Tuesday, April 28, 2015

Edad



Kung meron daw isang bagay na walang kahirap-hirap na nakakamtan natin at hindi ito napapansin, ito daw ay ang ating edad. 

Kahit na halos araw-araw tayong humaharap sa salamin, maraming mga pagkakataon na nasanay na tayo sa ating hitsura at halos hindi natin napapansin na nagkakaedad tayo.  Pati na ang palaging nakakasama natin ay halos hindi rin napapansin ang mga pagbabagong nagaganap sa ating hitsura maliban na lang kung tayo ay bagong gupit o sadyang nag-ayos.  Pero sa kadalasan, ang ating hitsura ay nagiging palasak na sa paningin ng ating mga kasama at tila ba halos wala tayong ipinagbabago.

Pero kakaiba ito sa mga taong bibihira lang nating makita.  Asahan mong kapag nagkita ang matagal nang nawalay, marami silang puwedeng mapuna sa hitsura mo at kasama na dito ang pagdagdag ng edad mo.  Mapalad ang mga taong maganda ang genes dahil mabagal ang kanilang pagtanda.  Pero sa mga taong mabilis na magdeteriorate ang kanilang pisikal na anyo, ito ay kaagad na makikita.

May mga nagsasabing imaterial daw ang edad.  Hindi daw mahalaga kung ano na ang numero ng ating edad.  Ang mas mahalaga daw ay ang ating mga experiences at kung ano ang natutunan natin sa mga nakalipas na panahon.  Hindi raw basehan ang edad para sukatin ang isang tao.  At hindi daw porke’t matanda na ay limitado na ang puwedeng gawin nito.


Siguro nga ay numero lang ang edad.  Ang sabi nga ay ang ating isipan ang siyang nagdidikta kung tayo ay feeling bata o feeling matanda na.  Pero hindi hadlang ang edad sa kung ano pa ang puwedeng mangyari sa buhay natin habang patuloy pa tayong nabubuhay.  Ang mahalaga ay habang nadadagdagan ang ating edad, mas lalong madadagdagan sana ang ating natutunan at mga karanasan sa mundo.

No comments:

Post a Comment