Friday, July 10, 2015

Balimbing


Ang balimbing ay kilala bilang starfruit o averrhoa carambola.  Sa Pilipinas ay madali itong alagaan at palaguin at kadalasan ay makikita ito sa ating bakuran lang.

Noong kabataan ko, kapag kapanahunan ng balimbing, talaga namang hindi kami magkakandaugaga sa pagsungkit o pag-akyat sa puno nito.  Marami kasing mga puno ng balimbing sa mga kapitbahay namin at dahil hindi naman binibili sa amin ang prutas na ito, magpaalam ka lang ay puwede ka nang manungkit o umakyat sa puno nito.

Ang madalas na kapartner nito ay asin.  Kapag matamis ang balimbing ay diretso kagat na kami.  Pero kapag medyo may kaasiman ay isinasawsaw sa suka muna para mas patok.  Ang ilan pa nga ay ginagawang minatamis ito.

Sa paglipas ng panahon, nagkaroon ng peste sa balimbing sa aming lugar kaya't simula noon ay hindi na napapakinabangan ang bunga ng punong ito.  Kapag umuuwi ako sa aming probinsiya ay hanggang alaala na lang ang mga prutas ng balimbing noong kabataaan ko.

One time, nang nagbakasyon ako sa Mindanao, muli akong nakakita ng balimbing sa katabing bahay nang tinutuluyan ko.  Dahil magkakilala ang mga tao sa probinsiya, madali akong nakahingi.  Talaga namang nanumbalik ang kabataan ko nang muli kong matikman ang sarap at asim ng balimbing lalo na iyong hinog na.  Pagkatapos ng maraming taon ay ngayon ko lang ulit natikman ang bungang ito.

No comments:

Post a Comment