Sunday, May 31, 2015

Saleslady


Bawal daw kumuha ng pictures sa loob ng mall.  Ang masasabi ko ay depende yan sa diskarte.  Hehe.

Kapag dumadating ang summer ay panahon din ito ng walang katapusang gala.  At dahil outdoor adventures ang trip ko, isa sa mga must have ay ang sun glasses.

Nang tumingin ako sa isang mall ng sun glasses ay medyo hirap ako kasi walang sasabitang bridge ng ilong ang sun glasses na sinusukat ko. Haha.  Iyon naman talaga ang problema ko pagdating sa ganitong gadget.  Tapos, ang isa pang ikinoconsider ko ang pagkuha ng pictures kung sakaling may suot akong sun glasses.  

Uso sa mga malls ang merchandiser.  Sila ay hindi empleyado ng mall kundi ng isang kumpanya na naglalagay ng kanilang items sa mall.  Nang makakita ako ng item na okay ang sukat sa akin ay dumiskarte ako.  Sabi ko ay susubukin ko munang kumuha ng picture na merong shades at baka di ko magawa kapag meron akong shades.  Haha.  Ayun at pumayag agad ang saleslady.  Kaya't dagli kong inilabas ang aking kamera at wala namang sumita sa akin habang lantaran akong kumukuha ng picture sa loob ng mall.

Saturday, May 30, 2015

Aswang - 15


Sa mga nagtatanong kung papaanong pwedeng takasan ang pagiging isang aswang, mayroong kwento ang mga matatanda sa amin kung saan ang isang babae daw na sobrang minahal ang kanyang kasintahan ay ginawa ang lahat para patunayang kaya niyang itatwa ang kanyang pagiging aswang at para maging karapatdapat sa lalakeng kanyang minamahal.

Ayon sa kwento, meron daw isang ritwal na gagawin ang isang aswang para tuluyang mawala ang kanyang pagiging aswang.  Pero ang magiging matinding sukatan nang pagtalikod niya sa pagiging aswang ay pwedeng ikamatay ng lahat ng mga mahal niya sa buhay na katulad niyang aswang.  Sa diumanong ritwal na ito, kailangang niyang maghukay ng isang malalim na balon at sa ilalim ng kabilugan ng buwan ay isasagawa niya ang natatanging ritwal na iyon. 


Sa ritwal na iyon, ang lahat daw ng mga alagang ibon at hayop ng aswang na iyon ay magpupuntahan lahat sa hinukay na balon.  Pati ang kanyang mga kamag-anak na aswang ay walang magawa daw kundi ang sumunod na rin sa hukay.  Magsisilbing libingan daw ng kanilang angkan at ng kanilang mga alaga ang hukay na iyon at tanging ang gumagawa ng ritwal na iyon ang mananatiling buhay.  Kapag ang lahat daw ay nasa loob na ng hukay, kailangang takpan ang hukay na iyon at ang lahat ng nandoon ay malilibing.

Friday, May 29, 2015

Ginataang Labong


Simula nang magustuhan ko ang labong, tuwing umuuwi ako sa probinsiya ay ito ang nirerequest kong ulam.

Dati ay hindi ko talaga pinapansin ang labong kapag nagluluto ang pamilya ko nito.  Basta di ko lang trip kainin.  Pero nang nagsimula na akong magtry ng kahit na anong pagkain, nasubukan ko na rin ito at malaking bagay pala ang na miss ko sa mahabang panahon.  Haha.

Ang maganda lang kapag kayo mismo ang naghanda ng ulam, ang mga murang sangkap at pwedeng kainin lang ang isasama mo.  Nakaexperience na kasi ako na kumain sa mga eatery ng labong at dahil ang nabibili nila ay gayat na mula sa palengke, basta pwedeng ibenta kasehodang matigas na 'yon ay ibinibenta pa rin.  Kaya nakakasuyang kainin kapag may maraming matitigas na parte ng labong.

Karaniwang luto ng labong sa amin ay may gata tapos nilalagyan ito ng saluyot at talangka o hipon.  Dahil malapit lang kami sa ilog at madaling nakakahuli ng talangka, kapag gulay na labong ang usapan, asahan mong sasaglit lang sa ilog ay may pansahog ka ng talangka.  Grabe.  Ginutom tuloy ako.  Haha.

Thursday, May 28, 2015

Happily Ever After


Parang fairy tale lang ang setting ng lugar na ito at tipong ending na ng isang story ang mangyayari sa ganitong eksena.  Pero meron nga bang 'happily ever after?'

Sa isang simpleng pag-iisip, nakakaliti sa imahinasyon ang ganitong tagpo.  Kapag nakasama mo na ang iyong mahal sa buhay, baka may chance para sa isang 'happily ever after.'  Pero dahil hindi ka naman isang fairy tale character, kapag natagpuan mo na ang iyong mahal sa buhay ay kailangan nyong i-workout ang inyong pagsasama para maging happily ever after.

Para sa akin, ang happily ever after ay ang patuloy nyong magkatuwang sa buhay sa hirap o sa ginhawa.  Iyon bang tipong walaang iwanan lalo na kapag may matinding problema.  Iyon bang mas pipiliin mo siyang mahalin kesa awayin mo siya dahil sa mga bagay na hindi nyo napagkakasunduan.  Iyon bang mas marami kang rason para mahalin siya nang higit pa sa pagmamahal mo sa iyong sarili.  Malamang kapag magawa mo iyon ay masasabi kong iyon ang tunay na 'happily ever after.' 

Wednesday, May 27, 2015

Bridge


Narinig mo na ba ang kasabihang, “Let us cross the bridge when we get there.”?

Minsan ay natatanong tayo tungkol sa isang sitwasyon na mahirap sagutin o solusyunan lalo na kapag wala pa tayong experience tungkol dito.  Sa pamamagitan ng logic, pilit nating binibigay ang naisip nating solusyon pero kapag tayo na ang nasa ganoong sitwasyon ay mahirap palang pairalin ang logic lalo na kapag naunahan tayo ng kaba at pagkabalisa.  May mga pagkakataon ding nagbibigay na lang tayo ng ‘safe’ answer dahil di natin tiyak ang ating gagawin o dahil gusto lang nating mag play safe.

