Saturday, February 28, 2015

Aswang - 2



Habang nagcocover kami ng Chinese New Year celebration nitong taon, pinalad namang na-encounter namin ang paglabas ng isang grupo ng mga performers na may kasamang ‘aswang.’  Katulad ng mga nakaraang celebration, present na naman ang grupong ito dahil ang Chinese New Year sa bansa ay isa sa mga malaking okasyon sa kung saan ay puwede silang rumaket nang husto.

Naglalakad kami noon patungo sa direksiyon kung saan kasalukuyang nagpeperform ang grupo.  Natawa na lang ako bigla dahil sa malayo ay nakita ko ang isang lalakeng kumukuha ng pictures na nilapitan ng aswang.  Dahil malayo pa kami ay hindi ko tuloy nakuhaan ang actual na eksena sa pagitan ng lalakeng iyon at ng ‘aswang.’

Ang siste, nakatuwaan ng ‘aswang’ ang lalake at nilapitan niya ito.  Noong simula ay natatawa pa ang lalake subalit nang lumapit nang husto ang ‘aswang’ ay para itong naging tuod bigla at hindi nakakilos.  Dahil nasa kanyang likuran ang isang kotse, walang nagawa ang lalake kundi ang sumandal dito at kitang-kita sa kanyang mukha ang pandidiri.  Ang eksenang iyon ay tipong napapanood sa mga pelikula kung saan ang biktima ng ‘aswang’ ay hindi man lang sumisigaw at nagawang manlaban at nagiging willing victim na lang siya.  Halos dumikit na ang mukha ng ‘aswang’ sa exposed na leeg ng lalake at walang nagawa ang lalake kundi ang pumikit na lang.  Haha.


Nang makalapit na kami at nakapuwesto sa unahan, ang sumunod namang nagpakuha ng picture ay ang babaeng kasama ng lalake.  Ngayon ay mas game na nagpakuha ng picture ang babae kun todo acting pa.  At pagkatapos noon ay inabutan sila ng envelope para magbigay ng kaunting halaga.


Noong una ay hindi ko mawari kung bakit diring-diri ang lalakeng iyon nang lapitan siya ng ‘aswang’.  Nang sumunod na makuhaan ko ng picture ang ‘aswang’ ay natawa na lang ako sa aking nasaksihan.  Ngayon ay alam ko na at valid naman pala ang naging reaksiyon ng lalakeng iyon.  Hehe.


Friday, February 27, 2015

Lumpiang Shanghai


Sa mga handaan o maging sa mga fastfood chains, pati lumpiang shanghai ay patok na rin.  Parang nagiging kasama na ito sa pang-araw-araw na ulam na pwedeng mabili kahit saan.

Kung tutuusin ay simple lang naman ang ingredients at pagluluto ng pagkaing ito.  Karaniwang giniling na karne ng baboy na hinahaluan ng mga gulay tulad ng patatas at carrots at tinimpla gamit ang iba't ibang spices.  Pagkatapos ay sinamahan ito ng binateng itlog para mas lalong sumarap at para din kumapit ng lumpia wrapper.    At para lalong swak sa bibig, ketchup ang akmang sawsawan nito.

Minsan, dahil sa commercialism at todong pagtitipid sa paghanda nito, mas makapal pa ang lumpia wrapper kumpara sa laman nito at halos wala ka nang malasahan na karne.  Minsan ay meron naman akong natikman na kay sagwa nang lasa at marahil ay mula ito sa chorizo na di ko talaga trip ang lasa.  At higit sa lahat, hindi na ito ganoon kasarap kapag lumamig at lumambot na ito.

Thursday, February 26, 2015

Snorkeling




Maraming mga beach resort sa ating bansa na nagtataglay ng mayamang tanawin sa ilalim ng dagat.  Mapa pulutong ng mga isda, coral reef formation, o di kaya’y mga giant clams.  Meron pa nga akong napuntahan minsan na may ship wreck sa ilalim ng dagat noon pang panahon ng WW2.


Anyways, sa mga gustong makaranas ng adventure sa ilalim ng dagat, puwedeng subukin ang murang snorkeling o di kaya’y ang mahal na scuba diving.  Di hamak na mabenta ang snorkeling kaya’t asahan mong kasama sa mga amenities nila ang pagpaparent ng snorkel.  Iyon nga lang at may kaunting alalahanin tayo dito.  Bago subuking magrent ng snorkel ay alam mo na ba kung ilang bibig na ang gumamit nito at kung papaano nila nilinis ito bago ipagamit sa iba?  Haha.  Dahil hindi naman kamahalan ang gamit na ito mas maige na sigurong bumili ka na lang ng sarili mo para no hassle pagdating sa paggamit nito.

Wednesday, February 25, 2015

Enjoy


Kapag mainit ang panahon ay talagang walang kasing sulit ang bawat sandali kapag puwedeng magbabad sa malamig na tubig.

