May kalsada pa ba? Ito kaagad ang unang tanong na pumasok sa aking isipan nang makita ko ang nakapark na bisikleta. Mula kasi sa aking kinatatayuan ay halos hindi na maaninag ang maliit na parte ng kalsada na pwedeng lakaran o patakbuhan ng bisikleta.
Sa isang lugar kung saan ay parte na ng baha ang pang araw-araw na buhay ng mga tao, para sa isang kagaya kong dayo sa lugar na iyon, isang kakaibang tanawin ang paglamon ng tubig sa kalsadang dinadaanan ng mga tao at sasakyan. Parang miserable kung tutuusin ang pang araw-araw mong galaw sa ganitong klaseng lugar subalit para sa mga nakatira na doon, ito ay tanggap na nila at bahagi na ito ng kanilang sistema. Saan ka nga naman pupunta kung nandito na nakatirik ang bahay mo at wala ka namang pera para lumipat sa ibang lugar.
Ang mga Pinoy daw ay sobrang resilient sa mga hamon ng buhay pati na ng kalikasan. Kaya ng mga Pinoy ang magsurvive at magtiis sa mga sitwasyon na pwedeng hindi tanggap ng iba. At sa mga ganitong sitwasyon, kusang niyayakap na lang ng mga tao dito ang kung ano ang meron sila at magpahanggang ngayon ay nandoon pa rin sila at patuloy na nabubuhay.
No comments:
Post a Comment