Showing posts with label transportation. Show all posts
Showing posts with label transportation. Show all posts

Tuesday, May 26, 2015

Sarap


Nakakatuwang panoorin minsan ang isang taong sarap na sarap sa kanyang kinakain.  Kapag ganito ang eksenang ating nakikita ay parang gusto na rin nating kumain bigla.

Isa daw sa pinakamasarap gawin sa buhay ay ang kumain lalo na kapag gusto mo ang kinakain mo.  Kumbaga, heaven ang pakiramdam kapag ramdam mo ang sarap nang ginagawa mong pagkain.  At walang kasing fulfilling ang pakiramdam pagkatapos na mabusog ka.

Kaya kung may pagkakataon at kaya mo pang kumain ng mga trip mong kainin, hindi naman siguro kalabisan na pagbigyan mo ang iyong sarili.  Basta ba alam mo ang iyong limitasyon, sige lang at magpakasaya at magpakabusog ka.  Dahil kapag satisfied ka na, gumaganda at positibo ang nagiging pananaw mo sa mundo.

Monday, May 18, 2015

No Parking


Narinig mo na ba ang word na oxymoron?  Hindi ito combination ng oxygen at moron.  Haha.

Minsan ay nakaka-encounter tayo ng mga pangyayari o mga bagay-bagay na contradicting.  Iyon bang tipong iba ang gusto nitong sabihin at iba din ang dating o pakahulugan ng kanyang salita.  Gaya na lang ng 'Wag kang maingay at di kita marinig.'

Gaya na lang ng larawang nakuhaan ko ng minsan.  'NO PARKING' ang nakalagay na signage pero may nakaparada namang sasakyan.  Ang hirit nga ng mga kasama ko ay baka sa harapan ng kotse applicable ang no parking sign.  Hehe.

Sunday, May 17, 2015

Biyahe


Sa biyahe ng buhay, may pagkakataong napapasabak tayo sa iba’t ibang challenges at kailangan lang nating kumapit at eenjoy ang buong kahabaan ng ating paglalakbay.

Maraming hitik at exciting na mga kwento ang bawat biyahe ng ating buhay.  Attitude wise, dito natin makikita kung papaano natin hinaharap ang bawat napagdadaanan natin.  Dito makikita kung gaano tayo kapursigido na marating ang ating destinasyon.  Pero ang pinakaimportante sa lahat ay kung papaano natin ini-enjoy ang kabuuan ng ating biyahe.

Minsan, hindi importante kung gaano kahaba ang ating nilakbay.  Ang higit na mas mahalaga ay ang mga bagay-bagay na ating napupulot at natutunan sa kahabaan ng ating biyahe.  Ang mga mumunting bagay na ito ang siyang nagbibigay nang mas malalim na kahulugan at saysay kung anong klaseng biyahe ang ating ginawa.  At kung nagdulot ba ito nang mas magandang rason para tingnan at harapin natin ang buhay na puno nang pag-asa at galak.

Thursday, March 26, 2015

Hold On


Kapag malakas daw ang bugso ng tubig sa ilog, kailangan nating kumapit pansamantala.

Bilang isang tao, alam natin ang ating sariling kakayahan.  May mga pagkakataon na nasusubok ang ating lakas at kakayahan.  Sa mga pagkakataon na tayo ay nasusuong sa mga pagsubok, alam natin kung ano ang ating kakayahan at kahinaan.  At kapag nahihirapan tayo ay puwede namang pansamantalang humimpil at kumapit.

Hindi sa lahat ng oras ay malakas tayo at nakakaya nating lampasan agad-agad ang isang pagsubok.  Darating ang sandali na may isang matinding pagsubok na talagang susubok sa ating katatagan at kalakasan.  Kapag dumating ang sandaling iyon at alam nating mahihirapan tayong suungin iyon, lahat ng puwede nating kapitan at hiraman ng lakas ay puwede nating gawin.  Alalahanin natin na hindi kalabisan at normal lang na humingi ng tulong.  Ang mahalaga ay alam natin kung papaano at kailangan puwedeng lumaban at kung kelan magpapalipas muna ng sitwasyon.

Hold on o kapit lang.  May mga pagkakataon na dapat tayong matutong maging pasensyoso at humanap ng mga alternatibong strategy para malampasan natin ang matinding pagsubok na ating kinakaharap.  Alalahanin natin na may bukas pa at may darating pang ibang araw. At kailangan nating mag-ipon nang lahat nating lakas para kapag handa na tayo ay makakaya na nating suungin at labanan ang anumang pagsubok na iyon.

Tuesday, March 17, 2015

Bisikleta


May kalsada pa ba?  Ito kaagad ang unang tanong na pumasok sa aking isipan nang makita ko ang nakapark na bisikleta.  Mula kasi sa aking kinatatayuan ay halos hindi na maaninag ang maliit na parte ng kalsada na pwedeng lakaran o patakbuhan ng bisikleta.  

Sa isang lugar kung saan ay parte na ng baha ang pang araw-araw na buhay ng mga tao, para sa isang kagaya kong dayo sa lugar na iyon, isang kakaibang tanawin ang paglamon ng tubig sa kalsadang dinadaanan ng mga tao at sasakyan.  Parang miserable kung tutuusin ang pang araw-araw mong galaw sa ganitong klaseng lugar subalit para sa mga nakatira na doon, ito ay tanggap na nila at bahagi na ito ng kanilang sistema.  Saan ka nga naman pupunta kung nandito na nakatirik ang bahay mo at wala ka namang pera para lumipat sa ibang lugar.

Ang mga Pinoy daw ay sobrang resilient sa mga hamon ng buhay pati na ng kalikasan.  Kaya ng mga Pinoy ang magsurvive at magtiis sa mga sitwasyon na pwedeng hindi tanggap ng iba.  At sa mga ganitong sitwasyon, kusang niyayakap na lang ng mga tao dito ang kung ano ang meron sila at magpahanggang ngayon ay nandoon pa rin sila at patuloy na nabubuhay.