Saturday, April 11, 2015

Aswang - 8


Mayroong isang matandang babae na solong nakatira sa kanyang maliit na kubo sa lugar din namin.  Wala siyang kamag-anak doon at ang tanging tumitingin sa kanya ay ang kanyang kapitbahay na kahit papaano ay may kaya din.  Lahat ng pangangailangan ng matandang ito ay pinupunan ng kanyang kapitbahay at nang mamatay ito ay napunta sa kanyang kapitbahay ang pagmamay-ari nitong lupa kung saan nakatirik ang kanyang maliit na tirahan.

Ilang beses din akong nakatuntong sa bahay ng matandang iyon noong ako ay bata pa.  Dahil wala namang masamang reputasyon ang matandang babaeng iyon sa aming lugar, hindi siyan pinangingilagan ng mga tao sa amin at kahit ako ay hindi pinagbabawalan na pumunta sa kanyang bahay.  Kahit na anong sabi nila noon na ‘aswang’ ang matandang babaeng iyon, kapag sinasamahan ko ang aking nanay o tiya na dumalaw o dumaan sa kanyang bahay ay wala sa aking isipan na matakot sa kanya.

Ang pagiging mahiwaga ng kalusugan ng matandang babaeng iyon ay tanggap na sa aming lugar lalo na kapag ang kapitbahay nitong lalake ang siyang nagpasimuno sa biro.  Kapag araw kasi ay nakahiga lang ito at tipong walang lakas na bumangon.  Ipinagluluto pa siya o di kaya’y inaabutan ng pagkain at kung minsan ay sinusubuan pa ito para makakain lang.  Pero ang nagpapalakas ng duda sa aming lugar tungkol sa tunay niyang pagkatao ay tuwing gabi lalo na kapag sumasapit ang full moon.  Papaano kasi ay nakikita siya sa kalsada na naglalakad sa gabi at minsan ay malayo ang nararating nito na tila ba kabaligtaran ng kanyang ayos kapag umaga.  Karaniwan siyang namamasyal sa loob ng eskuwelahan na malapit sa kanilang bahay sa gabi at kabilugan ng buwan.  Ang eskuwelahang iyon ay tadtad din ng maraming mahiwagang mga kwento at kinakatakutan ng karamihan lalo na sa gabi.  Pero ang matandang babaeng iyon ay tila ba hindi siya nakaramdam ng takot sa tuwing iniikot niya ang loob ng eskuwelahan.


Hindi ko maalala kung kelan talaga siya namatay.  Marami ang mga haka-haka nang siya ay mamatay at isa na doon ay kung meron bang nagmana ng kanyang sumpa bilang isang ‘aswang.’  At bumalik tuloy ang biro sa kapitbahay nitong lalake na siyang umaasikaso sa matandang babae noong nabubuhay pa ito.  Ang biro ng mga tao ay marahil sa lalakeng iyon naisalin ang pagka-‘aswang’ ng matandang babae.

No comments:

Post a Comment