Friday, November 13, 2015

Pagkain at Bulaklak


Parte na ng kaugalian natin ang mag-alay ng bulaklak at pagkain sa ating mga mahal sa buhay na pumanaw na.  Ang paghain ng pagkain ay namana daw natin sa mga Chinsese samantalang ang bulaklak naman ay sa mga puti. 

Minsan ay may pumuna sa isang tao na may dalang pagkain sa sementeryo.  Ang sabi ng pumuna ay imposible daw na matitikman o malanghap man lang ng patay ang dala nitong pagkain. Ang balik naman ng pinunang tao ay imposible din daw na malanghap ng patay ang dalang bulaklak ng taong pumuna sa kanya.


Ang mga bagay na ating nakagawian ay minana lang natin o tayo ay naimpluwensiyahan ng ibang tao.  Marahil ay sumasang-ayon sa ating paniniwala ang mga gawaing ito kaya’t atin din itong pinapraktis.  Sa ibang tao ay wala itong basehan at lalong wala itong tuwirang ipinapakitang katotohanan, ang mahalaga ay hindi natin nakakalimutan ang mga mahahalagang tao na naging bahagi na ng ating buhay at napamahal na sa atin.  Kung ano man ang klase ng pamamaraan para patuloy silang buhay sa ating alaala at isipan, siguro ay respeto na lang sa trip ng ibang tao.  Walang pakialamanan kumbaga dahil wala namang natatapakan o nasasagasaang ibang tao.

No comments:

Post a Comment