Tuesday, February 17, 2015

Missing You


May mga panahon kung saan ay bigla na lang nating naaalala ang mga taong malapit at napamahal na sa atin.  Sila ang mga taong naging bahagi na ng ating buhay at itinuturing nating parte na ng ating pagkatao.  At kapag dumadating ang panahong bigla nating naaalala sila, ibig sabihin noon ay namimiss natin ang mga magagandang alaala na kasama sila.

Mapalad tayo sa mga panahong ito dahil maraming mga paraan para sila ay makontak.  Ilang pindot lang sa ating gadget o di kaya’y sa internet, nandiyan lang sila.  Pero dahil laging iniisip nating nandiyan lang sila, maraming mga pagkakataon na ipinagwawalang bahala natin na nandiyan nga sila.  Hanggang sa ang iba sa kanila ay bigla na lang mawala.

Nakakalungkot isipin na habang nandiyan ang mga taong mahal natin, parang may kulang na mga sandali kung saan ay dapat nakasama o nakakausap natin sila.  Nasanay tayo sa setup na ang madalas lang nating nakakasama ang siyang nabibigyan natin ng ating panahon.  Ang mga bibihira nating makasama ay hindi natin namamalayan na lumilipas na pala ang panahon na hindi man lang natin sila nakakausap dahil sa ideya na nandiyan lang sila lagi.  At kung sakali mang dumating ang panahon na bigla na lang silang mawawala, nakakaramdam tayo nang pagsisisi at pagkukulang.


Kapag dumadating ang sandali na namimiss natin ang ating mga mahal sa buhay at mga kaibigan, ibig sabihin lang noon ay dapat gumawa tayo ng paraan para sila ay muling makapiling.  Maging personal na pagkikita man iyon o simpleng makausap sa telepono o social media, ang simpleng pakikipag-ugnayan sa kanila ay isang malaking bagay na.  Sana ay huwag nating hintayin na panghihinayangan natin ang mga panahon na nawala nang hindi man lang tayo gumagawa ng paraan para sila ay makausap at makipagkuwentuhan.

No comments:

Post a Comment