Thursday, April 30, 2015

Fire Eater



Noong nakaraang Chinese New Year ay dumayo kami sa Binondo para ma-experience ito.  Pangalawang pagkakataon ko na itong umatend ng Chinese New Year simula nang ideklara itong legal holiday sa bansa.  Ang kasama ko ay first time niya kaya’t tuwang-tuwa ito dahil sa kanyang mga nasasaksihan.

Ang isa sa mga pinagkakaguluhan sa mga kalsada sa Binondo ay ang mga performers na bumubuga ng apoy.  Sa totoo lang ay mahirap ang kanilang pinaggagawa dahil sa kaunting pagkakamali ay pwedeng pagmulan ito ng disgrasya  Pwedeng makapaso sila ng mga manood o di kaya’t pwede silang magliyab habang bumubuga ng gaas.


Natawa ang kasama ko at ang sabi niya ay hindi daw niya gagawing raket ang ginagawa ng mga fire eaters.  Ang iba kasi sa kanila ay bungal na at malamang ay nasisira daw ang mga ngipin nito dahil sa pagkain ng apoy.  Hehe.

Wednesday, April 29, 2015

Pulubi



Sa panahong ikaw ay meron at may isang taong walang-wala at humihingi ng kaunting limos, gaano kabait ang puso mo para sa isang kagaya niya?

Tiyak marami na sa atin ay nagkaroon ng pagkakataon na makakita ng mga taong palaboy sa kalsada at nagkaroon na rin tayo ng pagkakataon na mag-abot ng tulong sa kanila.  Sa pagdaan pa ng panahon ay nasasanay na rin tayong nandiyan lang sila lagi, iba-iba man ang kanilang mukha, anyo, kasarian, marami pa rin silang pakalat-kalat sa kalsada at kung saan at nanghihingi ng kahit kaunting tulong sa atin.

Hindi maiiwasan na dumadating ang pagkakataon na nagiging bingi at bulag na tayo sa ganitong kalakaran lalo na kapag nakikita nating malakas pa ang mga ito para mamalimos lang.  Ang iba naman ay ginagamit ang kanilang mga anak para mamalimos pagkatapos ay hayahay lang silang nangongolekta ng mga pinaglimusan ng kanilang mga anak.  Ang iba naman ay ginagamit sa bisyo ang limos sa kanila kung saan ay nakakadala na rin.


Ang sabi ng iba ay huwag daw tayong magbigay ng limos sa kanila dahil nawiwili ang mga ito.  Tayo din daw na nagbibigay ng limos ang pwedeng sisisihin sa pagdami nila dahil parang iniengganyo natin sila sa ganitong klaseng gawain.  Kung hindi daw matiis ng ating puso ang kanilang kalagayan, mas maige pa daw na bigyan natin sila ng pagkain kesa sa pera.  At least kapag pagkain, masasabi nating hindi sila magugutom at hindi nila magagamit ito sa sugal o di kaya’y sa droga.

Tuesday, April 28, 2015

Edad



Kung meron daw isang bagay na walang kahirap-hirap na nakakamtan natin at hindi ito napapansin, ito daw ay ang ating edad. 

Kahit na halos araw-araw tayong humaharap sa salamin, maraming mga pagkakataon na nasanay na tayo sa ating hitsura at halos hindi natin napapansin na nagkakaedad tayo.  Pati na ang palaging nakakasama natin ay halos hindi rin napapansin ang mga pagbabagong nagaganap sa ating hitsura maliban na lang kung tayo ay bagong gupit o sadyang nag-ayos.  Pero sa kadalasan, ang ating hitsura ay nagiging palasak na sa paningin ng ating mga kasama at tila ba halos wala tayong ipinagbabago.

Pero kakaiba ito sa mga taong bibihira lang nating makita.  Asahan mong kapag nagkita ang matagal nang nawalay, marami silang puwedeng mapuna sa hitsura mo at kasama na dito ang pagdagdag ng edad mo.  Mapalad ang mga taong maganda ang genes dahil mabagal ang kanilang pagtanda.  Pero sa mga taong mabilis na magdeteriorate ang kanilang pisikal na anyo, ito ay kaagad na makikita.

May mga nagsasabing imaterial daw ang edad.  Hindi daw mahalaga kung ano na ang numero ng ating edad.  Ang mas mahalaga daw ay ang ating mga experiences at kung ano ang natutunan natin sa mga nakalipas na panahon.  Hindi raw basehan ang edad para sukatin ang isang tao.  At hindi daw porke’t matanda na ay limitado na ang puwedeng gawin nito.


Siguro nga ay numero lang ang edad.  Ang sabi nga ay ang ating isipan ang siyang nagdidikta kung tayo ay feeling bata o feeling matanda na.  Pero hindi hadlang ang edad sa kung ano pa ang puwedeng mangyari sa buhay natin habang patuloy pa tayong nabubuhay.  Ang mahalaga ay habang nadadagdagan ang ating edad, mas lalong madadagdagan sana ang ating natutunan at mga karanasan sa mundo.

Monday, April 27, 2015

Summer Time


Summer time na naman at ang madalas at paboritong gawin ay ang maligo sa dagat.  Dahil mahabahaba ang summer, kadalasan ay kaliwa't kanan ang mga gimik kasama ang pamilya at mga barkada.  Kumbaga, perfect bonding moment ito kasama ang mga mahal mo sa buhay.

Hindi naman importante kung saang dagat ka naligo (huwag lang sa malangis, maitim, at puro basurang dagat op kors) basta malinis ito at kaaya-ayang languyan.  Ngayong mga panahong ito ay kailangan nating maging praktikal at mairaraos din natin ang ating summer na hindi gaanong gumagastos.  Kung hindi talaga kakayanin ng budget, pwede namang sa malapit lang na dagat pumunta.  Ang mahalaga ay enjoy ka at ang mga kasama mo.


Sunday, April 26, 2015

KPop


Nang pumasok ang year 2000, nagkaroon nang shift ang panlasa ng mga Pinoy.  Naging instant hit ang KPop at mga palabas na Koreans.

