Minsan ay may narinig akong argumento tungkol sa pagkakaroon ng anak. Ang sabi ay "Bakit daw ang mga nakatira sa squatter ay nagagawa naman nilang buhayin ang kanilang mga anak at hindi nag-aalinlangan na magkaroon ng maraming anak." Anak ng teteng na argumento yan. Marahil ay iyon na ang isa sa mga walang kwentang rason na aking narinig.
Karapatan ng isang bata ang mabigyan nang maayos na tirahan, damit, pagkain, edukasyon, at pag-aalaga at pagmamahal ng kanyang mga magulang. Kapag ang mga magulang ay walang pakialam sa kanilang anak, hindi sila matatawag na mga magulang at sana ay hindi na lang sila nag-anak. Marahil ay marami sa atin ang nakakita halos araw-araw ng mga bata na nanlilimahid na gumagala sa mga kalye at namamalimos o di kaya'y sinasama ng kanilang mga magulang para manlimos. Sana ay hindi na lang sila nag-anak kung ganoon na lang din ang magiging kapalaran ng mga bata.
Noong unang panahon, ang mga ninuno natin ay naniniwala na ang pagkakaroon ng maraming mga anak ay biyaya ng langit. Subalit matatawag bang biyaya ang mga bata kung sila ay hindi maasikaso at tipong walang plano ang kanilang mga magulang para sa kanilang mga anak. Ang paniniwala daw dati kung bakit ganoon na lang kahilig ang mga tao na magparami ay ang kanilang mga anak ay siyang magtatakas sa kanila sa kahirapan. Nakakatawa at nakakainis ang paniniwalang ito. Imagine mo na lang na ang isang mag-asawa ay mag-anak ng marami at ang kanilang mga anak ang siyang magtatrabaho para sa kanila tapos ay kukuyakoy na lang sila maghapon. Hindi ba isang malaking kasalanan na ang trabaho na dapat ay gagawin ng mga magulang ay ipapasa sa kanilang mga anak. Para bang ang konsepto nila ay gagawa ng kanilang sariling labor force para maging hayahay ang kanilang mga buhay.
Marami tuloy ang nagtataka kung bakit ang mga mayayaman ay kakaunti ang mga anak at ang mga mahihirap naman ay sandamakmak ang bitbit na mga bata. Simple lang naman ang dahilan. Walang magawa ang mga mahihirap kundi ang magparami. Hindi nila iniisip ang magiging kapalaran ng kanilang mga anak. Anak ng teteng.
Kung ang simpleng argumento ay ihahalintulad mo ang iyong kapalaran sa mga nakatira sa squatters na bahala na si batman sa magiging kapalaran ng iyong mga anak, hindi ba malaking insulto iyon sa magiging mga anak mo na kahit mga basic nitong pangangailangan ay hindi mo maibigay. Anong klaseng magulang ka kung nagkataon?