Ang alon daw ng buhay ay
sadyang matalinhaga.
Walang makakapagsabi
kung ano ang magiging kaganapan ng ating buhay.
Kahit na patuloy tayong nagsusumikap para mas lalong mapaganda ang takbo
ng ating buhay, kapag dumarating ang sandali na raragasa ang matinding alon ay
tiyak na isa itong magiging isang malaking pagsubok para sa atin.
Sa pagragasa at sa matinding
paghampas ng alon, kahit sinong makaranas ng ganitong pangyayari ay tiyak na
makakaramdam nang matinding pasakit. Kadalasan
ay maririnig natin ang mga hinaing ng ibang tao kung bakit sila ang
pinaparusahan at kung bakit sobrang pasakit ang kanilang dinaranas. Maririnig din natin ang kanilang mga panaghoy
kung nagkukulang daw ba sila sa kanilang pananampalataya o may nagawa ba silang
matinding kasalanan at ganoon na lang kung hagupitin sila ng malakas na alon.
Kapag dumarating ang
mga pagsubok at wala tayong matatakbuhan, kagaya nang pagragasa ng matinding
alon, ang tanging magagawa natin ay ang kumapit nang mahigpit sa kahit na anong
puwede nating makapitan. Kailangan nating
indain ang mga pasakit at lahat ng mga matitinding dagok kung gusto pa nating
mabuhay. Ang bibigay at hinahayaang
malunod na lang sa mga pagsubok ang siyang pinanghihinaan ng loob at walang
kalakasan para lumaban.
Ang bawat isa sa atin
ay tiyak na nakaranas nang mga hagupit ng alon ng buhay. Iba’t ibang degree man nang hagupit ang ating
naranasan, hindi natin puwedeng ikumpara ang ating sinapit sa sinapit ng
iba. At kahit na pare-pareho man tayo
nang dadanasing hagupit, iba-iba pa rin ang ating mga pamamaraan para tayo ay lumaban
at maka-survive. Pero iisa lang ang
maliwanag sa lahat ng mga pagdurusang tinatanggap natin. Gusto pa nating mabuhay kaya tayo ay patuloy
na lumalaban sa alon ng buhay.
No comments:
Post a Comment