kang mataranta kung papasok ka sa isang lugar na madilim at makikipot ang daan.

Tiyak ay marami sa atin ay may kanya-kanyang phobia.  Ang sabi ng mga dalubhasa, may pinagmulan daw ang takot nating ito.  Dahil hindi natin ito nabibigyan nang pansin, lumaki at tumanda tayong hindi alam ang dahilan nito at dala-dala natin ito hanggang sa ating kamatayan.  Sa ating bansa, kakaunti lang ang may lakas nang loob na magpasuri sa mga dalubhasa upang matugunan ang kakaibang takot na ito.

Dati ay mayroon din akong ganitong problema.  Ang hirap huminga lalo na kapag sobrang masikip ang lugar na aking nadadaanan o napapasukan.  Dahil nga adventurer ako, sinikap kong labanan ito para naman maenjoy ko ang aking paglagalag.  Paminsan-minsan ay umaatake ang aking panic lalo na kapag naunahan ako nang kaba at tipong wala akong assurance na magiging okay ang lahat.  Pero sa unti-unting exposure ko sa mga masisikip at madidilim na lugar, bibihira na lang akong makaramdam ng claustrophobia.

Ang sabi nga, lakasan ng loob lang 'yan.  Kung palaging padadaig ka sa takot mo ay walang mangyayari sa 'yo.  Kung may oras at pagkakataon para malabanan mo ito, dapat mong i-grab ang sandaling iyon at sobrang heaven ang pakiramdam kung ito ay iyong mapagtagumpayan.

Wednesday, June 17, 2015

Pamaypay




Kapag sobrang init ng panahon, isa ang pamaypay sa pampapatid ng matinding init na ating nararamdaman.

Sa pagpaparamdam ng summer, talaga namang tagaktak ang ating pawis sa matinding init.  Kaya nga ang taas ng bayarin natin sa kuryente dahil halos 24/7 na gumagana ang aircon at electric fan sa bahay dahil pilit nating nilalaban ang init.  Ang iba sa atin ay halos gustong tumira na sa mga malls dahil libre ang lamig doon.  Hehe.

Dahil sa tropical na bansa tayo at nararanasan natin ang patuloy na pag-init ng panahon dulot ng climate change, halos minsan ay isumpa natin ang init ng panahon lalo na kapag gabi.  Kapag maalinsangan ang gabi at electric fan lang ang gamit mo, isa itong matinding parusa lalo na kapag kulob ang kuwarto mo.  Kahit na magpropotesta ka at gusto mong takasan ang halos nagliliyab mong lugar ay wala kang magawa dahil iyon lang ang meron ka.  Kaya’t isang malaking ginhawa na ang makaramdam ka nang malamig na ihip ng hangin.

Pero siguro kahit na gaano kainit ang panahon ay hindi mo nanaisin na gumamit ng pamaypay na nasa litrato.  Malamang ay mapapamura ka dahil sa halip na ginhawa ang aabutin mo ay sasakit pa ang kamay at balikat mo sa paggamit ng napakalaking pamaypay na ito.  Kumbaga, gud lak sa iyo kung ito ang pamaypay mo.  Haha.


Tuesday, June 16, 2015

Mask


Bawat isa daw sa atin ay nagsusuot ng mask o maskara.  Ito daw ay ating ginagawa para itago ang ibang parte ng ating mukha.

Base sa aking experience at ganoon din sa mga taong aking nakikilala, hindi nararapat na ipakita mo sa bawat isang tao na iyong nakakasalamuha ang iyong buong mukha.  Ang dahilan?  Magsisilbi kasing kahinaan mo ang pagpapakita ng buo mong mukha sa mga taong mayroong hindi magandang gawin sa iyo. 

Kaya’t habang maaari ay marapat lang na ipakita mo ang bahagi ng iyong mukha kung ano ang dapat mong ibahagi sa bawat nilalang na iyong makikilala at makakasalamuha.  Ito ay magsisilbi mong pananggalang at maging kalakasan mo rin sa mga darating pang araw.


Monday, June 15, 2015

Abs


Ang singular daw ng abs ay ab.  Hehe.

Kapag panahon ng summer, marami talaga ang naghahanda para idisplay at ipagmalaki ang kanilang abs.  Iyon bang tipong talagang kinakarir ang pagpapalaki ng katawan at ganoon din ang pagkakaroon ng maraming pandesal sa tiyan.  Dahil nagiging fad o trend ang ganitong klaseng pangangatawan, ang iba ay halos araw-arawin ang gym para lang magiging summer ready ang kanilang katawan.

