Friday, May 22, 2015

Buko


Magkano na ba ang isang buko ngayon?  Ang huling bili ko ay 20 pesos ang isang piraso at muntik na akong makipagtalo sa magbubuko dahil ang order ko ay malauhog pero ang nabuksan niya ay makapal at matigas na ang laman nito.  Kapag sinusuwerte ka nga naman.

Kapag hindi ka laking probinsiya at wala kang ideya kung papaano kinukuha ang buko mula sa puno nito ay talagang magtataka kung bakit napakamahal ang isang buko.  Bago pa man makarating ito sa Manila ay marami na itong napagdadaanan at habang lumalayo doon sa kanyang origin ay unti-unting nagmamahal ang presyo nito.

Hindi biro ang umakyat sa puno ng niyog para manguha ng buko lalo na kapag ang puno ay matayog at nasa gilid pa ng bangin.  Kung pang sariling pagkain lang ang pinitas na buko, karaniwang inihuhulog na lang ito at bahala na si batman kung mabiyak at maubos ang sabaw nito.  Pero kapag ibebenta ang mga ito, tatalian ang buwig nito bago pa man putulin at saka ito alalayang ibaba sa puno para hindi magkalasan.  Pagkatapos ay hahakutin pa ito mula sa puno nito hanggang sa lugar kung saan ito ay ibebenta o bibilhin ng mga namamakyaw.  Sa murang halaga nang pagbili sa kanila, iisipin mo minsan kung talagang sapat ba ang pagod ng mga magsasaka para magbuwis buhay sa pag-akyat sa puno ng niyog para kumita lang ng barya.  Subalit kung wala sila at kung hindi nila gagawin ito, malamang ay hindi tayo makakatikim ng buko sa siyudad.


No comments:

Post a Comment