Ang ating pagkakahumaling sa ibang kultura ay palasak na simula nang sakupin tayo ng mga banyaga.  Simula noon ay naimpluwensyahan na tayo at palaging nakatuon ang ating pansin sa kung ano ang meron sa ibang bansa.  Mas lalong nagiging mabilis ang pagyakap natin sa ibang kultura dahil na rin sa makabagong teknolohiya. 

Nakakalungkot isipin na sa samu't-saring mga lahi na siyang pumupunta sa ating bansa (kung saan ang iba sa kanila ay gustong maging naturalized Filipinos), iba naman ang gusto natin.  Nagiging dayuhan na tayo sa ating sariling bansa at tipong hindi na natin kilala ang ating lahing pinanggalingan.  Mas alam pa natin ang kultura ng ibang bansa kumpara sa sarili nating bayan.  At ang nakakalungkot dito, nawawala ang identity natin bilang mga Pinoy.

Saturday, April 25, 2015

Aswang - 10


Mayroong itinuro sa amin kung papaanong kontrahin ang isang ‘aswang’ kapag gusto nitong pumasok sa bahay bilang isang kagaya nating tao din.  Madalas kasi ay hindi naman natin pwedeng pagbawalan na bumisita at pumasok ang isang tao sa ating bahay kaya’t mabuti na iyong handa.

Una ay ang paggamit ng walis tingting.  Hindi mo ito gagamitin bilang pamalo o panghampas sa isang tao para malaman mo kong ito ay isang aswang.    Siyempre, lahat naman ay masasaktan kapag pinalo mo ng walis tingting.  Haha.

Dapat daw patayuin ang walis tingting sa isang sulok ng bahay at mas maige kung ito ay malapit sa pintuan.  Mas maganda din daw na tago ito at hindi obvious sa mga bisita.  Ang pinakahawakan ng walis ay siyang nasa sahig at ang dulo nito ay ang nasa itaas.  Sa ganitong paraan daw ay parang tinutusok ang katawan ng isang ‘aswang’ kapag nasa loob siya ng iyong bahay at hindi daw ito mapakali at dagling aalis.

Ang pangalawa naman ay ang paggamit ng pambayo o mortar na siyang ginagamit sa mga probinsiya sa paglilinis ng palay o sa paglulubak.  Kapag may bakanteng espasyo sa ilalim ng hagdan, gaya ng mga hagdang yari sa kawayan o kahoy, ilalagay daw ang pambayo sa ilalim ng hagdan.  Kapag wala namang hagdan papasok ng bahay, pwede din daw na sa itaas na bahagi ng pintuan ito ilagay na nakapahalang.  Siguraduhin lang daw na matibay ang pagkalagay nito at baka ang nakatira mismo sa bahay ang siyang mabiktima at hindi ang aswang.  Haha.

Kahit daw ano ang gawin ng isang ‘aswang’ kapag may pahalang na pambayo sa ilalim ng hagdan o sa itaas na bahagi ng pintuan ay hindi ito makakapasok.  Kung sakaling makakapasok daw ito, para itong lalagnatin at pagpapawisan nang todo at magmamadali din itong lumabas ng bahay.  At ang pangalawang bagay na ito ay napatunayan na namin na epektibo.

Nang minsang nagpagawa ng cabinet ang isa kong kuya, mayroong nagrekomenda sa kanya na isang lalake na magaling daw gumawa ng cabinet.  Dahil sa kaibigan ng kuya ko ang nagrekomenda sa taong iyon, naniwala naman ang kuya ko at dumating ang taong iyon sa takdang araw ng kanilang usapan.  Galing sa ibang lugar ang lalakeng iyon at totoo ngang mabilis at pulido siyang gumawa.  Isang araw lang ang kanyang ginugol at nayari na niya agad ang ipinagawa ng aking kuya (kung saan ay katulong niya ang kuya ko).

Ang isa ko namang kuya ay masama ang basa sa taong gumagawa ng aparador na iyon.  Hindi siya nagkokomento tungkol dito pero mataman niyang binabantayan ito.  Ang kuya ko kasing ito ay mas may alam tungkol sa mga kakaibang tao na kanyang nakikita at nakakasalamuha.

Nang dumating ang tanghalian ay inanyayahan ng una kong kuya ang kanyang manggagawa upang kumain.  Kasama kasi sa usapan ang libreng tanghalian at merienda.  Nang paakyat na daw ang taong iyon sa hagdanan namin sa likuran ng bahay ay hindi nito magawang umapak kahit sa unang baytang man lang.  Kitang-kita daw ng pangalawang kuya ko na kahit anong gawin niya ay hindi niya magawang humakbang paakyat ng hagdan at nagsimula na itong pagpawisan.  Para hindi obvious na merong kakaiba sa hagdan naming iyon ay dinala siya ng una kong kuya sa harap ng bahay at doon ay wala siyang kahirap-hirap na nakaakyat ng bahay.

Ang kwento ng pangalawa kong kuya ay tagaktak daw ang pawis ng taong iyon nang umupo sa harap ng mesa at sobrang bilis daw nitong kumain.  Halos hindi pa daw nag-init ang kanyang upuan at agad na tinapos nito ang kanyang tanghalian at nagmamadaling bumaba ng bahay.  Sobrang laki daw ng ginhawa ang kanyang nararamdaman nang makabalik ito sa bakanteng lote kung saan ay nagmamadali nitong ipinagpatuloy ang kanyang ginagawang cabinet.

Pagkaraan ng ilang araw ay may ganti pala ito sa amin.  Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay biglang nagdidiliryo si nanay.  Kitang-kita ko mismo na umiikot siya sa higaan at halos umaangat ang kanyang balakang sa tuwing umiikot ang kanyang katawan habang siya ay nakahiga.  Panay ang kanyang ungol at sobrang mainit ang kanyang katawan.  Noon lang ako nakakita nang ganoong pangyayari at dahil bata pa ako ay wala naman akong magawa kundi ang tumulong sa pagbabantay sa nanay namin.  Dagling nagpatawag ng albularyo ang isa kong kuya at kahit papaano ay napakalma ang kalagayang iyon ni nanay.

