Tuesday, March 31, 2015

Paglisan


Darating at darating daw sa ating buhay kung saan ay may mga taong malalapit sa atin na lilisan din. 

Isa sa mga masasakit na pangyayari sa ating buhay ay ang paglisan ng taong napalapit at napamahal na sa atin.  Sa sobrang attachment na natin sa kanila ay hindi natin mamarapatin na sila ay aalis.  Pakiramdam natin kapag mawawala sila ay merong isang mahalagang bagay sa ating buhay ang siyang nawawala.

Noong una, hindi ko maintindihan kung bakit ang dati kong kakilala ay madistansiya sa mga tao.  Palibhasa’y nursing graduate at meron silang subject tungkol sa kung papaano sila dapat makitungo sa kanilang mga pasyente.  Ang masaklap lang, pati hindi niya pasyente na siyang nakapalibot sa kanya ay hindi siya nakakitaan nang emosyon.  O baka naman pilit lang niyang itinatago ang kanyang emosyon para kunwari ay pinaninindigan niya ang kanyang pagiging madistansiya sa mga tao.


Anyways, hangga’t maaari ay ayaw nating may mga taong lumilisan.  Sadyang masakit tanggapin lalo na kapag alam nating walang kasiguruhan kung makakabalik pa sila o mawawala na nang tuluyan.  At kadalasan ay hindi natin naibibigay ang kaukulang pagmamahal at pagpapahalaga sa kanila habang sila ay nakakasama pa natin.  Ang ending tuloy ay nagkakaroon tayo nang pagsisi at sobrang masakit sa ating kalooban kapag dumating ang sandali na hindi natin napaghandaan ang kanilang paglisan.

Monday, March 30, 2015

Hiya


May mga tao na likas na mahiyain.  Isa sa mga dahilan nang pagiging mahiyain ay ang pagkakaroon ng mababang confidence sa sarili.

Habang bata pa raw ang isang tao, dapat ay ini-expose na ito sa mundo at maging sa kanyang kapwa tao.  Dapat ay hinahayaan itong makihalubilo sa ibang mga tao na hindi niya kilala o hindi niya masyadong kilala.  Dapat ay matuto siyang makibagay sa mga ito sa aspetong kaayaaya. Para sa paglipas ng panahon ay masanay na siya at hindi na lang basta-basta titiklop sa presensiya ng ibang tao.

Ang isang bagay na natutunan ko para maalis ang aking pagiging mahiyain ay ang narinig ko mula sa isang resource person.  Ang sabi ng taong iyon ay hindi ka dapat mahiya sa ibang tao dahil wala ka namang gagawing masama sa kanila.  Kung sincere at maayos ang iyong pakay, ang pakikipagkapwa mo ay di dapat ikahiya.

Sunday, March 29, 2015

Bonfire


Masarap magpalipas ng gabi na merong bonfire.

Dapat safety first kapag merong bonfire.  Karaniwang nilalagay ito sa isang lugar na walang ibang madadamay para makaiwas sa sunog.  Maganda itong gawin lalo na kapag malamig ang panahon at tipong walang ibang activity sa gabi kundi ang magsaya paikot sa bonfire.

Mas ramdam mo ang ganda at saya ng sandali na merong bonfire kapag hindi gaanong madami ang mga participants.  Kapag sobrang dami kasi ay magulo na at minsan ay nawawalan nang direksiyon ang grupo dahil nagkakaroon nang mga hiwalay na interes ang madaming participants.

Masarap magkuwento ng mga kakatakutan lalo na kapag isolated ang lugar na inyong kinaroroonan at sobrang dilim ng paligid.  Ramdam mo ang kakaibang thrill kapag nakakatakot ang usapan lalo na kapag ang sarili mong utak ang siyang nagbibigay takot sa iyo.  Minsan, kahit ang mga lalakeng kasama ay mas takot pa sa mga babae kapag kakatakutan na ang usapan.  At madalas sa hindi ay nakakaramdam ng kakaibang pangyayari ang mga kasali dito.


Saturday, March 28, 2015

Aswang - 6


Marahil kung meron man isang konkretong ‘supernatural’ experience na puwede kong ibahagi at ipagmalaki ay nang magkaroon kami ng langis na kusang kumukulo.

Ang sinasabing kong langis na kusang kumukulo ay hindi nabibili sa tindahan at ginagamit na pamprito ng isda o karne.  Hindi rin ito gawa sa langis ng niyog at tapos papakuluan mo para maging latik.  Gawa ng mga ita (katutubong Pilipino sa aming lugar) na nakatira sa bundok.  Sila ang may hawak ng ‘secret’ formula kung papaano ito gagawin.  Basta kapag bumababa sila mula sa bundok ay palaging inaabangan ang paninda nila at kasama na nga dito ang kakaiba nilang langis.

Nagkaroon kami ng isang bote ng kumukulong langis na ito at malinaw pa sa aking alaala na nakasabit ito sa ilalim ng atip sa labas ng bahay at hindi kalayuan sa aming hagdanan.  Ayon sa mga kwentong naririnig ko, kusa daw itong kumukulo kapag may mga masasamang elemento na nasa paligid lamang at kasama na dito ang aswang. 

Kapag ang isang tao na may lahing aswang ay nasa malapit lamang, kusang kumukulo ang langis na ito at talagang aapaw siya sa kanyang lalagyan at patuloy itong kukulo habang hindi umaalis ang taong iyon.  Ang aswang naman ay ramdam ang kapangyarihan ng langis dahil kusa din daw na umiinit ang kanyang katawan bilang palatandaan na merong pangontra sa kanya.  Kapag naman nakapasok ito sa loob ng bahay ay pagpapawisan siya nang todo at tipong manlalagkit dahil sa tindi ng kanyang pawis at tipong lalagnatin ito dahil sa tindi ng init ng kanyang katawan.  Iyon nga lang at hindi ko nakitang kumukulo iyon noong mga panahong may mga bisita kaming mga kakaibang tao.  Tapos ay hindi namin namalayan kung sino ang sumungkit ng boteng iyon at isang araw na lang ay nawala ito na parang bula.