Pero papaano yan kapag ang follow-up question ay, “How will you cross a bridge if there is no bridge at all?”  Haha.  Ginawa bang literal ang sitwasyon? 

Ang mga taong mahilig daw mag play safe ay selfish at di dapat pagkatiwalaan.  Oo nga at hindi sila nagkakaroon ng conflict sa ibang tao pero malabo ding magbibigay sila nang tulong kapag kinakailangan mo sila.  Ang ganitong tipo daw ng tao ay walang pinapagana kundi ang sariling interest lang nila.


Tuesday, May 26, 2015

Sarap


Nakakatuwang panoorin minsan ang isang taong sarap na sarap sa kanyang kinakain.  Kapag ganito ang eksenang ating nakikita ay parang gusto na rin nating kumain bigla.

Isa daw sa pinakamasarap gawin sa buhay ay ang kumain lalo na kapag gusto mo ang kinakain mo.  Kumbaga, heaven ang pakiramdam kapag ramdam mo ang sarap nang ginagawa mong pagkain.  At walang kasing fulfilling ang pakiramdam pagkatapos na mabusog ka.

Kaya kung may pagkakataon at kaya mo pang kumain ng mga trip mong kainin, hindi naman siguro kalabisan na pagbigyan mo ang iyong sarili.  Basta ba alam mo ang iyong limitasyon, sige lang at magpakasaya at magpakabusog ka.  Dahil kapag satisfied ka na, gumaganda at positibo ang nagiging pananaw mo sa mundo.

Monday, May 25, 2015

Great Flood


Noong panahon daw ng “Great Flood”, papaanong naipon lahat ni Noah ang magkapares na hayop gayong ang mga lupain sa mundo ay hiwa-hiwalay?


Marahil ay isang napakalaking challenge para sa isang tao na maatasan upang ipunin ang lahat ng pares ng hayop sa buong mundo.  Siguro ay mapapaisip ka kung papaanong naipon lahat ng uri ng ibon pati na ang mga hayop na nasa lupa considering na hiwa-hiwalay ang mga lupain nang mangyari ang “Great Flood.”  At ang isa pang nakapagtataka ay kung papaanong muling kumalat ang mga hayop na ito pagkatapos ng “Great Flood” considering ulit na hindi magkakadugtong ang mga lupain 
sa buong mundo.

Sunday, May 24, 2015

Hidden Beauty


May mga tao daw na maganda kapag hindi masyadong natatamaan ng liwanag.  May nakaringgan ako minsan na sila daw ay matatawag mong ‘hidden beauty.’  Hehe.

Nagiging parte na nang ating kamalayan kung ano ang maganda at hindi maganda.  Maraming factors kung bakit nagkakaroon tayo ng ganitong klaseng panuntunan.  Minsan ay hindi tayo nagkakasundo sa ganitong aspeto dahil ang bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang panukat.  At applicable pa rin ang kasabihang ‘Beauty is in the eyes of the beholder.’

Kung tayo ay naniniwala sa biblical truth na ‘Man is created in the image and likeness of God.’, ibig sabihin nito ay walang ‘panget’ sa mundo.   Sa tingin ng ating Panginoon, lahat tayo ay magaganda.  Pero dahil nga ay meron tayong free will, tayo na mismo ang naglalagay ng panukat kung ano ang maganda o hindi maganda para sa atin.


Alalahanin natin na kakaunti lang ang permamente sa mundo at hindi kabilang dito ang taglay na panlabas na kagandahan ng isang tao.  Kaya kung ang mamahalin natin ay ang panlabas na kagandahan ng isang tao, darating ang panahon na lilipas ang pagmamahal na ito at hahanap na naman tayo ng isang ‘magandang’ tao ayon sa ating pamantayan.

Saturday, May 23, 2015

Aswang - 14


Minsan ay tumulong ang isa kong kapatid na mag-ayos ng nitso ng ililibing na kamag-anak ng kanyang kaibigan.  Hapon na sila pumunta sa sementeryo kung saan ay halos hindi na gaanong ramdam ang init ng araw.  Dahil nagawa na niya dati pa ang paglilinis ng gamit na nitso, alam na niya ang haba ng oras na gugugulin para maglipat ng buto ng namatay sa sako at para malinis maige ang loob ng nitso.  Medyo papalubog na ang araw at halos patapos na sila nang merong isang nakakapangilabot na pangyayari silang na-experience.

Nagbibiruan pa daw sila habang inaayos ang kanilang mga gamit.  Lahat ng buto at mga abubot ng namatay ay maayos na nilang naisilid sa sako at nalinis na rin nila ang loob ng nitso nang makarinig sila nang malakas na kalabog mula sa katabing nitso.  Sandali silang natigilan sa ingay na likha nang kalabog na iyon at noong una ay pilit pa nilang hinahanap kung saan nagmumula ang tunog na iyon.  Sinubukan nilang usisain ang mga katabing nitso na solong nakatirik at baka may ibang tao na ginuguyo lang sila.  Subalit nang wala silang makitang ibang tao at patuloy na kumakalampag ang katabing nitso, mabilis nilang dinampot ang kanilang mga gamit at halos kumaripas sila nang takbo palabas ng sementeryo.

Nang mahimasmasan silang dalawa ay malayo na ang kanilang tinakbo kung saan ay may mga bahay na.  Para daw wala sila sa kanilang mga sarili at hindi nila ramdam ang pagod sa kanilang ginawang pagliligpit at ganoon din sa kanilang pagtakbo.  Pag-uwi nila ay hindi sila magkakandaugaga sa pagkwento sa kanilang karanasan.


