Saturday, March 14, 2015

Aswang - 4


Sa isang lugar kung saan ay may mga nakakapanindig na balahibong mga kwento tungkol sa iba’t ibang klaseng nilalang at elemento, marahil ay magiging kwentong bayan na lang ito pagdating ng panahon.  Sa pagdami kasi ng tao sa isang lugar ay unti-unting nawawala din ang mga nilalang na ito o humahanap sila ng pwede nilang malipatan para malaya silang makagalaw.

Noong maliit na bata pa lang ako, sakitin daw ako.  Madalas daw akong magkakasakit kaya’t nagpasya ang aking nanay na ibenta ako sa isang may edad na babae sa halagang singko.  Ito ang paraan ng mga tao sa amin para daw maiwasan ang pagkakasakit ng isang bata lalo na kapag hindi maipaliwanag ang dahilan nito.  At hindi man kapanipaniwala ang bunga ng pagbebentang iyon sa akin, nagiging madalang na daw ang aking pagkakasakit.

Ang babaeng pinagbentahan sa akin ay parang nagiging ‘nanay’ ko na rin sa turing.  Mabuti na lang kamo at ritwal lang ang transaksyong naganap kaya’t di ako tumira sa kanila.  Pero may mas malalim na kwento pala ang ‘pagbebentang’ iyon sa akin.  Sa aming lugar kasi ay kilalang-kilala at pinangingilagan ang babaeng iyon pati na ang kanyang asawa dahil may lahi daw silang aswang at tipong ‘malakas’ ang kanilang pagiging aswang.

Marami-raming mga kwento na rin ang pinagsasaluhan ng aming lugar tungkol sa kanilang mag-asawa lalo na doon sa ‘nanay-nanayan’ ko.  Ang isa dito ay pinatunayan mismo ng isang kamag-anak namin.  Ayon sa isang kamag-anak namin ay nagising daw siya one time at tipong alanganing oras na ng gabi.  Dahil sa tawag ng kalikasan, dali-dali daw siyang lumabas ng kanilang bahay dahil ang kanilang banyo ay nasa likuran ng kanilang bahay.  Laking gulat daw niya nang makakita ng isang malaking aso na nakaupo sa loob ng kanilang bakuran at nakatingin sa kanya.  Biglang nagtayuan daw ang kanyang mga balahibo at kinalibutan siya nang todo dahil hindi daw pangkaraniwan ang laki ng asong iyon.  Ang mga mata pati ng asong kanyang nakita ay tipong nagbabaga.

Mabilis daw na bumalik sa loob ng bahay ang kamag-anak naming iyon at sa kanyang muling paglabas ay may dala na itong tirador.  Agad daw na tumayo ang asong iyon at tipong tatalilis dahil nakita niyang may nakaumang na tirador sa kanya.  Natamaan daw ito sa bandang likuran at dinig ng kamag-anak namin ang ingay ng aso na nasaktan.  Ang ending, hindi na nagawang umihi ng tao dahil sa tindi ng kanyang takot.

Kinabukasan ay naabutan niya sa ilog ang aking ‘nanay-nanayan’ na naliligo.  Nang tanungin niya kung bakit may malaking benda ang likuran ng babaeng iyon, ang sagot nito ay nabangga daw siya sa gilid ng kanilang aparador.  Napailing na lang ang kamag-anak namin at tipong naging buo ang kanyang pag-iisip na ang malaking asong na kanyang natirador noong nakaraang gabi at ang babaeng kanyang kausap ay iisa.


Mas naging matindi ang ingay sa aming lugar nang mamatay ang aking ‘nanay-nanayan.’  Isang malaking palaisipan sa lahat kung bakit may mga iba’t ibang klaseng itim na ibon na dumadapo sa kanilang bahay habang nakaburol ang matandang babaeng namatay.  Noong nabubuhay pa kasi ito ay wala namang ibong dumadapo sa kanilang bahay.  Pero noong nakaburol siya ay halos salit-salitan ang mga ibon na dumadapo sa kanilang bahay.  Sadyang mahirap ipaliwanag ang nasaksihang bagay 
na iyon dahil nang ilibing na ang namatay ay hindi na rin nakita ang mga ibon na iyon pagkatapos.

No comments:

Post a Comment