Dahil nagiging madalang na ang paggawa ng mga ita sa ganoong klaseng langis, tipong nawala na rin sa kamalayan ng mga tao sa amin na hangarin na muli silang magkaroon ng kumukulong langis.  Dahil sa public secret naman ang pagkatao ng mga kilalang aswang sa amin ay tipong ingat-ingat na lang kapag nakikipaghalubilo sa kanila.

High school na ako noon nang merong isang kaibigan na nagbigay sa akin ng isang maliit na bote na may lamang langis na kumukulo.  Noong una ay ayaw kong maniwala dahil sobrang tagal na ng panahon nang magkaroon kami ng ganoong klaseng langis at tipong extinct na ang langis na iyon sa aming lugar.  Meron daw kasing bumabang matandang ita sa bayan at may dala itong kumukulong langis na agad din namang naubos.  At para patunayan kung totoo at mabisa ito ay sinubukan namin.

Sinadya namin ang tindahan ng isang pamilya na kilala bilang aswang sa aming lugar.  Actually, ang babaeng may-ari ng tindahang iyon ay anak mismo ng ‘nanay-nanayan’ ko.  Nang namatay ang ‘nanay-nanayan’ ko ay bali-balita sa aming lugar na ang babaeng anak nito na may ari ng tindahang iyon ang siyang nagmana ng agimat ng pagiging isang aswang.  Ang ibang mga anak daw ng ‘nanay-nanayan’ ko ay hindi naman aswang.


Ayun nga at excited naming tinungo ang tindahang iyon at ang bawat isa sa amin ay may kanyang maliit na bote na may lamang langis na kusang kumukulo.  Habang bumibili kami sa tindahan ay hindi kami nagpapahalata subalit ang isang kasama namin ay dali-daling umalis mula sa lugar na iyon.  Naranasan namin first hand na kusang kumukulo ang dala naming langis at sadyang mainit ito sa balat.  Tumagos kasi ito sa aming shorts at nananatili naman itong nakatayo at hindi natapon nang ganon-ganon lang.  Hindi namin alam kung papaano namin ikwento ang ganoong pangyayari at hanggang ngayon ay nagiging parte na lang siya ng aming kwentuhan kapag kami ay nagkikita-kita.  Pero ang isang tanong na inopen sa amin ng isang kasama namin ay kung sino ba talaga ang aswang na nakatira sa bahay na iyon.  Sa pagkakatanda kasi namin ay ang dalagang anak ng may-ari ng tindahan ang siyang pinagbilhan namin.  Maaari bang sa kanyang edad ay naging miyembro na rin siya ng kanilang kakaibang lahi?

Friday, March 27, 2015

Pancit


Ang pancit ay pampahaba daw ng buhay.  Sinong may sabi?  Haha.

Kasama sa pamana ng mga Tsino sa ating kultura ang paghahanda ng pancit na hanggang ngayon ay naging kaugalian na natin lalo na kapag may mga mahahalagang okasyon.  Dahil sa haba ng mga hibla nito kaya marahil ay sinasabi ng mga Tsino na pampahaba ito ng buhay.

Pero may isang tanong ako?  Bakit ang spaghetti ay hindi man lang nababanggit ng mga Kanluranin na pampahaba din ito ng buhay?  Haha.  

Thursday, March 26, 2015

Hold On


Kapag malakas daw ang bugso ng tubig sa ilog, kailangan nating kumapit pansamantala.

Bilang isang tao, alam natin ang ating sariling kakayahan.  May mga pagkakataon na nasusubok ang ating lakas at kakayahan.  Sa mga pagkakataon na tayo ay nasusuong sa mga pagsubok, alam natin kung ano ang ating kakayahan at kahinaan.  At kapag nahihirapan tayo ay puwede namang pansamantalang humimpil at kumapit.

Hindi sa lahat ng oras ay malakas tayo at nakakaya nating lampasan agad-agad ang isang pagsubok.  Darating ang sandali na may isang matinding pagsubok na talagang susubok sa ating katatagan at kalakasan.  Kapag dumating ang sandaling iyon at alam nating mahihirapan tayong suungin iyon, lahat ng puwede nating kapitan at hiraman ng lakas ay puwede nating gawin.  Alalahanin natin na hindi kalabisan at normal lang na humingi ng tulong.  Ang mahalaga ay alam natin kung papaano at kailangan puwedeng lumaban at kung kelan magpapalipas muna ng sitwasyon.

Hold on o kapit lang.  May mga pagkakataon na dapat tayong matutong maging pasensyoso at humanap ng mga alternatibong strategy para malampasan natin ang matinding pagsubok na ating kinakaharap.  Alalahanin natin na may bukas pa at may darating pang ibang araw. At kailangan nating mag-ipon nang lahat nating lakas para kapag handa na tayo ay makakaya na nating suungin at labanan ang anumang pagsubok na iyon.

Wednesday, March 25, 2015

Sari-Sari Store


Sa Pinas, ang kadalasang family raket ng mga Pinoy ay sari-sari store o di kaya'y carinderia.  

Sa isang mataong lugar, kaliwa't kanan, harapan at talikuran ang mga sari-sari store.  Ang carinderia ay hindi rin nagkakalayo.  Basta may pambili ka, hindi ka kakabahan kung ikaw ay magugutom.  Isang lingon o isang pihit mo lang ay merong sari-sari store o carinderia na nandiyan lang sa tabi-tabi.

Ang paborito kong signage sa mga establishments na ganito ay 'Puwede umutang bukas.'  Hehe.  Kadalasan kasi ay di maiiwasan na merong mga kakilalang mahilig umutang kahit na may pambili naman.  Ang masaklap lang ay humahaba ang utang at ang iba ay kumapal na ang mukha at walang balak magbayad kahit na minu-minuto itong singilin.  Kaya nga maraming mga tindahan ang nalulugi dahil sa mga ito.


Tuesday, March 24, 2015

Embrace and Let Go


Minsan, masyado tayong nagiging sentimental at hirap tayong mag let go.