Noong una daw ay hindi nila pinansin ang tunog na kanilang naririnig.  Tunog daw ng kahoy na parang ibinabagsak ang kanilang naririnig.  Nang lumaon daw ay sunud-sunod na ang tunog na iyon hanggang sa parang inaalog na daw ang loob ng nitso kung saan nagmumula ang tunog na iyon.  Parang may gustong kumawala daw sa loob ng nitso sa tindi nang lagabog nito.  Nang inilibing kinabukasan ang kamag-anak ng kanyang kaibigan, sumama ang kuya ko at kanilang tiningnan ang lapida ng nitso kung saan nagmumula ang ingay.  Halos ilang araw lang palang nakalibing ang patay doon at ang sabi ng mga may alam sa amin tungkol sa ganoong pangyayari ay malamang ‘aswang’ ang nakalibing doon at hindi ito naembalsamo.  Pilit daw itong magwawala dahil hindi pa ito tuluyang mamamatay at malamang ay wala itong masalinan o walang tagapagmana ng kanyang pagiging aswang.

Friday, May 22, 2015

Buko


Magkano na ba ang isang buko ngayon?  Ang huling bili ko ay 20 pesos ang isang piraso at muntik na akong makipagtalo sa magbubuko dahil ang order ko ay malauhog pero ang nabuksan niya ay makapal at matigas na ang laman nito.  Kapag sinusuwerte ka nga naman.

Kapag hindi ka laking probinsiya at wala kang ideya kung papaano kinukuha ang buko mula sa puno nito ay talagang magtataka kung bakit napakamahal ang isang buko.  Bago pa man makarating ito sa Manila ay marami na itong napagdadaanan at habang lumalayo doon sa kanyang origin ay unti-unting nagmamahal ang presyo nito.

Hindi biro ang umakyat sa puno ng niyog para manguha ng buko lalo na kapag ang puno ay matayog at nasa gilid pa ng bangin.  Kung pang sariling pagkain lang ang pinitas na buko, karaniwang inihuhulog na lang ito at bahala na si batman kung mabiyak at maubos ang sabaw nito.  Pero kapag ibebenta ang mga ito, tatalian ang buwig nito bago pa man putulin at saka ito alalayang ibaba sa puno para hindi magkalasan.  Pagkatapos ay hahakutin pa ito mula sa puno nito hanggang sa lugar kung saan ito ay ibebenta o bibilhin ng mga namamakyaw.  Sa murang halaga nang pagbili sa kanila, iisipin mo minsan kung talagang sapat ba ang pagod ng mga magsasaka para magbuwis buhay sa pag-akyat sa puno ng niyog para kumita lang ng barya.  Subalit kung wala sila at kung hindi nila gagawin ito, malamang ay hindi tayo makakatikim ng buko sa siyudad.


Thursday, May 21, 2015

Huli Cat


May mga tao na talent nila ang mag-evade o umiwas sa isang sitwasyon kahit na buko na sila o di kaya’t caught in the act na sila.  Nagiging parte na nang kanilang sistema ang pag-iwas o hindi pag-amin at sa paglipas ng panahon ay nagiging mas magaling na sila.  Kumbaga, kung idinidikta ng iyong isipan na panindigan ang isang bagay na wala kang ginawang mali kahit na napakaobvious na nito ay magagawa mong paikutin ang ibang tao na sadyang mababaw ang pag-iisip.  Ang iba namang ayaw makipagtalo sa iyo ay hindi na iimik pero sa likod ng kanilang utak ay alam na nila kung anong klase kang tao.

Mabuti pa nga ang mga hayop.  Kapag sila ay caught in the act, walang anumang mahabang paliwanagan sa kanilang panig (kung sakali mang nakakapagsalita sila).  Kapag sila ay nahuli, kusa silang aalis o di kaya’y iiwas na lang.  Meron silang ‘delicadeza’ kumbaga. 


Kaya’t mali na ikumpara natin ang mga hayop sa tao na walang kabusugan o walang hiya sa sarili.  Ang mga hayop kung minsan ay mas marangal pa sa pinakamataas na uri nila.  


Wednesday, May 20, 2015

Katuwaan Lang


Katuwaan lang at walang aangal.  Hehe.

Katirikan ng araw at mainit ang panahon.  Nakakapaso ang init ng araw at tipong umuusok pati ang konkretong daan.  Pero sa isang simpleng katuwaan, malakas itong makapagpapawi ng init ng panahon.

Ang isang munting katuwaan na ito ang siyang madalas na napapagbigay nang wagas na ligaya.  Imagine na mo na lang na nakatingin ang mga taong dumadaan habang prenteng nakaupo sa mainit na semento ang isang modelo at nagawa nitong tiisin ang mainit na singaw ng semento at ganoon din ang nakakapasong init ng araw para makapagpapicture lang.  Haha.  

Pero ang pinakarewarding nang experience na ito ay ang makita mong masaya ang model na ito dahil solve siya sa kanyang pagtitiis para makuhaan lang ng ganitong klaseng picture sa gitna ng kalsada.

Tuesday, May 19, 2015

I Love Palawan


Minsan ay nagkatuwaan kaming magshoot dahil ang isang kasama namin ay naka as long as sleeves.  Hehe.  Wala namang espesyal na okasyon ng araw na iyon at tipong tamang porma lang ang dating ng isang ito.  

Ang original kong balak sa kanya ay mag-unbutton siya ng kanyang long sleeves at tipong hahayaan niyang liparin ng hangin ang damit nito para kunwari ay may effects.  Ang kaso nahihiya daw siyang maghubad dahil may karamihan ang mga tao sa lugar na iyon.  Pati nga ang pag-expose ng kanyang panloob na sando ay halos ayaw niyang ipakita sa ibang tao.  Conservative kuno si loko.  Hehe.

Ang ending, nagkasya na lang kami sa simpleng eksena at patalikod pa niyang ginawa ito.  Dapat sana ang tema namin ay 'Look! It's a bird!  No! It's a plane! No! It's Superman!  No! I Love Palawan!'  Haha.

