Thursday, April 30, 2015

Fire Eater



Noong nakaraang Chinese New Year ay dumayo kami sa Binondo para ma-experience ito.  Pangalawang pagkakataon ko na itong umatend ng Chinese New Year simula nang ideklara itong legal holiday sa bansa.  Ang kasama ko ay first time niya kaya’t tuwang-tuwa ito dahil sa kanyang mga nasasaksihan.

Ang isa sa mga pinagkakaguluhan sa mga kalsada sa Binondo ay ang mga performers na bumubuga ng apoy.  Sa totoo lang ay mahirap ang kanilang pinaggagawa dahil sa kaunting pagkakamali ay pwedeng pagmulan ito ng disgrasya  Pwedeng makapaso sila ng mga manood o di kaya’t pwede silang magliyab habang bumubuga ng gaas.


Natawa ang kasama ko at ang sabi niya ay hindi daw niya gagawing raket ang ginagawa ng mga fire eaters.  Ang iba kasi sa kanila ay bungal na at malamang ay nasisira daw ang mga ngipin nito dahil sa pagkain ng apoy.  Hehe.

Wednesday, April 29, 2015

Pulubi



Sa panahong ikaw ay meron at may isang taong walang-wala at humihingi ng kaunting limos, gaano kabait ang puso mo para sa isang kagaya niya?

Tiyak marami na sa atin ay nagkaroon ng pagkakataon na makakita ng mga taong palaboy sa kalsada at nagkaroon na rin tayo ng pagkakataon na mag-abot ng tulong sa kanila.  Sa pagdaan pa ng panahon ay nasasanay na rin tayong nandiyan lang sila lagi, iba-iba man ang kanilang mukha, anyo, kasarian, marami pa rin silang pakalat-kalat sa kalsada at kung saan at nanghihingi ng kahit kaunting tulong sa atin.

Hindi maiiwasan na dumadating ang pagkakataon na nagiging bingi at bulag na tayo sa ganitong kalakaran lalo na kapag nakikita nating malakas pa ang mga ito para mamalimos lang.  Ang iba naman ay ginagamit ang kanilang mga anak para mamalimos pagkatapos ay hayahay lang silang nangongolekta ng mga pinaglimusan ng kanilang mga anak.  Ang iba naman ay ginagamit sa bisyo ang limos sa kanila kung saan ay nakakadala na rin.


Ang sabi ng iba ay huwag daw tayong magbigay ng limos sa kanila dahil nawiwili ang mga ito.  Tayo din daw na nagbibigay ng limos ang pwedeng sisisihin sa pagdami nila dahil parang iniengganyo natin sila sa ganitong klaseng gawain.  Kung hindi daw matiis ng ating puso ang kanilang kalagayan, mas maige pa daw na bigyan natin sila ng pagkain kesa sa pera.  At least kapag pagkain, masasabi nating hindi sila magugutom at hindi nila magagamit ito sa sugal o di kaya’y sa droga.

Tuesday, April 28, 2015

Edad



Kung meron daw isang bagay na walang kahirap-hirap na nakakamtan natin at hindi ito napapansin, ito daw ay ang ating edad. 

Kahit na halos araw-araw tayong humaharap sa salamin, maraming mga pagkakataon na nasanay na tayo sa ating hitsura at halos hindi natin napapansin na nagkakaedad tayo.  Pati na ang palaging nakakasama natin ay halos hindi rin napapansin ang mga pagbabagong nagaganap sa ating hitsura maliban na lang kung tayo ay bagong gupit o sadyang nag-ayos.  Pero sa kadalasan, ang ating hitsura ay nagiging palasak na sa paningin ng ating mga kasama at tila ba halos wala tayong ipinagbabago.

Pero kakaiba ito sa mga taong bibihira lang nating makita.  Asahan mong kapag nagkita ang matagal nang nawalay, marami silang puwedeng mapuna sa hitsura mo at kasama na dito ang pagdagdag ng edad mo.  Mapalad ang mga taong maganda ang genes dahil mabagal ang kanilang pagtanda.  Pero sa mga taong mabilis na magdeteriorate ang kanilang pisikal na anyo, ito ay kaagad na makikita.

May mga nagsasabing imaterial daw ang edad.  Hindi daw mahalaga kung ano na ang numero ng ating edad.  Ang mas mahalaga daw ay ang ating mga experiences at kung ano ang natutunan natin sa mga nakalipas na panahon.  Hindi raw basehan ang edad para sukatin ang isang tao.  At hindi daw porke’t matanda na ay limitado na ang puwedeng gawin nito.


Siguro nga ay numero lang ang edad.  Ang sabi nga ay ang ating isipan ang siyang nagdidikta kung tayo ay feeling bata o feeling matanda na.  Pero hindi hadlang ang edad sa kung ano pa ang puwedeng mangyari sa buhay natin habang patuloy pa tayong nabubuhay.  Ang mahalaga ay habang nadadagdagan ang ating edad, mas lalong madadagdagan sana ang ating natutunan at mga karanasan sa mundo.

