Saturday, June 13, 2015

Aswang - 17


Panlima.  Mayroon daw kakaibang langis na gamit ang mga aswang.  Ang sinasabing langis ay siyang ginagamit nila para magpalit ng anyo o gawing tagabulag ito para hindi sila makita ng ibang tao.  Pero ang pinakamabisang gamit daw nito ay sa tuwing mapapaaway sila.  Malamang kahit ordinaryong tao na maglalagay ng langis sa katawan ay isang bentahe ito para madulas siya at hindi basta-basta mahawakan at mahuli ng kanyang katunggali.  May isa lang problema ang aswang kung nagkataong maglalagay siya ng langis sa katawan.  Kailangan niyang mag-ingat sa taong may hawak na lighter, posporo, o sigarilyo dahil pwede siyang magliyab kapag madikita siya ng apoy ng mga ito.  Hehe.

Pang-anim.  Pang high level na daw ang uri ng isang aswang kapag nagagawa na nitong magpalit ng kanyang anyo.  Marami ang nagpapatotoo na nakakakita na sila ng mga hayop na hindi pangkaraniwang ang laki at anyo ng mga ito.  Kadalasan ay sa gabi nila nakikita ang mga ito lalo na kapag may buntis, bagong panganak, o di kaya’y may isang tao na may karamdaman sa isang bahay.  Ang halimuyak daw ng mga ito ay tipong isang nakakatakam na pagkain para sa mga aswang kaya’t hindi daw nila kayang tanggihan ang halina ng mga ito.  Kaya’t para makalapit sa mga ito ay nagpapalit sila ng anyo para hindi sila makilala ng mga tao. 

Karaniwang naririnig namin ay ang pagpapalit ng mga aswang sa anyo ng aso, pusa, baboy, manok, o ibon.  Malamang dahil sa pangkaraniwang hayop ang mga ito, hindi kaagad sila mapagkakamalan ng mga tao maliban na lang kung kakaiba ang laki at anyo ng mga ito.  Nakakatuwa sigurong isipin na ang isang aswang ay magpapalit ng anyo bilang isang butiki, tuko, langgam, o anumang insekto.  Tiyak nga naman na magiging obvious sila dahil kung magiging kasing laki ng aso ang isang butiki o langgam, tiyak na magkakagulo agad ang mga tao.  Haha.

Pampito.  Kapag nalalapit daw ang full moon ay doon lumalabas ang urge o pagnanasa ng isang aswang.  Kaya’t karaniwang panakot na sa mga bata ang huwag lumabas kapag kabilugan ng buwan dahil ang mga kauri ng aswang ay nagsisilabasan.  Hindi daw kasi nila macontrol ang pagnanasang ito at habang papalapit ang full moon ay mas lalong tumitindi daw ito lalo na sa mga bagong recruit na aswang pa lang. 

Para sa ilan, ang pagiging aktibo ng mga aswang kapag nalalapit ang full moon ay parang isang ‘sakit’ o ‘addiction’ na mahirap gamutin at labanan.  Sa panahong ito ay nagiging agresibo at lumalakas sila at sapantaha ng iba ay may kinalaman ang buwan sa ganitong klaseng behavior nila. 

Pero gaya din ng ilang mga obserbasyon tungkol sa mga aswang, wala pang naiireport na mayroong nabiktima ang isang aswang sa lugar namin.  Kahit na maraming mga tao ang ‘branded’ bilang aswang sa aming pamayanan, wala ni isa man sa kanila ang nahuli at may nakakita na nambibiktima sila ng mga tao.


Pangwalo.  Ang sabi-sabi, mayroon daw isang silid sa bahay ng mga aswang na sinisigurado nilang secured lagi.  Kung ang mga karaniwang silid ng bahay sa probinsiya ay open at halos kurtina lang ang harang nito, sa lahat daw ng oras ang mahalagang silid na ito ay laging nakasara at nakakandado lagi.  Lahat daw ng mga gamit nila na ayon sa kanilang pagiging aswang ay nakatago dito at hindi ito accessible sa ibang tao.

-to be continued-

No comments:

Post a Comment