Monday, May 18, 2015

No Parking


Narinig mo na ba ang word na oxymoron?  Hindi ito combination ng oxygen at moron.  Haha.

Minsan ay nakaka-encounter tayo ng mga pangyayari o mga bagay-bagay na contradicting.  Iyon bang tipong iba ang gusto nitong sabihin at iba din ang dating o pakahulugan ng kanyang salita.  Gaya na lang ng 'Wag kang maingay at di kita marinig.'

Gaya na lang ng larawang nakuhaan ko ng minsan.  'NO PARKING' ang nakalagay na signage pero may nakaparada namang sasakyan.  Ang hirit nga ng mga kasama ko ay baka sa harapan ng kotse applicable ang no parking sign.  Hehe.

Sunday, May 17, 2015

Biyahe


Sa biyahe ng buhay, may pagkakataong napapasabak tayo sa iba’t ibang challenges at kailangan lang nating kumapit at eenjoy ang buong kahabaan ng ating paglalakbay.

Maraming hitik at exciting na mga kwento ang bawat biyahe ng ating buhay.  Attitude wise, dito natin makikita kung papaano natin hinaharap ang bawat napagdadaanan natin.  Dito makikita kung gaano tayo kapursigido na marating ang ating destinasyon.  Pero ang pinakaimportante sa lahat ay kung papaano natin ini-enjoy ang kabuuan ng ating biyahe.

Minsan, hindi importante kung gaano kahaba ang ating nilakbay.  Ang higit na mas mahalaga ay ang mga bagay-bagay na ating napupulot at natutunan sa kahabaan ng ating biyahe.  Ang mga mumunting bagay na ito ang siyang nagbibigay nang mas malalim na kahulugan at saysay kung anong klaseng biyahe ang ating ginawa.  At kung nagdulot ba ito nang mas magandang rason para tingnan at harapin natin ang buhay na puno nang pag-asa at galak.

Saturday, May 16, 2015

Aswang - 13


Merong isang pangyayari na naging laman ng balita sa radyo at dyaryo na talaga namang araw-araw na tinutukan ng mga tao sa probinsiyang iyon at maging sa mga kalapit na probinsiya at kasama na kami doon.  Ang balita ay merong natagpuang mga bangkay na nangangamoy sa isang bahay sa karatig probinsiya namin.  Ilang araw ang lumipas, ang babaeng may pakana ng anomalyang iyon ay nakulong.

Ayon sa pagtagni-tagni ng mga kwento, nagtitinda ng bagoong ang babaeng iyon.  Maliban sa pagtitinda nito ng bagoong ay parang nagtayo na rin ito ng sarili niyang kulto.  Nang mamatay ang mga kasamahan nito sa bahay (hindi ako sigurado kung dalawa o higit pa ang bilang ng mga biktima at ang mga iyon ay pwedeng kasambahay niya o katulong sa pagtitinda ng bagoong), hindi daw pumayag ang babaeng iyon na ilibing ang mga ito.  Naniniwala siya na sa pamamagitan ng kanyang pagdarasal, orasyon, at ritwal ay kaya niyang buhayin ang mga iyon.  Nagkaalaman na lang na merong patay sa loob ng kanyang bahay nang nagsimula nang sumingaw ang kakaibang amoy ng naaagnas na bangkay.

Dahil nagreklamo na ang mga kapitbahay ng babaeng iyon nang hindi nila matiis ang mabahong amoy na nagmumula sa kanyang bahay, dagli namang umaksyon ang mga pulis.  Nang pasukin ang kanyang bahay ay doon na tumambad ang naaagnas na bangkay ng mga kasamahan nito sa bahay at todo depensa pa rin ang babae na kaya nitong buhayin ang mga bangkay na iyon.  Pero wala itong nagawa nang isama siya ng mga pulis sa presinto at kasunod noon ay ikinulong na siya.  Ang mga bangkay na nakuha ay diretsong ipinalibing na agad.  Marami tuloy ang mga naglalabasang haka-haka tungkol sa pangyayaring iyon at kahit ang mga tindera ng bagoong sa aming lugar ay naapektuhan din sa balitang iyon.  Sinasabi kasi ng iba na baka ang naaagnas na likido mula sa katawan ng mga bangkay na iyon ay sinasama ng babae sa kanyang bagoong kaya’t marami ang nandiri sa bagoong at biglang tumamlay ang bentahan nito.

Pero hindi pa doon natatapos ang kwento.  Ilang beses ding ikinober ng medya ang babaeng ikinulong at patuloy nitong pinaninindigan ang kanyang paniniwala na kaya nitong buhayin ang mga namatay na kasamahan.  Ilang buwan din siyang nakakulong at nagulat ang lahat nang sumabog ang balitang biglang naglaho ang babaeng iyon.  Kahit ang mga pulis na may hawak sa babaeng iyon ay walang konkretong paliwanag kung bakit parang isang bula na biglang naglaho ang babaeng nakakulong sa loob ng kanilang presinto.


Ayun sa isang bersyon ng kwento, nirequest daw ng babaeng iyon na dalhin sa kanya ang itim nitong patadyong o tapis.  Pagkatapos na mapasakamay nito ang hinihinging gamit, kinabukasan daw ay nagkagulo na lang sa loob ng presinto dahil hindi nila makita ang babaeng nakakulong doon.  Nagtataka ang mga pulis kung papaanong nawala ang babae sa loob ng kulungan.  At lumipas pa ang mahabang panahon ay hindi na muling nakita ang babaeng iyon.  Hanggang ngayon ay marami pa rin ang nakakaalam at laman pa rin ito ng mga kwentuhan ng mga kababalaghang pangyayari sa aming lugar.

Friday, May 15, 2015

Dirty Ice Cream


Kung ikaw ay isang Pinoy, tiyak na nasumpungan mo na ang isa sa mga ganitong nagtitinda ng ice cream.  At kahit saang sulok man ng bansa natin, tiyak ay may ganitong naglalako ng ice cream.

