Saturday, January 31, 2015

Lolo's Love


Ilan ba sa atin ang lumaki sa ating mga lolo at lola?  Ang iba sa atin ay maagang naulila o di kaya'y masyadong busy ang ating mga magulang kaya't sa mga lolo at lola tayo ipinagkakatiwala.  

Iba ang pagmamahal na ibinibigay ng ating mga magulang.  Pero higit na mas kakaiba ang pagmamahal na inilalaan sa atin ng ating mga lolo at lola.  Sila kasi ang mga tipong buhos ang pagmamahal at kung puwede lang na ibigay ang lahat ng ating mga pangangailangan na walang pag-aalinlangan ay sa kanila manggagaling iyon.  Sila ang tipong ibibigay ang lahat-lahat para lang sa ating ikakasaya.

Ang mga batang lumali sa pangangalaga ng kanilang lolo at lola ay higit na masagana sa pagmamahal at talagang sunod sa layaw.  Ang mga bata ding ito ang masarap na magmahal dahil naranasan nila kung papaanong mahalin nang lubos at todo-todo.  

Kaya't napakasuwerte ng mga batang may pangalawang mga magulang sa katauhan ng kanilang lolo at lola.  Napakapalad nila at nakaranas sila nang pagmamahal na buo at wagas.

Friday, January 30, 2015

Pork Kare-Kare


Kapag kare-kare na ang usapan ay hindi mo na ako kailangang pilitin pa.  

Hindi ko alam kung kailan ko pa nakahiligang kumain ng kare-kare.  Mapa baka, baboy, o manok pa ito ay pasado ito sa aking panlasa.  Kahit nga sa mga karinderia malapit sa tinutuluyan ko, pinapatos ko ito kapag nagkataong naglalaway ako sa hitsura ng luto nila.

Ang gustong-gusto ko sa kare-kare ay yaong malapot at malasa ang sauce.  Tipong sauce pa lang ay ulam na.  Pagkatapos ay masarap ito kapag malambot ang karne at hindi mo na kailangang makipaglaban pa para lang makahimay ng laman nito.  At higit sa lahat, nakakatulo ng laway ang masarap na bagoong alamang.  Wow!  Heaven.

Thursday, January 29, 2015

Model


Isa sa mga gusto kong gawin kapag hawak ko ang aking kamera ay ang magphoto shoot.

Kadalasan ay isang malaking challenge na kuhaan ng magandang picture ang isang subject lalo na kapag hindi ito marunong magpose.  Kahit na sabihing maganda ang model, kapag hindi ito marunong magproject ay machachallenge ka talaga.

Kaya pag may pagkakataon o may mag-ayang mag shoot, game akong sumasama lalo na kapag hindi ganoon kalaki ang contribution.  Sa pamamagitan kasi nito ay lalong nahahasa pa ang kakayahan ko at mas lalo pang nagiging creative sa pagkuha ng pictures.

Wednesday, January 28, 2015

Tandang


Hindi daw lahat ng lalake ay may itlog.  Haha.  Kung manok ang usapan, tumpak nga ang kasabihang ito.  

Nakakatuwang isipin na hindi lahat ng mga nilikha ay pare-pareho ang komposisyon ng kanilang katawan kahit iyong mga magkakatulad man lang.  Mapapaisip ka tuloy kung bakit nagkaganoon?  Ano ba ang dahilan kung bakit ang mga establisadong pamantayan, gaya ng isang lalake, ay hindi present sa ibang mga katulad na nilalang.  

Hindi ko alam kung ano ang rason ng kalikasan kung bakit naging ganoon ang kalakaran.  O baka naman ito ay para lang sa mga mammals.  Posible.  Hehe.

Tuesday, January 27, 2015

Hidden


Ang ating ginagalawang mundo ay maraming mga bagay na itinatago o di kaya'y naghihintay na matuklasan.  May mga bagay na hindi natin napapansin dahil sa ibang mga bagay nakatuon ang ating paningin.  Pero kapag atin itong natuklasan at bigyan nang kahit kaunting panahon lang, tiyak na makakakita tayo ng kakaiba at interesadong mga bagay.

