Showing posts with label nature. Show all posts
Showing posts with label nature. Show all posts

Monday, June 22, 2015

Tag-ulan


Tag-ulan na naman at talamak na uli ang pagbaha.

Ang tao daw ay sadyang salawahan.  Sala sa init at sala sa lamig.  Kun todo reklamo kapag pinagpapawisan ang lahat ng singit sa katawan pero kapag lumamig naman ang panahon dahil sa ulan ay baha at hassle sa pagbiyahe naman ang idinadaing.  Pati tuloy ang panahon ay hindi alam kung papaanong pakisama ang gagawin sa mga taong mahilig magreklamo.  Hehe.

Kapag panahon ng tag-ulan, kesa sa magmukmok at magreklamo, dapat ay ienjoy na lang.  Masarap humigop ng mainit na sabaw lalo na kapag maanghang ito.  Masarap ang tsamporado kasama ang tuyo o daing.  Masarap ang mainit na kape o tsokolate lalo na kapag pinapagpapawisan ka.  Masarap ang maligo sa ulan na para bang bumalik ka sa iyong pagkabata.

Madaming pwedeng pagkakaabalahan kahit na panahon ng tag-ulan.  Kailangan lang ay madiskarte ka at magiging masaya ka sa iyong ginagawa.



Sunday, June 14, 2015

Bagyo



Bawat isa sa atin ay may napagdaanan o may kasalukuyang hinaharap na bagyo sa ating buhay.

Ang bagyo ay isang natural na pangyayari na hindi pwedeng pigilan pero pwedeng paghandaan.  Malamang, para sa mga taong napasubsob na minsan ng isang matinding bagyo ay tiyak na hindi na nila muling hihilingin pang makaranas ng ganoong uri ng bagyo.  Sino nga naman ang uulit pa sa isang matinding bagyo lalo na kung isang paghinga mo na lang ay magsisilbing katapusan mo na pala?

Ang karaniwang naririnig nating kasabihan sa tuwing nakakaranas tayo ng mga pagsubok sa ating buhay ay 'Iginagawad daw ito sa atin ng Dakilang Lumikha para mas magiging matatag tayo at hindi daw Niya tayo bibigyan ng isang matinding pagsubok kung hindi natin ito makakaya.'  Puwedeng totoo ito para sa mga taong nakalagpas ng pagsubok pero papaano naman doon sa mga tuluyang nabuwal na?  Masasabi bang hindi sila karapat-dapat dahil bumigay sila sa sinasabing 'pagsubok' ng langit?

Sadyang walang sinasanto ang anumang pagsubok.  Kahit sino ay puwedeng makaranas nito.  Dito ay matatanto natin kung hanggang saan tayo kakapit at kung ano ang ating kakalabasan kapag nasa gitna na tayo ng unos.  Kung ano man ang ating magiging desisyon at mga hakbangin para malagpasan ang bagyo sa ating buhay ay nakadepende na ito sa atin.  At kadalasan kapag survival na ang pinag-uusapan, lahat ay gagawin natin para malagpasan ang bagyong iyon.


Tuesday, June 9, 2015

Panghihinayang


Ano ang isang bagay na talagang pinanghihinayangan mo?

Mayroon kaya sa atin na hindi pa nakakaranas na manghinayang sa isang bagay, tao, o pagkakataon?  Mapalad ba ang isang kagaya nila o mas higit na mapalad ang nakaranas na merong pinanghihinayangan?

Kadalasan ay pinanghihinayangan natin ang isang bagay, tao, o pangyayari dahil mahalaga ito para sa atin.  Nanghihinayang tayo dahil sa tingin natin ay hindi ito naaayon sa ating pananaw o kagustuhan.  At kung maaari lang na magawan natin nang paraan para maitama ang dapat, ito ay atin nang ginawa.