Sa isang tropical na bansa gaya ng Pilipinas, pagdating ng tag-init ay marami sa atin ang gustong magbabad sa tubig.  Mapa dagat, ilog, swimming pool, o batya man iyon ay talagang solve na ang araw natin kapag madaluyan ng malamig na tubig ang ating katawan.

Ang sarap sa pakiramdam at talagang nakakaginhawa ng katawan kapag nakababad ka sa tubig.  Meron nga akong mga kilalang tao na sa sobrang pagkaadik sa pagpapapresko ay ilang beses kung maligo sa isang araw lalo na kapag tag-init.

Kaya't kapag summer time na at talagang matindi ang init, lumabas at magbabad sa malamig na tubig.  Hindi naman kailangang gumastos nang todo para lang makapag enjoy.  Malay mo, malapit lang sa iyo ang lugar na akma sa budget mo at di mo na kailangan pang lumayo.

Tuesday, February 24, 2015

Curiosity


May nagtanong minsan kung totoo ba ang kasabihang ‘Curiosity kills the cat.’

Maraming dahilan kung bakit mayroong nacucurious sa iba’t ibang bagay.  Maraming mga bagay ang naglalaro sa kanilang isipan kaya’t gusto nilang malaman ang mga kasagutan dito.  Ang iba ay talagang buwis-buhay ang ginagawa kung minsan para lang malaman ang dapat na malaman.

Nakakatuwang isipin na sadyang nagiging malikot ang ating isipan at imahinasyon tungkol sa iba’t ibang mga bagay.  Ang iba sa atin ay hindi natatahimik hangga’t hindi nalalaman ang kasagutan.  Gumagawa tayo ng paraan para lang masatisfy ang ating sarili sa mga tanong na naghahanap ng mga kasagutan.


Kung babalikan natin ang kasabihang ‘Curiosity kills the cat’, malamang ay totoo ito.  At kung hindi ka maniniwala dito, aba’y tanungin mo muna ang hawak mong siopao kung ano ang totoong palaman nito.  Haha.  Patay kang pusa ka.

Monday, February 23, 2015

Baby



Nang minsang sumakay ako ng bus, pagkasandal ko sa upuan ay parang ang layo na agad ng aking iniisip.  Halos wala pang lamang pasahero ang bus na iyon at nagtatawag pa ang konduktor ng mga sasakay.  Hindi ko maisip kung ano ang seryosong bagay na naglalaro sa isipan ko ng mga panahong iyon subalit biglang naputol ang aking pagmumunimuni nang merong sumakay na magnanay at naupo sila sa harap ko. 

Dahil nakaharap sa akin ang batang nakangiti, agad nitong nakuha ang aking atensiyon.  Hindi ko alam kung ngumingiti siya dahil nakakita siya ng pangit. Haha.  Alam naman nating basta bata ay cute pero hindi natin alam kung alam ng bata na cute siya at pangit ako.  Haha.  Ayun nga ang nangyari.  Habang naghihintay kami na dumami pa ang mga pasahero, ang batang iyon ay tila ba gustong makikipag-usap sa akin.  Sadya lang talaga sigurong playful ang isang bata at mahirap maarok ang laman ng kanyang isipan kung bakit masaya siya at tipong gustong makipag-usap sa isang tao na hindi niya kilala.  Mabuti na lang at ganoon ang batang iyon at hindi pa nangingilala ng ibang tao.


Dahil sa cute ang batang iyon, agad kong inilabas ang aking cam at pilit kong kinukunan siya ng magandang litrato.  Sa simula ay panay pa ang kanyang tawa at pagpapacute at tipong game na magpakuha ng picture.  Pero pagkaraan ng ilang minuto ay biglang nag-iba na ang timpla ng kanyang mood at tipong nais nitong iparating sa akin na pagod na siya.  Ayun at nagsimulang umiyak ang pobreng bata.  At bago pa matuklasan ng kanyang nanay na kinukunan ko ng picture ang kanyang anak, dali-dali kong itinago ang aking cam at deadma na lang sa bata.  Hehe.

Sunday, February 22, 2015

Aquarium



Dati ay nakahiligan ko ring mag-alaga ng isda sa aquarium.  Nakumbinsi ako ng ilan sa aking mga officemates na subukin ko raw ang hobby na ito.  Dahil sa madalas ko silang maringgan ng mga magagandang bagay tungkol sa kanilang mga alagang isda, naengganyo din ako.

Ang sarap pala sa pakiramdam na meron kang aquarium sa loob ng bahay.  Pagkauwi ko galing sa trabaho at medyo pagod, uupo lang ako sa harap ng aking aquarium at panonoorin ang mga alaga kong isda na lumalangoy.  Nakakawala pala ng stress at pagod ang hobby na ito.  At masasabi kong sulit ang investment ko dito.

Ayun nga lang at masyadong ambisyoso ang una kong set.  Kahit na wala akong ideya, sinubukan ko ang salt water.  Nakakatuwa kasi ang mga makukulay na isda sa salt water kaya’t iyon ang aking napagdiskitahan.  Dahil sa hindi ko makuha ang tamang timpla ng salt water, ayun at si ‘nemo’ ang bukod tanging survivor sa mga isda ko.  Nagsilutangan lahat ang mga mahihinang klase.

