Thursday, April 9, 2015

Bata


Bata, bata, bakit ang kulit mo?  Bakit walang kapantay ang kakulitan mo?  Bakit hindi ka nauubusan ng mga pautot at paandar pagdating sa pagiging makulit?

Masaya talaga kapag buhay bata.  Ang pagiging bata ay siyang salamin ng buhay na hindi iniisip ang mga problema.  Bawat sandali, ang iniisip ng mga ito ay kung papaanong magiging masaya sa piling ng kapwa bata nila.  Dahil sila-sila ay sadyang nagkakaintindihan sa saya ng buhay.

Nakakainggit panoorin ang mga batang nagkakasiyahan.  Akala mo ay wala nang bukas kapag sila ay naglaro at nagtawanan.  Matatawa ka rin kung maririnig mo ang kanilang wagas na tawanan at harutan.  Ang kanilang buhay ay puno ng katatawanan at kasiyahan.  Ni hindi mo maaaninag sa kanilang mukha ang lungkot at mga pagsubok ng buhay.

Minsan ay naging bata din tayo.  Malamang ay nakaka-relate din tayo sa kanilang mga kasiyahan.  Iba-iba man ang nagiging pamamaraan ng bawat bata para magiging masaya, ang importante doon ay ang kasiyahang naidudulot ng mga ito para sa kanila.  Mahalaga ito para sa mga bata at sa kanilang paglaki.  Dito nabubuo ang isang mahalang bahagi ng buhay ng isang tao na hindi na puwedeng balikan o ulitin pa.


Kaya’t minsan ay marapat lang na hayaan nating maging bata ang mga bata.  Bigyan natin sila ng sapat na panahon para maenjoy nila ang kanilang pagiging bata.  Alalahanin natin na minsan lang tayo nagiging bata.  At aminin man natin o hindi, may mga pagkakataong winiwish nating sana ay bata na lang tayo uli.

No comments:

Post a Comment