Pero ang sabi nga sa wikang English, "There's no use in crying over spilled milk."  Kapag ang pinanghihinayangan natin ay wala na talagang remedyo, ang tanging magagawa natin ay ang move forward.  Walang sense na habangbuhay tayong manghihinayang at magmukmok.  Malay mo, meron pang mas higit na mas mahalaga ang darating kapalit ng bagay na iyong pinanghihinayangan.

Tuesday, June 2, 2015

Kabilugan ng Buwan



Sa kabilugan ng buwan, hindi po totoong lumalabas si batman o ang isang kampon ng kadiliman na kilala natin bilang manananggal.  Pero may kalahi si batman na kusang lumalabas kapag sumasapit ang dilim at sila ay nanginginain.  Pero hindi sila kumakain ng tao at hindi dapat sila kakatakutan.

Kapag kabilugan ng buwan ay madalas na ipinapanakot sa amin ang paglabas ng aswang (o di kaya'y manananggal sa ibang mga probinsiya naman).  Pero sa totoo lang, magpahanggang ngayon ay wala pa rin namang napapatunayan na aswang ang isang tao maliban na lang sa stigmang dulot ng kanilang angkan.  At mas lalong wala pa ring napapatunayan na kumakain ang mga ito ng tao lalo na kapag kabilugan ng buwan.

Ang totoo niyan kapag kabilugan ng buwan ay masarap ang mamasyal lalo na kapag ang isang lugar ay hindi naiilawan ng kuryente.  Ang liwanag na nagmumula sa buwan ang siyang nagsisilbing ilaw para maaliwalas na makita ang dadaanan.  Ang sabi nga sa amin, huwag kang matakot sa aswang o sa multo.  Mas matakot ka sa kapwa mo tao dahil sila ang siyang may kakayahan para gawan ka nang hindi maganda.



Thursday, May 7, 2015

Sunrise


Ilan ba sa atin ang nagkakaroon nang pagkakataon na i-witness ang isang magandang likha ng kalikasan?  Isang magandang bukang liwayway na may hatid na bagong sigla at pag-asa.

Masarap ang matulog nang mahimbing lalo na kapag malamig ang panahon o di kaya'y malamig ang silid tulugan mo.  Malamang magkatulad tayo ng bisyo na kapag walang pasok ay tinatamad bumangon ng maaga at gustong magbabad lang sa higaan.  Pero sa dinadami-dami ng umagang dumaan sa ating buhay, may magandang biyaya pala ang kalikasan na ating pinapalampas.

Sa pagsikat ng haring araw, isang magandang tanawin ang naghihintay sa atin.  Kapag ating masilayan kung papaanong nagbabago ang kulay ng kalangitan at ang unti-unting paglaho ng dilim para magbigay daan sa liwanag, tiyak na magdudulot ito nang panibagong sigla at pag-asa sa atin.  Kaya't kung may pagkakataon ka ay di mo dapat palampasin na madampian ang iyong mukha nang pagsikat ng araw at tanggapin ang biyayang nakalaan sa iyo sa araw na iyon.

Monday, April 27, 2015

Summer Time


Summer time na naman at ang madalas at paboritong gawin ay ang maligo sa dagat.  Dahil mahabahaba ang summer, kadalasan ay kaliwa't kanan ang mga gimik kasama ang pamilya at mga barkada.  Kumbaga, perfect bonding moment ito kasama ang mga mahal mo sa buhay.

Hindi naman importante kung saang dagat ka naligo (huwag lang sa malangis, maitim, at puro basurang dagat op kors) basta malinis ito at kaaya-ayang languyan.  Ngayong mga panahong ito ay kailangan nating maging praktikal at mairaraos din natin ang ating summer na hindi gaanong gumagastos.  Kung hindi talaga kakayanin ng budget, pwede namang sa malapit lang na dagat pumunta.  Ang mahalaga ay enjoy ka at ang mga kasama mo.


Monday, April 20, 2015

Summer



Masarap talaga ang tumira sa isang tropical na bansa gaya ng Pilipinas.  Dadalawa lang kasi ang season dito at kapag dumarating ang summer ay asahan mong panahon na naman nang masarap at walang hanggang lubluban sa dagat.