Mayroon sa atin na hindi kaya ang basta-bastang mag let go.  Mapa-tao o bagay man iyon, nahihirapan tayong iwanan sila dahil pakiramdam natin maiiwan ang kaluluwa natin sa kanila at kailanman ay magiging kulang na ang ating pagkatao.

Maliban sa kamatayan at mga gastusin, ang isa pang bagay na constant sa ating mundo ay ang pagbabago.  Kapag hindi tayo sumabay tayo, baka forever na magiging miserable ang buhay natin.  Kung hahayaan natin na palaging sasama ang ating kaluluwa at damdamin sa mga tao at bagay na napamahal na sa atin, malamang ay hindi magiging maganda ang nalalabi nating mga sandali.

Yakapin natin kung ano ang inilalaan ng tadhana para sa atin at ganoon din kung ano ang magagawa natin para sa ating sarili at mga mahal sa buhay.  Yakapin natin ang mga taong nakapalibot sa atin lalo na ang taong nagiging espesyal at bahagi na ng ating buhay.  Kapag dumating ang sandali na kailangan nating umalis, matuto tayong mag let go para hindi magiging mabigat ang ating damdamin.  Hindi ibig sabihin na kapag nag let go tayo ay makakalimutan na natin ang mga taong napamahal na sa atin.  Kailangan lang nating mag let go dahil sumasabay tayo sa agos ng buhay at ng pagbabago.  At kapag may pagkakataon tayo, puwede namang balikan ang mga taong naroon pa at hindi nakakalimot sa atin.

Monday, March 23, 2015

Butterfly


Minsan ay may nagtanong na bata sa amin.  Masarap daw bang ipalaman ang butterfly?  Haha.

Sino ang mag-aakalang ang nakakatakot at nakakadiring uod ay magiging isang magandang paruparo?  Sadyang mahiwaga ang ating mundo at ang kalimitang aral na ating natutunan dito ay huwag nating husgahan ang panlabas na anyo ng isang nilalang.  Mas lalong di natin dapat hamakin ang isang nilalang dahil hindi natin alam kung ano ang itinakda sa kanya ng panahon sa darating pang mga araw.

Pero ngayon ay halos wala nang imposible.  Sabihin man natin na ipinanganak kang hindi ka masaya sa pisikal mong anyo, kapag madami ka ng pera ay pwede mo nang magawang magpaganda sa tulong ng siyensya.  Ingat nga lang sa mga lalapitang doktor at baka matulad ka sa paruparo na maigsi lang ang buhay.

Sunday, March 22, 2015

Gala


Kapag may free time ay pwedeng gumala at ienjoy ito.

Minsan ay nagiging seryoso na tayo sa ating buhay at sa ating pinagkakaabalahan.  Minsan ay nasasambit na wala na tayong time para sa ating sarili at maging sa iba pang mga bagay na pwedeng magbigay saya sa atin.  Sa sobrang focus natin sa ating trabaho at iba pang mga personal na bagay, nakakalimutan natin na malawak ang mundong ating ginagalawan.

Hindi naman kalabisan kung gagala din tayo paminsan-minsan.  May mga lugar na pwedeng malapit lang sa atin na hindi pa natin napupuntahan at hindi naman nating kailangan na gumastos nang malaki para lang gumala at mag-enjoy.  Kung baga, dapat wise spender tayo para pwede nating ma-stretch ang ating kaunting pera para mas lalong maenjoy natin ang ating gala.

Ang pagkakaroon ng iba at panibagong environment ay nakakatulong nang malaki sa atin.  Kung sobrang stress at problemado na tayo, kailangan nating magpalit ng environment o di kaya'y magbago ng lifestyle.  Ang pagkakaroon ng extra time na gumala ay pwedeng makatulong sa atin para makabawas ito sa ating mga pang araw-araw na alalahanin.  Ikaw din, kung masyado mong sineseryoso ang buhay, magulat ka na lang at serious ka na palang nakahiga sa kama sa isang hospital dahil sa malubha mong sakit na dulot ng stress at mga complikasyon nito.

Gala-gala din pag may time at matutong mag-explore ng ibang mundo.  Isang malaking breather ang makakakita ng ibang environment at nagpapagaan ito ng buhay.

Saturday, March 21, 2015

Aswang - 5


Noong nabubuhay pa ang aking ‘nanay-nanayan’, malapit ito sa isa sa mga nasirang tiyahin ko.  Kapag walang ginagawa ang tihayin kong iyon, lumilipas din ang buong hapon na nagkukuwentuhan lang sila.  Binibiro nga ng iba na marahil ay naaswang na rin ang tiyahin ko dahil sa maraming beses itong pumupunta sa bahay ng ‘nanay-nanayan’ ko.

Nang minsang nagkukuwentuhan kami ng tiyahin kong iyon ay naitanong ko sa kanya ang ilang mga bagay tungkol sa ‘nanay-nanayan’ ko at kasama na doon ang birong kung naaswang na rin siya.  Natawa na lang ang tiyahin ko dahil sa nasambit ko at hindi naman lingid sa kanya ang ganoong klaseng biro mula sa ibang mga tao.


Ang ginagawa ng tiyahin ko habang nandoon siya sa bahay ng ‘nanay-nanayan’ ko ay hinihimay pala niya ang mga sirang hibla ng tapis o patadyong ng ‘nanay-nanayan’ ko.  Hinahayaan daw naman siya ng ‘nanay-nanayan’ ko at alam naman nito na inuuwi ito ng tiyahin ko.  Sa bahay ng tiyahin ko, kanyang susunugin ang mga hiblang iyon at ihahalo nito ang abo sa kanyang tubig na inumin.  Sa ganoong paraan daw ay hindi siya tatablan ng kahit na anong masamang balak o gawin sa kanya ng ‘nanay-nanayan’ ko.  Haha.  Ang wais talaga ng tiyahin kong iyon.

Friday, March 20, 2015

Buchi


Minsan ay may nagtanong.  Saan daw galing ang maraming white heads ng buchi?  Haha.  Gawin bang mukha ang buchi.  Para din nitong tinanong kung mukha ba ito na tinubuan ng white heads o white heads na tinubuan ng mukha.  Aray ko.