Kinabukasan ay sinugod ng dalawa kong kuya ang lalakeng iyon na nakatira pa sa kabilang baryo.  Binantaan siya ng isa kong kuya na kung hindi niya titigilan ang nanay namin ay papatayin niya ito.  Pagkabalik nina kuya ay parang nagdahilan lang ang nanay namin.  Kahit na iniinda nito ang natitirang sakit ng kanyang ulo na tipong galing sa lagnat ay nagawa na nitong bumangon at maayos na uli ang kanyang pakiramdam. 

Nang magkwento si nanay ay kinilabutan kaming lahat.  Para daw merong mga kamay na humahawak sa kanyang katawan at iniikot siya.  Napakainit daw ng kanyang pakiramdam na para bang sinisilaban ang kanyang katawan.  Habang tipong nagdidiliryo daw siya ay may nakikita siyang itim na pusa sa kawayang nakasuporta sa loob ng bahay na nasa atip namin.  Para daw pinapanood siya ng pusang iyon habang siya ay paikot-ikot sa kanyang higaan.

Iyon lang ang pagkakamali namin.  Hindi namin nagawang maglagay ng pangontra sa aming katawan at sa ginawang iyon ng lalake ay nakita niya marahil na mahina ang espiritu ng nanay namin ay siya ang kanyang tinarget na gantihan.


Friday, April 24, 2015

Strawberry


Isa sa mga paborito kong prutas ay ang strawberry.

Minsan ay nakapanood ako ng palabas sa tv tungkol sa strawberry sa Italy at sa mga karatig nitong lugar.  Wow!  Nakakalula ang laki ng mga strawberry.  Imagine mo na lang na halos kasing-laki ng kalahating kamao ang isang strawberry.  Haha.  Nakakalula ang laki at talagang juicy at masarap daw ito.  Talagang tulo-laway ako sa palabas na iyon.  Imagine, makailang piraso ka pa lang nang ganoong kalaking strawberry as solve ka na.

Pero pinagpala pa rin ang bansa natin dahil meron din tayong local strawberry dito.  Hindi man kasing laki ng mga strawberry sa Europe, at least masasabi nating nakakatikim tayo ng strawberry at hindi hanggang nood lamang sa tv.

Thursday, April 23, 2015

Kabataan


Ayon sa pambansang bayani ng Pilipinas na si Gat Jose Rizal, ang kabataan daw ay siyang pag-asa ng ating bayan.  Pero kapag ganito ang makikita ni Jose Rizal, ano na lang kaya ang kanyang sasabihin.

Habang maaga at bata pa, kailangan daw na hinangin at turuang maige ang mga bata.  Sa ganito kasing edad ay mas madaling maprogram ang kanilang isip at damdamin.  Nakasalalay ngayon sa mga magulang ang tamang pagsubabay at tamang paggabay sa kanilang mga anak.  Dahil ang mga itinuturo at pangaral ng mga magulang ay siyang dadalhin ng mga bata hanggang sa kanilang pagtanda.

Subalit kung sa murang edad pa lang ng mga bata ay maaga silang mamulat sa mga bagay na lihis sa kung ano ang tama at dapat, gaya na lang nang pagsusugal, tiyak na dala-dala nila ang gawaing ito hanggang sa kanilang paglaki.  Ang higit na nakakabahala ay ang mga taong naghihikayat sa mga bata na sumugal sa kagustuhan nilang kumita.  Hindi nila iniisip na nagiging instrumento sila sa paglihis ng mga batang ito sa tamang pag-uugali at hindi nila iniisip na sa pag-expose ng mga bata sa ganitong gawain ay pwedeng makahiligan nila ito hanggang sa maadik ang mga ito sa sugal.  Ang maliit na halaga sa panginin nang nagpapasimuno ng gawaing ito ay unti-unting lumalaki hanggang sa humantong pa ito sa iba pang uri ng sugal na mas magiging malaki pa ang pustahan sa hinaharap.


Sana ay maisip ng mga taong nang-eenganyo sa mga bata na sila mismo ang siyang tumutulak sa mga batang ito na gumawa ng masama.  Ang kakarampot na pera na kinikita ng mga bata mula sa kanilang pamamalimos ay higit na mas kapanipakinabang kung sa pagkain na lang sana ng mga bata ito mapupunta.

Wednesday, April 22, 2015

Tuta


Minsan ay napadaan kami sa isang lugar kung saan ay maraming mga tutang ipinagbibili.  Ang gaganda ng mga tuta at tipong maeengganyo ka dahil ang cute ng mga ito.  Mababait din ang mga tindera at may libreng pakalong pa sa tuta.


May isang dalaga na mahilig din sa tuta at tuwang-tuwa ito nang payagan siyang makalong ang isa sa mga ito.  Nang hingan namin siya ng picture habang kalong niya ang isang tuta ay hindi siya nakahindi kahit na hindi niya kami kilala.  Tiningnan pa niya mismo ang sarili sa hawak kong kamera kung maganda ang registry ng mukha niya doon.  At napangiti siya sa resulta ng picture.

Tuesday, April 21, 2015

Palaboy


Nakakalungkot na makita ang ating mga kababayan na walang matuluyan at maayos na lugar na matutulugan sa atin pang mismong bayan.

Sa Pilipinas, masyado na raw malaki ang agwat ng mga mayayaman sa mahihirap.  Ang mga mayayaman ay payaman nang payaman samantalang ang mga mahihirap ay patuloy na naghihirap.  Maraming mga dahilan kung bakit nangyayari ito at ang ilan dito ay mismong kagagawan na rin ng ating mga hikahos na kababayan.  

Mahirap maging palaboy sa kalsada at ganoon din ang wala kang matirhan.  Ang mas nakakalungkot pa dito ay lubhang apektado ang mga bata na maagang namulat at patuloy na namumuhay sa ganitong kalakaran.  Minsan, ang isang pampublikong lugar ay inaako na nila bilang kanilang teritoryo at wala slang pakialaman sa mga taong dumadaan gaya ng mga tao o ahensiya ng gobyerno na wala ding pakialam sa kanila.  

