Saturday, February 14, 2015

Love



Ano nga ba ang love?

Marahil ay meron na tayong ideya sa iba’t ibang klase nang pagmamahal.  Kahit na hindi ito itinuturo sa atin ay atin itong natutunan habang tayo ay nabubuhay. May pagmamahal para sa ating mga magulang, kapatid, at kaibigan.  May pagmamahal para sa taong ating minamahal at iba din ang pagmamahal para sa mga taong napalapit na nang husto sa atin.

May mga taong sobra din kung magmahal at kung minsan ay nakakasakal o nakakasakit na sila.  Marahil ay hindi nila tanto kung papaano dapat ibahagi ang kanilang pagmamahal.  Ang sabi ng iba ay marami daw insecurities ang ganoong klaseng tao at gusto nila ay sila ang may control pati na ang damdamin ng iba.

Kapag love mo daw ang isang tao ay gagawin mo ang lahat para mapasaya lang siya.  Subalit kung ang iyong partner lang ang masaya at hindi ikaw, malamang sa hindi ay hindi na tamang pagmamahal iyon.

Friday, February 13, 2015

Nilagang Baboy


Sa Tagalog, ang salitang nilaga ay palaging nakakabit sa karneng baka.  

Dahil mahal ang karneng baka at hindi naman exclusive sa karne ng baka ang salitang 'nilaga', kadalasan ang mga nakagawiang mga putahe ay binabago.  At kapag ito ay nagustuhan at pumatok, nakakasanayan na itong iluto.

Minsan ay nakatikim ako ng isang masarap na nilagang baboy.  Simple lang ang pagkaluto nito.  Pinalambot lang ang karne ng baboy at ang tanging gulay na kasama dito ay pechay Baguio na higit na mas malasa kumpara sa repolyo.  Dahil mahal ang gulay, kadalasan ay kung ano lang ang makakayanan ng budget ang siyang pinagkakasya.

Ang sikreto nang masarap na nilagang baboy na aking natikman ay ang maraming slices ng luya at tanglad.  Sa isang lugar kung saan ang tanglad ay parang damo na tumutubo, kahit araw-araw pa ay magtanglad ka.  Kaya't ganoon na lang sila maglagay ng tanglad sa nilagang baboy na isa sa sikreto nang pampasarap nila sa ulam.

Thursday, February 12, 2015

White Sand


Naranasan mo na bang humiga sa puting buhangin na mala-polvoron sa pino?

Mayaman ang bansa natin sa mga baybayin at marami dito ay nagtataglay ng mga nakakabighaning mga tanawin.  Dahil sa kakaibang halina at natural na taglay na kagandahan ng ating mga baybayin ay nakilala ang bansa natin sa iba’t ibang panig ng mundo.

Isa sa mga pambato at ipinagmamalaki ng ating mga baybayin ay ang white sand.  Ilang beses na rin akong nagkaroon nang pagkakataon na makatapak sa mga exceptional na white sand beaches at talaga namang kamangha-mangha ang ganda ng mga ito.  Iyon bang tipong kahit na magpagulong-gulong ka ay hindi man lang ito dumidikit sa iyong katawan.  Kulang na lang ay bilugin mo ito at ilagay sa isang makinang na papel at magmumukha itong polvoron.


Sadyang mapalad tayo sa angking likas na yaman ng ating bansa.  Sana ang bawat isa sa atin ay magkakaroon nang pagkakataon na makaapak sa isa man sa ating mga naggagandahang mga white sand beaches at para na rin natin hindi tayo maging estranghero sa ating sariling bansa.

Wednesday, February 11, 2015

Alon


Ang alon daw ng buhay ay sadyang matalinhaga. 

Walang makakapagsabi kung ano ang magiging kaganapan ng ating buhay.  Kahit na patuloy tayong nagsusumikap para mas lalong mapaganda ang takbo ng ating buhay, kapag dumarating ang sandali na raragasa ang matinding alon ay tiyak na isa itong magiging isang malaking pagsubok para sa atin. 

Sa pagragasa at sa matinding paghampas ng alon, kahit sinong makaranas ng ganitong pangyayari ay tiyak na makakaramdam nang matinding pasakit.  Kadalasan ay maririnig natin ang mga hinaing ng ibang tao kung bakit sila ang pinaparusahan at kung bakit sobrang pasakit ang kanilang dinaranas.  Maririnig din natin ang kanilang mga panaghoy kung nagkukulang daw ba sila sa kanilang pananampalataya o may nagawa ba silang matinding kasalanan at ganoon na lang kung hagupitin sila ng malakas na alon.

Kapag dumarating ang mga pagsubok at wala tayong matatakbuhan, kagaya nang pagragasa ng matinding alon, ang tanging magagawa natin ay ang kumapit nang mahigpit sa kahit na anong puwede nating makapitan.  Kailangan nating indain ang mga pasakit at lahat ng mga matitinding dagok kung gusto pa nating mabuhay.  Ang bibigay at hinahayaang malunod na lang sa mga pagsubok ang siyang pinanghihinaan ng loob at walang kalakasan para lumaban.


