Tuesday, June 9, 2015

Panghihinayang


Ano ang isang bagay na talagang pinanghihinayangan mo?

Mayroon kaya sa atin na hindi pa nakakaranas na manghinayang sa isang bagay, tao, o pagkakataon?  Mapalad ba ang isang kagaya nila o mas higit na mapalad ang nakaranas na merong pinanghihinayangan?

Kadalasan ay pinanghihinayangan natin ang isang bagay, tao, o pangyayari dahil mahalaga ito para sa atin.  Nanghihinayang tayo dahil sa tingin natin ay hindi ito naaayon sa ating pananaw o kagustuhan.  At kung maaari lang na magawan natin nang paraan para maitama ang dapat, ito ay atin nang ginawa.

Pero ang sabi nga sa wikang English, "There's no use in crying over spilled milk."  Kapag ang pinanghihinayangan natin ay wala na talagang remedyo, ang tanging magagawa natin ay ang move forward.  Walang sense na habangbuhay tayong manghihinayang at magmukmok.  Malay mo, meron pang mas higit na mas mahalaga ang darating kapalit ng bagay na iyong pinanghihinayangan.

Monday, June 8, 2015

Father and Son


Nakakatuwang pagmasdan ang mag-amang ito habang nanonood ng kaganapan sa kahabaan ng isang kalye sa Manila.  Sobrang cool ang baby na nakaupo sa balikat ng kanyang daddy at matamang nanonood.  Sa ilang beses kong nasumpungan ang mag-ama, ni hindi ko nakitaan ng pag-aalburuto ang bata.  Malamang ay sanay na nga ito at lagi siyang sinasama ng kanyang daddy sa out of the country excapades nito.

Nakakatuwang isipin na ang mga foreigners na tulad nito ay hindi nahirapang bitbitin ang kanilang anak sa kanilang paggala.  Napakasuwerte ng mga bata dahil sa murang edad nito ay naiexpose na agad siya sa iba't ibang lugar at maging sa iba't ibang tao.  Kaya nga siguro madali silang mag merge at makisalamuha sa ibang tao dahil bata palang ay inalalayan na sila ng kanilang mga magulang sa pakikipaghalubilo.

Sunday, June 7, 2015

Tambay


Ang bawat isa sa atin marahil ay may paboritong tambayan.

Ang isang tambayan ay ginagawa nating paraan para pampalipas ng oras at para na rin makapag-unwind.  Kadalasan ay may mga bagong tao tayong nakilala sa tambayan na siyang magbibigay ng ibayong kulay at dahilan kung bakit hahanap-hanapin natin ang lugar na iyon.

Ang iba naman ay negatibo ang dating ng salitang 'tambay.'  Karaniwan kasi itong nauugnay sa mga taong walang trabaho at inuubos ang buong araw sa pagtambay lang.  Ang tawag nga ng iba sa amin sa mga taong taong tambay ay pensionado o di kaya'y don.  Pensionado dahil hindi sila namomroblema sa kanilang pang-araw araw na gastusin at puro hingi  na lang sila ng pera sa kanilang mga magulang.  Don naman ang tawag sa mga taong doon na nakatira sa tambayan.  Haha.

Ang pagtambay ay isa sa mga social activities natin para naman lumago ang ating pakikipagkapwa tao.  Ang iba naman ay tumatambay dahil sila ay nagmumuni-muni at kailangan nilang magrelax.  Ang iba ay simpleng nagpapalipas lang ng oras.  At ang iba ay ginagawa nang buhay ang pagtambay. Pero maging ano man ang dahilan ng ating pagtambay, sana ay magiging makabuluhan ito para naman hindi masayang ang bawat mahalagang sandali na lumilipas.

Saturday, June 6, 2015

Aswang - 16


Sa mga pagdaan ng panahon, nakakamiss din ang mga umpukan lalo na kapag maliwanag ang buwan at walang magawa.  Noong hindi pa kasi nagkakaroon ng kuryente sa aming lugar, ang isa sa mga paborito kong past time ay ang makinig sa mga kababalaghang kwento ng mga nakakatanda sa amin.  Ang iba sa kanila ay mayroon daw karanasan o alam tungkol sa mga ‘aswang’ at pati na sa iba pang mga elemento.  At kapag maliwanag ang buwan, marami kaming nag-uumpukan para makinig sa kanilang kwento.