Masyadong malalim na ang problema sa ating lipunan at nangangailangan ito ng isang gobyerno na may malinaw na programa at sapat na kakayahan para matulungan ang ating naghihikahos na mga kababayan.  Kung ang ating gobyerno ay patuloy na magbubulag-bulagan sa hitsura ng ating lipunan at sa mga taong palaboy, ano kaya ang isang bagay na puwedeng mangyari upang magiging aktibo at masigasig ang ating gobyerno para solusyunan ito?  Sana darating ang panahon na magkakaroon nang tuloy-tuloy na malasakit ang ating gobyerno sa mga palaboy lalo na sa mga bata para naman sa paglago ng ating bansa ay walang maiiwanan.

Monday, April 20, 2015

Summer



Masarap talaga ang tumira sa isang tropical na bansa gaya ng Pilipinas.  Dadalawa lang kasi ang season dito at kapag dumarating ang summer ay asahan mong panahon na naman nang masarap at walang hanggang lubluban sa dagat.

Laging the best ang magtampisaw sa dagat tuwing summer.  Lalo na kapag hindi ganoon kalalim ang baybayin, sobrang enjoy ang bawat sandali.  Bata man o matanda, marunong man lumangoy o hindi, lahat ay gustong maglublob sa dagat.  Lahat ng mukha na iyong makikita ay masaya at hindi nauubusan ng gimik ang bawat isa para lang ienjoy ang bawat sandali sa dagat.

Kaya’t kung may time kang lumabas, tara na at magpakasaya sa dagat.  Enjoyin natin ang summer at gawin nating walang kasing saya ang pagkakataon na ito kasama ng ating pamilya at mga kaibigan.


Sunday, April 19, 2015

Sweet Moment


Iba-iba ang ating pamamaraan kung papaano natin ipadama sa isang tao ang ating pagmamahal.  Minsan, nakakaisip tayo ng mga nakakatuwang mga bagay at paraan para lalo pang ipabatid sa ating mahal kung gaano siya kaimportante sa ating buhay.  Ang iba pa nga ay kasehodang gumastos nang todo para lang mapasaya ang kanyang mahal.

Para sa akin, ang isang sweet moment ay iyong tipong kayong dalawa lang ang magkakasama habang yakap nyo ang isa't isa at wala kayong ibang iniisip kundi ang mga sandaling iyon na magkasama kayo.  Ang sarap damhin ng mga sandaling iyon lalo na kapag pareho nyong naririnig ang tibok ng inyong puso habang tangan mo siya sa iyong mga bisig.

Pero ang sabi nga, kung saan ka masaya ay gawin mo kung para ito sa ikaliligaya ng iyong mahal.  Dahil ang pagmamahal at ang pagpapadama ng isang sweet moment ay hindi nasusukat sa salapi o sa mga magarbong pamamaraan.  Ang importante ay nandiyan ka lagi sa kanyang tabi at lagi mong ipinapabatid sa kanya na ang iyong pagmamahal ay sadyang para lang sa kanya.

Saturday, April 18, 2015

Aswang - 9


Ang isa pang pangyayari na nagkaroon ng maingay na balita sa aming lugar ay nangyari noong may namatay na isang matandang babae. 

Kahit saang sulok ng bansa ay uso ang lamay (maliban sa mga kapatid nating Muslim).  Sa probinsiya, isang karaniwang tagpo ang pagkakaroon ng maraming tao sa lamay lalo na kapag gabi.  Sa gabi kasi ay nagkakatipon ang mga magkakapitbahay at pati na ang mga nakatira sa medyo di-kalayuang lugar.  Ang karaniwang nagpaparami ng tao sa lamay ay ang sugal. 


Nang makilamay ang dalawa kong kapatid sa burol ng matandang babaeng iyon ay inabot sila ng hating-gabi.  Balak nila ay umuwi ng madaling araw na dahil nagkakasarapan sila sa inuman at ganoon din sa paglalaro ng baraha.  Pero bigla na lang nagkagulatan sa lamayan nang merong nakakita ng dalawang babae na nakatayo sa labas ng bintana at tipong nakatingin ang mga ito sa kabaong.  Mahina lang daw ang liwanag sa parteng iyon ng labas ng bahay na katapat ng kabaong pero marami ang nakakita sa dalawang taong iyon na nakatayo lang.  Mahaba daw ang buhok ng mga iyon at nakalugay ang kanilang buhok sa harap ng kanilang mukha kaya’t hindi kita ang mukha ng mga ito.  Nang biglang magkasigawan ng ‘aswang’ ay mabilis daw na nawala ang dalawang babaeng iyon at nakarinig pa sila ng malakas na pagbangga sa kawayang bakod.  Dali-dali ngayong lumabas ang mga tao at kasabay nito ay umalulong na ang mga aso sa kalsada.  Pilit daw nilang hinabol ang nakita nilang mga aninong mabilis na tumalilis at sa hindi maipaliwanag na kadahilanan ay biglang umangat sa lupa ang mga aninong iyon at nang makarating sila sa lugar kung saan ay may mayabong na puno ay nawala nang tuluyan ang kanilang hinahabol.  Ang dala nilang aso ay tila ba natigilan na rin at huminto ito sa pagtakbo sabay alulong nito na nakatingin sa puno kung saan naglaho ang dalawang anino.  Ang kanilang suspek ay ang kilalang mag-anak na ‘aswang’ na kapitbahay lang ng namatay.  At kahit na nagkakagulo na ang mga tao sa labas, ang mga nakatira daw doon ay tipong mahimbing na natutulog at hindi man lang nagawang sumilip at makiusyuso.

Friday, April 17, 2015

Halo-halo


Summer time na at kapag mainit ang panahon, wala na sigurong sasarap pa kundi ang i-treat ang sarili para sa isang nakakatunaw na sarap ng halo-halo.