Laging the best ang magtampisaw sa dagat tuwing summer.  Lalo na kapag hindi ganoon kalalim ang baybayin, sobrang enjoy ang bawat sandali.  Bata man o matanda, marunong man lumangoy o hindi, lahat ay gustong maglublob sa dagat.  Lahat ng mukha na iyong makikita ay masaya at hindi nauubusan ng gimik ang bawat isa para lang ienjoy ang bawat sandali sa dagat.

Kaya’t kung may time kang lumabas, tara na at magpakasaya sa dagat.  Enjoyin natin ang summer at gawin nating walang kasing saya ang pagkakataon na ito kasama ng ating pamilya at mga kaibigan.


Wednesday, April 1, 2015

Paradise


Sa isang lugar kung saan ay itinuturing itong paraiso ng mga dayo, magiging ordinaryo ba ito kapag naglagi ka na sa lugar na iyon?

Sadyang napapahanga tayo sa mga kakaibang tanawin na siyang bumubusog sa ating paningin, nagpapahanga sa ating kamalayan, at nagpapayabong sa ating experience.  Karaniwan, ang isang nakakabighaning lugar ay itinuturing natin bilang isang paraiso.

Minsan ay meron akong napuntahang isang lugar at may nakausap akong nakatira doon.  Nabanggit ko sa taong iyon na maganda ang kanilang lugar kaya't patuloy itong dinadayo ng mga turista.  Nagulat ako sa tinuran ng taong iyon.  Ang sagot niya sa akin ay hindi daw nila alam kung ano ang magandang tanawin sa kanilang lugar na patuloy na nagpapayabong ng kanilang turismo.  Ang alam lang nila ay ordinaryong tanawin lang ang meron sa kanila at para sa kanila ay hindi iyon ang definition nila ng isang magandang lugar.

Tama nga.  Subjective nga ang term na paraiso.  Depende ito kung papaano natin i-appreciate ang ganda ng isang lugar.  Malamang nga ay naumay na ang mga lokal sa lugar na iyon kaya't hindi nila makita ang magandang tanawin na siyang nakakabighani sa mga dumadayo doon.

Thursday, March 26, 2015

Hold On


Kapag malakas daw ang bugso ng tubig sa ilog, kailangan nating kumapit pansamantala.

Bilang isang tao, alam natin ang ating sariling kakayahan.  May mga pagkakataon na nasusubok ang ating lakas at kakayahan.  Sa mga pagkakataon na tayo ay nasusuong sa mga pagsubok, alam natin kung ano ang ating kakayahan at kahinaan.  At kapag nahihirapan tayo ay puwede namang pansamantalang humimpil at kumapit.

Hindi sa lahat ng oras ay malakas tayo at nakakaya nating lampasan agad-agad ang isang pagsubok.  Darating ang sandali na may isang matinding pagsubok na talagang susubok sa ating katatagan at kalakasan.  Kapag dumating ang sandaling iyon at alam nating mahihirapan tayong suungin iyon, lahat ng puwede nating kapitan at hiraman ng lakas ay puwede nating gawin.  Alalahanin natin na hindi kalabisan at normal lang na humingi ng tulong.  Ang mahalaga ay alam natin kung papaano at kailangan puwedeng lumaban at kung kelan magpapalipas muna ng sitwasyon.

Hold on o kapit lang.  May mga pagkakataon na dapat tayong matutong maging pasensyoso at humanap ng mga alternatibong strategy para malampasan natin ang matinding pagsubok na ating kinakaharap.  Alalahanin natin na may bukas pa at may darating pang ibang araw. At kailangan nating mag-ipon nang lahat nating lakas para kapag handa na tayo ay makakaya na nating suungin at labanan ang anumang pagsubok na iyon.

