Friday, October 23, 2015

Apple


‘One apple plus one apple?’ 

Eto ang paboritong kuwento na isini-share ng aming kapitbahay na teacher sa tuwing may mga umpukan at katuwaan.  Noong nag-aaral daw siya sa grade one ay ito ang naging tanong sa kanya ng kanyang guro.  Dahil sa hindi pa raw siya ganoon ka seryoso sa pag-aaral at hirap siya sa mga numero, madalas daw ay sumasabit sa gilid ng bangin ang kanyang grade sa Math.  Kaya’t kapag numbers na raw ang pinag-uusapan ay todong balisa na agad ang kanyang pakiramdam.

‘Ma’am, may I go out.’ 

Ang hirit niya sa kanyang guro sabay talilis agad.  Dahil sa malapit lang sa school ang kanilang bahay, ang madalas daw niyang takbuhan ay ang kanyang nanay.  Natatawa na lang daw ang kanyang nanay sa tuwing makikita ang hitsura nito na animo’y natatae dahil pinagpapawisan ito ng todo.

‘Two apples, anak.’

Sa tuwing masasagot ng kanyang nanay ang Math question ay tuwang-tuwa siya at mabilis pa sa alas-quatro kung ito ay tumakbo pabalik sa school.  Para daw siyang isang henyo dahil alam niyang tama lagi ang sagot ng kanyang nanay.

‘One banana plus one banana?’

Patay!  Iba na ang question ng kanyang teacher nang makita siyang nakabalik na sa loob ng kanilang silid.  Pakiramdam daw niya ay para uli siyang matatae at nagsimula na namang lumitaw ang pawis sa kanyang noo.

‘Ma’am, apple lang po ang alam ko.’

Haha.  Sa tuwing binibitawan nito ang kanyang punchline ay asahan mong hagalpakan na kami ng tawa.  Sadyang walang kupas talaga ang joke na iyon ng teacher naming kapitbahay.  Noong una ay ayaw ko pang maniwala subalit true to life experience pala niya talaga iyon.

No comments:

Post a Comment