Ang ilan sa mga sariwa pa sa aking alaala tungkol sa mga kwentong aswang ay kung papaano sila kumukuha ng kanilang pagkain, ano ang nakikita ng kanilang mga mata, papaano sila nagpapalit ng anyo, ang lihim ng isang kuwarto sa kanilang bahay, kung papaano magiging aswang ang isang ordinaryong tao, at kung papaano sila mamamatay.

Una.  Para daw maging aswang ang isang tao, kailangan nitong tumanggap ng isang bagay mula sa isang aswang.  Ang karaniwang sinasaad sa mga kwento ay may parang isang maliit na sisiw na ipapasa ng isang aswang sa isang tao para ilipat o ipamana ang kanyang pagka-aswang bago ito mamamatay.  Pero kailangan daw na malakas ang pangangatawan at espiritu ng taong tatanggap nito dahil kapag hindi ito kinaya ng kanyang katawan, unti-unti siyang manghihina hanggang sa siya ay mamamatay.  Ang iba naman ay nagsasabi na sa pamamagitan ng laway ng isang aswang ay pwedeng mahawa ang isang tao.  Kaya nga ang bilin sa amin ay huwag uminum at kakain ng malamig na pagkain at inumin mula sa hindi mo kilala para hindi ka mabiktima ng aswang.  At huwag kang makikipaghalikan sa hindi mo kilala at baka malawayan ka ng wala sa oras at ikaw ay maging isang aswang.  Hehe.

Pangalawa.  Malalaman mo daw na may pagka-‘aswang’ ang isang tao dahil hindi ito makatingin nang diretso sa mga mata ng kanyang kausap.  Madalas ay palihis itong tumingin at hindi nag-eestablish ng eye contact.  Kumbaga, siya ang tipo ng tao na hindi mo mapagkakatiwalaan.  Kapag tinititigan mo daw maige ang mga mata nito, makikita mo daw ang iyong sarili na baligtad. 

Pero may humihirit sa ganitong issue.  Matatawag daw bang ‘aswang’ ang isang kausap kong ang taong iyon ay sadyang mahiyain at hindi makatingin ng diretso?  Papaano naman daw ang isang duling na tao,  paano mo daw malalaman na aswang ito dahil hindi ito makatingin ng diretso sa iyo?  Haha.

Pangatlo.  Ang iba daw sa kanila ay may mga alagang hayop na iba sa karaniwan gaya ng buwaya, uwak, kuwago, at kung anu-ano pa.  Kanila daw nakokontrol ang pag-iisip ng mga hayop na ito at tipong kaya nilang utusan sa kung ano man ang kanilang nananaisin.  Kaya nga kapag nakakakitaan ng mga hindi ordinaryong alagang hayop ang isang tao, mabilis na pinag-iisipan agad siya ng ibang mga tao na ito ay isang aswang. 

Mabuti na lang at sa paglipas ng panahon ay unti-unting nabubuksan ang ating kamalayan tungkol sa pag-aalaga ng mga hindi ordinaryong hayop.  Gaya na lang ng buwaya kung saan ito ay pinagkakakitaan dahil mahal ang pagbenta ng balat nito at ngayon ay kinakain na rin ang karne nito gaya ng ordinaryong mga hayop.  Napatunayan din na isang pambihirang pagkakataon ang makapag-alaga ng uwak dahil ang ibon na ito ay isa sa pinakamatalinong ibon sa buong mundo.  At mabuti na lang kamo at lumabas si Harry Potter dahil ang kuwagong napapanood natin doon ay hindi naman pala talaga nakakatakot gaya ng aming naririnig kapag may umpukan at kwentuhan tungkol sa mga aswang.

Pang-apat.  Nakakakiliti ng imahinasyon ang kwento kung papaanong naghahagilap ng kanilang makain ang mga aswang.  Ayon sa mga palasak na alam ng mga tao sa amin, ang karne ng tao na kanilang makukuha ay kanila itong ginagawang isda o anumang pagkain na kanilang nanaisin.  Ang siste ay tatakpan daw nila ito ng itim na tela at kanila itong dadasalan habang patuloy nilang hinahakbangan ito nang paulit-ulit hanggang sa magpalit ang anyo ng karne ng tao sa gusto nilang kapalit nito.  Walang makapagsasabi sa amin kung meron bang ibang tao na naka-witness nito at lumabas ang ganitong kwento.