Tuesday, March 24, 2015

Embrace and Let Go


Minsan, masyado tayong nagiging sentimental at hirap tayong mag let go.

Mayroon sa atin na hindi kaya ang basta-bastang mag let go.  Mapa-tao o bagay man iyon, nahihirapan tayong iwanan sila dahil pakiramdam natin maiiwan ang kaluluwa natin sa kanila at kailanman ay magiging kulang na ang ating pagkatao.

Maliban sa kamatayan at mga gastusin, ang isa pang bagay na constant sa ating mundo ay ang pagbabago.  Kapag hindi tayo sumabay tayo, baka forever na magiging miserable ang buhay natin.  Kung hahayaan natin na palaging sasama ang ating kaluluwa at damdamin sa mga tao at bagay na napamahal na sa atin, malamang ay hindi magiging maganda ang nalalabi nating mga sandali.

Yakapin natin kung ano ang inilalaan ng tadhana para sa atin at ganoon din kung ano ang magagawa natin para sa ating sarili at mga mahal sa buhay.  Yakapin natin ang mga taong nakapalibot sa atin lalo na ang taong nagiging espesyal at bahagi na ng ating buhay.  Kapag dumating ang sandali na kailangan nating umalis, matuto tayong mag let go para hindi magiging mabigat ang ating damdamin.  Hindi ibig sabihin na kapag nag let go tayo ay makakalimutan na natin ang mga taong napamahal na sa atin.  Kailangan lang nating mag let go dahil sumasabay tayo sa agos ng buhay at ng pagbabago.  At kapag may pagkakataon tayo, puwede namang balikan ang mga taong naroon pa at hindi nakakalimot sa atin.

Thursday, March 19, 2015

Sunset


Napakasuwerte natin kung tutuusin dahil sa magagandang tanawin na meron tayo at sangkatutak na mga baybayin na talagang nakakabighani.  At kapag dumadating ang maaliwalas na panahon, tuwing hapon ay isang napakagandang palabas ang tiyak na bibighani sa iyo.

Kapag ako ay nasa probinsiya, madalas akong sumasaglit sa tabing dagat at inaabangan ang paglubog ng araw.  Isang napakagandang panoorin ang pagpapalit-palit ng kulay ng kalangitan habang ang araw ay unti-unting naglalaho.  Sa pambihirang pagkakataon na ito ay masasabi mong may sariling pintor pala ang langit at kadalasan ay walang kasing-ganda ang iginuguhit nito.

Pero magaling mambitin ang kalikasan.  Parang isang napakagandang palabas sa tv ang panonood sa sunset na kung saan ay hooked ka sa ganda nito subalit bigla kang mabibitin.  Kapag dumikit na kasi ang ibabang bahagi ng araw sa level ng dagat, asahan mong ilang segundo lang ay mawawala na nang tuluyan ang araw.  Ito ang tipo ng palabas na inienjoy mo pa lang ang moment ay natatapos na agad nang wala sa oras.

Siguro, ang sabi ng kalikasan ay meron pa namang bukas. Minsan ay kailangang masabik ang isang tao para ito'y kanyang maibigan at babalikbalikan.  

Thursday, March 5, 2015

Paradise


Masarap isipin na mayroon tayong isang lugar na puwedeng puntahan at tambayan na puwede nating tawaging 'ating paraiso.'

Mapapalad ang mga taong nakatira sa isang lugar kung saan ang kalikasan ay nagbibigay ng mga lugar na puwedeng maging santuaryo o di kaya'y isang kaaya-ayang paraiso.  Napakalaking bagay nito para sa isang taong pagal ang katawan at isipan at nagnanais na marecharge ang kanyang spirit at pisikal na katawan.  Kung kalabisan man ang isang araw, kahit isang maikling sandali lang ay sapat na para makapag-unwing man lang.

