Sunday, March 8, 2015

Floating


Kung meron man akong isang gustong matutunan, iyon ay ang lumangoy. 

Madalas nga akong tuksuhin na mahilig daw akong gumala at pumunta sa dagat pero hindi naman akong marunong lumangoy.  Haha.  Totoo ‘yon.  Nakakalangoy naman ako kahit papaano pero kapag malalim at hindi na abot ng paa ko ang buhangin ay medyo natataranta na ako.  Kung baga, pang mababaw na parte ng dagat lang ang kaya ko.

Minsan ay nagawi kami sa isang isla kung saan maganda ang ayos ng dagat.  Tanghaling tapat iyon at ang dagat ay parang natutulog pa.  Wala halos alon na makikita at parang isang makinis na salamin ang ibabaw ng tubig.  Dahil naka-lifevest naman, sinubukan kong magpalutang.  Nang  makita ako ng kaibigan kong masayang nagpapalutang ay sumunod na rin siya. 

Medyo ilang metro din ang layo namin sa mababaw na parte ng dagat at meron akong ginawang kalokohan.  Dahan-dahan kong hinila ang kaibigan ko patungo sa malalim na parte ng dagat at halos marating na namin ang kinaroroonan pa ng ilan naming mga kasama na nagsosolong lumangoy din.  Nang malayo kami ay sinabi ko sa kaibigan kong hindi ako marunong lumangoy.  Ang lakas nang tawa ko nang bigla siyang nataranta at nagkakawag para bumalik sa dalampasigan.  Kitang-kita ko na kinabahan siya habang mabilisan ang ginagawa niyang pagkampay.  Sinabihan ko siyang magrelax at magfloating ulit kami.  Nang mahawakan ko ang lifevest niya ay inalalayan ko siyang makapagfloat ulit at sabay kaming marahang kumampay pabalik sa dalampasigan.  Para mawala ang kanyang kaba ay kunwaring inaaliw ko siya sa kuwento hanggang sa maramdaman na lang ng mga paa namin ang buhangin.


Akala ko ay ako lang ang hindi marunong lumangoy.  Marami pa nga akong nakilala na talagang mahihina ang tuhod na lumusong sa tubig kahit na may lifevest.  Minsan kasi ay kailangan mong labanan ang iyong kinakatakutan para mawala kahit papaano ang pumipigil sa iyo na mag-enjoy.

No comments:

Post a Comment