Ang buchi ay masarap kainin lalo na kapag mainit-init pa.  Kadalasan ay panghimagas ito sa mga handaan at isa ito sa mga hindi puwedeng palagpasing pagkain.

Gawa sa giniling na malagkit na bigas ang buchi.  Nilalagyan ito ng palaman na minatamis na pagkain at walang standard na palaman ito.  Ang madalas kong masumpungang palaman nito ay minatamis na beans pero hindi Baguio beans o pork and beans.  Haha.

Pero bakit nga ba pinagulong ito sa white heads este sa sesame seeds pala?  Marahil ay pampadagdag lasa ito at para hindi nakakaumay pagkain.  Ang sesame seeds kasi ay nagbibigay ng lutong kaya't masarap itong nguyain.

Thursday, March 19, 2015

Sunset


Napakasuwerte natin kung tutuusin dahil sa magagandang tanawin na meron tayo at sangkatutak na mga baybayin na talagang nakakabighani.  At kapag dumadating ang maaliwalas na panahon, tuwing hapon ay isang napakagandang palabas ang tiyak na bibighani sa iyo.

Kapag ako ay nasa probinsiya, madalas akong sumasaglit sa tabing dagat at inaabangan ang paglubog ng araw.  Isang napakagandang panoorin ang pagpapalit-palit ng kulay ng kalangitan habang ang araw ay unti-unting naglalaho.  Sa pambihirang pagkakataon na ito ay masasabi mong may sariling pintor pala ang langit at kadalasan ay walang kasing-ganda ang iginuguhit nito.

Pero magaling mambitin ang kalikasan.  Parang isang napakagandang palabas sa tv ang panonood sa sunset na kung saan ay hooked ka sa ganda nito subalit bigla kang mabibitin.  Kapag dumikit na kasi ang ibabang bahagi ng araw sa level ng dagat, asahan mong ilang segundo lang ay mawawala na nang tuluyan ang araw.  Ito ang tipo ng palabas na inienjoy mo pa lang ang moment ay natatapos na agad nang wala sa oras.

Siguro, ang sabi ng kalikasan ay meron pa namang bukas. Minsan ay kailangang masabik ang isang tao para ito'y kanyang maibigan at babalikbalikan.  

Wednesday, March 18, 2015

Bata


Kapag dayo ka sa isang lugar, tiyak ay may mga matang makikiusyuso sa iyo.

Karaniwang tagpo na ang mga matang nakamasid o nakatingin sa iyo kapag dumadayo ka sa isang lugar.  Dahil isa kang estranghero, hindi maiiwasang pagtitinginan ko at may mga palihim na magtatanong kung sino ka at kung ano ang sadya mo sa kanilang lugar.  Mayroon din namang mga matatapang at nagpapakilala para mas madali sa kanila ang makakuha ng impormasyon tungkol sa iyo.

Sa isang paggala ko ay nataon namang may batang nakiusyuso sa amin.  Hindi siya pumapasok sa bahay at doon lang siya sa labas ng pinto at talagang umayos pa siya nang puwesto habang nakatingin at nanonood sa amin.  Mas inigihan pa niya ang kanyang ayos nang makita niyang nakatutok ang kamera ko sa kanya.  

Nakakatuwang isipin na mas nagiging madali ang pagwelcome sa isang bisita lalo na kapag may bata.  Effective na ice breaker ang isang bata at dahil dito ay mas madali ang pakikipagkuwentuhan  at mabilis ding magkapalagayang loob sa isa't isa.

Tuesday, March 17, 2015

Bisikleta


May kalsada pa ba?  Ito kaagad ang unang tanong na pumasok sa aking isipan nang makita ko ang nakapark na bisikleta.  Mula kasi sa aking kinatatayuan ay halos hindi na maaninag ang maliit na parte ng kalsada na pwedeng lakaran o patakbuhan ng bisikleta.  

Sa isang lugar kung saan ay parte na ng baha ang pang araw-araw na buhay ng mga tao, para sa isang kagaya kong dayo sa lugar na iyon, isang kakaibang tanawin ang paglamon ng tubig sa kalsadang dinadaanan ng mga tao at sasakyan.  Parang miserable kung tutuusin ang pang araw-araw mong galaw sa ganitong klaseng lugar subalit para sa mga nakatira na doon, ito ay tanggap na nila at bahagi na ito ng kanilang sistema.  Saan ka nga naman pupunta kung nandito na nakatirik ang bahay mo at wala ka namang pera para lumipat sa ibang lugar.

Ang mga Pinoy daw ay sobrang resilient sa mga hamon ng buhay pati na ng kalikasan.  Kaya ng mga Pinoy ang magsurvive at magtiis sa mga sitwasyon na pwedeng hindi tanggap ng iba.  At sa mga ganitong sitwasyon, kusang niyayakap na lang ng mga tao dito ang kung ano ang meron sila at magpahanggang ngayon ay nandoon pa rin sila at patuloy na nabubuhay.

Monday, March 16, 2015

Relax


May mga sandaling sobrang stress na tayo dahil sa mga problema, alalahanin, at maging sa ating trabaho.  Kailangan din nating magrelax.

Ang stress daw ang isa sa mga dahilan kung bakit tayo nagkakasakit.  Dahil sa stress ay natitrigger nito ang iba nating mga sakit at pati na ang normal na pagfunction ng ating mga organs ay naaapektuhan.  Kaya nga dapat ay hinahanapan natin ng time para ang stress ay maiwasan.

Maraming paraan para maiwasan natin ang stress.  Ang ilan sa atin ay narerelax kapag nagfofood trip.  Hinay-hinay nga lang at baka lumubo nang todo sa kakakain.  Ang iba naman ay gustong matulog nang matagal.  Ayos lang naman ang walang tulog kesa sa walang gising.  Hehe.  Ang iba ay mas gustong gumala at magpalit ng environment para sandaling makalimot.  