Dirty ice cream ang turing sa mga inilalakong ice cream sa kalsada.  Kung quality at sanitation ang usapan, hindi pa ako nakakapasok sa pagawaan ng ganitong itinitindang ice cream kaya't hindi ko masasabi na ang dirty ice cream ay kaakibat na nang hindi maayos na paggawa at paghanda nito.  Tinatawag itong dirty ice cream dahil sa dami ng mga pollutants na nasa paligid at malamang ay marami sa mga duming hindi natin nakikita ay nakapaglanding na sa ice cream na ating bibilhin kay mamang sorbetero.  Magkaganon pa man, sarap na sarap pa rin tayo sa bawat pagdila at pagkagat na ginagawa natin sa bet nating pampalamig tuwing kainitan ng panahon.


Thursday, May 14, 2015

Payong


Ang totoong lalake ay hindi daw nagpapayong.

9am pa lang ay ramdam mo na ang init ng araw lalo na at summer time na.  Simula pa lang ng buwan ng Marso hanggang ngayong Mayo ay ramdam ang tindi ng init ng araw.  Ang advice nga ng mga experts ay dapat huwag tayong magbababad sa araw lalo na kapag katirikan nito dahil tiyak matinding parusa ito sa aking balat at sa ating katawan na rin.

Kapag panahon ng summer, tiyak ay kanya-kanya tayong gimik para masolusyunan ang matinding sikat ng araw.  Maraming pwedeng gawin para hindi tayo matutong sa init at kung maari lang ay umiwas magbabad sa ilalim ng matinding init ng araw.  Kahit na hindi tayo prone sa skin cancer, madaling nasisira ang ating balat kapag madalas itong exposed sa sobrang init ng araw.

Sa bansang kanluranin, hindi big deal ang pagdadala ng payong ng mga lalake bilang panangga sa araw at ulan.  Kahit dito sa Pinas, marami na ring mga lalake ang natutunang magdala ng payong at gamitin ito bilang proteksiyon.  Ang ibang mga tao na hindi pa naka-move on sa 'machismo' image nila ay matindi pa rin ang pagtanggi nilang magdala at gumamit ng payong.

Hindi naman kawalan at lalong hindi nakakabawas ng pagkalalake ang pagdadala ng payong lalo na at pangproteksiyon ito.  Sabagay ay kanya-kanya naman tayong paniniwala at pag-aalaga ng sarili.  At mas maige na iyong may proteksiyon kesa magdusa at magtiis sa matinding init ng araw.

Wednesday, May 13, 2015

Kaalaman


Sadyang malaki ang pagkakaiba kapag ang nakalakihan mong environment ay conservative kumpara sa liberated. 

Ang paglago daw ng kaalaman ng isang tao ay hindi lang nakadepende sa loob ng bahay o classroom.  Mas higit daw na mayaman ang kaalaman kapag ito ay mismong na-experience ng isang tao.  Walang anumang magandang kuwento o mga sabi-sabi ang magpapayabong sa experience ng isang tao.  Ito ay dapat mismong ma-experience ng may katawan para matuto siya at magkakaroon siya ng sariling diskarte sa buhay.

Minsan, ang ating mga magulang at guardians, takot silang hayaan ang kanilang mga anak na lumabas sa mundo upang magkaroon ng iba't ibang karanasan.  Natatakot sila na baka mapapaano ang mga ito kaya't sa halip na i-encourage nilang mag-explore ang mga ito, mas gusto pa nilang rendahan ang mga ito at tipong ang lahat ng pwedeng matutunan ng isang bata ay kanilang ibibigay.  Hindi alam ng ating mga magulang at guardians na hindi nila tayo tinutulungan bagkus ay ginagawa nilang dependent tayo sa kanila at gawing mahina ang ating personalidad.

Palaging nakakalimutan ng mga nakakatanda sa atin na hindi habambuhay ay pwedeng kontrolin nila tayo at bigyan ng kanilang proteksiyon.  Hindi naman sa minamasana natin ang ganitong pagmamahal at pag-aalaga nila sa atin kaso lang, dapat habang maaga ay matuto tayong magkaroon ng sariling diskarte.  Kapag maaga tayong mamulat at magkaroon ng sariling diskarte, tiyak na mas madaming mga bagay tayong matutunan.

Tuesday, May 12, 2015

Destiny


Naniniwala ka ba sa destiny?

Biglang nagkagulo ang circle of friends ng kaibigan ko nang ipost niya ang picture na ito kasama ang caption na 'my destiny.'  Hehe.  Katakot-takot na panggugudtime tuloy ang kanyang inabot mula sa kanyang mga kaibigan.

Masuwerte ang mga taong nakatagpo na ng kanilang destiny.  Malamang ay inaayon talaga ito ng tadhana na pagtagpuin ang dalawang nilalang na nakalaan sa isa't isa.  Kasi kahit na anong mangyari, sila pa rin hanggang sa dulo.

May mga pagkakataon din na para bang tinatakam lang tayo ng tadhana.  Siguro ang iba sa atin ay nagkaroon lang nang panandaliang panahon sa isang taong tinatawag nating 'siya na' pero dahil hindi nga ito naaayon sa itinakda, kahit na tinatawag na natin siyang ating destiny ay lumilisan din siya.  At kahit lagpas langit pa ang ating pagmamahal sa kanya, wala tayong magagawa kung 'siya' ay may destiny palang iba.

Monday, May 11, 2015

Hare Krsna


Sa isang event ay naispatan ko ang lalakeng ito.  Kakaiba ang kanyang dating maliban sa pagiging banyaga nito.  Pasimple ko siyang kinunan ng picture.