Ang iba ay sadyang nagpapaganda ng katawan dahil gusto nilang idisplay ito.  Kung baga, mas binibigyan nila ng atensiyon ang sasabihin ng ibang tao tungkol sa kanilang katawan at hindi sa kung ano ang kanilang pagkatao.  Sa panahon ngayon kung saan naglilipana ang may mga pormang pandesal sa tiyan, -ano ang ikaaangat mo kung pare-pareho kayo ng hitsura? 

Pero marami din sa atin ang hindi napipressure sa ganitong ideya.  Kung baga, walang pakialaman sa trip.  E ano ngayon kung may 6 pack abs o 8 pack abs ka kumpara sa one big ab ko?  Haha.  Hindi naman doon nasusukat ang pagkalalake at pagkatao.  Ang mahalaga ay naeenjoy mo ang iyong bakasyon at nagiging makabuluhan ito sa iyo.


Sunday, June 14, 2015

Bagyo



Bawat isa sa atin ay may napagdaanan o may kasalukuyang hinaharap na bagyo sa ating buhay.

Ang bagyo ay isang natural na pangyayari na hindi pwedeng pigilan pero pwedeng paghandaan.  Malamang, para sa mga taong napasubsob na minsan ng isang matinding bagyo ay tiyak na hindi na nila muling hihilingin pang makaranas ng ganoong uri ng bagyo.  Sino nga naman ang uulit pa sa isang matinding bagyo lalo na kung isang paghinga mo na lang ay magsisilbing katapusan mo na pala?

Ang karaniwang naririnig nating kasabihan sa tuwing nakakaranas tayo ng mga pagsubok sa ating buhay ay 'Iginagawad daw ito sa atin ng Dakilang Lumikha para mas magiging matatag tayo at hindi daw Niya tayo bibigyan ng isang matinding pagsubok kung hindi natin ito makakaya.'  Puwedeng totoo ito para sa mga taong nakalagpas ng pagsubok pero papaano naman doon sa mga tuluyang nabuwal na?  Masasabi bang hindi sila karapat-dapat dahil bumigay sila sa sinasabing 'pagsubok' ng langit?

Sadyang walang sinasanto ang anumang pagsubok.  Kahit sino ay puwedeng makaranas nito.  Dito ay matatanto natin kung hanggang saan tayo kakapit at kung ano ang ating kakalabasan kapag nasa gitna na tayo ng unos.  Kung ano man ang ating magiging desisyon at mga hakbangin para malagpasan ang bagyo sa ating buhay ay nakadepende na ito sa atin.  At kadalasan kapag survival na ang pinag-uusapan, lahat ay gagawin natin para malagpasan ang bagyong iyon.


Saturday, June 13, 2015

Aswang - 17


Panlima.  Mayroon daw kakaibang langis na gamit ang mga aswang.  Ang sinasabing langis ay siyang ginagamit nila para magpalit ng anyo o gawing tagabulag ito para hindi sila makita ng ibang tao.  Pero ang pinakamabisang gamit daw nito ay sa tuwing mapapaaway sila.  Malamang kahit ordinaryong tao na maglalagay ng langis sa katawan ay isang bentahe ito para madulas siya at hindi basta-basta mahawakan at mahuli ng kanyang katunggali.  May isa lang problema ang aswang kung nagkataong maglalagay siya ng langis sa katawan.  Kailangan niyang mag-ingat sa taong may hawak na lighter, posporo, o sigarilyo dahil pwede siyang magliyab kapag madikita siya ng apoy ng mga ito.  Hehe.

Pang-anim.  Pang high level na daw ang uri ng isang aswang kapag nagagawa na nitong magpalit ng kanyang anyo.  Marami ang nagpapatotoo na nakakakita na sila ng mga hayop na hindi pangkaraniwang ang laki at anyo ng mga ito.  Kadalasan ay sa gabi nila nakikita ang mga ito lalo na kapag may buntis, bagong panganak, o di kaya’y may isang tao na may karamdaman sa isang bahay.  Ang halimuyak daw ng mga ito ay tipong isang nakakatakam na pagkain para sa mga aswang kaya’t hindi daw nila kayang tanggihan ang halina ng mga ito.  Kaya’t para makalapit sa mga ito ay nagpapalit sila ng anyo para hindi sila makilala ng mga tao. 