Tapos ay hindi pa ako tumigil doon.  Round two pa ng salt water.  Pagkaraan ng ilang araw ay nag brownout habang ako ay nasa trabaho.  Ang ending?  Deads lahat ang mga alaga kong isda.  Haha. 


Kaya back to fresh water na lang ako.  Medyo hindi ganoon kahirap mag-alaga ng fresh water fish kaya’t nagawa ko ring palakihin ang mga nagustuhan kong fresh water fishes.

Saturday, February 21, 2015

Aswang - 1


Sa probinsiya, ang isang nakakatakot na nilalang na pinangingilagan ng mga tao ay ang aswang.  Kahit na nagiging moderno na ang takbo ng panahon, hindi pa rin mamataymatay ang issue at mga kwento tungkol sa aswang.

Siguro ang iba sa atin ay nakarinig ng mga kwento na gustong-gusto ng mga aswang ang buntis.  Para daw sa kanila, napakabango ang sanggol na nasa loob ng sinapupunan at sobrang tulo –laway sila dito.  Kaya nga kapag may buntis sa probinsiya, ang karaniwang iniwasan nila ay ang maaswang.

Ayun sa mga kwento, humahaba daw ang dila ng isang aswang kapag nambibiktima ito.  Pagkatapos nitong sumampa sa bubong at makahanap ng butas, ang dila nito ay parang nagiging isang sinulid at humahaba habang inaasinta nito ang tiyan ng babaeng buntis.  Pero gaya ng ibang mga kwentong bayan, hanggang ngayon ay hindi pa napapatunayan kung ano ang kinukuha o kinakain ng aswang mula sa kanyang biktima.  Walang nairereport sa pulisya o kaya’y sa ospital na nabawasan ng laman-loob ang isang babaeng buntis kapag ito ay inaaswang.


Marahil hindi naniniwala ang babaeng buntis na nasa larawan kaya’t hindi ito nakikitaan nang takot na panoorin ang aswang habang ang aswang ay nagpeperform.  Hehe.


Friday, February 20, 2015

Crunchy Crablets


Sa bayan namin ay sagana sa crabs o talangka.  Matiyaga ka lang pumunta sa ilog ay makakahuli ka na nang iyong pang ulam.  Ang karaniwang luto namin sa talangka ay simpleng pinapakuluan lang at tinitimplahan ng asin.  Kung minsan naman ay niluluto namin sa Sprite.  At ang pinakadabest ay ang isasahog ito sa gulay, lalo na kapag may gata.  Huwaw!  Tulo laway na naman ako.  Haha.

Sa siyudad ay hindi masyadong pinapansin ang mga talangka maliban na lang kung medyo nagtitipid ka.  Pero sa mga handaan, kasama na ang talangka sa mga menung pinagpipilian.  Iyong nga lang at hindi na messy ito kainin dahil pinalutong na at tipong isang kagatan lang ay ayos na.

Sadyang hindi tayo nauubusan nang paraan para mareinvent ang mga nakagisnan nating pagkain at para matikman na rin ng ibang tao na hindi nakasanayan ang ganitong klaseng pagkain.  Mabuti na rin ito dahil ma-oorient sila at kapag nakarating sila sa mga probinsiya na meron nito ay hindi na magiging estranghero ang pagkaing ito sa kanila.

Thursday, February 19, 2015

Romantic


Masarap tumambay sa isang lugar kung saan ay maituturing mo itong isang romantiko.

Kadalasan ay napapahanga tayo sa mga lugar sa ibang bansa kung saan ang mga tanawin ay sadyang kakaiba.  Madalas nga ay nangangarap tayong marating ang mga ito.  Subalit hindi natin naiisip na sadyang maraming mga magaganda at romantikong lugar sa Pilipinas at kailangan lang nating tuklasin ang mga ito.

Sa mga travel shows, blogs, at pictures at videos na ibinabahagi ng marami sa atin ay dito tayo nagkakaroon ng ideya sa mga lugar sa bansa kung saan ay puwede nating puntahan.  Ang iba nga dito ay malapit lang sa ating kinaroroonan at dahil wala tayong kaalam-alam, napapadayo pa tayo sa malalayong lugar at gumastos ng todo para lang marating ang narating na ng karamihan.

Ang ganda at pagiging romantic ng isang lugar ay naaayon sa ating kamalayan at konsepto.  Kung marunong lang tayong mag-explore, tiyak na mas marami pa tayong mararating na ganitong mga lugar.  At malay mo, ang romantikong lugar pala ay nandiyan lang sa tabi-tabi.

Wednesday, February 18, 2015

Katuwaan


Sadyang nakakatuwang isipin na marami kang puwedeng gawin kapag nasa beach ka lalo na kapag kasama ang pamilya o barkada.

