Minsan ay hindi natin inaasahan at bigla na
lang uulan. Kumbaga ay bigla na lang
lumuluha ang langit. Marahil ay sobrang
bigat na ng ulap na kanyang tangan kaya’t mas mainam sa kanya na umulan para
gumaan ang kanyang pakiramdam.
Tayo man ay dumadating ang pagkakataon na
sobrang bigat na ng ating dibdib at kung minsan ay nakakagaan ng pakiramdam
kung iluluha natin ito. Kung tayo ay
lumuha man, hindi ito nagpapakita nang kahinaan. Bagkus ay nagpapakita ito na tayo ay tao din
na marunong masaktan at may kahinaan.
Ang iba sa atin ay minamarapat na lumuha ng mag-isa at ayaw nilang
ipabatid sa ibang tao na sila ay marunong ding lumuha. Pero kung ano man ang paraan natin sa
pagluha, ayos lang iyon dahil kapag naibuhos na natin ang sama ng loob at
pasakit na nararamdaman, sobrang nakakaluwag ito ng ating dibdib at naghahatid
ito nang kaginhawaan sa pakiramdam.
Kahit na sabihin pang ang pagluha ay dulot nang
pasakit o kahit ano pa mang dahilan, kapag naibuhos na ito ay nagdudulot ito
nang kakaibang ginhawa at saya. Hindi porke’t
lumuha ay malungkot na agad. Kailangan
lang nating tingnan ang positibong mukha nito at gumawa ng paraan para
malapatan nang lunas ang dahilan ng ating kalungkutan.
No comments:
Post a Comment