Karaniwang naririnig namin ay ang pagpapalit ng mga aswang sa anyo ng aso, pusa, baboy, manok, o ibon.  Malamang dahil sa pangkaraniwang hayop ang mga ito, hindi kaagad sila mapagkakamalan ng mga tao maliban na lang kung kakaiba ang laki at anyo ng mga ito.  Nakakatuwa sigurong isipin na ang isang aswang ay magpapalit ng anyo bilang isang butiki, tuko, langgam, o anumang insekto.  Tiyak nga naman na magiging obvious sila dahil kung magiging kasing laki ng aso ang isang butiki o langgam, tiyak na magkakagulo agad ang mga tao.  Haha.

Pampito.  Kapag nalalapit daw ang full moon ay doon lumalabas ang urge o pagnanasa ng isang aswang.  Kaya’t karaniwang panakot na sa mga bata ang huwag lumabas kapag kabilugan ng buwan dahil ang mga kauri ng aswang ay nagsisilabasan.  Hindi daw kasi nila macontrol ang pagnanasang ito at habang papalapit ang full moon ay mas lalong tumitindi daw ito lalo na sa mga bagong recruit na aswang pa lang. 

Para sa ilan, ang pagiging aktibo ng mga aswang kapag nalalapit ang full moon ay parang isang ‘sakit’ o ‘addiction’ na mahirap gamutin at labanan.  Sa panahong ito ay nagiging agresibo at lumalakas sila at sapantaha ng iba ay may kinalaman ang buwan sa ganitong klaseng behavior nila. 

Pero gaya din ng ilang mga obserbasyon tungkol sa mga aswang, wala pang naiireport na mayroong nabiktima ang isang aswang sa lugar namin.  Kahit na maraming mga tao ang ‘branded’ bilang aswang sa aming pamayanan, wala ni isa man sa kanila ang nahuli at may nakakita na nambibiktima sila ng mga tao.


Pangwalo.  Ang sabi-sabi, mayroon daw isang silid sa bahay ng mga aswang na sinisigurado nilang secured lagi.  Kung ang mga karaniwang silid ng bahay sa probinsiya ay open at halos kurtina lang ang harang nito, sa lahat daw ng oras ang mahalagang silid na ito ay laging nakasara at nakakandado lagi.  Lahat daw ng mga gamit nila na ayon sa kanilang pagiging aswang ay nakatago dito at hindi ito accessible sa ibang tao.

-to be continued-

Friday, June 12, 2015

Inihaw na Isda


Marahil ay literal nating masasabi na 'amoy pa lang ay ulam na' kapag inihaw na isda ang ating pag-uusapan. 

Iba talaga ang dulot na amoy ng sariwang isda kapag ito ay inihaw mo.  Sa amoy palang habang ito ay nakasalang, alam mo na sariwa ang isda.  Malamang ay unti-unti ka na ring ginugutom habang puro amoy ka lang muna.  Haha.

Ang masarap sa inihaw na isda ay dapat hindi tostado ang pagkaluto nito.  Hindi kasi masarap kumain ng uling o matigas na karne ng isda.  At kapag nakahain na ito, mas patok itong kainin agad habang mainit pa.  Medyo nakakabawas kasi ng sarap kapag ito ay lumamig na.  

Hay, mapapaekstra rice na naman ako nito kapag ito ang ulam ko.  Hehe.

Thursday, June 11, 2015

Kalayaan


Masarap na maranasan kung papaano magiging isang malaya.

Marami na akong nakilala na mga nagrerebelde sa kanilang pamilya at mga magulang dahil sa kalayaang nais nilang makamtan.  Sa tingin kasi nila, ang pagiging istrikto at paghihigpit sa kanila ay sumisikil sa kanilang bawat galaw at kalayaan.  Nais nila na kahit ano ang kanilang gawin at naisin, mayroon silang sapat na kalayaan na gawin ito.  Ayaw nilang sila ay narerendahan at napagsasabihan.

Ang pagiging malaya ay may kaakibat na responsibilidad.  Hindi porke't malaya ka na ay pwede mo nang gawin ang lahat na gusto mong naisin.  Kumbaga, walang absolute na kalayaan.

Dahil sa ganitong pag-aalburuto ng mga bata, kadalasang maririnig sa kanilang mga magulang ay ang mahalagang paalala sa cycle ng buhay.  Karaniwan nilang sinasabi na kapag panahon mo na ang magkaroon ng sariling pamilya at anak ay doon mo lang mauunawaan ang kahalagahan ng mga bagay na palaging tinuturo at ipinapaalala sa 'yo.  Na harinawa'y ang mga aral na ito ay magiging gabay mo darating na panahon at ang lahat ng ito ay ginagawa nila para sa iyong kapakanan at kaligayahan.


