Merong isang pangyayari
na naging laman ng balita sa radyo at dyaryo na talaga namang araw-araw na
tinutukan ng mga tao sa probinsiyang iyon at maging sa mga kalapit na
probinsiya at kasama na kami doon. Ang
balita ay merong natagpuang mga bangkay na nangangamoy sa isang bahay sa
karatig probinsiya namin. Ilang araw ang
lumipas, ang babaeng may pakana ng anomalyang iyon ay nakulong.
Ayon sa pagtagni-tagni
ng mga kwento, nagtitinda ng bagoong ang babaeng iyon. Maliban sa pagtitinda nito ng bagoong ay
parang nagtayo na rin ito ng sarili niyang kulto. Nang mamatay ang mga kasamahan nito sa bahay
(hindi ako sigurado kung dalawa o higit pa ang bilang ng mga biktima at ang mga
iyon ay pwedeng kasambahay niya o katulong sa pagtitinda ng bagoong), hindi daw
pumayag ang babaeng iyon na ilibing ang mga ito. Naniniwala siya na sa pamamagitan ng kanyang
pagdarasal, orasyon, at ritwal ay kaya niyang buhayin ang mga iyon. Nagkaalaman na lang na merong patay sa loob
ng kanyang bahay nang nagsimula nang sumingaw ang kakaibang amoy ng naaagnas na
bangkay.
Dahil nagreklamo na ang
mga kapitbahay ng babaeng iyon nang hindi nila matiis ang mabahong amoy na
nagmumula sa kanyang bahay, dagli namang umaksyon ang mga pulis. Nang pasukin ang kanyang bahay ay doon na
tumambad ang naaagnas na bangkay ng mga kasamahan nito sa bahay at todo depensa
pa rin ang babae na kaya nitong buhayin ang mga bangkay na iyon. Pero wala itong nagawa nang isama siya ng mga
pulis sa presinto at kasunod noon ay ikinulong na siya. Ang mga bangkay na nakuha ay diretsong
ipinalibing na agad. Marami tuloy ang
mga naglalabasang haka-haka tungkol sa pangyayaring iyon at kahit ang mga tindera
ng bagoong sa aming lugar ay naapektuhan din sa balitang iyon. Sinasabi kasi ng iba na baka ang naaagnas na
likido mula sa katawan ng mga bangkay na iyon ay sinasama ng babae sa kanyang
bagoong kaya’t marami ang nandiri sa bagoong at biglang tumamlay ang bentahan
nito.
Pero hindi pa doon
natatapos ang kwento. Ilang beses ding
ikinober ng medya ang babaeng ikinulong at patuloy nitong pinaninindigan ang
kanyang paniniwala na kaya nitong buhayin ang mga namatay na kasamahan. Ilang buwan din siyang nakakulong at nagulat
ang lahat nang sumabog ang balitang biglang naglaho ang babaeng iyon. Kahit ang mga pulis na may hawak sa babaeng
iyon ay walang konkretong paliwanag kung bakit parang isang bula na biglang
naglaho ang babaeng nakakulong sa loob ng kanilang presinto.
Ayun sa isang bersyon
ng kwento, nirequest daw ng babaeng iyon na dalhin sa kanya ang itim nitong
patadyong o tapis. Pagkatapos na
mapasakamay nito ang hinihinging gamit, kinabukasan daw ay nagkagulo na lang sa
loob ng presinto dahil hindi nila makita ang babaeng nakakulong doon. Nagtataka ang mga pulis kung papaanong nawala
ang babae sa loob ng kulungan. At
lumipas pa ang mahabang panahon ay hindi na muling nakita ang babaeng
iyon. Hanggang ngayon ay marami pa rin
ang nakakaalam at laman pa rin ito ng mga kwentuhan ng mga kababalaghang
pangyayari sa aming lugar.
No comments:
Post a Comment