Sa mga nagtatanong kung
papaanong pwedeng takasan ang pagiging isang aswang, mayroong kwento ang mga
matatanda sa amin kung saan ang isang babae daw na sobrang minahal ang kanyang
kasintahan ay ginawa ang lahat para patunayang kaya niyang itatwa ang kanyang
pagiging aswang at para maging karapatdapat sa lalakeng kanyang minamahal.
Ayon sa kwento, meron
daw isang ritwal na gagawin ang isang aswang para tuluyang mawala ang kanyang
pagiging aswang. Pero ang magiging
matinding sukatan nang pagtalikod niya sa pagiging aswang ay pwedeng ikamatay
ng lahat ng mga mahal niya sa buhay na katulad niyang aswang. Sa diumanong ritwal na ito, kailangang niyang
maghukay ng isang malalim na balon at sa ilalim ng kabilugan ng buwan ay
isasagawa niya ang natatanging ritwal na iyon.
Sa ritwal na iyon, ang
lahat daw ng mga alagang ibon at hayop ng aswang na iyon ay magpupuntahan lahat
sa hinukay na balon. Pati ang kanyang
mga kamag-anak na aswang ay walang magawa daw kundi ang sumunod na rin sa hukay. Magsisilbing libingan daw ng kanilang angkan
at ng kanilang mga alaga ang hukay na iyon at tanging ang gumagawa ng ritwal na
iyon ang mananatiling buhay. Kapag ang
lahat daw ay nasa loob na ng hukay, kailangang takpan ang hukay na iyon at ang
lahat ng nandoon ay malilibing.
No comments:
Post a Comment