Nang muling magkrus ang landas namin ay may kasama na siya.  Ang kanyang kasama ay mukhang asyano.  Miyembro pala sila ng grupong Hare Krsna at mga misyonero sila.  Ang lalakeng nakuhaan ko ng picture ay taga-Australia at mag-iisang taon na siya sa Pilipinas.  Umiikot siya kasama ang isang Pinoy (na akala ko ay foreigner din at nag nose bleed pa ako sa kaka-English sa kanya) at humihingi sila ng donasyon para sa kanilang samahan.  Natawa tuloy ang kasama ko dahil kinausap ko pa daw ang mga ito at nabati tuloy ako ng ‘hare krsna’ pero mapilit sa paghingi ng barya.  Haha.


Sunday, May 10, 2015

Kababawan


Madalas sa hindi, ang mga mababaw na bagay ang siyang nagbibigay sa atin ng sulit na kaligayahan.

Ang mga Pinoy daw ay sadyang mababaw ang kaligayahan at madali tayong tumawa sa mga simpleng bagay o pangyayari.  Isa nga daw tayo sa mga masasayang lahi sa buong mundo.  Kaya nga ang mga banyaga ay dinadayo ang ating bansa dahil madali silang maging at home kapag nandito na sila sa Pinas.

Ang sabi nga, hindi kailangang magbayad para lang tumawa at lumigaya.  At sa ating mga Pinoy, magaling at maparaan tayo kapag may kababawan na ang usapan.

Saturday, May 9, 2015

Aswang - 12


Sa isang komunidad na halos magkakilala ang mga tao, kapag mayroong isang kakaibang balita ay tiyak na parang apoy itong kakalat agad.  Katulad na lang ng isang umaga na meron daw nahuling ‘aswang’ na kasalukuyang nakakulong sa presinto.  Pagkarinig ng balitang iyon ay marami ang nagtungo sa presinto para makiusyuso at makita ang sinasabi nilang aswang.  Subalit marami ang nabigong makita ang ‘aswang’ dahil hindi sila pinayagan ng pulis na makita ito.  Pagkadating ng hapon ay sinundo ito ng kanyang anak at agad din namang pinakawalan ito ng mga pulis.  Ang rason ay walang matibay na ebidensiya laban sa kanya at hindi tanggap sa korte at maging sa pagrereklamo sa pulis ang dahilan na pwedeng ipakulong ang isang tao dahil sa sinasabing ito ay isang ‘aswang.’  Napilitan lamang ang mga pulis na ikulong ang matandang babaeng iyon dahil dinala siya doon ng nagrereklamo at dahil sa kanyang seguridad at edad na rin ay minabuti ng mga pulis na antayin ang sundo ng matanda bago ito payagang makauwi.

Ayon sa mga naglalabasang kwento, nahuli daw ng isang lalake ang matandang babae na paikot-ikot sa kanilang bahay ng gabing iyon.  Dahil maliwanag ang sikat ng buwan, madaling nakita ng lalake ang matandang babae na tila ba balisa at may kung anong ginagawa habang iniikutan nito ang bahay ng lalake.  Dagli daw kinabahan ang lalake dahil walang kasama ang asawa nito na kasalukuyan ay mahimbing itong natutulog.  Ang unang pumasok sa isip ng lalake ay aswang ang matandang babaeng kanyang nakita at agad niya itong tinalian para hindi makawala.  Mag-uumaga na nang dalhin niya sa presinto ang matandang babae para ireklamo sa pulis.

Nakasaad sa blotter ng pulisya na ang rason kung bakit nakita ng lalake ang matandang babae sa kanilang bahay ay nawawala daw ito.  Ayon din sa hininging salaysay sa anak ng matandang babaeng iyon, nagpaalam daw ang kanyang ina na iihi lang pero sa hindi maipaliwanag na kadahilanan ay nawala raw ito at hindi nila mahagilap.  Nagulat na lang daw sila kinabukasan nang makarating sa kanila ang balita na nasa presinto at nakakulong ang kanilang nanay.  Ang ipinagtataka ng lahat ay malayong naligaw ang matanda gaya ng depensa nito at ganoon din ng kanyang anak.  Ayon sa lalakeng nagrereklamo, malabong maligaw ang matanda sa kanilang lugar dahil ang kanilang bahay ay nasa kabilang baryo kung saan nakatira ang matandang babae.  Sa edad ng matandang babae at kahit na maliwanag pa ang buwan, mahihirapan ang isang matandang tao na maglakad ng napakalayo sa kalagitnaan ng gabi.  At malayo din daw na gagamit ito ng kanilang palikuran dahil nasa kabilang baryo pa galing ang matandang babae.


Dahil wala namang nangyari na hindi maganda, agad namang nagpatawad ang lalakeng nagrereklamo nang humingi ng dispensa ang matandang babae at ganoon din ang anak nito.  Nangangako ang anak ng matandang babae na babantayan daw nilang maige ang kanilang nanay para hindi na ito muling maligaw sa mga karatig na baryo.

Friday, May 8, 2015

One Day Old Chick


Kahit na sabihing medyo adventurous na ako sa pagkain, may mga pagkain pa ring hindi kaya ng sikmura ko.  Haha.

Amoy pa lang ay nakakagutom na.  Tapos makikita mong sarap na sarap ang mga kumakain nitong one day old chick.  Malamang ay masasabi mo sa iyong sarili na gusto mo ring matikman ang pagkaing ito.

Para sa mga matatapang ang sikmura at sanay na kumain ng street food, ang one day old chick ay isa sa mga mabiling pagkain at masarap daw ito kapag may kapartner na suka.  Pero dahil may ilang mga bagay akong kinokonsidera, kahit kelan siguro ay hindi ko magagawang kumain nito maliban na lang siguro kung kilala ko ang naghanda nito at malinis ang pagkakagawa.  Dahil nabuhay na nga sisiw, may mga issue tungkol sa laman-loob nito at baka mamaya nasa kasarapan ka na nang pagkain nito ay biglang umalingasaw ang hindi kanais-nais na amoy ng loob ng tiyan nito.  Hehe.

Thursday, May 7, 2015

Sunrise


Ilan ba sa atin ang nagkakaroon nang pagkakataon na i-witness ang isang magandang likha ng kalikasan?  Isang magandang bukang liwayway na may hatid na bagong sigla at pag-asa.

