Saturday, January 24, 2015

Kalabaw


Bakit daw dinadala ang kalabaw sa ilog?  Kasi alangan namang dadalhin mo ang ilog sa kalabaw.  Haha.

Ang kalabaw ang siyang pangunahing hayop na tumutulong sa ating mga magsasaka para mapakinabangan ang mga lupa at bukirin.  Bago pa mauso ang mga modernong kagamitan sa pagsasaka, ang kalabaw ang siyang nagiging katulong ng mga magsasaka para ang lupang sakahan ay mapakinabangan at makapagtanim ng palay at mga sari-saring produktong pang-agrikultura.  Marahil kung wala ang kalabaw ay pwede namang gamitin ang baka.  Hehe.  Marahil kung wala ang kalabaw ay tiyak na hirap ang ating mga magsasaka.

Pero sa paglipas ng panahon at sa pagdating ng mga modernong kagamitan, ang iba sa ating mga magsasaka ay mas ninanais na gumamit ng mga modernong gamit sa pagsasaka.  Masyado daw matrabaho ang pagkakaroon ng hayop gaya ng kalabaw dahil kailangan mo pang pakainin ito at ipastol.  Hindi gaya ng traktora na gasolina lang ay gagana na ito.

Ganoon pa man, hindi lahat ng mga magsasaka ay sumasabay sa modernisasyon.  Marami pa ring mga tradisyonal na mga magsasaka ang siyang gumagamit ng kalabaw lalo na iyong nasa malalayo at liblib na lugar.  At dahil hindi lang pag-aararo ng bukid ang silbi ng kalabaw, mas higit itong kapani-pakinabang sa magsasaka at sa kanyang pamilya.

No comments:

Post a Comment