Kapag summer, tiyak mabubulabog na naman ang maraming tabing dagat sa dami ng mga gustong makiamot sa kasiyahan na dulot ng kalikasan.  Ang simpleng pagkakataon na makalusong sa dagat, mabasa ng tubig, at magkaroon ng mga katuwaan ay pupuwede nang maging panghabangbuhay na alaala.  Hindi naman kailangang magarbo at magastos ang katuwaan.  Minsan nga, sa mga simpleng bagay pa tayo nakakatagpo nang mas masasayang mga sandali.

Kaya't sa bawat summer na magdaan sa ating buhay, sana ay magiging makabuluhan ito kasama ang ating pamilya at mga kaibigan.  Huwag nating palampasin ang magkaroon nang bonding at katuwaan para mas lalong tumibay ang ating samahan.

Tuesday, February 17, 2015

Missing You


May mga panahon kung saan ay bigla na lang nating naaalala ang mga taong malapit at napamahal na sa atin.  Sila ang mga taong naging bahagi na ng ating buhay at itinuturing nating parte na ng ating pagkatao.  At kapag dumadating ang panahong bigla nating naaalala sila, ibig sabihin noon ay namimiss natin ang mga magagandang alaala na kasama sila.

Mapalad tayo sa mga panahong ito dahil maraming mga paraan para sila ay makontak.  Ilang pindot lang sa ating gadget o di kaya’y sa internet, nandiyan lang sila.  Pero dahil laging iniisip nating nandiyan lang sila, maraming mga pagkakataon na ipinagwawalang bahala natin na nandiyan nga sila.  Hanggang sa ang iba sa kanila ay bigla na lang mawala.

Nakakalungkot isipin na habang nandiyan ang mga taong mahal natin, parang may kulang na mga sandali kung saan ay dapat nakasama o nakakausap natin sila.  Nasanay tayo sa setup na ang madalas lang nating nakakasama ang siyang nabibigyan natin ng ating panahon.  Ang mga bibihira nating makasama ay hindi natin namamalayan na lumilipas na pala ang panahon na hindi man lang natin sila nakakausap dahil sa ideya na nandiyan lang sila lagi.  At kung sakali mang dumating ang panahon na bigla na lang silang mawawala, nakakaramdam tayo nang pagsisisi at pagkukulang.


Kapag dumadating ang sandali na namimiss natin ang ating mga mahal sa buhay at mga kaibigan, ibig sabihin lang noon ay dapat gumawa tayo ng paraan para sila ay muling makapiling.  Maging personal na pagkikita man iyon o simpleng makausap sa telepono o social media, ang simpleng pakikipag-ugnayan sa kanila ay isang malaking bagay na.  Sana ay huwag nating hintayin na panghihinayangan natin ang mga panahon na nawala nang hindi man lang tayo gumagawa ng paraan para sila ay makausap at makipagkuwentuhan.

Monday, February 16, 2015

Handaan


Sa isang bansa kung saan uso ang mga fiesta at kung anu-ano pang mga handaan, palaging kaakibat nito ang mga masasarap na pagkain.

Ang mga pagtitipon ay may kasamang pagsasalo sa hapag kainan lagi.  Sa paglipas ng panahon, nag-iiba na rin ang konsepto nating mga Pilipino pagdating sa handaan.  Ang pagkakaroon ng handa at salo-salo ay bilang pasasalamat sa kung ano mang biyaya na ating nakamit.  Meron ding paghahanda dahil ang mga magkakalayong mga kamag-anak ay muling nagkikita.  O di kaya’y may importanteng pangyayari sa ating buhay gaya ng binyag, kasal, kaarawan, anibersaryo, at kung anu-ano pa.

Kadalasan, may mga pag-iisip o konsepto tayo pagdating sa handaan.  Mayroong naghahanda dahil gusto nilang ipagmalaki ang kung anong meron sila at ayaw nilang makarinig ng hindi maganda tungkol sa kanilang estado sa buhay.  Merong naghahanda kasi nakagawian nilang gawin ito at hindi kumpleto ang kanilang kasiyahan kung walang magarbong handa kasehodang magkakanda utang-utang sila.  Meron din namang naghahanda, kahit gaano man kapayak iyon, basta ang mahalaga sa kanila ay buo ang kanilang pamilya at mga kaibigan. 


Kahit na ano pa man ang ating nakagawian at rason sa paghahanda, ang importante ay marunong tayong magpasalamat sa bawat biyayang ating nakamit at ganoon din sa samahang patuloy na tumitibay.  Idagdag mo pa dito ang patuloy na pagyabong ng ating pagmamahalan sa mga importanteng tao sa ating buhay at ganoon din sa malusog nating pangangatawan.  Kasama na dito ang ating patuloy na panalangin na harinawa’y patuloy tayong pagpapalain ng Dakilang Lumikha.

Sunday, February 15, 2015

Birthday


Birthday, birthday din pag may time.

Hayaan niyong batiin ko ang aking sarili sa espesyal na araw na ito.  Kahit na ilang beses na akong hindi naghahanda at hinahayaan ko na lang na lumipas ang espesyal na araw na ito, ang mahalaga ay buhay pa rin ako.

