Sa mga pagdaan ng
panahon, nakakamiss din ang mga umpukan lalo na kapag maliwanag ang buwan at
walang magawa. Noong hindi pa kasi
nagkakaroon ng kuryente sa aming lugar, ang isa sa mga paborito kong past time
ay ang makinig sa mga kababalaghang kwento ng mga nakakatanda sa amin. Ang iba sa kanila ay mayroon daw karanasan o
alam tungkol sa mga ‘aswang’ at pati na sa iba pang mga elemento. At kapag maliwanag ang buwan, marami kaming
nag-uumpukan para makinig sa kanilang kwento.
Ang ilan sa mga sariwa
pa sa aking alaala tungkol sa mga kwentong aswang ay kung papaano sila kumukuha
ng kanilang pagkain, ano ang nakikita ng kanilang mga mata, papaano sila
nagpapalit ng anyo, ang lihim ng isang kuwarto sa kanilang bahay, kung papaano
magiging aswang ang isang ordinaryong tao, at kung papaano sila mamamatay.
Una. Para daw maging aswang ang isang tao,
kailangan nitong tumanggap ng isang bagay mula sa isang aswang. Ang karaniwang sinasaad sa mga kwento ay may
parang isang maliit na sisiw na ipapasa ng isang aswang sa isang tao para
ilipat o ipamana ang kanyang pagka-aswang bago ito mamamatay. Pero kailangan daw na malakas ang
pangangatawan at espiritu ng taong tatanggap nito dahil kapag hindi ito kinaya
ng kanyang katawan, unti-unti siyang manghihina hanggang sa siya ay
mamamatay. Ang iba naman ay nagsasabi na
sa pamamagitan ng laway ng isang aswang ay pwedeng mahawa ang isang tao. Kaya nga ang bilin sa amin ay huwag uminum at
kakain ng malamig na pagkain at inumin mula sa hindi mo kilala para hindi ka
mabiktima ng aswang. At huwag kang
makikipaghalikan sa hindi mo kilala at baka malawayan ka ng wala sa oras at
ikaw ay maging isang aswang. Hehe.
Pangalawa. Malalaman mo daw na may pagka-‘aswang’ ang
isang tao dahil hindi ito makatingin nang diretso sa mga mata ng kanyang
kausap. Madalas ay palihis itong
tumingin at hindi nag-eestablish ng eye contact. Kumbaga, siya ang tipo ng tao na hindi mo
mapagkakatiwalaan. Kapag tinititigan mo
daw maige ang mga mata nito, makikita mo daw ang iyong sarili na baligtad.
Pero may humihirit sa
ganitong issue. Matatawag daw bang
‘aswang’ ang isang kausap kong ang taong iyon ay sadyang mahiyain at hindi
makatingin ng diretso? Papaano naman daw
ang isang duling na tao, paano mo daw
malalaman na aswang ito dahil hindi ito makatingin ng diretso sa iyo? Haha.
Pangatlo. Ang iba daw sa kanila ay may mga alagang
hayop na iba sa karaniwan gaya ng buwaya, uwak, kuwago, at kung anu-ano
pa. Kanila daw nakokontrol ang pag-iisip
ng mga hayop na ito at tipong kaya nilang utusan sa kung ano man ang kanilang
nananaisin. Kaya nga kapag nakakakitaan
ng mga hindi ordinaryong alagang hayop ang isang tao, mabilis na pinag-iisipan
agad siya ng ibang mga tao na ito ay isang aswang.
Mabuti na lang at sa
paglipas ng panahon ay unti-unting nabubuksan ang ating kamalayan tungkol sa
pag-aalaga ng mga hindi ordinaryong hayop.
Gaya na lang ng buwaya kung saan ito ay pinagkakakitaan dahil mahal ang
pagbenta ng balat nito at ngayon ay kinakain na rin ang karne nito gaya ng
ordinaryong mga hayop. Napatunayan din
na isang pambihirang pagkakataon ang makapag-alaga ng uwak dahil ang ibon na
ito ay isa sa pinakamatalinong ibon sa buong mundo. At mabuti na lang kamo at lumabas si Harry
Potter dahil ang kuwagong napapanood natin doon ay hindi naman pala talaga
nakakatakot gaya ng aming naririnig kapag may umpukan at kwentuhan tungkol sa mga
aswang.
Pang-apat. Nakakakiliti ng imahinasyon ang kwento kung
papaanong naghahagilap ng kanilang makain ang mga aswang. Ayon sa mga palasak na alam ng mga tao sa
amin, ang karne ng tao na kanilang makukuha ay kanila itong ginagawang isda o
anumang pagkain na kanilang nanaisin.
Ang siste ay tatakpan daw nila ito ng itim na tela at kanila itong
dadasalan habang patuloy nilang hinahakbangan ito nang paulit-ulit hanggang sa
magpalit ang anyo ng karne ng tao sa gusto nilang kapalit nito. Walang makapagsasabi sa amin kung meron bang
ibang tao na naka-witness nito at lumabas ang ganitong kwento.
Pero kapag tinatanong
na namin sila na meron na bang nareport o meron ba silang nalaman na pinatay,
kinatay, o nilapa ng aswang ang isang tao, walang makapagsasabi nang tuwiran
kung totoo nga ito. Ang karaniwang
depensa nila sa ganitong pag-uusisa ay meron daw na nakukuhang parte ng katawan
ng tao ang isang aswang na hindi nakikita ng mga ordinaryong mga mata. At ang karne na kanilang makukuha ay siyang
pagpipiyestahan ng mga aswang.
Ang sabi ng iba, kapag
nakakain ka daw ng karne ng isang tao, kapag hindi ka isang aswang ay tiyak na
malalagas ang ngipin mo. Pero may isang
pilosopong humirit na hindi daw totoo ito dahil sa dami ng mga tao na mahilig
‘kumain’ ng karne ng ibang tao kahit na hindi sila aswang, dapat daw ay bungal
na ang lahat ng mga tao na gumagawa nito.
Haha. May tama nga naman ang
sinasabi niya kung nakukuha mo ang ibig niyang sabihin.
-to be continued-