Kahit na ano pa man ang ating pamamaraan para makaiwas sa stress, dapat meron tayong outlet para humaba pa ang ating buhay.  Isipin natin na nagtatrabaho tayo para hindi mamatay kundi para mabuhay.  Kaya't matuto tayong mahalin ang ating buhay at sana ay matuto tayong magrelax.

Sunday, March 15, 2015

Mascot


Naimbitahan akong umatend sa isang birthday party.  Dati pambata, mas nagiging exciting ang party kapag may mascot.

Depende sa komporme ang mascot.  Kadalasan ay may tema ang party para bumagay din ang mascot.  Para hindi mailang o matakot ang bata, dapat pictures pa lang ng cartoon character ay kilala na niya para pag may mascot na ay hindi ito iiyak.

Tuwang-tuwa ang bata nang lumitaw ang mascot.  Siyempre pa pictyuran na malupet ang mga sumunod na eksena para sulit ang ibinayad sa mascot.  Maya't maya pa ay umiiyak na ang bata.  Nagtataka ang lahat dahil kilala naman ng bata ang mascot at hindi naman siya tinatakot ng mascot.  Pagkalapit ko sa mascot ay doon ko nalaman ang kasagutan.  Mabantot ang mascot.  Haha.

Amoy ewan ang mascot.  Iyong pang tipong naglaba ka tapos ay sinampay mo ng ilang araw para lang matuyo na hindi ginagamitan ng fabric perfume.  Ang sakit sa ilong nang amoy ng mascot.  Pero dahil bayad, medyo nagpipigil lang nang paghinga kapag nagpapapicture sa mascot.  Haha.  Nabawasan tuloy ang happy sa birthday.


Saturday, March 14, 2015

Aswang - 4


Sa isang lugar kung saan ay may mga nakakapanindig na balahibong mga kwento tungkol sa iba’t ibang klaseng nilalang at elemento, marahil ay magiging kwentong bayan na lang ito pagdating ng panahon.  Sa pagdami kasi ng tao sa isang lugar ay unti-unting nawawala din ang mga nilalang na ito o humahanap sila ng pwede nilang malipatan para malaya silang makagalaw.

Noong maliit na bata pa lang ako, sakitin daw ako.  Madalas daw akong magkakasakit kaya’t nagpasya ang aking nanay na ibenta ako sa isang may edad na babae sa halagang singko.  Ito ang paraan ng mga tao sa amin para daw maiwasan ang pagkakasakit ng isang bata lalo na kapag hindi maipaliwanag ang dahilan nito.  At hindi man kapanipaniwala ang bunga ng pagbebentang iyon sa akin, nagiging madalang na daw ang aking pagkakasakit.

Ang babaeng pinagbentahan sa akin ay parang nagiging ‘nanay’ ko na rin sa turing.  Mabuti na lang kamo at ritwal lang ang transaksyong naganap kaya’t di ako tumira sa kanila.  Pero may mas malalim na kwento pala ang ‘pagbebentang’ iyon sa akin.  Sa aming lugar kasi ay kilalang-kilala at pinangingilagan ang babaeng iyon pati na ang kanyang asawa dahil may lahi daw silang aswang at tipong ‘malakas’ ang kanilang pagiging aswang.

Marami-raming mga kwento na rin ang pinagsasaluhan ng aming lugar tungkol sa kanilang mag-asawa lalo na doon sa ‘nanay-nanayan’ ko.  Ang isa dito ay pinatunayan mismo ng isang kamag-anak namin.  Ayon sa isang kamag-anak namin ay nagising daw siya one time at tipong alanganing oras na ng gabi.  Dahil sa tawag ng kalikasan, dali-dali daw siyang lumabas ng kanilang bahay dahil ang kanilang banyo ay nasa likuran ng kanilang bahay.  Laking gulat daw niya nang makakita ng isang malaking aso na nakaupo sa loob ng kanilang bakuran at nakatingin sa kanya.  Biglang nagtayuan daw ang kanyang mga balahibo at kinalibutan siya nang todo dahil hindi daw pangkaraniwan ang laki ng asong iyon.  Ang mga mata pati ng asong kanyang nakita ay tipong nagbabaga.

Mabilis daw na bumalik sa loob ng bahay ang kamag-anak naming iyon at sa kanyang muling paglabas ay may dala na itong tirador.  Agad daw na tumayo ang asong iyon at tipong tatalilis dahil nakita niyang may nakaumang na tirador sa kanya.  Natamaan daw ito sa bandang likuran at dinig ng kamag-anak namin ang ingay ng aso na nasaktan.  Ang ending, hindi na nagawang umihi ng tao dahil sa tindi ng kanyang takot.

Kinabukasan ay naabutan niya sa ilog ang aking ‘nanay-nanayan’ na naliligo.  Nang tanungin niya kung bakit may malaking benda ang likuran ng babaeng iyon, ang sagot nito ay nabangga daw siya sa gilid ng kanilang aparador.  Napailing na lang ang kamag-anak namin at tipong naging buo ang kanyang pag-iisip na ang malaking asong na kanyang natirador noong nakaraang gabi at ang babaeng kanyang kausap ay iisa.


Mas naging matindi ang ingay sa aming lugar nang mamatay ang aking ‘nanay-nanayan.’  Isang malaking palaisipan sa lahat kung bakit may mga iba’t ibang klaseng itim na ibon na dumadapo sa kanilang bahay habang nakaburol ang matandang babaeng namatay.  Noong nabubuhay pa kasi ito ay wala namang ibong dumadapo sa kanilang bahay.  Pero noong nakaburol siya ay halos salit-salitan ang mga ibon na dumadapo sa kanilang bahay.  Sadyang mahirap ipaliwanag ang nasaksihang bagay 
na iyon dahil nang ilibing na ang namatay ay hindi na rin nakita ang mga ibon na iyon pagkatapos.

Friday, March 13, 2015

Steamed Cream Dory


Una akong nakatikim ng isdang ito sa isang eat-all-you-can resto.  Dahil fish lover ako at masarap ang pagkaluto nito, agad na nagustuhan ng panlasa ko ang isdang ito.