Kahit noong kabataan ko ay hindi ko naranasan na magkaroon ng isang malaking handaan.  Naiintindihan ko naman ang aming sitwasyon noon pa dahil sa sobrang hikahos ang aming pamumuhay.  Masuwerte na kung merong pancit na handa at isang bote ng Pepsi ang aming pagsasaluhan.  Pero kapag walang-wala talaga ay maghihintay na lang ulit sa susunod na taon.

Nakakatuwang panoorin ang mga bata kapag meron silang malaking handa pagdating ng kanilang birthday.  Isang biyaya kung maituturing dahil sa pagsisikap ng kanilang mga magulang na handugan sila ng isang magandang salo-salo sa kanilang kaarawan.  Pati ang kanilang mga magulang ay tuwang-tuwa din sa ganoong okasyon dahil nakikita nila ang unti-unting paglaki ng kanilang anak.

Sa mga taong salat, gaya nang nakamulatan ko, kahit gaano ka simple ang handa ay ipinagpapasalamatan ito.  Basta sa amin, may handa man o wala, buo pa rin ang aming pamilya at solid pa rin ang aming samahan.

Muli ay happy birthday to me.  Hehe.

Saturday, February 14, 2015

Love



Ano nga ba ang love?

Marahil ay meron na tayong ideya sa iba’t ibang klase nang pagmamahal.  Kahit na hindi ito itinuturo sa atin ay atin itong natutunan habang tayo ay nabubuhay. May pagmamahal para sa ating mga magulang, kapatid, at kaibigan.  May pagmamahal para sa taong ating minamahal at iba din ang pagmamahal para sa mga taong napalapit na nang husto sa atin.

May mga taong sobra din kung magmahal at kung minsan ay nakakasakal o nakakasakit na sila.  Marahil ay hindi nila tanto kung papaano dapat ibahagi ang kanilang pagmamahal.  Ang sabi ng iba ay marami daw insecurities ang ganoong klaseng tao at gusto nila ay sila ang may control pati na ang damdamin ng iba.

Kapag love mo daw ang isang tao ay gagawin mo ang lahat para mapasaya lang siya.  Subalit kung ang iyong partner lang ang masaya at hindi ikaw, malamang sa hindi ay hindi na tamang pagmamahal iyon.

Friday, February 13, 2015

Nilagang Baboy


Sa Tagalog, ang salitang nilaga ay palaging nakakabit sa karneng baka.  

Dahil mahal ang karneng baka at hindi naman exclusive sa karne ng baka ang salitang 'nilaga', kadalasan ang mga nakagawiang mga putahe ay binabago.  At kapag ito ay nagustuhan at pumatok, nakakasanayan na itong iluto.

Minsan ay nakatikim ako ng isang masarap na nilagang baboy.  Simple lang ang pagkaluto nito.  Pinalambot lang ang karne ng baboy at ang tanging gulay na kasama dito ay pechay Baguio na higit na mas malasa kumpara sa repolyo.  Dahil mahal ang gulay, kadalasan ay kung ano lang ang makakayanan ng budget ang siyang pinagkakasya.

Ang sikreto nang masarap na nilagang baboy na aking natikman ay ang maraming slices ng luya at tanglad.  Sa isang lugar kung saan ang tanglad ay parang damo na tumutubo, kahit araw-araw pa ay magtanglad ka.  Kaya't ganoon na lang sila maglagay ng tanglad sa nilagang baboy na isa sa sikreto nang pampasarap nila sa ulam.

Thursday, February 12, 2015

White Sand


Naranasan mo na bang humiga sa puting buhangin na mala-polvoron sa pino?

Mayaman ang bansa natin sa mga baybayin at marami dito ay nagtataglay ng mga nakakabighaning mga tanawin.  Dahil sa kakaibang halina at natural na taglay na kagandahan ng ating mga baybayin ay nakilala ang bansa natin sa iba’t ibang panig ng mundo.

Isa sa mga pambato at ipinagmamalaki ng ating mga baybayin ay ang white sand.  Ilang beses na rin akong nagkaroon nang pagkakataon na makatapak sa mga exceptional na white sand beaches at talaga namang kamangha-mangha ang ganda ng mga ito.  Iyon bang tipong kahit na magpagulong-gulong ka ay hindi man lang ito dumidikit sa iyong katawan.  Kulang na lang ay bilugin mo ito at ilagay sa isang makinang na papel at magmumukha itong polvoron.


Sadyang mapalad tayo sa angking likas na yaman ng ating bansa.  Sana ang bawat isa sa atin ay magkakaroon nang pagkakataon na makaapak sa isa man sa ating mga naggagandahang mga white sand beaches at para na rin natin hindi tayo maging estranghero sa ating sariling bansa.

Wednesday, February 11, 2015

Alon


Ang alon daw ng buhay ay sadyang matalinhaga. 

