Saturday, June 20, 2015

Aswang - 18


Pansiyam.  Isa daw sa mga mabisang pangontra sa aswang ay ang pagsasabit ng bawang.  Sa ibang mga bahay na aking napasok, halos ang bawat bintana nila ay may nakasabit na bungkos ng bawang at ganoon din ang kanilang pintuan.  Para ngang ginagawa nilang dekorasyon ang bawang sa kanilang bahay at obvious na naniniwala silang protektado ang loob ng kanilang bahay laban sa aswang.

Ang biro ng iba ay baka piniprito nila ang bawang at bahagi na ito ng kanilang diet dahil ang mga nakatira doon ay high blood.  Ang iba kasi ay ginagawang gamot sa high blood ang bawang.  O baka naman nagtitinda sila ng pritong mani at kailangan nila ang sandamakmak na bawang para sa kanilang paninda.  Hehe.

Pero mayroong flaw o butas ang ganitong paniniwala.  Mayroon kasi akong kakilala na pinapaniwalaang ‘aswang’ sa aming lugar.  Nang minsang makasabay ko siya sa palengke ay bumili rin ito ng bawang.  Gagamitin daw niya itong panggisa sa ulam nilang nilagang baka.  Haha. 

Pangsampu.  Pinapaniwalaan na sobrang malakas ang pang-amoy ng mga aswang lalo na sa mga buntis at bagong panganak na sanggol.  Pero malakas din daw ang kanilang pang-amoy sa mga nasusunog na plastic at goma.  Ayon sa lumang paniniwala sa amin, nanggagalaiti daw sa galit ang isang aswang at tipong manunugod daw ito ng sino mang magsusunog ng goma.  Haha.  Di ba nakakatawa ang ganitong paniniwala.  Kahit sino man sigurong makaamoy nang nasusunog na goma ay magagalit dahil sa matindi at nakakasulasok na amoy nito.  Kung baga, aswang man o ordinaryong tao ay hindi matutuwa kapag nakaamoy nang nasusunog na goma.  Kahit nga ang mga tao sa kalye sa tuwing may welga ng mga drivers ay nagagalit kapag nagsusunog ang mga protesters ng goma.

Panglabing-isa.  Hindi daw makakatagal sa loob ng simbahan ang isang aswang.  May nagsasabing para daw silang sinisilaban sa loob ng simbahan at hindi daw nila matatapos ang misa at kagyat na lalabas sila.  Kung baga ay hello at goodbye ang drama nila kapag napadaan sa simbahan. 

Personally ay hindi ako naniniwala sa ganitong sabi-sabi lang.  Mayroon kasi sa aming binabansagang isa sa mga mabangis na aswang pero miyembro siya ng samahan sa aming parokya kung saan ay aktibo siya sa simbahan.  Halos palagi siyang present sa lahat ng mga aktibidades ng simbahan at tumutulong talaga siya sa buong duration ng misa.  Kung totoo ang paniniwalang ito, disin sana ay hindi siya magiging bahagi ng mga gawain ng simbahan.

Panglabingdalawa.  Ang isa marahil sa mga hindi pangkaraniwang tanong ay kung papaano patayin ang isang aswang.  Kalimitan kasi ay mahaba daw ang buhay ng mga ito at hindi basta-basta namamatay kapag walang nasasalinan ng kanilang kapangyarihan.  Pero sa mga ordinaryong sitwasyon kung saan ito ay napapaaway habang siya ay isang aswang, hindi raw basta-basta ito mapapatay.

Sa pagkakataon na iyong masugatan daw ang isang aswang (kung anyong aswang siya sa pagkakataong iyon), dapat daw kinabukasan ay kailangang puntahan mo siya sa kanyang bahay at makita mo ito.  Ang ordinaryong pagkakataon na makita mo siya kung ikaw ang nakasugat sa kanya ay ang mabisang paraan daw para ito ay tuluyang mamatay.  Para daw isang sumpa ito sa kanila at dahil dito hindi ka nila papayagang madalaw sila kapag sila ay masugatan.


Kadalasan ay itinataas nila ang hagdan ng kanilang bahay para walang magtangkang umakyat sa kanilang bahay kahit sino pa man.  Kung hindi man, sinisigurado nilang nasa loob ng saradong silid ang sugatan nilang kamag-anak at walang sino man ang pwedeng makakita sa kanya maliban sa miyembro ng kanilang pamilya.  Sa ganitong paraan ay hindi daw magkatotoo ang paniniwalang mamamatay ang sugatan nilang kapamilya.

No comments:

Post a Comment