Sa isang bansa kung saan
uso ang mga fiesta at kung anu-ano pang mga handaan, palaging kaakibat nito ang
mga masasarap na pagkain.
Ang mga pagtitipon ay
may kasamang pagsasalo sa hapag kainan lagi.
Sa paglipas ng panahon, nag-iiba na rin ang konsepto nating mga Pilipino
pagdating sa handaan. Ang pagkakaroon ng
handa at salo-salo ay bilang pasasalamat sa kung ano mang biyaya na ating
nakamit. Meron ding paghahanda dahil ang
mga magkakalayong mga kamag-anak ay muling nagkikita. O di kaya’y may importanteng pangyayari sa
ating buhay gaya ng binyag, kasal, kaarawan, anibersaryo, at kung anu-ano pa.
Kadalasan, may mga
pag-iisip o konsepto tayo pagdating sa handaan.
Mayroong naghahanda dahil gusto nilang ipagmalaki ang kung anong meron
sila at ayaw nilang makarinig ng hindi maganda tungkol sa kanilang estado sa
buhay. Merong naghahanda kasi nakagawian
nilang gawin ito at hindi kumpleto ang kanilang kasiyahan kung walang magarbong
handa kasehodang magkakanda utang-utang sila.
Meron din namang naghahanda, kahit gaano man kapayak iyon, basta ang
mahalaga sa kanila ay buo ang kanilang pamilya at mga kaibigan.
Kahit na ano pa man ang
ating nakagawian at rason sa paghahanda, ang importante ay marunong tayong
magpasalamat sa bawat biyayang ating nakamit at ganoon din sa samahang patuloy
na tumitibay. Idagdag mo pa dito ang
patuloy na pagyabong ng ating pagmamahalan sa mga importanteng tao sa ating
buhay at ganoon din sa malusog nating pangangatawan. Kasama na dito ang ating patuloy na
panalangin na harinawa’y patuloy tayong pagpapalain ng Dakilang Lumikha.
No comments:
Post a Comment