Ang isang 'paraiso' daw ay depende sa pagiging malikhain ng ating isipan.  Kahit sa isang napakasimpleng lugar ay makakatagpo tayo ng matatawag nating paraiso.  May mga pagkakataong hindi natin kayang ipaliwanag ang ganda o talinhaga ng lugar na iyon.  Ang importante sa lahat ay masaya tayo sa lugar na iyon at nagkakaron tayo ng peace of mind.

Monday, March 2, 2015

Paradise


Ang gara talagang gumala lalo na kapag mapadpad ka sa isang lugar na maituturing mong isang paraiso. 

Mapalad tayo dahil maraming mga magagandang lugar dito sa Pilipinas na naghihintay na ating matuklasan.  Marahil ay may kanya-kanya tayong mga paboritong pasyalang narating at mas lalo pang madadagdagan ang ating listahan kapag nakakarating tayo sa iba pang mga lugar.

Ang ganda ng isang lugar na pwede nating ituring na paraiso ay depende sa ating panlasa.  Ang bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang pamantayan ng maituturing nating isang paraiso.  Para sa akin basta maganda ang scenic view ay swak na ito.  Kahit na medyo may kahirapang marating ito, talagang sulit naman kapag nagawa mong puntahan ito.


Ang sabi nga sa kanta ay tayo lang naman ang gumagawa at nagdidikta kung ano ang paraiso.  Ang higit na importante sa lahat ay magawa nating i-appreciate ang ganda ng kalikasan at panatilihin nating malinis at nasa magandang anyo ito.  At kung ang turing natin sa ating bansa ay isang paraiso, dapat sa atin nagsisimula ang lahat bago pa man ito matuklasan ng iba pang mga banyaga.

Wednesday, February 25, 2015

Enjoy


Kapag mainit ang panahon ay talagang walang kasing sulit ang bawat sandali kapag puwedeng magbabad sa malamig na tubig.

Sa isang tropical na bansa gaya ng Pilipinas, pagdating ng tag-init ay marami sa atin ang gustong magbabad sa tubig.  Mapa dagat, ilog, swimming pool, o batya man iyon ay talagang solve na ang araw natin kapag madaluyan ng malamig na tubig ang ating katawan.

Ang sarap sa pakiramdam at talagang nakakaginhawa ng katawan kapag nakababad ka sa tubig.  Meron nga akong mga kilalang tao na sa sobrang pagkaadik sa pagpapapresko ay ilang beses kung maligo sa isang araw lalo na kapag tag-init.

Kaya't kapag summer time na at talagang matindi ang init, lumabas at magbabad sa malamig na tubig.  Hindi naman kailangang gumastos nang todo para lang makapag enjoy.  Malay mo, malapit lang sa iyo ang lugar na akma sa budget mo at di mo na kailangan pang lumayo.

Thursday, February 12, 2015

White Sand


Naranasan mo na bang humiga sa puting buhangin na mala-polvoron sa pino?

Mayaman ang bansa natin sa mga baybayin at marami dito ay nagtataglay ng mga nakakabighaning mga tanawin.  Dahil sa kakaibang halina at natural na taglay na kagandahan ng ating mga baybayin ay nakilala ang bansa natin sa iba’t ibang panig ng mundo.

Isa sa mga pambato at ipinagmamalaki ng ating mga baybayin ay ang white sand.  Ilang beses na rin akong nagkaroon nang pagkakataon na makatapak sa mga exceptional na white sand beaches at talaga namang kamangha-mangha ang ganda ng mga ito.  Iyon bang tipong kahit na magpagulong-gulong ka ay hindi man lang ito dumidikit sa iyong katawan.  Kulang na lang ay bilugin mo ito at ilagay sa isang makinang na papel at magmumukha itong polvoron.


Sadyang mapalad tayo sa angking likas na yaman ng ating bansa.  Sana ang bawat isa sa atin ay magkakaroon nang pagkakataon na makaapak sa isa man sa ating mga naggagandahang mga white sand beaches at para na rin natin hindi tayo maging estranghero sa ating sariling bansa.