Tuesday, June 9, 2015

Panghihinayang


Ano ang isang bagay na talagang pinanghihinayangan mo?

Mayroon kaya sa atin na hindi pa nakakaranas na manghinayang sa isang bagay, tao, o pagkakataon?  Mapalad ba ang isang kagaya nila o mas higit na mapalad ang nakaranas na merong pinanghihinayangan?

Kadalasan ay pinanghihinayangan natin ang isang bagay, tao, o pangyayari dahil mahalaga ito para sa atin.  Nanghihinayang tayo dahil sa tingin natin ay hindi ito naaayon sa ating pananaw o kagustuhan.  At kung maaari lang na magawan natin nang paraan para maitama ang dapat, ito ay atin nang ginawa.

Pero ang sabi nga sa wikang English, "There's no use in crying over spilled milk."  Kapag ang pinanghihinayangan natin ay wala na talagang remedyo, ang tanging magagawa natin ay ang move forward.  Walang sense na habangbuhay tayong manghihinayang at magmukmok.  Malay mo, meron pang mas higit na mas mahalaga ang darating kapalit ng bagay na iyong pinanghihinayangan.

Monday, June 8, 2015

Father and Son


Nakakatuwang pagmasdan ang mag-amang ito habang nanonood ng kaganapan sa kahabaan ng isang kalye sa Manila.  Sobrang cool ang baby na nakaupo sa balikat ng kanyang daddy at matamang nanonood.  Sa ilang beses kong nasumpungan ang mag-ama, ni hindi ko nakitaan ng pag-aalburuto ang bata.  Malamang ay sanay na nga ito at lagi siyang sinasama ng kanyang daddy sa out of the country excapades nito.

Nakakatuwang isipin na ang mga foreigners na tulad nito ay hindi nahirapang bitbitin ang kanilang anak sa kanilang paggala.  Napakasuwerte ng mga bata dahil sa murang edad nito ay naiexpose na agad siya sa iba't ibang lugar at maging sa iba't ibang tao.  Kaya nga siguro madali silang mag merge at makisalamuha sa ibang tao dahil bata palang ay inalalayan na sila ng kanilang mga magulang sa pakikipaghalubilo.

Sunday, June 7, 2015

Tambay


Ang bawat isa sa atin marahil ay may paboritong tambayan.

Ang isang tambayan ay ginagawa nating paraan para pampalipas ng oras at para na rin makapag-unwind.  Kadalasan ay may mga bagong tao tayong nakilala sa tambayan na siyang magbibigay ng ibayong kulay at dahilan kung bakit hahanap-hanapin natin ang lugar na iyon.

Ang iba naman ay negatibo ang dating ng salitang 'tambay.'  Karaniwan kasi itong nauugnay sa mga taong walang trabaho at inuubos ang buong araw sa pagtambay lang.  Ang tawag nga ng iba sa amin sa mga taong taong tambay ay pensionado o di kaya'y don.  Pensionado dahil hindi sila namomroblema sa kanilang pang-araw araw na gastusin at puro hingi  na lang sila ng pera sa kanilang mga magulang.  Don naman ang tawag sa mga taong doon na nakatira sa tambayan.  Haha.

Ang pagtambay ay isa sa mga social activities natin para naman lumago ang ating pakikipagkapwa tao.  Ang iba naman ay tumatambay dahil sila ay nagmumuni-muni at kailangan nilang magrelax.  Ang iba ay simpleng nagpapalipas lang ng oras.  At ang iba ay ginagawa nang buhay ang pagtambay. Pero maging ano man ang dahilan ng ating pagtambay, sana ay magiging makabuluhan ito para naman hindi masayang ang bawat mahalagang sandali na lumilipas.

Saturday, June 6, 2015

Aswang - 16


Sa mga pagdaan ng panahon, nakakamiss din ang mga umpukan lalo na kapag maliwanag ang buwan at walang magawa.  Noong hindi pa kasi nagkakaroon ng kuryente sa aming lugar, ang isa sa mga paborito kong past time ay ang makinig sa mga kababalaghang kwento ng mga nakakatanda sa amin.  Ang iba sa kanila ay mayroon daw karanasan o alam tungkol sa mga ‘aswang’ at pati na sa iba pang mga elemento.  At kapag maliwanag ang buwan, marami kaming nag-uumpukan para makinig sa kanilang kwento.

