Saturday, May 2, 2015

Aswang - 11


Napanood nyo ba ang Shake, Rattle, and Roll movie (part 3 ata kung hindi ako nagkakamali) kung saan ay bida si Manilyn Reynes.  Naimbitahan siyang mamiyesta ng kanyang kaklase sa isang baryo kung saan ay napabalitang halos lahat ng mga nakatira doon ay mga aswang.

Kabilin-bilinan sa amin ay mag-ingat sa tuwing mamimiyesta.  Sa probinsiya kasi ay pwedeng mag gate crash sa mga bahay na may handa at kahit hindi ka kilala ay tiyak na pwede kang makikain.  Sa pagdami ng mga dayo at pati na ang patuloy na pagkalat ng mga lahi na may ‘aswang’, palaging pinapaalala sa amin ang ibayong pag-iingat at kung maaari ay sa mga kamag-anak o talagang kakilalang hindi ‘aswang’ kami tutuloy at kakain.

Minsan ay nagkwento ang kuya ko tungkol sa isang karanasan na hindi niya makakalimutan.  Namiyesta silang apat na magkakabarda at isa sa kanyang kasama ay pinsang buo namin.  Dahil uso sa mga baryo ang pag-eestima sa mga bisita kahit na hindi kakilala, meron daw silang napuntahan na isang bahay kung saan ay dagli silang inasikaso at kagyat na pinakain.  Tumagal daw sila sa bahay na iyon dahil may natipuhan silang babae at dahil hindi nila magawang iwanan ang kanilang kabarkada na may gusto doon sa babae ay inabot na sila ng malalim na gabi.  Dahil madilim na ang kanilang dadaanan at wala na halos mga taong naglalakad sa kalsada ay hinimok sila ng mga nakatira sa bahay na iyon na doon na matulog at kinabukasan na lang umuwi.  Natuwa naman silang apat dahil sa kabaitang ipinamalas ng mag-anak na iyon.

Ang bahay na kanilang tinuluyan ay yari sa kawayan at pawid.  Sa isang kuwarto sa second floor pinatulog sina kuya.  Magkakatabi silang nahiga ngayon sa inilatag na banig at ilang saglit pa ay mahimbing nang nakatulog ang mga barkada ni kuya.

Habang papaakyat sina kuya sa second floor ng bahay ay nagtataka siya kung bakit may kawang nakasalang at tipong nagpapainit ng tubig ang tatay at lolo ng dalagang kanilang kakwentuhan.  Ang sagot sa kanila nang sila ay magtanong tungkol dito ay may mga bisita daw silang darating kinabukasan kaya’t magpapalambot sila ng karneng kanilang ihahanda kinabukasan.  Pero dahil hating-gabi na ay walang nakitang anumang hayop si kuya na pwedeng katayin ng mga sandaling iyon kaya’t mabilis siyang kinutuban.

Mas lalong lumakas ang kaba ni kuya nang makita nitong mabilis na nakatulog ang kanyang mga barkada at kahit na anong yugyog niya sa mga ito para magising ay tila ba tulog mantika ang mga ito.  Ang dahilan kung bakit nananatiling gising ang kuya ko ay may ritwal pala siyang sinusunod mula sa turo ng lolo namin.  Ang bilin sa kanya ng lolo namin ay gumawa siya ng krus sa lupa sa harap ng bahay na kanyang papasukin gamit ang isang punyal.  Pagkatapos ay kailangan niyang itarak ang kanyang punyal sa gitna ng krus at kanyang kakainin ang anumang lupa na maiiwan sa dulo ng gamit nitong punyal.  Ang paraan daw na ito ang siyang magliligtas sa kanya sa kapahamakan.

Dahil ang kuwartong tinutulugan nina kuya ay bukas ang pinto at tanging kurtina lang ang nakatabing dito, kita niya ngayon ang sino man na umaakyat o bumababa ng hagdan.  Ilang beses daw niyang napapansin na panay ang akyat-baba ng lolo ng babae na tila ba ay mayroon itong gustong gawin.  Sa bawat pagsampa ng matandang lalakeng iyon sa hagdan ay dinig ng aking kuya ang tunog nang paglangitngit ng kawayan bilang tanda na merong umaakyat o bumababa sa hagdan.  At bago pa makarating ng second floor ang matandang lalakeng iyon ay agad din naman siyang bumababa.

Ilang beses ding palihim na pinapanood ng kuya ko ang gawaing iyon ng matandang lalake.  Nagkukuwari kasi siyang natutulog pero alerto ang kanyang katawan at isipan sa posibleng mangyari.  Kinakabahan lang siya dahil mahimbing na natutulog at naghihilik pa ang kanyang mga kasama.  Hindi daw niya alam kung papaano ipagtanggol ang kanyang mga kasama kung sakaling gagawan sila ng masama.

Hindi alam ng kuya ko kung namalikmata lang siya nang merong bumungad na isang malaking aso mula sa hagdanan.  Kitang-kita niya ang malaking ulo nito habang papasamba sa second floor.  Lumakas ang dagundong ng kaba ni kuya at ang tanging nagawa nito ay kunwaring umubo siya.  Nang marinig daw ng ‘aso’ ang kanyang pag-ubo ay mabilis daw itong pumihit pababa ng hagdan at di na muling umakyat pa.

Mag-uumaga na nang magpaalam silang umuwi.  Nang ikwento ni kuya ang karanasan nilang iyon ay marami ang nagsasabing parang may ritwal na ginawa sa kanila para dagling makatulog ang mga kasama ni kuya.  At kung nagkataon na walang alam si kuya at hindi nito nagawa ang itinurong pananggang ritwal ng aming lolo, tiyak na napahamak sila ng gabing iyon.


No comments:

Post a Comment