Proudly Pinoy ika nga ang halo-halo at kapag mainit ang panahon at tagaktak ang pawis natin, mayroong pwedeng matakbuhang halo-halo sa kanto.  Isa na marahil ang pampalamig na ito na kinagigiliwan nating lahat.  Mapabata o matanda man, wala sigurong aayaw sa halo-halo kundi ang mga taong mataas ang sugar level.

Maraming mga naglilipanang halo-halo stand sa tabi-tabi at hindi natin kailangang gumastos nang mahal para lang makatikim nito.  Kaya't kapag nakaramdam nang init at panunuyo ng lalamunan, aba'y tara na at ienjoy ang mainit na araw sa pamamagitan ng isang masarap na halo-halo.

Thursday, April 16, 2015

Pusa


May mga pagkakataon talagang sumusulpot na lang ang isang nakakatuwang bagay na hindi mo inaasahan. 

Nang minsang mapagawi ako sa isang parke ay meron akong naispatan na pusa.  Ang sabi ng kaibigan ko ay hindi daw ito ordinaryong pusang gala.  Wala kasi akong kaalam-alam sa pusa kaya hindi ko alam ang breed nito.  Anyways, natuwa ako sa pusa kasi wala itong pakialam habang kinukuhaan ko siya ng pictures.  Ni hindi siya natitinag sa kanyang puwesto habang palinga-linga at paminsan-minsan ay tumingin sa akin.  Ayun at nagka-instant model tuloy ako. 

Wednesday, April 15, 2015

Kalabaw


Narinig mo na ba ang kuwento kung bakit sobrang masikip ang balat ng kalabaw?

Ayun sa kuwentong bayan, minsan daw ay naligo sa ilog ang magkaibigang kalabaw at baka.  Maloko din ang dalawang ito dahil nagawa nilang mag-eskapo at pabayaan ang kanilang gawain nang minsang umalis ang kanilang amo.  Sobrang aliw na aliw daw ang dalawang hayop sa paliligo sa ilog at nakalimutan nila ang paglipas ng mga oras.  Nataranta na lang silang dalawa nang bumalik ang kanilang amo at tinatawag sila.  Dahil sa pagkabigla at pagmamadali, ang hinubad nilang balat ay nagkapalit.  Ang balat ng kalabaw ay napunta sa baka at ang balat ng baka ay napunta naman sa kalabaw.  Kaya’t ganoon na lang kasikip ang balat ng kalabaw kumpara sa balat ng baka.


Mabuti na lang kamo at habang naliligo ang dalawang hayop na ito ay walang nagdaang gumagawa ng chicharon.  Kung nagkataon ay kakaibang baka at kalabaw pala ang ating makikita sa ngayon kapag nawalan sila ng balat. Haha.

Tuesday, April 14, 2015

Birdie


Kung hindi ka nag-aalaga ng ibon, baka isa sa mga tanong mo ay, ‘Papaano matulog ang ibon?’

Minsan ay nakahuli ang pamangkin ko ng ibon.  Sa hindi sinasadyang pagkakataon ay may nahulog kasing ibon mula sa isang puno na katabi lang ng bahay ng pamangkin ko.  Maliit pa ang nakuha niyang ibon at nang aming tingnan ay may bali ang isang paa nito.  Dahil maliit pa ang ibon hirap din itong lumipad at baka sadyang nahulog ito nang madulas sa tinutuntungan niyang sanga.  O baka naman na out of balance sa kanyang paglipad.

Amin munang pinakain ang ibon ng kanin (pero walang kasamang ulam kasi baka aayaw siya kapag malamang manok ang ulam namin, haha, baka kasi di siya kumakain ng kanyang kalahi) at pinainum ng tubig.  Dahil medyo madilim na ay nagsimula nang antukin ang ibon.  Ayun at nakita nga namin kung papaano ito matulog.  Nakapikit pala.  Haha.


Kinabukasan ay inilibing na namin ito nang datnan ng pamangkin ko na namatay na ito dahil sa kagat ng langgam.  Sensitive ang mga ibon sa kagat ng langgam kagaya ng mga manok.  Malamang kung hindi lang sana nabali ang isang paa nito ay baka pwede pa itong makasurvive.

Monday, April 13, 2015

Starfish



Noong minsang naligo kami sa dagat ay nakakita kami ng starfish.  Wala pa akong ideya noon tungkol sa mga starfish.  Ang isa naming kasama ay iniahon ang starfish at ito ang siya naming pinaglaruan sa dalampasigan (sila lang pala hehe). 


Nang nasa dalampasigan na ang starfish ay kanya-kanyang paandar na nang pose ang bawat isa sa amin.  Sa sobrang tuwa ko na makuhaan ng picture ang starfish, nakalimutan kong magpapicture din dito. Haha.  Ayun at natapos ang katuwaan namin ay hindi ko man lang nahawakan ang starfish.  Hindi ko tuloy alam kung ano ba ang texture nito at kung kaaya-aya ba itong hawakan.  Haha.  Ang laki tuloy ng sisi ko nang maisip kong wala akong souvenir sa starfish pagkatapos nilang ibalik ito sa dagat.

Sunday, April 12, 2015

Swimming


Kahit papaano ay marunong din naman akong lumangoy.  Sa swimming pool ay nakakakampay, nakakalutang, at nakakasisid din ako.  Iyon nga lang at puro basics ang alam ko.

Kapag sa pool ang happening, madalas ay baon ko ang aking goggles para hindi mahilam ang aking mga mata at makakasisid ako.  Ewan ko ba at masyadong sensitive ang aking mga mata at madali itong mairita kapag napasukan ng tubig sa pool o sa dagat.  O baka naman hindi lang nasanay na mabilasa ang mga mata ko sa tubig dagat.  Haha.

Sa pool ay kalkulado ko ang lugar at kahit papaano ay kampante akong makakalangoy at makakasisid nang hindi gaanong kakabahan tungkol sa lalim at alon.  Siguro kapag laging tambay ako sa pool, malamang ay magagawa ko na ring madagdagan ang aking kaunting kaalaman tungkol sa paglalangoy.