Monday, April 27, 2015

Summer Time


Summer time na naman at ang madalas at paboritong gawin ay ang maligo sa dagat.  Dahil mahabahaba ang summer, kadalasan ay kaliwa't kanan ang mga gimik kasama ang pamilya at mga barkada.  Kumbaga, perfect bonding moment ito kasama ang mga mahal mo sa buhay.

Hindi naman importante kung saang dagat ka naligo (huwag lang sa malangis, maitim, at puro basurang dagat op kors) basta malinis ito at kaaya-ayang languyan.  Ngayong mga panahong ito ay kailangan nating maging praktikal at mairaraos din natin ang ating summer na hindi gaanong gumagastos.  Kung hindi talaga kakayanin ng budget, pwede namang sa malapit lang na dagat pumunta.  Ang mahalaga ay enjoy ka at ang mga kasama mo.


Sunday, April 26, 2015

KPop


Nang pumasok ang year 2000, nagkaroon nang shift ang panlasa ng mga Pinoy.  Naging instant hit ang KPop at mga palabas na Koreans.

Ang ating pagkakahumaling sa ibang kultura ay palasak na simula nang sakupin tayo ng mga banyaga.  Simula noon ay naimpluwensyahan na tayo at palaging nakatuon ang ating pansin sa kung ano ang meron sa ibang bansa.  Mas lalong nagiging mabilis ang pagyakap natin sa ibang kultura dahil na rin sa makabagong teknolohiya. 

Nakakalungkot isipin na sa samu't-saring mga lahi na siyang pumupunta sa ating bansa (kung saan ang iba sa kanila ay gustong maging naturalized Filipinos), iba naman ang gusto natin.  Nagiging dayuhan na tayo sa ating sariling bansa at tipong hindi na natin kilala ang ating lahing pinanggalingan.  Mas alam pa natin ang kultura ng ibang bansa kumpara sa sarili nating bayan.  At ang nakakalungkot dito, nawawala ang identity natin bilang mga Pinoy.

Saturday, April 25, 2015

Aswang - 10


Mayroong itinuro sa amin kung papaanong kontrahin ang isang ‘aswang’ kapag gusto nitong pumasok sa bahay bilang isang kagaya nating tao din.  Madalas kasi ay hindi naman natin pwedeng pagbawalan na bumisita at pumasok ang isang tao sa ating bahay kaya’t mabuti na iyong handa.

Una ay ang paggamit ng walis tingting.  Hindi mo ito gagamitin bilang pamalo o panghampas sa isang tao para malaman mo kong ito ay isang aswang.    Siyempre, lahat naman ay masasaktan kapag pinalo mo ng walis tingting.  Haha.

Dapat daw patayuin ang walis tingting sa isang sulok ng bahay at mas maige kung ito ay malapit sa pintuan.  Mas maganda din daw na tago ito at hindi obvious sa mga bisita.  Ang pinakahawakan ng walis ay siyang nasa sahig at ang dulo nito ay ang nasa itaas.  Sa ganitong paraan daw ay parang tinutusok ang katawan ng isang ‘aswang’ kapag nasa loob siya ng iyong bahay at hindi daw ito mapakali at dagling aalis.

Ang pangalawa naman ay ang paggamit ng pambayo o mortar na siyang ginagamit sa mga probinsiya sa paglilinis ng palay o sa paglulubak.  Kapag may bakanteng espasyo sa ilalim ng hagdan, gaya ng mga hagdang yari sa kawayan o kahoy, ilalagay daw ang pambayo sa ilalim ng hagdan.  Kapag wala namang hagdan papasok ng bahay, pwede din daw na sa itaas na bahagi ng pintuan ito ilagay na nakapahalang.  Siguraduhin lang daw na matibay ang pagkalagay nito at baka ang nakatira mismo sa bahay ang siyang mabiktima at hindi ang aswang.  Haha.

Kahit daw ano ang gawin ng isang ‘aswang’ kapag may pahalang na pambayo sa ilalim ng hagdan o sa itaas na bahagi ng pintuan ay hindi ito makakapasok.  Kung sakaling makakapasok daw ito, para itong lalagnatin at pagpapawisan nang todo at magmamadali din itong lumabas ng bahay.  At ang pangalawang bagay na ito ay napatunayan na namin na epektibo.

Nang minsang nagpagawa ng cabinet ang isa kong kuya, mayroong nagrekomenda sa kanya na isang lalake na magaling daw gumawa ng cabinet.  Dahil sa kaibigan ng kuya ko ang nagrekomenda sa taong iyon, naniwala naman ang kuya ko at dumating ang taong iyon sa takdang araw ng kanilang usapan.  Galing sa ibang lugar ang lalakeng iyon at totoo ngang mabilis at pulido siyang gumawa.  Isang araw lang ang kanyang ginugol at nayari na niya agad ang ipinagawa ng aking kuya (kung saan ay katulong niya ang kuya ko).

