Sa isang komunidad na
halos magkakilala ang mga tao, kapag mayroong isang kakaibang balita ay tiyak
na parang apoy itong kakalat agad.
Katulad na lang ng isang umaga na meron daw nahuling ‘aswang’ na
kasalukuyang nakakulong sa presinto.
Pagkarinig ng balitang iyon ay marami ang nagtungo sa presinto para
makiusyuso at makita ang sinasabi nilang aswang. Subalit marami ang nabigong makita ang
‘aswang’ dahil hindi sila pinayagan ng pulis na makita ito. Pagkadating ng hapon ay sinundo ito ng
kanyang anak at agad din namang pinakawalan ito ng mga pulis. Ang rason ay walang matibay na ebidensiya
laban sa kanya at hindi tanggap sa korte at maging sa pagrereklamo sa pulis ang
dahilan na pwedeng ipakulong ang isang tao dahil sa sinasabing ito ay isang
‘aswang.’ Napilitan lamang ang mga pulis
na ikulong ang matandang babaeng iyon dahil dinala siya doon ng nagrereklamo at
dahil sa kanyang seguridad at edad na rin ay minabuti ng mga pulis na antayin
ang sundo ng matanda bago ito payagang makauwi.
Ayon sa mga
naglalabasang kwento, nahuli daw ng isang lalake ang matandang babae na
paikot-ikot sa kanilang bahay ng gabing iyon.
Dahil maliwanag ang sikat ng buwan, madaling nakita ng lalake ang
matandang babae na tila ba balisa at may kung anong ginagawa habang iniikutan
nito ang bahay ng lalake. Dagli daw
kinabahan ang lalake dahil walang kasama ang asawa nito na kasalukuyan ay
mahimbing itong natutulog. Ang unang
pumasok sa isip ng lalake ay aswang ang matandang babaeng kanyang nakita at
agad niya itong tinalian para hindi makawala.
Mag-uumaga na nang dalhin niya sa presinto ang matandang babae para
ireklamo sa pulis.
Nakasaad sa blotter ng
pulisya na ang rason kung bakit nakita ng lalake ang matandang babae sa
kanilang bahay ay nawawala daw ito. Ayon
din sa hininging salaysay sa anak ng matandang babaeng iyon, nagpaalam daw ang
kanyang ina na iihi lang pero sa hindi maipaliwanag na kadahilanan ay nawala
raw ito at hindi nila mahagilap. Nagulat
na lang daw sila kinabukasan nang makarating sa kanila ang balita na nasa
presinto at nakakulong ang kanilang nanay.
Ang ipinagtataka ng lahat ay malayong naligaw ang matanda gaya ng
depensa nito at ganoon din ng kanyang anak.
Ayon sa lalakeng nagrereklamo, malabong maligaw ang matanda sa kanilang
lugar dahil ang kanilang bahay ay nasa kabilang baryo kung saan nakatira ang
matandang babae. Sa edad ng matandang
babae at kahit na maliwanag pa ang buwan, mahihirapan ang isang matandang tao
na maglakad ng napakalayo sa kalagitnaan ng gabi. At malayo din daw na gagamit ito ng kanilang
palikuran dahil nasa kabilang baryo pa galing ang matandang babae.
Dahil wala namang
nangyari na hindi maganda, agad namang nagpatawad ang lalakeng nagrereklamo
nang humingi ng dispensa ang matandang babae at ganoon din ang anak nito. Nangangako ang anak ng matandang babae na
babantayan daw nilang maige ang kanilang nanay para hindi na ito muling maligaw
sa mga karatig na baryo.
No comments:
Post a Comment