Ang bawat isa sa atin ay tiyak na nakaranas nang mga hagupit ng alon ng buhay.  Iba’t ibang degree man nang hagupit ang ating naranasan, hindi natin puwedeng ikumpara ang ating sinapit sa sinapit ng iba.  At kahit na pare-pareho man tayo nang dadanasing hagupit, iba-iba pa rin ang ating mga pamamaraan para tayo ay lumaban at maka-survive.  Pero iisa lang ang maliwanag sa lahat ng mga pagdurusang tinatanggap natin.  Gusto pa nating mabuhay kaya tayo ay patuloy na lumalaban sa alon ng buhay.

Tuesday, February 10, 2015

Bata


Masaya talaga ang pagiging isang bata.  Kahit sino ang magsasabi ay walang kasing saya ang buhay ng isang bata.  Ito kasi ang parte ng buhay natin na kung saan ay wala tayong masyadong mga alalahanin at mga problema.

Kapag ikaw ay isang bata, maraming mga bagay ang puwede mong gawin para sumaya.  Sa totoo lang, hindi kumplikado ang buhay ng isang bata kaya’t masyadong madali ang makipagkapwa bata at ganoon din ang pagkakaroon ng mga kaibigan.  Basta nagkakasundo ng interes ay madaling makisama at makigulo.

At pag dumating ang mga masasayang sandali, asahan mong ang kanilang tawanan at saya ay wagas.  Maririnig mo sa kanilang mga tawanan ang totoong saya na walang halong anumang pagpapanggap.  Kapag sila ay nagkakatuwaan, ito ay todo bigay na tila ba wala ng bukas.

Tiyak maraming mga alaala tayong magpa-flashback sa tuwing makakakita at makakapanood tayo ng mga batang nagkakasiyahan.  At asahan mong kapag may mga bata nagkakasiyahan, ang galak sa ating mga puso ay walang kapantay.

Monday, February 9, 2015

Sa Gitna ng Dagat


Nang minsang napadayo ako sa isang malayong probinsiya, muntik ko nang maranasan ang matulog sa gitna ng dagat.

Ang lugar na aking tinungo ay isang isla kung saan may pag-aaring kubo sa gitna ng dagat ang aking tinuluyan.  Dahil hindi naman panahon ng bagyo at kalmado ang dagat, naisip ko na ibang experience sana kung maranasan ko ang matulog sa lumulutang na kubo sa gitna ng dagat.  Hindi naman kasi kalayuan ang lumulutang na kubong iyon at may makakasama naman ako.  Ang kubong iyon ay inilagay para paglagyan ng mga gamit, bilang pahingahan, at magiging tulugan ng magbabantay sa gabi ng mga isdang nasa kural dahil maraming mga pasaway na sumasalisi kapag madilim na ang paligid.

Iyon nga lang at di pumayag ang tinutuluyan ko.  Ang sabi niya ay bisita daw ako sa kanila at baka may hindi magandang mangyari sa gitna ng dagat at wala akong matatakbuhan kung sakali.  Umiiwas lang daw sila sa disgrasya kaya’t hindi na nila ako pinayagan.  Sayang.  Hehe.

Kapag nakakakita ako ng ganitong klaseng lugar ay palaging sumasagi sa aking isipan ang isang gabing matutulog kang parang idinuduyan ng alon.  Iyon bang tipong wala kang ibang maririnig kundi ang paghampas ng alon sa tinutulugan mo.  Malamang ay isang magandang karanasan iyon kung sakali.

Sunday, February 8, 2015

Alaala


May nag tanong sa akin minsan.  Bakit daw kuha ako nang kuha ng pictures at gumagawa pa ako ng blog?

Simula nang magkaroon ako ng kamera ay nagiging hobby ko na ang pagkuha ng pictures.  Nakakatuwa kasing isipin at panoorin ang mga alaala kapag nakikita ko ang mga pictures na nakunan ko.  Hindi man ako kagalingan sa pagkuha ng mga pictures, sapat na iyon sa akin upang sariwain ang mga alaala ng mga lugar at mga taong naging bahagi na ng aking buhay.

Kahit noon pa man ay hobby ko na ang pagsusulat.  Kahit anong maisip ko ay sinusulat ko, mapa-essay, tula, o simpleng quotation, basta gumagana ang utak ko ay sinusulat ko ang mga ito.  Isa kasi ito sa paraan para lalong mapalago ko ang aking pag-iisip at matututo akong magcompose.  Nang natuklusan ko ang pagbablog, doon ko na ipinapublish ang kung ano mang nagawa ko na.

Sa isang retreat, iminumungkahi ng speaker na iyon na dapat daw ay matututo tayong mag-ipon ng mga makabuluhang bagay at isa na doon ay ang mga magagandang alaala.  Hindi daw kasi habang panahon ay maaalala natin ang mga masasayang bagay pati na ang mga taong nakilala natin.  Sa pamamagitan daw ng litrato at ating mga sulat, nagiging imortal sila.

Kaya’t heto ako ngayon.  Kapag may pagkakataon ay kumukuha ako ng pictures at nagsusulat na rin.  Kapag palarin ako at tumanda pa, ang mga pictures at ang mga nasulat ko ang siyang patuloy na magpapaalala sa akin sa mga lugar, bagay, at mga taong naging bahagi na ng aking buhay.  At sa pamamagitan ng blog ko, harinaway magiging imortal ang lahat na nakasama dito.