Ang ilan sa mga sariwa pa sa aking alaala tungkol sa mga kwentong aswang ay kung papaano sila kumukuha ng kanilang pagkain, ano ang nakikita ng kanilang mga mata, papaano sila nagpapalit ng anyo, ang lihim ng isang kuwarto sa kanilang bahay, kung papaano magiging aswang ang isang ordinaryong tao, at kung papaano sila mamamatay.

Una.  Para daw maging aswang ang isang tao, kailangan nitong tumanggap ng isang bagay mula sa isang aswang.  Ang karaniwang sinasaad sa mga kwento ay may parang isang maliit na sisiw na ipapasa ng isang aswang sa isang tao para ilipat o ipamana ang kanyang pagka-aswang bago ito mamamatay.  Pero kailangan daw na malakas ang pangangatawan at espiritu ng taong tatanggap nito dahil kapag hindi ito kinaya ng kanyang katawan, unti-unti siyang manghihina hanggang sa siya ay mamamatay.  Ang iba naman ay nagsasabi na sa pamamagitan ng laway ng isang aswang ay pwedeng mahawa ang isang tao.  Kaya nga ang bilin sa amin ay huwag uminum at kakain ng malamig na pagkain at inumin mula sa hindi mo kilala para hindi ka mabiktima ng aswang.  At huwag kang makikipaghalikan sa hindi mo kilala at baka malawayan ka ng wala sa oras at ikaw ay maging isang aswang.  Hehe.

Pangalawa.  Malalaman mo daw na may pagka-‘aswang’ ang isang tao dahil hindi ito makatingin nang diretso sa mga mata ng kanyang kausap.  Madalas ay palihis itong tumingin at hindi nag-eestablish ng eye contact.  Kumbaga, siya ang tipo ng tao na hindi mo mapagkakatiwalaan.  Kapag tinititigan mo daw maige ang mga mata nito, makikita mo daw ang iyong sarili na baligtad. 

Pero may humihirit sa ganitong issue.  Matatawag daw bang ‘aswang’ ang isang kausap kong ang taong iyon ay sadyang mahiyain at hindi makatingin ng diretso?  Papaano naman daw ang isang duling na tao,  paano mo daw malalaman na aswang ito dahil hindi ito makatingin ng diretso sa iyo?  Haha.

Pangatlo.  Ang iba daw sa kanila ay may mga alagang hayop na iba sa karaniwan gaya ng buwaya, uwak, kuwago, at kung anu-ano pa.  Kanila daw nakokontrol ang pag-iisip ng mga hayop na ito at tipong kaya nilang utusan sa kung ano man ang kanilang nananaisin.  Kaya nga kapag nakakakitaan ng mga hindi ordinaryong alagang hayop ang isang tao, mabilis na pinag-iisipan agad siya ng ibang mga tao na ito ay isang aswang. 

Mabuti na lang at sa paglipas ng panahon ay unti-unting nabubuksan ang ating kamalayan tungkol sa pag-aalaga ng mga hindi ordinaryong hayop.  Gaya na lang ng buwaya kung saan ito ay pinagkakakitaan dahil mahal ang pagbenta ng balat nito at ngayon ay kinakain na rin ang karne nito gaya ng ordinaryong mga hayop.  Napatunayan din na isang pambihirang pagkakataon ang makapag-alaga ng uwak dahil ang ibon na ito ay isa sa pinakamatalinong ibon sa buong mundo.  At mabuti na lang kamo at lumabas si Harry Potter dahil ang kuwagong napapanood natin doon ay hindi naman pala talaga nakakatakot gaya ng aming naririnig kapag may umpukan at kwentuhan tungkol sa mga aswang.

Pang-apat.  Nakakakiliti ng imahinasyon ang kwento kung papaanong naghahagilap ng kanilang makain ang mga aswang.  Ayon sa mga palasak na alam ng mga tao sa amin, ang karne ng tao na kanilang makukuha ay kanila itong ginagawang isda o anumang pagkain na kanilang nanaisin.  Ang siste ay tatakpan daw nila ito ng itim na tela at kanila itong dadasalan habang patuloy nilang hinahakbangan ito nang paulit-ulit hanggang sa magpalit ang anyo ng karne ng tao sa gusto nilang kapalit nito.  Walang makapagsasabi sa amin kung meron bang ibang tao na naka-witness nito at lumabas ang ganitong kwento.