Masarap ang matulog nang mahimbing lalo na kapag malamig ang panahon o di kaya'y malamig ang silid tulugan mo.  Malamang magkatulad tayo ng bisyo na kapag walang pasok ay tinatamad bumangon ng maaga at gustong magbabad lang sa higaan.  Pero sa dinadami-dami ng umagang dumaan sa ating buhay, may magandang biyaya pala ang kalikasan na ating pinapalampas.

Sa pagsikat ng haring araw, isang magandang tanawin ang naghihintay sa atin.  Kapag ating masilayan kung papaanong nagbabago ang kulay ng kalangitan at ang unti-unting paglaho ng dilim para magbigay daan sa liwanag, tiyak na magdudulot ito nang panibagong sigla at pag-asa sa atin.  Kaya't kung may pagkakataon ka ay di mo dapat palampasin na madampian ang iyong mukha nang pagsikat ng araw at tanggapin ang biyayang nakalaan sa iyo sa araw na iyon.

Wednesday, May 6, 2015

Trip


Ano ang trip mo?

Bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang trip.  Marami sa atin ay trip ang mag-selfie at kung anu-ano pang mga paandar kapag kinukuhaan ang sarili ng picture.  Habang lumalaon, ang simpleng pagselfie ay patuloy na nag-eevolve.

Ang trip ko naman ay magpapicture sa gitna ng kalsada.  Haha.  Nagsimula ito sa simpleng katuwaan lang at kapag may pagkakataon ay talagang sinasadyang gawin na ito.  May pangarap nga akong magpapicture sa gitna ng EDSA.  Hehe.  Good luck daw sa akin at mag-ingat daw ako at baka sana masagasaan daw ako.  Haha.  Ang praning din ng mga kaibigan ko.


Pero siyempre sa ganitong klaseng trip, kailangan ay ibayong pag-iingat lagi.  Kailangan ding hindi makakaistorbo ng ibang tao.  It is better safe than sorry, ika nga.

Tuesday, May 5, 2015

Dragon


Minsan ay napatambay kami sa isang store at habang hinihintay namin ang inorder naming pagkain ay naagaw ang aming pansin ng isang nakakatuwang laruang dragon.

Hindi talaga masasabi kung totoong may nabubuhay na dragon noong unang panahon.  Sa kasalukuyan kasi ay isang mythical creature lang ang dragon pero malaki ang impluwensiya nito sa kultura ng mga Europeans at Asians.  Ayon nga sa series na Ancient Aliens, malamang ay may pinaghugutan ang creature na ito dahil nagiging palasak ang representation nito sa iba't ibang mga kulturang hindi pa nagkakilanlan noong unang panahon pa.

Pero ang tanong nga ng kasama ko, bakit ba kailangan nating problemahin ang 'problema' ng dragon?  Haha.  Oo nga naman.  Ang mahalaga ay naenjoy namin ang inorder naming pagkain at naging mabait ang tindera na ipahiram sa amin ang naka-display nilang laruan na dragon.

Monday, May 4, 2015

Late


Kapag late ka na raw, bawal ang maging mapili sa masasakyan.  Haha.  Double meaning ba?

Ang maaga daw na nakakarating sa paroroonan ay maagang nagigising at hindi umaga na kung matulog.  Hindi daw acceptable ang excuse na ‘matrapik’ kung late dumating.  Ang ibig sabihin noon ay late ka lang talagang umalis sa pinanggalinan mo.

Kapag late ka na, basta may bakante at pwedeng masakyan, hindi na uubra ang pagiging choosy mo.  Kasehodang umupo ka sa estribo o sa sampahan ng sasakyan o di kaya’y kumandong sa driver ay gagawin mo para lang makakarating ka sa iyong paroroonan.  Minsan ay magmamakaawa ka pa para lang makasakay at titiisin mo kahit ang makikipagsiksikan at halos magkapalit na kayo ng mukha ng iyong kaharap basta mairaos lang ang byaheng iyon. At kapag hindi ka makasakay, tiyak na uusok ang iyong ilong at ang tindi ng init ng iyong ulo. 

Kaya’t ngayon ay alam na natin kung bakit mainit ang ulo ng ibang tao kapag nahuli sila sa biyahe.  Hehe.

Sunday, May 3, 2015

Shoot the Shooter - 2


Minsan ay para-paraan lang talaga para magpapicture.

Nasumpungan ko ang dalawang ito na nagpapapicture sa gitna ng kalsada.  Dahil isinara ang kalsada sa mga motorista ay libreng malakad sa gitna ng kalsada at kahit na humiga ka pa ay walang huhuli sa iyo.  Napangiti na lang ako sa dalawa dahil ginagawa din namin ang kanilang style.


Ipinaalam ng isang babae ang mga lobong hawak nito sa isang tindero at nang pumayag ang tindero ay dagli silang pumuwesto sa gitna ng kalsada.  Ang ganitong experience (kahit na may simpleng kababawan) ay masaya dahil hindi madaling kumumbinsi ng isang tindero na ipahiram sa iyo ang kanyang paninda lalo na at lobo ang mga iyon.  At malamang kung hindi ka magiging maingat, tiyak bugbog sarado ka sa tindero kung biglang lumipad ang mga lobong hawak mo at hindi mo ito mabayaran.  Hehe

Saturday, May 2, 2015

Aswang - 11


Napanood nyo ba ang Shake, Rattle, and Roll movie (part 3 ata kung hindi ako nagkakamali) kung saan ay bida si Manilyn Reynes.  Naimbitahan siyang mamiyesta ng kanyang kaklase sa isang baryo kung saan ay napabalitang halos lahat ng mga nakatira doon ay mga aswang.