Nakakatuwang isipin na merong mga bagay at nilalang sa ating paligid ang hindi natin masyadong napapansin.  Siguro ay wala tayong panahon o di kaya'y hindi tayo interesado sa kanila.  Akma din kayang masasabi na merong mga tao sa ating paligid na hindi natin napapansin at pareho din ang ating dahilan?

Minsan daw, kapag may pagkakataon tayo, hindi kalabisan na ating bigyang pansin ang nakapaligid sa atin.  Kaya nga minsan ay nabibigla na lang tayo dahil ang nasa paligid pala natin ay interesting pala at sa huli na natin ito malalaman.  Malamang kung napapaaga ang ating pagkakilala, higit na mas maraming mga interesadong bagay ang siya nating natutunan sa kanila.

Monday, January 26, 2015

Interpreter Please


Minsan ay may nakikita tayong mga signages na kumikiliti sa ating imahinasyon.  Ang iba ay mapapaisip ka kung ano ang tamang pakahulugan nito.  Mapapatigil ka naman sa iba pang signages at marahil ay magtatanong ka kung tama ba ang nabasa mo.  Pero ang kadalasang sabi nga, it's the thought that counts.

Nakakatuwang isipin na nagiging malaya tayong magpaskil ng kahit na anong mensahe sa ating paligid.  Kaliwa't kanan ay palagi kang may mababasa sa iyong daraanan.  Babala, paalala, patalastas, hanggang sa mga naglalakihang mga mukha ng mga pulitiko ay meron tayo niyan at nagkalat sila sa buong Pilipinas.  Malamang ay hindi ito napagtutuunang pansin ng ating gobyerno.  Ang ating bansa ay nagiging isang malaking message board.

On the lighter side, ang iba sa mga signages ay nagsisilbing taga-aliw na rin.  Kahit na hindi kagandahan ang araw mo, kapag nakakabasa ka nang sadyang kakaibang mensahe ay mapapangiti ka na lang.  Kaya kung hindi ka naman busy sa iyong pang-araw-araw na buhay, baka may time kang igala ang iyong paningin at malay mo, merong nakapaskil diyan sa tabi-tabi lang na magpapasaya sa iyo.

Sunday, January 25, 2015

Laban


Sa buhay, hindi pwedeng maging mabait ka lang lagi.  Kapag ipinapakita mo na lagi kang mabait, maraming mga oportunista at mga mapagsamantalang mga tao ang siyang lalamon sa iyo nang buo.

Bakit kaya ganoon ang buhay?  Kapag salbahe ka ay marami ang magagalit sa iyo.  Marami ang ayaw sa taong salbahe.  Pero kapag mabait ka naman, marami din ang mga mapagsantalang mga tao.  Saan ka lulugar? 

Hindi pala pwede na ilatag mo ang lahat ng iyong baraha at maging open book ang buhay mo kahit sa mga taong madalas mong nakakasalamuha.  Hindi man magandang sabihin, ang iba sa kanila ay parang mga leon at tigre na naghihintay lang ng tamang pagkakataon para lapain at sagpangin ka.  Wala sa kanilang bokabularyo ang salitang pamilya at kaibigan.  Basta kapag interes nila ang pinag-uusapan, hindi ka nila sasantuhin.

Ang sabi nga ay dapat tayong matuto makipaglaro sa mga taong nakapaligid sa atin.  Hindi pwedeng puro kabaitan at pagtitiwala nang lubos ang ating paiiralin.  Dapat din tayong maging matapang at lumaban kung kinakailangan.  Dapat din nating ipakita ang mabangis nating mukha kapag dumating ang pagkakataong nadedehado na tayo.  At hindi pwedeng ibigay mo ang iyong kabilang pisngi para pumantay ang pagkakasapak ng iba sa iyo.  Ano sila, sinuswerte?