Wednesday, February 11, 2015

Alon


Ang alon daw ng buhay ay sadyang matalinhaga. 

Walang makakapagsabi kung ano ang magiging kaganapan ng ating buhay.  Kahit na patuloy tayong nagsusumikap para mas lalong mapaganda ang takbo ng ating buhay, kapag dumarating ang sandali na raragasa ang matinding alon ay tiyak na isa itong magiging isang malaking pagsubok para sa atin. 

Sa pagragasa at sa matinding paghampas ng alon, kahit sinong makaranas ng ganitong pangyayari ay tiyak na makakaramdam nang matinding pasakit.  Kadalasan ay maririnig natin ang mga hinaing ng ibang tao kung bakit sila ang pinaparusahan at kung bakit sobrang pasakit ang kanilang dinaranas.  Maririnig din natin ang kanilang mga panaghoy kung nagkukulang daw ba sila sa kanilang pananampalataya o may nagawa ba silang matinding kasalanan at ganoon na lang kung hagupitin sila ng malakas na alon.

Kapag dumarating ang mga pagsubok at wala tayong matatakbuhan, kagaya nang pagragasa ng matinding alon, ang tanging magagawa natin ay ang kumapit nang mahigpit sa kahit na anong puwede nating makapitan.  Kailangan nating indain ang mga pasakit at lahat ng mga matitinding dagok kung gusto pa nating mabuhay.  Ang bibigay at hinahayaang malunod na lang sa mga pagsubok ang siyang pinanghihinaan ng loob at walang kalakasan para lumaban.


Ang bawat isa sa atin ay tiyak na nakaranas nang mga hagupit ng alon ng buhay.  Iba’t ibang degree man nang hagupit ang ating naranasan, hindi natin puwedeng ikumpara ang ating sinapit sa sinapit ng iba.  At kahit na pare-pareho man tayo nang dadanasing hagupit, iba-iba pa rin ang ating mga pamamaraan para tayo ay lumaban at maka-survive.  Pero iisa lang ang maliwanag sa lahat ng mga pagdurusang tinatanggap natin.  Gusto pa nating mabuhay kaya tayo ay patuloy na lumalaban sa alon ng buhay.

Monday, February 9, 2015

Sa Gitna ng Dagat


Nang minsang napadayo ako sa isang malayong probinsiya, muntik ko nang maranasan ang matulog sa gitna ng dagat.

Ang lugar na aking tinungo ay isang isla kung saan may pag-aaring kubo sa gitna ng dagat ang aking tinuluyan.  Dahil hindi naman panahon ng bagyo at kalmado ang dagat, naisip ko na ibang experience sana kung maranasan ko ang matulog sa lumulutang na kubo sa gitna ng dagat.  Hindi naman kasi kalayuan ang lumulutang na kubong iyon at may makakasama naman ako.  Ang kubong iyon ay inilagay para paglagyan ng mga gamit, bilang pahingahan, at magiging tulugan ng magbabantay sa gabi ng mga isdang nasa kural dahil maraming mga pasaway na sumasalisi kapag madilim na ang paligid.

Iyon nga lang at di pumayag ang tinutuluyan ko.  Ang sabi niya ay bisita daw ako sa kanila at baka may hindi magandang mangyari sa gitna ng dagat at wala akong matatakbuhan kung sakali.  Umiiwas lang daw sila sa disgrasya kaya’t hindi na nila ako pinayagan.  Sayang.  Hehe.

Kapag nakakakita ako ng ganitong klaseng lugar ay palaging sumasagi sa aking isipan ang isang gabing matutulog kang parang idinuduyan ng alon.  Iyon bang tipong wala kang ibang maririnig kundi ang paghampas ng alon sa tinutulugan mo.  Malamang ay isang magandang karanasan iyon kung sakali.

Sunday, February 1, 2015

Solo


May mga pagkakataon na tayo ay nagsosolo o ninanais nating magsolo.  Kahit na sabihing madalas tayong napapalibutan ng mga tao o di kaya'y nakahiligan natin ang mapabilang sa maraming tao.  Darating at darating ang sandali na tayo ay magsosolo.