Kabilin-bilinan sa amin ay mag-ingat sa tuwing mamimiyesta.  Sa probinsiya kasi ay pwedeng mag gate crash sa mga bahay na may handa at kahit hindi ka kilala ay tiyak na pwede kang makikain.  Sa pagdami ng mga dayo at pati na ang patuloy na pagkalat ng mga lahi na may ‘aswang’, palaging pinapaalala sa amin ang ibayong pag-iingat at kung maaari ay sa mga kamag-anak o talagang kakilalang hindi ‘aswang’ kami tutuloy at kakain.

Minsan ay nagkwento ang kuya ko tungkol sa isang karanasan na hindi niya makakalimutan.  Namiyesta silang apat na magkakabarda at isa sa kanyang kasama ay pinsang buo namin.  Dahil uso sa mga baryo ang pag-eestima sa mga bisita kahit na hindi kakilala, meron daw silang napuntahan na isang bahay kung saan ay dagli silang inasikaso at kagyat na pinakain.  Tumagal daw sila sa bahay na iyon dahil may natipuhan silang babae at dahil hindi nila magawang iwanan ang kanilang kabarkada na may gusto doon sa babae ay inabot na sila ng malalim na gabi.  Dahil madilim na ang kanilang dadaanan at wala na halos mga taong naglalakad sa kalsada ay hinimok sila ng mga nakatira sa bahay na iyon na doon na matulog at kinabukasan na lang umuwi.  Natuwa naman silang apat dahil sa kabaitang ipinamalas ng mag-anak na iyon.

Ang bahay na kanilang tinuluyan ay yari sa kawayan at pawid.  Sa isang kuwarto sa second floor pinatulog sina kuya.  Magkakatabi silang nahiga ngayon sa inilatag na banig at ilang saglit pa ay mahimbing nang nakatulog ang mga barkada ni kuya.

Habang papaakyat sina kuya sa second floor ng bahay ay nagtataka siya kung bakit may kawang nakasalang at tipong nagpapainit ng tubig ang tatay at lolo ng dalagang kanilang kakwentuhan.  Ang sagot sa kanila nang sila ay magtanong tungkol dito ay may mga bisita daw silang darating kinabukasan kaya’t magpapalambot sila ng karneng kanilang ihahanda kinabukasan.  Pero dahil hating-gabi na ay walang nakitang anumang hayop si kuya na pwedeng katayin ng mga sandaling iyon kaya’t mabilis siyang kinutuban.

Mas lalong lumakas ang kaba ni kuya nang makita nitong mabilis na nakatulog ang kanyang mga barkada at kahit na anong yugyog niya sa mga ito para magising ay tila ba tulog mantika ang mga ito.  Ang dahilan kung bakit nananatiling gising ang kuya ko ay may ritwal pala siyang sinusunod mula sa turo ng lolo namin.  Ang bilin sa kanya ng lolo namin ay gumawa siya ng krus sa lupa sa harap ng bahay na kanyang papasukin gamit ang isang punyal.  Pagkatapos ay kailangan niyang itarak ang kanyang punyal sa gitna ng krus at kanyang kakainin ang anumang lupa na maiiwan sa dulo ng gamit nitong punyal.  Ang paraan daw na ito ang siyang magliligtas sa kanya sa kapahamakan.

Dahil ang kuwartong tinutulugan nina kuya ay bukas ang pinto at tanging kurtina lang ang nakatabing dito, kita niya ngayon ang sino man na umaakyat o bumababa ng hagdan.  Ilang beses daw niyang napapansin na panay ang akyat-baba ng lolo ng babae na tila ba ay mayroon itong gustong gawin.  Sa bawat pagsampa ng matandang lalakeng iyon sa hagdan ay dinig ng aking kuya ang tunog nang paglangitngit ng kawayan bilang tanda na merong umaakyat o bumababa sa hagdan.  At bago pa makarating ng second floor ang matandang lalakeng iyon ay agad din naman siyang bumababa.

Ilang beses ding palihim na pinapanood ng kuya ko ang gawaing iyon ng matandang lalake.  Nagkukuwari kasi siyang natutulog pero alerto ang kanyang katawan at isipan sa posibleng mangyari.  Kinakabahan lang siya dahil mahimbing na natutulog at naghihilik pa ang kanyang mga kasama.  Hindi daw niya alam kung papaano ipagtanggol ang kanyang mga kasama kung sakaling gagawan sila ng masama.

Hindi alam ng kuya ko kung namalikmata lang siya nang merong bumungad na isang malaking aso mula sa hagdanan.  Kitang-kita niya ang malaking ulo nito habang papasamba sa second floor.  Lumakas ang dagundong ng kaba ni kuya at ang tanging nagawa nito ay kunwaring umubo siya.  Nang marinig daw ng ‘aso’ ang kanyang pag-ubo ay mabilis daw itong pumihit pababa ng hagdan at di na muling umakyat pa.

Mag-uumaga na nang magpaalam silang umuwi.  Nang ikwento ni kuya ang karanasan nilang iyon ay marami ang nagsasabing parang may ritwal na ginawa sa kanila para dagling makatulog ang mga kasama ni kuya.  At kung nagkataon na walang alam si kuya at hindi nito nagawa ang itinurong pananggang ritwal ng aming lolo, tiyak na napahamak sila ng gabing iyon.


Friday, May 1, 2015

Pancit Palabok o Spaghetti


Sa handaang Pinoy, kasama lagi ang pancit at spaghetti sa mga handaan.  Ang mga pagkaing ito ang siyang madalas na hinahanap lalo na ng mga bata.

Para sa akin, kahit alin sa dalawa ay walang problema.  Iyon nga lang at hindi ako gaanong mahilig sa pancit palabok.  Pagkatapos ng isang serving ay aayaw na ako.  Madaling magsawa ang taste buds ko sa lasa ng palabok.  Pero ibang usapan kapag spaghetti na ang nandiyan.  Huwag lang maasim ang timpla dahil sa ketchup, tiyak na makakailang ulit ako habang ganado.  Ito kasi ang tipong pagkain na pasado sa aking panlasa.

Kaya't pag may handaan kayo, alam niyo na ang maunang mauubos kapag bisita niyo ako.  Haha.