Sunday, June 14, 2015

Bagyo



Bawat isa sa atin ay may napagdaanan o may kasalukuyang hinaharap na bagyo sa ating buhay.

Ang bagyo ay isang natural na pangyayari na hindi pwedeng pigilan pero pwedeng paghandaan.  Malamang, para sa mga taong napasubsob na minsan ng isang matinding bagyo ay tiyak na hindi na nila muling hihilingin pang makaranas ng ganoong uri ng bagyo.  Sino nga naman ang uulit pa sa isang matinding bagyo lalo na kung isang paghinga mo na lang ay magsisilbing katapusan mo na pala?

Ang karaniwang naririnig nating kasabihan sa tuwing nakakaranas tayo ng mga pagsubok sa ating buhay ay 'Iginagawad daw ito sa atin ng Dakilang Lumikha para mas magiging matatag tayo at hindi daw Niya tayo bibigyan ng isang matinding pagsubok kung hindi natin ito makakaya.'  Puwedeng totoo ito para sa mga taong nakalagpas ng pagsubok pero papaano naman doon sa mga tuluyang nabuwal na?  Masasabi bang hindi sila karapat-dapat dahil bumigay sila sa sinasabing 'pagsubok' ng langit?

Sadyang walang sinasanto ang anumang pagsubok.  Kahit sino ay puwedeng makaranas nito.  Dito ay matatanto natin kung hanggang saan tayo kakapit at kung ano ang ating kakalabasan kapag nasa gitna na tayo ng unos.  Kung ano man ang ating magiging desisyon at mga hakbangin para malagpasan ang bagyo sa ating buhay ay nakadepende na ito sa atin.  At kadalasan kapag survival na ang pinag-uusapan, lahat ay gagawin natin para malagpasan ang bagyong iyon.


No comments:

Post a Comment