Pero kapag tinatanong na namin sila na meron na bang nareport o meron ba silang nalaman na pinatay, kinatay, o nilapa ng aswang ang isang tao, walang makapagsasabi nang tuwiran kung totoo nga ito.  Ang karaniwang depensa nila sa ganitong pag-uusisa ay meron daw na nakukuhang parte ng katawan ng tao ang isang aswang na hindi nakikita ng mga ordinaryong mga mata.  At ang karne na kanilang makukuha ay siyang pagpipiyestahan ng mga aswang.


Ang sabi ng iba, kapag nakakain ka daw ng karne ng isang tao, kapag hindi ka isang aswang ay tiyak na malalagas ang ngipin mo.  Pero may isang pilosopong humirit na hindi daw totoo ito dahil sa dami ng mga tao na mahilig ‘kumain’ ng karne ng ibang tao kahit na hindi sila aswang, dapat daw ay bungal na ang lahat ng mga tao na gumagawa nito.  Haha.  May tama nga naman ang sinasabi niya kung nakukuha mo ang ibig niyang sabihin.

-to be continued-

Friday, June 5, 2015

Langka


Isa ang langka sa mga abundant na gulay na meron sa aming lugar at available ito sa buong taon.  Dahil nakasanayan nang iluto ito sa amin, asahan mong sa pagpitas ng isang buong langka ay ilang araw ding puro langka ang gulay namin para hindi masayang ito.

Kalimitan sa inihahanda naming luto ay ginataang langka, nilagang karne na sinahugan ng langka, at langka na may kadios.  Dati ay hirap akong kumain ng langka dahil sa malalaking hiwa nito.  Pero dahil sa pagnanais kong maenjoy ang pagkaing ito, nagtadtad ako ng langka at saka ko inihalo sa dinuguan.  Wow, sarap!  Naging instant hit din ito sa pamilya ko dahil hindi nga naman hirap isubo ang maliliit na hiwa ng langka.

Pero ang sabi nga, kailangan din daw nating mag-ingat sa langka.  Iwasan daw na magtatambay sa ilalim ng puno ng langka at kapag nalaglag ang bunga nito sa mukha mo, tiyak alam mo na ang mangyayari sa iyo.  Haha.

Thursday, June 4, 2015

Ikaw


Ano ang meron sa picture pero wala naman pala?

Nakakatuwang isipin na minsan ay pakiramdam natin kumpleto na pala ang ating buhay.  Buo ang pamilya, nandiyan ang mga kaibigan, ayos ang trabaho, at talagang masasabi nating masaya ang buhay.  Pero dumarating ang sandali na meron pala tayong hahanapin.

Siguro ay hindi mahirap sagutin ang tanong sa unang linya ng entry na ito.  Masarap isipin na 'ikaw' ang siyang makakasama sa bawat sandali na lumilipas.  At marahil kung nandito ka, tiyak 'ikaw' ang pupuno sa espasyong nandiyan sa picture at hindi ang isang letra.

Wednesday, June 3, 2015

Cactus


Minsan ay merong nagtanong.  Kung nagkasala ka raw at paparusahan, ano ang pipiliin mo?  Tutusukin ka ng cactus sa puwet o tutusukin ka ng bubuyog sa puwet?  Haha.  Dahil libre naman at tipong usapang lasing lang, lahat yata ng maisip na katarantaduhan ay puwedeng gawan ng kuwento at sitwasyon.

Kung natusok ka na ng cactus, tiyak na hindi mo ito pipiliin dahil sa masakit ang matinik dito.  Iyon bang tipong ilang minuto na ang nakalipas ay ramdam mo ang bawat pintig ng sakit na patuloy na nagpapasakit sa iyo.  At isang tinik pa lang iyon.  Ano pa kaya kung buong cactus ang sumayad sa katawan mo, lalo na sa puwet mo.  Talagang hindi mo nanaisin na matusok nito.

Siguro, mas nakalalamang ang maraming magpapatusok sa bubuyog dahil iisa lang ang karayom nito.  Hindi gaya sa cactus na sangkaterbang tinik ang magpapahiyaw sa iyo.  Pero siyempre, minsan ang isang obvious na sitwasyon gaya ng isang kuwento ay mayroong twist para naman mas challenging.  Papayag ka kayang magpapatusok sa puwet gamit ang bubuyog kung si Jollibee ang gagawa noon sa iyo?  Haha.