Nakalakihan ko ang mga
kwento tungkol sa aswang. Sa aming
lugar, walang makapagsasabi kung kelan sila unang lumitaw o saang lugar sila
galing. Basta ang bagay na ito ay isang
public secret sa aming lugar.
Mayroon akong tinatawag
na ‘close encounter’ tungkol sa aswang.
Sa aming lugar, malalaman mo kung may isang aswang dahil maririnig mo
ang kanilang pagtiktik. Ang ‘tiktik’ na
huni ng isang ibong aktibo sa gabi ay iba din sa ‘tiktik’ na nagmumula sa isang
aswang. Ang huni ng ibon ay
pumapailanlang sa himpapawid at alam mong lumilipad ito. Ang sa aswang naman ay alam mong nasa
mababang lugar ito nagmumula.
Noong maliit pa lang ako,
ang aming bahay ay yari sa kawayan at pawid.
Dahil sa mayroong bukas na daanan para sa lahat ang gilid ng bahay namin
at tagusan ito sa magkabilang kalye, kahit anong oras ay may mga dumadaan
dito. Kapag nakakarinig na ako nang
‘tiktik’ at alam kong hindi galing sa ibon iyon, nakagawian ko nang sumilip sa
may maliit na butas sa aming bintana.
Kahit na maaaninag ko ang posibleng dumadaan doon, ang palaging sinasabi
ng nanay ko ay mahihirapan daw akong makita ang aswang dahil may ‘taga-bulag’
daw ito. Hindi daw ito magpapakita sa
isang tao kapag ayaw niyang magpakita.
Ang isang babaeng
kapitbahay namin na mayroong mata na kagaya ng sa manok (minsan ay diretso ang
kanyang mga mata at minsan naman ay parang duling ito) ang siyang nagkwento sa
pambihirang gawain ng isang aswang. Doon
lang namin nalaman kung papaanong tumitiktik ang isang aswang. Ayon sa kanyang kwento, naglalakad daw ang
isang aswang na naka-tiptoe. Parang
nakatingin daw ito sa langit habang tipong tsina-chop ng kanyang magkakadikti
na mga daliri ang kanyang lalamunan para tumiktik ito. Kapag mayroong tao daw na papalapit sa kanya,
dali-dali daw itong magtatago sa isang puno at aantayin daw nitong makalayo ang
taong iyon at kapag libre na siya ay muli itong titiktik.
Sa pamamagitan nang
pagtiktik ng aswang ay malalaman mo kung malayo o malapit siya sa iyo. Kapag malakas ang tiktik nito ay malayo
siya. Kapag naman mahina lang at tipong
agresibo ang tiktik nito, asahan mong malapit lang siya sa iyo.
Nang minsan ay bigla na
lang akong nagising mula sa mahimbing kong tulog. Tipong binangungot ako dahil dilat ang aking
mga mata at gising ang aking diwa subalit hindi ako makakilos. Kasabay nito ay dinig na dinig ko ang
mahinang tiktik na halos nasa tabi ko lang.
Natutulog kasi ako noon sa gilid na kadikit ko na halos ang dingding at
dahil kawayan ang bahay namin ay tipong alam mong may ibang tao na naroon sa
labas. Talagang pinilit kong maigalaw
ang aking katawan at unang gumalaw ang aking paa. Nang tuluyang nakakilos na ako ay siya namang
paglaho ng tiktik.
Dahil sa pangyayaring
iyon, ng mga sumunod na gabi ay nagsuksok na ako ng itak sa tabi ng aking
higaan. Isinuksok ko ang itak sa pagitan
ng siwang sa gilid ng bahay at palabas sa bahay ang dulo nito. Kapag may dumikit sa gilid ng dingding at
nasagi ng talim ng itak ay pasensiyahan na lang.
Ilang sunud-sunod na
gabi ko ring narinig ang tiktik na iyon at simula nang lagyan ko ng itak ang
tabi ng aking higaan, hindi ko na naranasan muli na makarinig ng mahihinang
pagtiktik ng kung ano mang nilalang na iyon.
No comments:
Post a Comment