Walang makakapagsabi kung ano ang magiging kaganapan ng ating buhay.  Kahit na patuloy tayong nagsusumikap para mas lalong mapaganda ang takbo ng ating buhay, kapag dumarating ang sandali na raragasa ang matinding alon ay tiyak na isa itong magiging isang malaking pagsubok para sa atin. 

Sa pagragasa at sa matinding paghampas ng alon, kahit sinong makaranas ng ganitong pangyayari ay tiyak na makakaramdam nang matinding pasakit.  Kadalasan ay maririnig natin ang mga hinaing ng ibang tao kung bakit sila ang pinaparusahan at kung bakit sobrang pasakit ang kanilang dinaranas.  Maririnig din natin ang kanilang mga panaghoy kung nagkukulang daw ba sila sa kanilang pananampalataya o may nagawa ba silang matinding kasalanan at ganoon na lang kung hagupitin sila ng malakas na alon.

Kapag dumarating ang mga pagsubok at wala tayong matatakbuhan, kagaya nang pagragasa ng matinding alon, ang tanging magagawa natin ay ang kumapit nang mahigpit sa kahit na anong puwede nating makapitan.  Kailangan nating indain ang mga pasakit at lahat ng mga matitinding dagok kung gusto pa nating mabuhay.  Ang bibigay at hinahayaang malunod na lang sa mga pagsubok ang siyang pinanghihinaan ng loob at walang kalakasan para lumaban.


Ang bawat isa sa atin ay tiyak na nakaranas nang mga hagupit ng alon ng buhay.  Iba’t ibang degree man nang hagupit ang ating naranasan, hindi natin puwedeng ikumpara ang ating sinapit sa sinapit ng iba.  At kahit na pare-pareho man tayo nang dadanasing hagupit, iba-iba pa rin ang ating mga pamamaraan para tayo ay lumaban at maka-survive.  Pero iisa lang ang maliwanag sa lahat ng mga pagdurusang tinatanggap natin.  Gusto pa nating mabuhay kaya tayo ay patuloy na lumalaban sa alon ng buhay.

Tuesday, February 10, 2015

Bata


Masaya talaga ang pagiging isang bata.  Kahit sino ang magsasabi ay walang kasing saya ang buhay ng isang bata.  Ito kasi ang parte ng buhay natin na kung saan ay wala tayong masyadong mga alalahanin at mga problema.

Kapag ikaw ay isang bata, maraming mga bagay ang puwede mong gawin para sumaya.  Sa totoo lang, hindi kumplikado ang buhay ng isang bata kaya’t masyadong madali ang makipagkapwa bata at ganoon din ang pagkakaroon ng mga kaibigan.  Basta nagkakasundo ng interes ay madaling makisama at makigulo.

At pag dumating ang mga masasayang sandali, asahan mong ang kanilang tawanan at saya ay wagas.  Maririnig mo sa kanilang mga tawanan ang totoong saya na walang halong anumang pagpapanggap.  Kapag sila ay nagkakatuwaan, ito ay todo bigay na tila ba wala ng bukas.

Tiyak maraming mga alaala tayong magpa-flashback sa tuwing makakakita at makakapanood tayo ng mga batang nagkakasiyahan.  At asahan mong kapag may mga bata nagkakasiyahan, ang galak sa ating mga puso ay walang kapantay.

Monday, February 9, 2015

Sa Gitna ng Dagat


Nang minsang napadayo ako sa isang malayong probinsiya, muntik ko nang maranasan ang matulog sa gitna ng dagat.

Ang lugar na aking tinungo ay isang isla kung saan may pag-aaring kubo sa gitna ng dagat ang aking tinuluyan.  Dahil hindi naman panahon ng bagyo at kalmado ang dagat, naisip ko na ibang experience sana kung maranasan ko ang matulog sa lumulutang na kubo sa gitna ng dagat.  Hindi naman kasi kalayuan ang lumulutang na kubong iyon at may makakasama naman ako.  Ang kubong iyon ay inilagay para paglagyan ng mga gamit, bilang pahingahan, at magiging tulugan ng magbabantay sa gabi ng mga isdang nasa kural dahil maraming mga pasaway na sumasalisi kapag madilim na ang paligid.

Iyon nga lang at di pumayag ang tinutuluyan ko.  Ang sabi niya ay bisita daw ako sa kanila at baka may hindi magandang mangyari sa gitna ng dagat at wala akong matatakbuhan kung sakali.  Umiiwas lang daw sila sa disgrasya kaya’t hindi na nila ako pinayagan.  Sayang.  Hehe.

Kapag nakakakita ako ng ganitong klaseng lugar ay palaging sumasagi sa aking isipan ang isang gabing matutulog kang parang idinuduyan ng alon.  Iyon bang tipong wala kang ibang maririnig kundi ang paghampas ng alon sa tinutulugan mo.  Malamang ay isang magandang karanasan iyon kung sakali.

Sunday, February 8, 2015

Alaala


May nag tanong sa akin minsan.  Bakit daw kuha ako nang kuha ng pictures at gumagawa pa ako ng blog?