Pero kapag tinatanong na namin sila na meron na bang nareport o meron ba silang nalaman na pinatay, kinatay, o nilapa ng aswang ang isang tao, walang makapagsasabi nang tuwiran kung totoo nga ito.  Ang karaniwang depensa nila sa ganitong pag-uusisa ay meron daw na nakukuhang parte ng katawan ng tao ang isang aswang na hindi nakikita ng mga ordinaryong mga mata.  At ang karne na kanilang makukuha ay siyang pagpipiyestahan ng mga aswang.


Ang sabi ng iba, kapag nakakain ka daw ng karne ng isang tao, kapag hindi ka isang aswang ay tiyak na malalagas ang ngipin mo.  Pero may isang pilosopong humirit na hindi daw totoo ito dahil sa dami ng mga tao na mahilig ‘kumain’ ng karne ng ibang tao kahit na hindi sila aswang, dapat daw ay bungal na ang lahat ng mga tao na gumagawa nito.  Haha.  May tama nga naman ang sinasabi niya kung nakukuha mo ang ibig niyang sabihin.

-to be continued-

Friday, June 5, 2015

Langka


Isa ang langka sa mga abundant na gulay na meron sa aming lugar at available ito sa buong taon.  Dahil nakasanayan nang iluto ito sa amin, asahan mong sa pagpitas ng isang buong langka ay ilang araw ding puro langka ang gulay namin para hindi masayang ito.

Kalimitan sa inihahanda naming luto ay ginataang langka, nilagang karne na sinahugan ng langka, at langka na may kadios.  Dati ay hirap akong kumain ng langka dahil sa malalaking hiwa nito.  Pero dahil sa pagnanais kong maenjoy ang pagkaing ito, nagtadtad ako ng langka at saka ko inihalo sa dinuguan.  Wow, sarap!  Naging instant hit din ito sa pamilya ko dahil hindi nga naman hirap isubo ang maliliit na hiwa ng langka.

Pero ang sabi nga, kailangan din daw nating mag-ingat sa langka.  Iwasan daw na magtatambay sa ilalim ng puno ng langka at kapag nalaglag ang bunga nito sa mukha mo, tiyak alam mo na ang mangyayari sa iyo.  Haha.

Thursday, June 4, 2015

Ikaw


Ano ang meron sa picture pero wala naman pala?

Nakakatuwang isipin na minsan ay pakiramdam natin kumpleto na pala ang ating buhay.  Buo ang pamilya, nandiyan ang mga kaibigan, ayos ang trabaho, at talagang masasabi nating masaya ang buhay.  Pero dumarating ang sandali na meron pala tayong hahanapin.

Siguro ay hindi mahirap sagutin ang tanong sa unang linya ng entry na ito.  Masarap isipin na 'ikaw' ang siyang makakasama sa bawat sandali na lumilipas.  At marahil kung nandito ka, tiyak 'ikaw' ang pupuno sa espasyong nandiyan sa picture at hindi ang isang letra.

Wednesday, June 3, 2015

Cactus


Minsan ay merong nagtanong.  Kung nagkasala ka raw at paparusahan, ano ang pipiliin mo?  Tutusukin ka ng cactus sa puwet o tutusukin ka ng bubuyog sa puwet?  Haha.  Dahil libre naman at tipong usapang lasing lang, lahat yata ng maisip na katarantaduhan ay puwedeng gawan ng kuwento at sitwasyon.

Kung natusok ka na ng cactus, tiyak na hindi mo ito pipiliin dahil sa masakit ang matinik dito.  Iyon bang tipong ilang minuto na ang nakalipas ay ramdam mo ang bawat pintig ng sakit na patuloy na nagpapasakit sa iyo.  At isang tinik pa lang iyon.  Ano pa kaya kung buong cactus ang sumayad sa katawan mo, lalo na sa puwet mo.  Talagang hindi mo nanaisin na matusok nito.

Siguro, mas nakalalamang ang maraming magpapatusok sa bubuyog dahil iisa lang ang karayom nito.  Hindi gaya sa cactus na sangkaterbang tinik ang magpapahiyaw sa iyo.  Pero siyempre, minsan ang isang obvious na sitwasyon gaya ng isang kuwento ay mayroong twist para naman mas challenging.  Papayag ka kayang magpapatusok sa puwet gamit ang bubuyog kung si Jollibee ang gagawa noon sa iyo?  Haha.