Saturday, April 11, 2015

Aswang - 8


Mayroong isang matandang babae na solong nakatira sa kanyang maliit na kubo sa lugar din namin.  Wala siyang kamag-anak doon at ang tanging tumitingin sa kanya ay ang kanyang kapitbahay na kahit papaano ay may kaya din.  Lahat ng pangangailangan ng matandang ito ay pinupunan ng kanyang kapitbahay at nang mamatay ito ay napunta sa kanyang kapitbahay ang pagmamay-ari nitong lupa kung saan nakatirik ang kanyang maliit na tirahan.

Ilang beses din akong nakatuntong sa bahay ng matandang iyon noong ako ay bata pa.  Dahil wala namang masamang reputasyon ang matandang babaeng iyon sa aming lugar, hindi siyan pinangingilagan ng mga tao sa amin at kahit ako ay hindi pinagbabawalan na pumunta sa kanyang bahay.  Kahit na anong sabi nila noon na ‘aswang’ ang matandang babaeng iyon, kapag sinasamahan ko ang aking nanay o tiya na dumalaw o dumaan sa kanyang bahay ay wala sa aking isipan na matakot sa kanya.

Ang pagiging mahiwaga ng kalusugan ng matandang babaeng iyon ay tanggap na sa aming lugar lalo na kapag ang kapitbahay nitong lalake ang siyang nagpasimuno sa biro.  Kapag araw kasi ay nakahiga lang ito at tipong walang lakas na bumangon.  Ipinagluluto pa siya o di kaya’y inaabutan ng pagkain at kung minsan ay sinusubuan pa ito para makakain lang.  Pero ang nagpapalakas ng duda sa aming lugar tungkol sa tunay niyang pagkatao ay tuwing gabi lalo na kapag sumasapit ang full moon.  Papaano kasi ay nakikita siya sa kalsada na naglalakad sa gabi at minsan ay malayo ang nararating nito na tila ba kabaligtaran ng kanyang ayos kapag umaga.  Karaniwan siyang namamasyal sa loob ng eskuwelahan na malapit sa kanilang bahay sa gabi at kabilugan ng buwan.  Ang eskuwelahang iyon ay tadtad din ng maraming mahiwagang mga kwento at kinakatakutan ng karamihan lalo na sa gabi.  Pero ang matandang babaeng iyon ay tila ba hindi siya nakaramdam ng takot sa tuwing iniikot niya ang loob ng eskuwelahan.


Hindi ko maalala kung kelan talaga siya namatay.  Marami ang mga haka-haka nang siya ay mamatay at isa na doon ay kung meron bang nagmana ng kanyang sumpa bilang isang ‘aswang.’  At bumalik tuloy ang biro sa kapitbahay nitong lalake na siyang umaasikaso sa matandang babae noong nabubuhay pa ito.  Ang biro ng mga tao ay marahil sa lalakeng iyon naisalin ang pagka-‘aswang’ ng matandang babae.

Friday, April 10, 2015

Bakang Ulam


Minsan ay mayroon kaming kinainang resto. Wow, heaven ang ulam nilang baka!  Bakit kamo?  Aba'y sobrang sarap nang timpla at talaga namang kusang humihiwalay ang hibla ng karne kapag nasa bibig mo na at hindi mo kailangang maghirap sa kakanguya.

Sa lahat ng red meat, masasabi kong karne ng baka ang all-time-favorite ko.  Nasanay na kasi ako na simula nang maliit pa lang, halos puro karne ng baka ang aking natitikman.  Kahit na sabihin nating hindi magarbo ang pagkahanda ng karneng baka na ulam ay ito ang mas malasa para sa akin.

Kapag may handaan, asahan mong mas trip kong kainin ang bakang ulam kesa sa litsong baboy.  Basta ba malambot ito, tiyak na tulo-laway ako sa ganitong klaseng ulam.

Thursday, April 9, 2015

Bata


Bata, bata, bakit ang kulit mo?  Bakit walang kapantay ang kakulitan mo?  Bakit hindi ka nauubusan ng mga pautot at paandar pagdating sa pagiging makulit?

Masaya talaga kapag buhay bata.  Ang pagiging bata ay siyang salamin ng buhay na hindi iniisip ang mga problema.  Bawat sandali, ang iniisip ng mga ito ay kung papaanong magiging masaya sa piling ng kapwa bata nila.  Dahil sila-sila ay sadyang nagkakaintindihan sa saya ng buhay.

Nakakainggit panoorin ang mga batang nagkakasiyahan.  Akala mo ay wala nang bukas kapag sila ay naglaro at nagtawanan.  Matatawa ka rin kung maririnig mo ang kanilang wagas na tawanan at harutan.  Ang kanilang buhay ay puno ng katatawanan at kasiyahan.  Ni hindi mo maaaninag sa kanilang mukha ang lungkot at mga pagsubok ng buhay.

Minsan ay naging bata din tayo.  Malamang ay nakaka-relate din tayo sa kanilang mga kasiyahan.  Iba-iba man ang nagiging pamamaraan ng bawat bata para magiging masaya, ang importante doon ay ang kasiyahang naidudulot ng mga ito para sa kanila.  Mahalaga ito para sa mga bata at sa kanilang paglaki.  Dito nabubuo ang isang mahalang bahagi ng buhay ng isang tao na hindi na puwedeng balikan o ulitin pa.


Kaya’t minsan ay marapat lang na hayaan nating maging bata ang mga bata.  Bigyan natin sila ng sapat na panahon para maenjoy nila ang kanilang pagiging bata.  Alalahanin natin na minsan lang tayo nagiging bata.  At aminin man natin o hindi, may mga pagkakataong winiwish nating sana ay bata na lang tayo uli.

Wednesday, April 8, 2015

Asar


Ang taong malakas daw mang-asar ay karaniwang malakas ding mapikon.