Malamang ay mura lang ang isdang ito dahil nagagawa ng mga resto na maghain nito sa kaning eat-all-you-can promo.  Masarap kasi ang laman nito at talagang malaman.  Malambot pa pati at hindi matinik.  At hindi katakataka na mabilis itong nauubos agad.

Thursday, March 12, 2015

Bird


Sa isang park ay naaktuhan ko na nagpapakain sila ng mga alagang ibon.  Papagabi na noon kaya't parang hapunan na rin iyon para sa mga ibon.

Nakakatuwang panoorin ang mga ibon dahil kusa silang lumalapit sa taong nag-aalaga sa kanila.  Parang mayroon silang sariling isip at kusa silang lumalapit sa kanilang handler kapag oras na ng kanilang pagkain.  Malamang sa tinagal-tagal ng panahon ay kilala na nila kung sino ang kanilang handler sa dami ng iba't ibang tao na paroo't parito sa park.

Nakuha ng isang ibon ang aking atensiyon.  Agaw pansin kasi ang puti niyang balahibo sa bandang ulo nito na nagbigay nang kakaibang hitsura sa kanya at mas nabigyan ng emphasis ang pula nitong balahibo.  Akala ko ay natural niyang balahibo iyon pero ang sabi ng handler ay matanda na raw ang ibon.  Ang puting balahibo nito ay uban nang maituturing kumpara sa tao.  Iyon pala 'yon.

Wednesday, March 11, 2015

Bonding Moment


Moving ang picture na ito para sa akin.  Sino ba naman ang hindi maaaliw sa tagpong ito sa pagitan ng mag-ama?

Ang isang lalake daw ay hindi gaanong ka-showy pagdating sa kanyang emosyon at pagmamahal.  Kadalasan ay pigil at tipong bitin o may kulang ang kanyang damdamin kapag ang puso na niya ang pinag-uusapan.  Pero ang lahat ng ito ay nagbabago nang kusa kapag nandiyan na ang kanyang anak.

Kahit sino man yan, kapag anak na ang usapan, lahat ng puwedeng ibigay at ipadama sa anak ay gagawin ng isang ama para mapasaya lang ang itinatanging anak.  Ang damdamin na dating pilit na itinatago ay all out na ngayon pagdating sa anak.  Hindi maitatanggi na ang pagmamahal na ipinapamalas ng isang ama ay magiging buhos na kapag anak na ang usapan. 

Tuesday, March 10, 2015

Banat


Hinahanaphanap ko kasi lagi ang puso mo kaya kahit sa pagkain gusto ko ay kasama kita.  'Yan ang banat. Haha.

Sa mga taong expert na pagdating sa paghawak ng isa o maraming relasyon, nakakaelibs kapag narinig mo silang bumanat.  Ang galing ng mga diversionary tactics nila lalo na kapag medyo hostile na ang usapan ng kanilang partner.  Nagagawa nilang laruin ang sitwasyon na tipong sobrang haba ng pasensiya nila at naipapakita pa rin nila ang kanilang pagmamahal kahit na umuusok na ang ilong ng kanilang kausap.  At para mapakalma ang nag-aalburutong kausap, kapag bumanat ng kanilang sweetness ay mapapahanga ka talaga.

Ang pag-ibig talaga ay sadyang mahiwaga.  Minsan ay hindi mo alam kung papaano ito hawakan.  Kapag maluwag ay merong umaalagwa.  Kapag mahigpit naman ay nagrereklamo na nasasakal.  Walang universal formula din ito na applicable sa lahat.  Kumbaga, tailor made para sa isang tao ang formula ng pag-ibig.

Maging ano pa man 'yan, masarap pa rin ang makaranas na magmahal at mahalin.  Humanda ka lang kapag gusto mo ng pakwan tapos ang isasagot sa iyo ay melon siya.  Haha.

Monday, March 9, 2015

Forever


Hindi daw totoo ang forever?

Ang karaniwang naiisip natin kapag nababanggit ang salitang forever ay walang hanggan o walang katapusan.  Malamang dahil sa mga kahulugang ito kaya nasasabi ng iba na hindi totoo ang forever o wala namang forever.  O baka naman napagdaanan na ng iba sa atin ang masaktan kaya't hindi sila naniniwala sa forever?

Ang isa pang ibig sabihin ng salitang forever ay sa lahat ng oras o sa mahabang panahon.  Ibig sabihin ay nakatuon ang isipan at damdamin niyo para sa isa't isa sa pangmatagalang panahon.  

Kahit na ano pa mang dahilan yan, may forever man o wala, ang mahalaga ay nagawa mong magmahal at mahalin.  Ang sabi nga, habang nandiyan ang pagmamahal ibigay mo ang dapat mong ibigay para sa bandang huli ay wala kang pagsisisihan.  Kung dumating man ang takdang panahon na hanggang doon na lang ang inyong pagmamahalan, at least walang pagsisisi o hindi ka manghihinayang dahil nagawa mong mahalin ng tapat at buo ang iyong kabiyak.  Hindi naman importante kung ilang taon o hanggang kamatayan ang inyong pagmamahalan.  Ang mas importante ay nagmahal ka nang tapat at wagas.

Sunday, March 8, 2015

Floating


Kung meron man akong isang gustong matutunan, iyon ay ang lumangoy. 

Madalas nga akong tuksuhin na mahilig daw akong gumala at pumunta sa dagat pero hindi naman akong marunong lumangoy.  Haha.  Totoo ‘yon.  Nakakalangoy naman ako kahit papaano pero kapag malalim at hindi na abot ng paa ko ang buhangin ay medyo natataranta na ako.  Kung baga, pang mababaw na parte ng dagat lang ang kaya ko.

Minsan ay nagawi kami sa isang isla kung saan maganda ang ayos ng dagat.  Tanghaling tapat iyon at ang dagat ay parang natutulog pa.  Wala halos alon na makikita at parang isang makinis na salamin ang ibabaw ng tubig.  Dahil naka-lifevest naman, sinubukan kong magpalutang.  Nang  makita ako ng kaibigan kong masayang nagpapalutang ay sumunod na rin siya. 

