Saturday, March 28, 2015

Aswang - 6


Marahil kung meron man isang konkretong ‘supernatural’ experience na puwede kong ibahagi at ipagmalaki ay nang magkaroon kami ng langis na kusang kumukulo.

Ang sinasabing kong langis na kusang kumukulo ay hindi nabibili sa tindahan at ginagamit na pamprito ng isda o karne.  Hindi rin ito gawa sa langis ng niyog at tapos papakuluan mo para maging latik.  Gawa ng mga ita (katutubong Pilipino sa aming lugar) na nakatira sa bundok.  Sila ang may hawak ng ‘secret’ formula kung papaano ito gagawin.  Basta kapag bumababa sila mula sa bundok ay palaging inaabangan ang paninda nila at kasama na nga dito ang kakaiba nilang langis.

Nagkaroon kami ng isang bote ng kumukulong langis na ito at malinaw pa sa aking alaala na nakasabit ito sa ilalim ng atip sa labas ng bahay at hindi kalayuan sa aming hagdanan.  Ayon sa mga kwentong naririnig ko, kusa daw itong kumukulo kapag may mga masasamang elemento na nasa paligid lamang at kasama na dito ang aswang. 

Kapag ang isang tao na may lahing aswang ay nasa malapit lamang, kusang kumukulo ang langis na ito at talagang aapaw siya sa kanyang lalagyan at patuloy itong kukulo habang hindi umaalis ang taong iyon.  Ang aswang naman ay ramdam ang kapangyarihan ng langis dahil kusa din daw na umiinit ang kanyang katawan bilang palatandaan na merong pangontra sa kanya.  Kapag naman nakapasok ito sa loob ng bahay ay pagpapawisan siya nang todo at tipong manlalagkit dahil sa tindi ng kanyang pawis at tipong lalagnatin ito dahil sa tindi ng init ng kanyang katawan.  Iyon nga lang at hindi ko nakitang kumukulo iyon noong mga panahong may mga bisita kaming mga kakaibang tao.  Tapos ay hindi namin namalayan kung sino ang sumungkit ng boteng iyon at isang araw na lang ay nawala ito na parang bula.

Dahil nagiging madalang na ang paggawa ng mga ita sa ganoong klaseng langis, tipong nawala na rin sa kamalayan ng mga tao sa amin na hangarin na muli silang magkaroon ng kumukulong langis.  Dahil sa public secret naman ang pagkatao ng mga kilalang aswang sa amin ay tipong ingat-ingat na lang kapag nakikipaghalubilo sa kanila.

High school na ako noon nang merong isang kaibigan na nagbigay sa akin ng isang maliit na bote na may lamang langis na kumukulo.  Noong una ay ayaw kong maniwala dahil sobrang tagal na ng panahon nang magkaroon kami ng ganoong klaseng langis at tipong extinct na ang langis na iyon sa aming lugar.  Meron daw kasing bumabang matandang ita sa bayan at may dala itong kumukulong langis na agad din namang naubos.  At para patunayan kung totoo at mabisa ito ay sinubukan namin.

Sinadya namin ang tindahan ng isang pamilya na kilala bilang aswang sa aming lugar.  Actually, ang babaeng may-ari ng tindahang iyon ay anak mismo ng ‘nanay-nanayan’ ko.  Nang namatay ang ‘nanay-nanayan’ ko ay bali-balita sa aming lugar na ang babaeng anak nito na may ari ng tindahang iyon ang siyang nagmana ng agimat ng pagiging isang aswang.  Ang ibang mga anak daw ng ‘nanay-nanayan’ ko ay hindi naman aswang.


Ayun nga at excited naming tinungo ang tindahang iyon at ang bawat isa sa amin ay may kanyang maliit na bote na may lamang langis na kusang kumukulo.  Habang bumibili kami sa tindahan ay hindi kami nagpapahalata subalit ang isang kasama namin ay dali-daling umalis mula sa lugar na iyon.  Naranasan namin first hand na kusang kumukulo ang dala naming langis at sadyang mainit ito sa balat.  Tumagos kasi ito sa aming shorts at nananatili naman itong nakatayo at hindi natapon nang ganon-ganon lang.  Hindi namin alam kung papaano namin ikwento ang ganoong pangyayari at hanggang ngayon ay nagiging parte na lang siya ng aming kwentuhan kapag kami ay nagkikita-kita.  Pero ang isang tanong na inopen sa amin ng isang kasama namin ay kung sino ba talaga ang aswang na nakatira sa bahay na iyon.  Sa pagkakatanda kasi namin ay ang dalagang anak ng may-ari ng tindahan ang siyang pinagbilhan namin.  Maaari bang sa kanyang edad ay naging miyembro na rin siya ng kanilang kakaibang lahi?

No comments:

Post a Comment