Simula nang magkaroon ako ng kamera ay nagiging hobby ko na ang pagkuha ng pictures.  Nakakatuwa kasing isipin at panoorin ang mga alaala kapag nakikita ko ang mga pictures na nakunan ko.  Hindi man ako kagalingan sa pagkuha ng mga pictures, sapat na iyon sa akin upang sariwain ang mga alaala ng mga lugar at mga taong naging bahagi na ng aking buhay.

Kahit noon pa man ay hobby ko na ang pagsusulat.  Kahit anong maisip ko ay sinusulat ko, mapa-essay, tula, o simpleng quotation, basta gumagana ang utak ko ay sinusulat ko ang mga ito.  Isa kasi ito sa paraan para lalong mapalago ko ang aking pag-iisip at matututo akong magcompose.  Nang natuklusan ko ang pagbablog, doon ko na ipinapublish ang kung ano mang nagawa ko na.

Sa isang retreat, iminumungkahi ng speaker na iyon na dapat daw ay matututo tayong mag-ipon ng mga makabuluhang bagay at isa na doon ay ang mga magagandang alaala.  Hindi daw kasi habang panahon ay maaalala natin ang mga masasayang bagay pati na ang mga taong nakilala natin.  Sa pamamagitan daw ng litrato at ating mga sulat, nagiging imortal sila.

Kaya’t heto ako ngayon.  Kapag may pagkakataon ay kumukuha ako ng pictures at nagsusulat na rin.  Kapag palarin ako at tumanda pa, ang mga pictures at ang mga nasulat ko ang siyang patuloy na magpapaalala sa akin sa mga lugar, bagay, at mga taong naging bahagi na ng aking buhay.  At sa pamamagitan ng blog ko, harinaway magiging imortal ang lahat na nakasama dito.

Saturday, February 7, 2015

Shoot the Shooter - 1


Nagiging katuwaan ko na ang mag shoot ng shooter lalo na kapag kakilala ko ito.  At kung hindi naman ay pasimple lang kung makatutok ang kamera ko.

Sa isang modernong panahon kung saan ay halos bawat isa sa atin ay may hawak na kamera, halos maya't mayang pagkuha ng litrato ang ating ginagawa.  Mapa-selfie o kung anu-ano pang gimik para makakuha o magpakuha ng picture ay game tayo diyan.  Kaya nga ang dami nating paandar para lang makakuha tayo nang kakaibang litrato na magugustuhan natin.

Kaya't kung magkakasama tayo at bisi-bisihan kayo sa pagkuha ng pictures, hmmmmm, nandito lang ako sa tabi-tabi at wala kang kaalam-alam na kasama ka na pala sa magiging kakatuwang subject ko.  Hehe.

Friday, February 6, 2015

Danggit


Danggit ang isa sa mga paboritong bulad na masarap ihain lalo na kapag malutong ang pagkaluto nito.  Lalo na kapag hindi maalat ang timpla nito, talagang nakakaengganyo itong kainin kapag marinig mo sa iyong katabi ang malutong nitong pagkaluto.

Dahil sa pagiging kilala ng danggit, kahit sa mga resto ay inihahain na rin ito.  Iyon nga lang at medyo mahal ang presyuhan nito at iilang piraso lang ang isang serving.  Ganoon pa man, ipinapakita nito na hindi pang mahirap lang ang bulad na gaya ng danggit.  Ang bad side lang nito ay mahal ang presyo ng danggit kumpara sa mga pangkaraniwang bulad at minsan ay hindi na rin makabili ang mga ordinaryong tao.

Thursday, February 5, 2015

Kakatuwa


Minsan sa aking paggagala ay nasumpungan ko ang kakaibang dahon na ito.  Nakakatuwa ang kanyang hitsura dahil kakaiba siya sa mga dahong nakita ko at may mga kawangis din siyang mga dahon pero ang iba ay walang mga tuldok katulad nito.

Mabuti na lang at meron akong napagtanungang isang taga-doon at nakakatuwang malaman na ang mga tuldok sa dahong iyon ay itlog pala ito ng isang insekto.  Akala ko noong una, at ganoon din ng aking mga kasama, ay sadyang ganoon ang disenyo ng dahong iyon pero hindi pala.

Nakapanood din ako ng mga kahalintulad na palabas sa animal planet at kadalasang ginagawa daw ito ng mga hayop o insekto para itago o protektahan ang kanilang mga itlog kahit na hindi nila ito binabantayan.  Nakakatuwang isipin na ang bawat nilalang sa ating planeta ay may kanya-kanyang paraan sa pagpaparami at sa pagprotekha ng kanilang magiging anak.  Malamang kapag malaman pa natin ang iba pang kahalintulad na pamamaraan ng iba pang mga hayop at insekto, masasabi nating sadyang kakaiba talaga ang mundo natin at tiyak na mas lumawak pa ang ating kaalaman at pang-unawa.

Wednesday, February 4, 2015

Gasera


Noong una ay wala pa akong alam tungkol sa gaserang ginagamit ng mga mangingisda sa tuwing sila ay pumapalaot.  Maliban kasi sa araw, marami sa kanila ang mas gusto ang mangisda kapag lumubog na ang araw dahil hindi mainit.  Pero baka natutulog na ang mga isda at wala silang mahuli?