Medyo ilang metro din ang layo namin sa mababaw na parte ng dagat at meron akong ginawang kalokohan.  Dahan-dahan kong hinila ang kaibigan ko patungo sa malalim na parte ng dagat at halos marating na namin ang kinaroroonan pa ng ilan naming mga kasama na nagsosolong lumangoy din.  Nang malayo kami ay sinabi ko sa kaibigan kong hindi ako marunong lumangoy.  Ang lakas nang tawa ko nang bigla siyang nataranta at nagkakawag para bumalik sa dalampasigan.  Kitang-kita ko na kinabahan siya habang mabilisan ang ginagawa niyang pagkampay.  Sinabihan ko siyang magrelax at magfloating ulit kami.  Nang mahawakan ko ang lifevest niya ay inalalayan ko siyang makapagfloat ulit at sabay kaming marahang kumampay pabalik sa dalampasigan.  Para mawala ang kanyang kaba ay kunwaring inaaliw ko siya sa kuwento hanggang sa maramdaman na lang ng mga paa namin ang buhangin.


Akala ko ay ako lang ang hindi marunong lumangoy.  Marami pa nga akong nakilala na talagang mahihina ang tuhod na lumusong sa tubig kahit na may lifevest.  Minsan kasi ay kailangan mong labanan ang iyong kinakatakutan para mawala kahit papaano ang pumipigil sa iyo na mag-enjoy.

Saturday, March 7, 2015

Aswang - 3


Nakalakihan ko ang mga kwento tungkol sa aswang.  Sa aming lugar, walang makapagsasabi kung kelan sila unang lumitaw o saang lugar sila galing.  Basta ang bagay na ito ay isang public secret sa aming lugar.

Mayroon akong tinatawag na ‘close encounter’ tungkol sa aswang.  Sa aming lugar, malalaman mo kung may isang aswang dahil maririnig mo ang kanilang pagtiktik.  Ang ‘tiktik’ na huni ng isang ibong aktibo sa gabi ay iba din sa ‘tiktik’ na nagmumula sa isang aswang.  Ang huni ng ibon ay pumapailanlang sa himpapawid at alam mong lumilipad ito.  Ang sa aswang naman ay alam mong nasa mababang lugar ito nagmumula.

Noong maliit pa lang ako, ang aming bahay ay yari sa kawayan at pawid.  Dahil sa mayroong bukas na daanan para sa lahat ang gilid ng bahay namin at tagusan ito sa magkabilang kalye, kahit anong oras ay may mga dumadaan dito.  Kapag nakakarinig na ako nang ‘tiktik’ at alam kong hindi galing sa ibon iyon, nakagawian ko nang sumilip sa may maliit na butas sa aming bintana.  Kahit na maaaninag ko ang posibleng dumadaan doon, ang palaging sinasabi ng nanay ko ay mahihirapan daw akong makita ang aswang dahil may ‘taga-bulag’ daw ito.  Hindi daw ito magpapakita sa isang tao kapag ayaw niyang magpakita.

Ang isang babaeng kapitbahay namin na mayroong mata na kagaya ng sa manok (minsan ay diretso ang kanyang mga mata at minsan naman ay parang duling ito) ang siyang nagkwento sa pambihirang gawain ng isang aswang.  Doon lang namin nalaman kung papaanong tumitiktik ang isang aswang.  Ayon sa kanyang kwento, naglalakad daw ang isang aswang na naka-tiptoe.  Parang nakatingin daw ito sa langit habang tipong tsina-chop ng kanyang magkakadikti na mga daliri ang kanyang lalamunan para tumiktik ito.  Kapag mayroong tao daw na papalapit sa kanya, dali-dali daw itong magtatago sa isang puno at aantayin daw nitong makalayo ang taong iyon at kapag libre na siya ay muli itong titiktik.

Sa pamamagitan nang pagtiktik ng aswang ay malalaman mo kung malayo o malapit siya sa iyo.  Kapag malakas ang tiktik nito ay malayo siya.  Kapag naman mahina lang at tipong agresibo ang tiktik nito, asahan mong malapit lang siya sa iyo.

Nang minsan ay bigla na lang akong nagising mula sa mahimbing kong tulog.  Tipong binangungot ako dahil dilat ang aking mga mata at gising ang aking diwa subalit hindi ako makakilos.  Kasabay nito ay dinig na dinig ko ang mahinang tiktik na halos nasa tabi ko lang.  Natutulog kasi ako noon sa gilid na kadikit ko na halos ang dingding at dahil kawayan ang bahay namin ay tipong alam mong may ibang tao na naroon sa labas.  Talagang pinilit kong maigalaw ang aking katawan at unang gumalaw ang aking paa.  Nang tuluyang nakakilos na ako ay siya namang paglaho ng tiktik.

Dahil sa pangyayaring iyon, ng mga sumunod na gabi ay nagsuksok na ako ng itak sa tabi ng aking higaan.  Isinuksok ko ang itak sa pagitan ng siwang sa gilid ng bahay at palabas sa bahay ang dulo nito.  Kapag may dumikit sa gilid ng dingding at nasagi ng talim ng itak ay pasensiyahan na lang. 


Ilang sunud-sunod na gabi ko ring narinig ang tiktik na iyon at simula nang lagyan ko ng itak ang tabi ng aking higaan, hindi ko na naranasan muli na makarinig ng mahihinang pagtiktik ng kung ano mang nilalang na iyon. 

Friday, March 6, 2015

Sabaw


Ang sabaw ay mabisang pangontra sa malamig na panahon o sa nagugutom na sikmura.

Ang sabaw ang siyang paunang inihahain sa mga customer para maginhawaan ang sikmura.  Huwag mo lang masyadong dadamihan ang paghigop sa sabaw at baka mabusog ka agad.  Hehe.

