Saturday, April 4, 2015

Aswang - 7


Kapag ako ay nasa probinsiya, normal na sa akin na makita ang nanay ko na tinatapon sa basurahan o sa kainan ng baboy ang bigay na ulam o anumang pagkain ng aming mga kapitbahay na kilala bilang mga ‘aswang.’  Mahirap na daw at baka malahian pa kami.  Minsan ay tinanong ko ang nanay ko na baka ang baboy na kakain ng tinatapon niyang ulam ang siyang magiging aswang.  Haha.

May ilang mga pagkakataon na naringgan kong nagkwento ang nanay ko tungkol sa kanyang personal experiences tungkol sa mga aswang.  Hindi pa raw ako ipinapanganak noon at dahil may kadiliman ang dinadaan niyang lugar (wala pang kuryente sa aming lugar ng panahong iyon) madalas siyang sinusundan ng aswang.  Kapag sinusundan ka daw ng aswang ay hindi siya aatake sa iyong harapan at kadalasan ay magmumula ito sa iyong likuran.  Dahil napapadalas daw ang pagsunod sa kanya ng aswang at tipong makikipagrambulan ito dahil sa agresibo at mahihina nitong pagtiktik, ang ginawa ng nanay ko ay nagdadala siya palagi ng mahabang siit ng kawayan at kanya itong hinihila kapag inaabot siya ng gabi sa daan.  Sa ganoong sistema, hindi siya malalapitan ng aswang dahil sa dala niyang siit.

Ang isa daw sa hindi niya makakalimutang eksena ay nang mapadaan siya sa isang parte ng ilog kung saan ay tanghaling tapat noon.  Nakakita daw siya ng isang tao na kilala niya na tumutuwad sa gitna ng mababaw na parte ng ilog.  Sa pagtuwad daw ng taong iyon ay nasa pagitan ng kanyang mga hita ang kanyang mukha.  Nang makita daw nito ang nanay ko ay bigla itong tumayo at tipong handang sumugod sa kinaroroonan ng aking nanay.  Pulang-pula at nanlilisik daw ang mga mata nito at tipong hindi niya kilala ang nanay ko.  Mabuti na lang kamo at malakas ang loob ng nanay ko at kagyat niyang binati ito pero mahigpit ang hawak ng isang kamay ng nanay ko sa dala nitong itak.  Pagkarinig daw nito sa nanay ko ay tumalikod na lang ito at bumalik sa dati nitong puwesto.


Sa maraming beses na nakarinig ako ng mga ganoong klaseng kwento, ang kalimitang dahilan daw kung bakit ganoon ang pag-uugali ng mga taong suspected sa pagiging aswang ay mga bagong recruit daw ito.  Kasama daw ang ganoong behavior nila sa pag-aadjust bilang isang ‘aswang.’  Pero ang mga katulad daw nilang bago sa pagiging ‘aswang’ ay sobrang agresibo at tipong kahit anong hayop o sino mang tao na mapapagawi sa isang ilang na lugar kung saan sila pumupuwesto ay kanilang aawayin hanggang sa mapatay nila ito.

No comments:

Post a Comment