Mayroong itinuro sa amin
kung papaanong kontrahin ang isang ‘aswang’ kapag gusto nitong pumasok sa bahay
bilang isang kagaya nating tao din.
Madalas kasi ay hindi naman natin pwedeng pagbawalan na bumisita at
pumasok ang isang tao sa ating bahay kaya’t mabuti na iyong handa.
Una ay ang paggamit ng
walis tingting. Hindi mo ito gagamitin
bilang pamalo o panghampas sa isang tao para malaman mo kong ito ay isang
aswang. Siyempre, lahat naman ay
masasaktan kapag pinalo mo ng walis tingting.
Haha.
Dapat daw patayuin ang
walis tingting sa isang sulok ng bahay at mas maige kung ito ay malapit sa
pintuan. Mas maganda din daw na tago ito
at hindi obvious sa mga bisita. Ang
pinakahawakan ng walis ay siyang nasa sahig at ang dulo nito ay ang nasa
itaas. Sa ganitong paraan daw ay parang
tinutusok ang katawan ng isang ‘aswang’ kapag nasa loob siya ng iyong bahay at
hindi daw ito mapakali at dagling aalis.
Ang pangalawa naman ay
ang paggamit ng pambayo o mortar na siyang ginagamit sa mga probinsiya sa
paglilinis ng palay o sa paglulubak.
Kapag may bakanteng espasyo sa ilalim ng hagdan, gaya ng mga hagdang
yari sa kawayan o kahoy, ilalagay daw ang pambayo sa ilalim ng hagdan. Kapag wala namang hagdan papasok ng bahay,
pwede din daw na sa itaas na bahagi ng pintuan ito ilagay na nakapahalang. Siguraduhin lang daw na matibay ang
pagkalagay nito at baka ang nakatira mismo sa bahay ang siyang mabiktima at
hindi ang aswang. Haha.
Kahit daw ano ang gawin
ng isang ‘aswang’ kapag may pahalang na pambayo sa ilalim ng hagdan o sa itaas
na bahagi ng pintuan ay hindi ito makakapasok.
Kung sakaling makakapasok daw ito, para itong lalagnatin at pagpapawisan
nang todo at magmamadali din itong lumabas ng bahay. At ang pangalawang bagay na ito ay napatunayan
na namin na epektibo.
Nang minsang nagpagawa
ng cabinet ang isa kong kuya, mayroong nagrekomenda sa kanya na isang lalake na
magaling daw gumawa ng cabinet. Dahil sa
kaibigan ng kuya ko ang nagrekomenda sa taong iyon, naniwala naman ang kuya ko
at dumating ang taong iyon sa takdang araw ng kanilang usapan. Galing sa ibang lugar ang lalakeng iyon at
totoo ngang mabilis at pulido siyang gumawa.
Isang araw lang ang kanyang ginugol at nayari na niya agad ang ipinagawa
ng aking kuya (kung saan ay katulong niya ang kuya ko).
Ang isa ko namang kuya
ay masama ang basa sa taong gumagawa ng aparador na iyon. Hindi siya nagkokomento tungkol dito pero
mataman niyang binabantayan ito. Ang
kuya ko kasing ito ay mas may alam tungkol sa mga kakaibang tao na kanyang
nakikita at nakakasalamuha.
Nang dumating ang
tanghalian ay inanyayahan ng una kong kuya ang kanyang manggagawa upang
kumain. Kasama kasi sa usapan ang
libreng tanghalian at merienda. Nang
paakyat na daw ang taong iyon sa hagdanan namin sa likuran ng bahay ay hindi
nito magawang umapak kahit sa unang baytang man lang. Kitang-kita daw ng pangalawang kuya ko na
kahit anong gawin niya ay hindi niya magawang humakbang paakyat ng hagdan at
nagsimula na itong pagpawisan. Para
hindi obvious na merong kakaiba sa hagdan naming iyon ay dinala siya ng una
kong kuya sa harap ng bahay at doon ay wala siyang kahirap-hirap na nakaakyat
ng bahay.
Ang kwento ng pangalawa
kong kuya ay tagaktak daw ang pawis ng taong iyon nang umupo sa harap ng mesa
at sobrang bilis daw nitong kumain.
Halos hindi pa daw nag-init ang kanyang upuan at agad na tinapos nito
ang kanyang tanghalian at nagmamadaling bumaba ng bahay. Sobrang laki daw ng ginhawa ang kanyang
nararamdaman nang makabalik ito sa bakanteng lote kung saan ay nagmamadali
nitong ipinagpatuloy ang kanyang ginagawang cabinet.
Pagkaraan ng ilang araw
ay may ganti pala ito sa amin. Sa hindi
maipaliwanag na dahilan ay biglang nagdidiliryo si nanay. Kitang-kita ko mismo na umiikot siya sa
higaan at halos umaangat ang kanyang balakang sa tuwing umiikot ang kanyang
katawan habang siya ay nakahiga. Panay
ang kanyang ungol at sobrang mainit ang kanyang katawan. Noon lang ako nakakita nang ganoong
pangyayari at dahil bata pa ako ay wala naman akong magawa kundi ang tumulong
sa pagbabantay sa nanay namin. Dagling
nagpatawag ng albularyo ang isa kong kuya at kahit papaano ay napakalma ang
kalagayang iyon ni nanay.
Kinabukasan ay sinugod
ng dalawa kong kuya ang lalakeng iyon na nakatira pa sa kabilang baryo. Binantaan siya ng isa kong kuya na kung hindi
niya titigilan ang nanay namin ay papatayin niya ito. Pagkabalik nina kuya ay parang nagdahilan
lang ang nanay namin. Kahit na iniinda
nito ang natitirang sakit ng kanyang ulo na tipong galing sa lagnat ay nagawa
na nitong bumangon at maayos na uli ang kanyang pakiramdam.
Nang magkwento si nanay
ay kinilabutan kaming lahat. Para daw
merong mga kamay na humahawak sa kanyang katawan at iniikot siya. Napakainit daw ng kanyang pakiramdam na para
bang sinisilaban ang kanyang katawan.
Habang tipong nagdidiliryo daw siya ay may nakikita siyang itim na pusa
sa kawayang nakasuporta sa loob ng bahay na nasa atip namin. Para daw pinapanood siya ng pusang iyon
habang siya ay paikot-ikot sa kanyang higaan.
Iyon lang ang
pagkakamali namin. Hindi namin nagawang
maglagay ng pangontra sa aming katawan at sa ginawang iyon ng lalake ay nakita
niya marahil na mahina ang espiritu ng nanay namin ay siya ang kanyang tinarget
na gantihan.
No comments:
Post a Comment