Saturday, May 23, 2015

Aswang - 14


Minsan ay tumulong ang isa kong kapatid na mag-ayos ng nitso ng ililibing na kamag-anak ng kanyang kaibigan.  Hapon na sila pumunta sa sementeryo kung saan ay halos hindi na gaanong ramdam ang init ng araw.  Dahil nagawa na niya dati pa ang paglilinis ng gamit na nitso, alam na niya ang haba ng oras na gugugulin para maglipat ng buto ng namatay sa sako at para malinis maige ang loob ng nitso.  Medyo papalubog na ang araw at halos patapos na sila nang merong isang nakakapangilabot na pangyayari silang na-experience.

Nagbibiruan pa daw sila habang inaayos ang kanilang mga gamit.  Lahat ng buto at mga abubot ng namatay ay maayos na nilang naisilid sa sako at nalinis na rin nila ang loob ng nitso nang makarinig sila nang malakas na kalabog mula sa katabing nitso.  Sandali silang natigilan sa ingay na likha nang kalabog na iyon at noong una ay pilit pa nilang hinahanap kung saan nagmumula ang tunog na iyon.  Sinubukan nilang usisain ang mga katabing nitso na solong nakatirik at baka may ibang tao na ginuguyo lang sila.  Subalit nang wala silang makitang ibang tao at patuloy na kumakalampag ang katabing nitso, mabilis nilang dinampot ang kanilang mga gamit at halos kumaripas sila nang takbo palabas ng sementeryo.

Nang mahimasmasan silang dalawa ay malayo na ang kanilang tinakbo kung saan ay may mga bahay na.  Para daw wala sila sa kanilang mga sarili at hindi nila ramdam ang pagod sa kanilang ginawang pagliligpit at ganoon din sa kanilang pagtakbo.  Pag-uwi nila ay hindi sila magkakandaugaga sa pagkwento sa kanilang karanasan.


Noong una daw ay hindi nila pinansin ang tunog na kanilang naririnig.  Tunog daw ng kahoy na parang ibinabagsak ang kanilang naririnig.  Nang lumaon daw ay sunud-sunod na ang tunog na iyon hanggang sa parang inaalog na daw ang loob ng nitso kung saan nagmumula ang tunog na iyon.  Parang may gustong kumawala daw sa loob ng nitso sa tindi nang lagabog nito.  Nang inilibing kinabukasan ang kamag-anak ng kanyang kaibigan, sumama ang kuya ko at kanilang tiningnan ang lapida ng nitso kung saan nagmumula ang ingay.  Halos ilang araw lang palang nakalibing ang patay doon at ang sabi ng mga may alam sa amin tungkol sa ganoong pangyayari ay malamang ‘aswang’ ang nakalibing doon at hindi ito naembalsamo.  Pilit daw itong magwawala dahil hindi pa ito tuluyang mamamatay at malamang ay wala itong masalinan o walang tagapagmana ng kanyang pagiging aswang.

No comments:

Post a Comment