Kadalasan, hindi maiiwasan na ang sabaw ay ginagawang sabaw sa kanin.  Haha.  Marami kasi sa atin ang hindi gumagamit ng hiwalay na mangkok para lagyan ng sabaw.  Ang siste, kanya-kanya na tayo nang sandok ng sabaw diretso sa pinggan at talagang masarap kumain kapag flooded ng sabaw ang kanin.  Adik lang. Haha.

Pero nakaranas na ba kayo nang sabaw na parang tubig na nilagyan nang kaunting asin?  Haha.  Bad trip kapag ganoon ang isinerve sa iyo lalo na kapag matigas ang kanin at tuyot ang ulam mo.  Pakiramdam mo tuloy ay magbabara ang anumang pagkain na dadaan sa iyong lalamunan.  Mas mabuti pang humigop ng tubig kesa sa humigop ng walang kwentang sabaw.

Thursday, March 5, 2015

Paradise


Masarap isipin na mayroon tayong isang lugar na puwedeng puntahan at tambayan na puwede nating tawaging 'ating paraiso.'

Mapapalad ang mga taong nakatira sa isang lugar kung saan ang kalikasan ay nagbibigay ng mga lugar na puwedeng maging santuaryo o di kaya'y isang kaaya-ayang paraiso.  Napakalaking bagay nito para sa isang taong pagal ang katawan at isipan at nagnanais na marecharge ang kanyang spirit at pisikal na katawan.  Kung kalabisan man ang isang araw, kahit isang maikling sandali lang ay sapat na para makapag-unwing man lang.

Ang isang 'paraiso' daw ay depende sa pagiging malikhain ng ating isipan.  Kahit sa isang napakasimpleng lugar ay makakatagpo tayo ng matatawag nating paraiso.  May mga pagkakataong hindi natin kayang ipaliwanag ang ganda o talinhaga ng lugar na iyon.  Ang importante sa lahat ay masaya tayo sa lugar na iyon at nagkakaron tayo ng peace of mind.

Wednesday, March 4, 2015

Bata


Kapag ang bata ay baby pa, nakakaaliw daw ito.  Kapag ang bata ay lumaki na, nakakabaliw na daw.  Haha.

Kapag lumaki na ang bata ay doon mo na makikita ang kanyang personality.  Kahit na nakuha nito ang features ng kanyang mga magulang, asahan mong may sarili din itong pag-uugali.  Kaya naman sa kung kaya na iprogram ang pag-uugali ng isang bata.  Kumbaga sa kasabihan, habang bata pa ay kaya pang ayusin at alalayan ang paglaki ng isang puno. 


Pero dumadating ang panahon na sadyang may sariling personalidad ang isang tao.  Nakakatakot mang isipin na baka pagdating ng tamang edad ay lilihis ito sa kung ano ang magandang naituro sa kanya.  Kapag mangyari iyon, wala naman tayong magagawa kundi ang suportahan siya.  Ang mahalaga ay habang bata siya, dapat nating punuin siya nang pagmamahal at sapat na kalinga.  Dapat ipamulat sa kanya ang kagandahang-asal at takot sa Diyos.  At sa kanyang paglaki, nawa’y magiging instrumento ang lahat ng mga kabutihang naituro at naipadama sa kanya.

Tuesday, March 3, 2015

Colored Chicks


Napagawi ako minsan sa isang palengke kung saan ay may mga nagtitinda ng mga alagaing sisiw.  Napangiti ako nang makita ko ang mga makukulay na sisiw.  Naintriga tuloy ako kung bakit nagawa ng mga tindera na kulayan ang mga ito.


Ang siste, ang mga sisiw na iisa ang kulay ay iniisprayan ng pampakulay kapag tulog na ang mga ito.  Ang iba namang sari-sari ang mga kulay ay isa-isang ginuguhitan.  Ang sabi ng aleng tindera ay kumukupas naman ang kulay ng mga sisiw kapag ang mga ito ay lumaki na.  Kinukulayan daw nila ang mga ito dahil ang target nilang pinagbebentahan ay ang mga bata.   Mas attracted daw kasi ang mga bata sa makukulay na sisiw kumpara sa tradisyunal nitong kulay.

Monday, March 2, 2015

Paradise


Ang gara talagang gumala lalo na kapag mapadpad ka sa isang lugar na maituturing mong isang paraiso. 

Mapalad tayo dahil maraming mga magagandang lugar dito sa Pilipinas na naghihintay na ating matuklasan.  Marahil ay may kanya-kanya tayong mga paboritong pasyalang narating at mas lalo pang madadagdagan ang ating listahan kapag nakakarating tayo sa iba pang mga lugar.

Ang ganda ng isang lugar na pwede nating ituring na paraiso ay depende sa ating panlasa.  Ang bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang pamantayan ng maituturing nating isang paraiso.  Para sa akin basta maganda ang scenic view ay swak na ito.  Kahit na medyo may kahirapang marating ito, talagang sulit naman kapag nagawa mong puntahan ito.


Ang sabi nga sa kanta ay tayo lang naman ang gumagawa at nagdidikta kung ano ang paraiso.  Ang higit na importante sa lahat ay magawa nating i-appreciate ang ganda ng kalikasan at panatilihin nating malinis at nasa magandang anyo ito.  At kung ang turing natin sa ating bansa ay isang paraiso, dapat sa atin nagsisimula ang lahat bago pa man ito matuklasan ng iba pang mga banyaga.

Sunday, March 1, 2015

Wedding


Isa na marahil ang wedding o pagpapakasal sa pinakamasaya at pinakaimportanteng bagay na mangyayari sa buhay ng isang tao.

Ang pagpapakasal ang siyang magbibigay nang katuparan sa minimithing legal na pagsasama ng dalawang taong nagmamahalan.  Sa pamamagitan nang pagpapakasal ay nagiging sagrado ang pagsasama ng dalawang tao lalo na at binibigyan sila nang basbas ng simbahan para magiging sentro ng kanilang pagsasama ang ating Panginoong Hesus.

Ang pagpapakasal ay ang panibagong simula para sa dalawang taong nagmamahalan na nawa'y lumago ang kanilang pagsasama at pamilya at magiging maligaya sila sa piling ng isa't isa magpakailanman.