Ang isa pang pangyayari
na nagkaroon ng maingay na balita sa aming lugar ay nangyari noong may namatay
na isang matandang babae.
Kahit saang sulok ng
bansa ay uso ang lamay (maliban sa mga kapatid nating Muslim). Sa probinsiya, isang karaniwang tagpo ang
pagkakaroon ng maraming tao sa lamay lalo na kapag gabi. Sa gabi kasi ay nagkakatipon ang mga magkakapitbahay
at pati na ang mga nakatira sa medyo di-kalayuang lugar. Ang karaniwang nagpaparami ng tao sa lamay ay
ang sugal.
Nang makilamay ang
dalawa kong kapatid sa burol ng matandang babaeng iyon ay inabot sila ng
hating-gabi. Balak nila ay umuwi ng madaling
araw na dahil nagkakasarapan sila sa inuman at ganoon din sa paglalaro ng
baraha. Pero bigla na lang nagkagulatan
sa lamayan nang merong nakakita ng dalawang babae na nakatayo sa labas ng
bintana at tipong nakatingin ang mga ito sa kabaong. Mahina lang daw ang liwanag sa parteng iyon
ng labas ng bahay na katapat ng kabaong pero marami ang nakakita sa dalawang
taong iyon na nakatayo lang. Mahaba daw
ang buhok ng mga iyon at nakalugay ang kanilang buhok sa harap ng kanilang
mukha kaya’t hindi kita ang mukha ng mga ito.
Nang biglang magkasigawan ng ‘aswang’ ay mabilis daw na nawala ang
dalawang babaeng iyon at nakarinig pa sila ng malakas na pagbangga sa kawayang
bakod. Dali-dali ngayong lumabas ang mga
tao at kasabay nito ay umalulong na ang mga aso sa kalsada. Pilit daw nilang hinabol ang nakita nilang
mga aninong mabilis na tumalilis at sa hindi maipaliwanag na kadahilanan ay
biglang umangat sa lupa ang mga aninong iyon at nang makarating sila sa lugar
kung saan ay may mayabong na puno ay nawala nang tuluyan ang kanilang
hinahabol. Ang dala nilang aso ay tila
ba natigilan na rin at huminto ito sa pagtakbo sabay alulong nito na nakatingin
sa puno kung saan naglaho ang dalawang anino.
Ang kanilang suspek ay ang kilalang mag-anak na ‘aswang’ na kapitbahay
lang ng namatay. At kahit na nagkakagulo
na ang mga tao sa labas, ang mga nakatira daw doon ay tipong mahimbing na
natutulog at hindi man lang nagawang sumilip at makiusyuso.
No comments:
Post a Comment