Ang isa ko namang kuya ay masama ang basa sa taong gumagawa ng aparador na iyon.  Hindi siya nagkokomento tungkol dito pero mataman niyang binabantayan ito.  Ang kuya ko kasing ito ay mas may alam tungkol sa mga kakaibang tao na kanyang nakikita at nakakasalamuha.

Nang dumating ang tanghalian ay inanyayahan ng una kong kuya ang kanyang manggagawa upang kumain.  Kasama kasi sa usapan ang libreng tanghalian at merienda.  Nang paakyat na daw ang taong iyon sa hagdanan namin sa likuran ng bahay ay hindi nito magawang umapak kahit sa unang baytang man lang.  Kitang-kita daw ng pangalawang kuya ko na kahit anong gawin niya ay hindi niya magawang humakbang paakyat ng hagdan at nagsimula na itong pagpawisan.  Para hindi obvious na merong kakaiba sa hagdan naming iyon ay dinala siya ng una kong kuya sa harap ng bahay at doon ay wala siyang kahirap-hirap na nakaakyat ng bahay.

Ang kwento ng pangalawa kong kuya ay tagaktak daw ang pawis ng taong iyon nang umupo sa harap ng mesa at sobrang bilis daw nitong kumain.  Halos hindi pa daw nag-init ang kanyang upuan at agad na tinapos nito ang kanyang tanghalian at nagmamadaling bumaba ng bahay.  Sobrang laki daw ng ginhawa ang kanyang nararamdaman nang makabalik ito sa bakanteng lote kung saan ay nagmamadali nitong ipinagpatuloy ang kanyang ginagawang cabinet.

Pagkaraan ng ilang araw ay may ganti pala ito sa amin.  Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay biglang nagdidiliryo si nanay.  Kitang-kita ko mismo na umiikot siya sa higaan at halos umaangat ang kanyang balakang sa tuwing umiikot ang kanyang katawan habang siya ay nakahiga.  Panay ang kanyang ungol at sobrang mainit ang kanyang katawan.  Noon lang ako nakakita nang ganoong pangyayari at dahil bata pa ako ay wala naman akong magawa kundi ang tumulong sa pagbabantay sa nanay namin.  Dagling nagpatawag ng albularyo ang isa kong kuya at kahit papaano ay napakalma ang kalagayang iyon ni nanay.

Kinabukasan ay sinugod ng dalawa kong kuya ang lalakeng iyon na nakatira pa sa kabilang baryo.  Binantaan siya ng isa kong kuya na kung hindi niya titigilan ang nanay namin ay papatayin niya ito.  Pagkabalik nina kuya ay parang nagdahilan lang ang nanay namin.  Kahit na iniinda nito ang natitirang sakit ng kanyang ulo na tipong galing sa lagnat ay nagawa na nitong bumangon at maayos na uli ang kanyang pakiramdam. 

Nang magkwento si nanay ay kinilabutan kaming lahat.  Para daw merong mga kamay na humahawak sa kanyang katawan at iniikot siya.  Napakainit daw ng kanyang pakiramdam na para bang sinisilaban ang kanyang katawan.  Habang tipong nagdidiliryo daw siya ay may nakikita siyang itim na pusa sa kawayang nakasuporta sa loob ng bahay na nasa atip namin.  Para daw pinapanood siya ng pusang iyon habang siya ay paikot-ikot sa kanyang higaan.

Iyon lang ang pagkakamali namin.  Hindi namin nagawang maglagay ng pangontra sa aming katawan at sa ginawang iyon ng lalake ay nakita niya marahil na mahina ang espiritu ng nanay namin ay siya ang kanyang tinarget na gantihan.


Friday, April 24, 2015

Strawberry


Isa sa mga paborito kong prutas ay ang strawberry.

Minsan ay nakapanood ako ng palabas sa tv tungkol sa strawberry sa Italy at sa mga karatig nitong lugar.  Wow!  Nakakalula ang laki ng mga strawberry.  Imagine mo na lang na halos kasing-laki ng kalahating kamao ang isang strawberry.  Haha.  Nakakalula ang laki at talagang juicy at masarap daw ito.  Talagang tulo-laway ako sa palabas na iyon.  Imagine, makailang piraso ka pa lang nang ganoong kalaking strawberry as solve ka na.

Pero pinagpala pa rin ang bansa natin dahil meron din tayong local strawberry dito.  Hindi man kasing laki ng mga strawberry sa Europe, at least masasabi nating nakakatikim tayo ng strawberry at hindi hanggang nood lamang sa tv.