Meron akong dating katrabaho na hayop sa pang-aasar.  Kung hindi mo siya kilala ay malamang mapipikon ka kapag ikaw ang napagtripan niyang asarin.  Kapag siya ang bumanat, no holds barred ika nga ang kanyang estilo.  At kadalasan ay matagumpay niyang asarin ang kanyang napiling subject.

One time at out of the blue, nagkaroon ako nang pagkakataon na maasar siya.  Kararating lang niya sa office ng araw na iyon at hindi ko na matandaan kung ano ang napuna ko sa kanya at kung ano ang banat kong joke sa kanya.  Nakasanayan ko na kasing kabatuhan siya ng pang-aasar at minsan ay napipikon din ako sa kanya.  Nang araw na iyon ay hindi ko naman sinasadya na mapikon siya sa sinabi ko.  Malamang ay di maganda ang araw niya kaya't caught off guard siya ng mga sandaling iyon.  Nagulat na lang ako nang biglang may lumipad na gunting sa direksiyon ko.  Haha.  

Ang pagkakaalam ko kasi kapag marunong kang mang-asar ay marunong ka ring tumanggap nang pang-aasar ng iba.  Kumbaga ay give and take ang labanan sa mundo.  Kapag hindi mo kaya ang ganitong kalakaran at pikon ka rin pala, dapat ay hindi ka mang-aasar dahil hindi mo pala kayang ikaw ay pikunin din.  Hindi puwedeng solo mo ang pang-aasar sa mundo at lalong hindi puwedeng magiging bayolente ka pagdating sa asaran.

Tuesday, April 7, 2015

Child Labor


Sa Pilipinas, mayroong batas na nilikha para proteksiyunan ang karapatan ng mga bata at kasama na dito ang issue tungkol sa child labor.

Sa isang mahirap na bansa, ang mga bata ay maagang namulat sa realidad na kailangan nilang tumulong at magbanat ng buto para sa kapakanan at ikakabuhay ng kanilang pamilya.  Hindi maitatanggi na kinakailangan nilang isakripisyo ang kanilang kamusmusan dahil kinakailangan nilang unahin ang kapakanan ng kanilang pamilya.

Sa hinabahaba nang panahon, marami pa ring mga issues tungkol sa child labor ang patuloy na hindi nalulunasan ng ating gobyerno.  Ang problema kasi ay nag-iiba ang focus ng bawat presidenteng namumuno sa ating bansa at ang mga nasimulang mga programa tungkol sa mga bata ay hindi na naipagpapatuloy ng mga susunod na mga liders.  Ang mga bagong liders ay magkakaroon lang ng interes sa mga issue tungkol sa child labor kapag merong isang critical na insidente na mababalita.

Sana dumating ang panahon na ang mga bata ay magkakaroon nang pagkakataon na maranasan ang pagiging isang bata.  Na sana ay maranasan nila ang makikipaglaro sa kanilang kapwa bata at walang iisiping mabigat na responsibilidad at nang hindi maagaw ang kanilang kamusmusan dahil sa hirap ng buhay.


Monday, April 6, 2015

Smile


Kahit sa mga simpleng bagay dapat ay matuto tayong ngumiti.

Sa isang optimistic na tao, masyadong maraming dahilan para ngumiti.  May mga mumunti at simpleng mga bagay na siyang puwedeng magdulot nang kasiyahan.  Kailangan lang ay magkakaroon tayo ng pusong marunong mag-appreciate.

Kung tutuusin, maraming mga pagkakataon sa bawat araw sa ating buhay na siyang nagdudulot sa atin ng kasiyahan.  Siguro kung magiging attentive tayo at sinusulat natin ang mga ito, tiyak na magagalak tayo sa dami ng mga ito.  Ika nga, hindi kailangan ng isang magarbong dahilan para magbigay sa atin ng kasiyahan at ng ngiti.  Minsan nga, mas nagiging masaya pa tayo sa mga bagay na simple at walang halong pagpapanggap.

Kaya't igala ang iyong paningin at huwag masyadong maging seryoso.  Smile ka lang dahil ang buhay ay kailangang i-celebrate.  At malay mo, dahil sa iyong ngiti mayroon kang isang nilalang na napapangiti din.

Sunday, April 5, 2015

Starfish


Minsan ay napagawi kami sa Cartimar sa Pasay.  Ang kasama ko ay tumitingin ng pwede niyang aalagaang hayop tapos ako naman ay gamit ang hinahunting ko.

Sa pagpagsok namin sa isang pet store kung saan ay puro aquarium at isda ang kanilang display, nakatawag ng aming pansin ang ilang pirasong kulay dilaw na starfish.  Akala namin noong una ay plastic o rubber ito na sadyang idinikit lang sa loob ng aquarium.  Doon na kami natuwa nang sabihin ng nagbabantay sa store na totoo at buhay daw ang starfish na 'yon.  At dahil mabait ang babaeng nagbabantay, ipinaexperience sa amin na kilatisin at pictyuran yaong starfish.

Saturday, April 4, 2015

Aswang - 7


Kapag ako ay nasa probinsiya, normal na sa akin na makita ang nanay ko na tinatapon sa basurahan o sa kainan ng baboy ang bigay na ulam o anumang pagkain ng aming mga kapitbahay na kilala bilang mga ‘aswang.’  Mahirap na daw at baka malahian pa kami.  Minsan ay tinanong ko ang nanay ko na baka ang baboy na kakain ng tinatapon niyang ulam ang siyang magiging aswang.  Haha.

May ilang mga pagkakataon na naringgan kong nagkwento ang nanay ko tungkol sa kanyang personal experiences tungkol sa mga aswang.  Hindi pa raw ako ipinapanganak noon at dahil may kadiliman ang dinadaan niyang lugar (wala pang kuryente sa aming lugar ng panahong iyon) madalas siyang sinusundan ng aswang.  Kapag sinusundan ka daw ng aswang ay hindi siya aatake sa iyong harapan at kadalasan ay magmumula ito sa iyong likuran.  Dahil napapadalas daw ang pagsunod sa kanya ng aswang at tipong makikipagrambulan ito dahil sa agresibo at mahihina nitong pagtiktik, ang ginawa ng nanay ko ay nagdadala siya palagi ng mahabang siit ng kawayan at kanya itong hinihila kapag inaabot siya ng gabi sa daan.  Sa ganoong sistema, hindi siya malalapitan ng aswang dahil sa dala niyang siit.