Sa mga gabing walang buwan ay mas patok ang mangisda.  Ang gasera kasi ang siyang nagsisilbing pang-attract sa mga isda kaya't nagkukumpulan ang mga ito sa liwanag na hatid ng gasera.  Kahit siguro maging isda tayo ay tiyak hirap tayo kapag madilim ang buo nating paligid.  Mabuti kung merong flashlight ang mga isda at puwede silang lumangoy nang lumangoy at kanilang naiilawan ang kanilang paligid.  Kaya't ang mga maaagang natutulog na mga isda ang siyang nakakaligtas sa pagkakahuli dahil nakaidlip na sila bago pa pumalaot ang mga mangingisda na may dalang gasera.  Haha.

Tuesday, February 3, 2015

Flower


Sa isang photography class ay naatasan kaming magsubmit ng kuha naming pictures para ma-critique ng buong klase.  Bawat isa sa amin ay pipili ng isang larawan at magsasabi kami ng mga puntos kung bakit kaaya-aya ito o may mga kakulangan.

Dahil nasa bandang dulo na ako ay iilang mga larawan na lang ang natirang pwede kong pagpilian.  Nang nakapili na ako ay napangiti ang aming instructor at marahil ay na-amused siya sa napili kong larawan.  Bakit daw 'flower' ang napili kong i-critique?  At sa sulok ng mga ngiti ng aming instructor ay meron akong napansing malisya.

Napangiti rin ako sa kanyang ipinakitang malisya at agad kong sinabi sa kanya na, 'Sino ba naman ang tatanggi sa isang bulaklak lalo na kapag ito ay sariwa pa at hindi na tuyot.'  Nagtawanan ang iba kong mga kaklase nang makuha ang kahulugan ng aking tinuran.  Biglang natigilan ang aming babaeng instructor at tipong hindi makahirit ng susunod niyang sasabihin.  Pagkatapos ay idinagdag ko pa na, 'Sadyang napakagandang tingnan ang bulaklak o sex organ ng halaman lalo na kapag maganda ang pagkabuka nito.'  Haha.  

Monday, February 2, 2015

Chill


Kapag may pagkakataon kang makapagchillax, aba'y huwag mo nang pakawalan pa.

Isang magandang pagkakaton ang pumunta sa isang lugar kung saan ay pwede kang magrelax at mag-enjoy na walang anumang alalahanin.  Sa isang lugar kung saan ay tipong solo mo ang mundo at ang problema ay walang pakialaman, sobrang nakakagaan ito ng pakiramdam at nakakawala ito ng stress.  Sino nga ba naman ang mamomroblema kung halos isang paraiso na ang iyong pinuntahan?

Kadalasan ay masyado tayong abala sa ating mga pang araw-araw na gawain kung saan ay sobrang bugbog na ang ating katawan at espiritu sa mga problema at iba't-ibang alalahanin.  Dumadating ang punto na masyado na tayong stressed at parang may kung anong kulang sa ating buhay.  Oo nga at nandiyan ang ating pamilya at mga kaibigan kung saan ay pwede tayong magsaya.  Pero may isang bagay na talagang malaki ang maitutulong sa atin. Iyon ay ang lumabas, gumala, at pumunta sa isang lugar kung saan ay marerelax tayo.

Ang bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang pamamaraan nang pagrerelax.  Pero wala na sigurong dadaig pa sa isang lugar na kung saan ay makakalimutan mo ang iyong mga problema at alalahanin kahit pansamantala lamang.  Iyong tipong sa bawat galaw mo ay puro mga positibong enerhiya ang siyang babalot sa iyong katawan at isipan.  

Kaya gala-gala din pag may time at magrelax.  Chill lang dahil ang buhay ay dapat ienjoy.

Sunday, February 1, 2015

Solo


May mga pagkakataon na tayo ay nagsosolo o ninanais nating magsolo.  Kahit na sabihing madalas tayong napapalibutan ng mga tao o di kaya'y nakahiligan natin ang mapabilang sa maraming tao.  Darating at darating ang sandali na tayo ay magsosolo.

Minsan ay kailangan nating maging solo para bigyan ang ating sarili nang pagkakataon na lalo pang kilalanin ang ating sarili o di kaya'y magkaroon ng nararapat na reflection.  Kapag nagiging busy na kasi tayo at madalas ay nagkakaroon ng mga kasama, may mga bagay na nakakalimutan tayo tungkol sa ating sarili.

Marapat daw na maranasan din natin kung papaano ang mag-isa dahil dito ay higit na makilala natin ang ating sarili.  Sa ating pag-iisa ay mabibigyan tayo nang pagkakataon na lalong kilalanin ang ating sarili at ganoon din ang ating mga balakin at mithiin sa buhay.  At minsan, nagkakaroon tayo ng ibayong katahimikan lalo na kapag masyadong magulo na ang ating mundo.