Minsan ay kailangan nating maging solo para bigyan ang ating sarili nang pagkakataon na lalo pang kilalanin ang ating sarili o di kaya'y magkaroon ng nararapat na reflection.  Kapag nagiging busy na kasi tayo at madalas ay nagkakaroon ng mga kasama, may mga bagay na nakakalimutan tayo tungkol sa ating sarili.

Marapat daw na maranasan din natin kung papaano ang mag-isa dahil dito ay higit na makilala natin ang ating sarili.  Sa ating pag-iisa ay mabibigyan tayo nang pagkakataon na lalong kilalanin ang ating sarili at ganoon din ang ating mga balakin at mithiin sa buhay.  At minsan, nagkakaroon tayo ng ibayong katahimikan lalo na kapag masyadong magulo na ang ating mundo.

Wednesday, January 21, 2015

Caving


Kapag maganda ang panahon at may budget pang gala, isa sa mga paborito naming ginagawa ay ang mag caving.  Hindi naman kami mga eksperto o talagang kinakarir ang pag explore sa mga kuweba.  Trip lang namin na gumala para maiba naman ang takbo ng mga pangkaraniwan naming buhay.

Isa marahil ang caving sa matatawag kong hindi pangkaraniwang adventure na nagagawa ko sa kasalukuyan.  Hindi naman talaga kasi ako extrovert at hindi ito ang tipong gawain na matatawag kong magiging comportable ako.  Maliban kasi sa acrophobia, claustrophobic din ako.  Kaya't isang malaking challenge para sa akin na maconquer ang challenge na ito.

Sa mga nagdaang panahon kung saan nakaranas na akong magcaving, hindi pa naman ako dumadating sa punto na talagang pang buwis-buhay na caving activity ang aking nagawa.  Ang mga napupuntahan kong mga caves ay ayos naman at nakakalabas naman ako nang buhay.  Dahil sa ganitong klaseng activity, unti-unti kong nalalabanan ang pagkatakot ko sa mga small spaces.

Sunday, January 18, 2015

Waterfall


Isa sa mga hilig ko ay ang kumuha ng picture ng waterfalls.  Marami-rami na rin akong napuntahang mga lugar na may waterfalls at kadalasan sa mga ito ay talagang malayo at kung minsan ay buwis-buhay pa.

Sadyang nakakahalina ang ganda ng waterfalls at tila ba isa itong palabas para sa akin na habang tumatagal ay nakakamangha at napakaganda.  Masasabi kong mapalad ako at nasa kalakasan pa ako para marating at makita ang mga ito.  Ito ang tipo nang lugar na kahit kailanman ay hinding-hindi ko pagsasawaang puntahan.

Actually, hindi naman talaga ako naliligo sa waterfalls.  Binibiro nga ako minsan ng mga kaibigan ko na hindi man lang nabasa ang katawan ko kahit na narating ko pa ang isang talon o waterfall.  Haha.  Totoo nga naman.  Kadalasan kasi ay gusto ko lang tumambay sa isang bahagi nito at gusto ko lang itong panoorin.  Lalo na kapag nabigyan ako nang mahabang panahon kung saan ay nakikita mo ang kanyang pagbabago sa buong araw, talagang sulit ang experience na iyon at maging ang mga pictures na makukuha ko dito.  

Pictures.  Iyon lang naman talaga ang dahilan kung bakit gusto kong pumunta sa mga ganitong klaseng lugar.  Gusto ko lang kumuha ng maraming pictures.  Ang sabi nga ay kapag tumanda tayo ay nabubura ang mga alaala sa ating memorya pero hindi ang pictures.  Kaya't habang may pagkakataon ay talagang sinusubukan kong kumuha at mag-ipon ng maraming pictures para sa mga alaalang hindi kukupas at makakalimutan.