Ang isa daw sa hindi niya makakalimutang eksena ay nang mapadaan siya sa isang parte ng ilog kung saan ay tanghaling tapat noon.  Nakakita daw siya ng isang tao na kilala niya na tumutuwad sa gitna ng mababaw na parte ng ilog.  Sa pagtuwad daw ng taong iyon ay nasa pagitan ng kanyang mga hita ang kanyang mukha.  Nang makita daw nito ang nanay ko ay bigla itong tumayo at tipong handang sumugod sa kinaroroonan ng aking nanay.  Pulang-pula at nanlilisik daw ang mga mata nito at tipong hindi niya kilala ang nanay ko.  Mabuti na lang kamo at malakas ang loob ng nanay ko at kagyat niyang binati ito pero mahigpit ang hawak ng isang kamay ng nanay ko sa dala nitong itak.  Pagkarinig daw nito sa nanay ko ay tumalikod na lang ito at bumalik sa dati nitong puwesto.


Sa maraming beses na nakarinig ako ng mga ganoong klaseng kwento, ang kalimitang dahilan daw kung bakit ganoon ang pag-uugali ng mga taong suspected sa pagiging aswang ay mga bagong recruit daw ito.  Kasama daw ang ganoong behavior nila sa pag-aadjust bilang isang ‘aswang.’  Pero ang mga katulad daw nilang bago sa pagiging ‘aswang’ ay sobrang agresibo at tipong kahit anong hayop o sino mang tao na mapapagawi sa isang ilang na lugar kung saan sila pumupuwesto ay kanilang aawayin hanggang sa mapatay nila ito.

Friday, April 3, 2015

Adobong Pusit


Minsan ay mas pinipili natin ang ating comfort food lalo na kapag ito ay paborito natin.  Kahit ako ay mas gugustuhin kong orderin ang sa tingin ko ay alam ko na ang lasa kesa sa mag venture sa ibang pagkain na hindi ko pa natitikman lalo na kapag mahal ito.  Kapag sa mga handaan ay doon lang ako tumitikim ng mga pagkaing bago sa aking paningin at panlasa.

Kahit na sabihing paborito ko ang adobong pusit, minsan ay umaatras din ako kapag may naaamoy akong hindi maganda rito.  May mga luto kasi ng adobong pusit na amoy pa lang ay masasabi kong hindi na masarap o may 'something' sa pusit.  Madalas ay tumpak ako lalo na kapag naaamoy ko na medyo masangsang ang pusit dahil sa hindi magandang pag imbak dito.

Ang isa pang inaayawan ko ay kapag matigas ang karne ng pusit (o anumang karne).  Ayaw ko kasing nakikipaglaban pa sa pagkain para lang makakain nang maayos.  Mas ayos iyong isang kagatan pa lang ay naghihiwalay na agad ang karne at madaling nguyain ito.

Thursday, April 2, 2015

Penitensiya


Sa isang bansa kung saan ay mas nakakarami ang mga Katoliko, maraming mga gawain at ritwal ang ipinapamalas ng mga 'deboto' para sa kanilang pananampalataya.

Kahit na paulit-ulit na ipinapaalala ng simbahang Katoliko ang siyang 'nararapat' para sa pagpapalago ng spiritual na aspeto ng isang tao, ang iba sa mga ito ay nananatiling nakayakap sa kung ano ang kanilang nakagisnan at pinaniniwalaan.  Naniniwala ang iba sa kanila na ito ang tanging paraan para mabayaran nila ang kanilang kasalanan at para na rin makahingi nang kapatawaran.  Ang iba naman ay inoobserba ito bilang pasasalamat sa mga natupad na kahilingan.  At meron din namang umaasa na ang kanilang hiling ay mapagbibigyan sa pamamagitan ng pagsali sa ganitong ritwal.

Masyadong malalim ang ganitong aspeto nang pananampalataya ng mga taong sumasali dito.  Marahil ay naririnig natin ang mga katagang, 'Sino tayo para husgahan sila?'  Malamang nga ay wala tayo sa kanilang posisyon para mag-isip nang hindi maganda at manghusga.  Pero kung sakaling taus sa puso at talagang isinasabuhay ang ganitong ritwal, makikita natin ang resulta nito sa pang araw-araw na buhay ng mga taong ito at hindi lang tuwing Holy Week lamang ang kanilang panata at penitensiya.

Wednesday, April 1, 2015

Paradise


Sa isang lugar kung saan ay itinuturing itong paraiso ng mga dayo, magiging ordinaryo ba ito kapag naglagi ka na sa lugar na iyon?

Sadyang napapahanga tayo sa mga kakaibang tanawin na siyang bumubusog sa ating paningin, nagpapahanga sa ating kamalayan, at nagpapayabong sa ating experience.  Karaniwan, ang isang nakakabighaning lugar ay itinuturing natin bilang isang paraiso.

Minsan ay meron akong napuntahang isang lugar at may nakausap akong nakatira doon.  Nabanggit ko sa taong iyon na maganda ang kanilang lugar kaya't patuloy itong dinadayo ng mga turista.  Nagulat ako sa tinuran ng taong iyon.  Ang sagot niya sa akin ay hindi daw nila alam kung ano ang magandang tanawin sa kanilang lugar na patuloy na nagpapayabong ng kanilang turismo.  Ang alam lang nila ay ordinaryong tanawin lang ang meron sa kanila at para sa kanila ay hindi iyon ang definition nila ng isang magandang lugar.

Tama nga.  Subjective nga ang term na paraiso.  Depende ito kung papaano natin i-appreciate ang ganda ng isang lugar.  Malamang nga ay naumay na ang mga lokal sa lugar na iyon kaya't hindi nila makita ang magandang tanawin na siyang nakakabighani sa mga dumadayo doon.