Tuesday, April 7, 2015

Child Labor


Sa Pilipinas, mayroong batas na nilikha para proteksiyunan ang karapatan ng mga bata at kasama na dito ang issue tungkol sa child labor.

Sa isang mahirap na bansa, ang mga bata ay maagang namulat sa realidad na kailangan nilang tumulong at magbanat ng buto para sa kapakanan at ikakabuhay ng kanilang pamilya.  Hindi maitatanggi na kinakailangan nilang isakripisyo ang kanilang kamusmusan dahil kinakailangan nilang unahin ang kapakanan ng kanilang pamilya.

Sa hinabahaba nang panahon, marami pa ring mga issues tungkol sa child labor ang patuloy na hindi nalulunasan ng ating gobyerno.  Ang problema kasi ay nag-iiba ang focus ng bawat presidenteng namumuno sa ating bansa at ang mga nasimulang mga programa tungkol sa mga bata ay hindi na naipagpapatuloy ng mga susunod na mga liders.  Ang mga bagong liders ay magkakaroon lang ng interes sa mga issue tungkol sa child labor kapag merong isang critical na insidente na mababalita.

Sana dumating ang panahon na ang mga bata ay magkakaroon nang pagkakataon na maranasan ang pagiging isang bata.  Na sana ay maranasan nila ang makikipaglaro sa kanilang kapwa bata at walang iisiping mabigat na responsibilidad at nang hindi maagaw ang kanilang kamusmusan dahil sa hirap ng buhay.


Monday, April 6, 2015

Smile


Kahit sa mga simpleng bagay dapat ay matuto tayong ngumiti.

Sa isang optimistic na tao, masyadong maraming dahilan para ngumiti.  May mga mumunti at simpleng mga bagay na siyang puwedeng magdulot nang kasiyahan.  Kailangan lang ay magkakaroon tayo ng pusong marunong mag-appreciate.

Kung tutuusin, maraming mga pagkakataon sa bawat araw sa ating buhay na siyang nagdudulot sa atin ng kasiyahan.  Siguro kung magiging attentive tayo at sinusulat natin ang mga ito, tiyak na magagalak tayo sa dami ng mga ito.  Ika nga, hindi kailangan ng isang magarbong dahilan para magbigay sa atin ng kasiyahan at ng ngiti.  Minsan nga, mas nagiging masaya pa tayo sa mga bagay na simple at walang halong pagpapanggap.

Kaya't igala ang iyong paningin at huwag masyadong maging seryoso.  Smile ka lang dahil ang buhay ay kailangang i-celebrate.  At malay mo, dahil sa iyong ngiti mayroon kang isang nilalang na napapangiti din.

Sunday, April 5, 2015

Starfish


Minsan ay napagawi kami sa Cartimar sa Pasay.  Ang kasama ko ay tumitingin ng pwede niyang aalagaang hayop tapos ako naman ay gamit ang hinahunting ko.

Sa pagpagsok namin sa isang pet store kung saan ay puro aquarium at isda ang kanilang display, nakatawag ng aming pansin ang ilang pirasong kulay dilaw na starfish.  Akala namin noong una ay plastic o rubber ito na sadyang idinikit lang sa loob ng aquarium.  Doon na kami natuwa nang sabihin ng nagbabantay sa store na totoo at buhay daw ang starfish na 'yon.  At dahil mabait ang babaeng nagbabantay, ipinaexperience sa amin na kilatisin at pictyuran yaong starfish.

Saturday, April 4, 2015

Aswang - 7


Kapag ako ay nasa probinsiya, normal na sa akin na makita ang nanay ko na tinatapon sa basurahan o sa kainan ng baboy ang bigay na ulam o anumang pagkain ng aming mga kapitbahay na kilala bilang mga ‘aswang.’  Mahirap na daw at baka malahian pa kami.  Minsan ay tinanong ko ang nanay ko na baka ang baboy na kakain ng tinatapon niyang ulam ang siyang magiging aswang.  Haha.

May ilang mga pagkakataon na naringgan kong nagkwento ang nanay ko tungkol sa kanyang personal experiences tungkol sa mga aswang.  Hindi pa raw ako ipinapanganak noon at dahil may kadiliman ang dinadaan niyang lugar (wala pang kuryente sa aming lugar ng panahong iyon) madalas siyang sinusundan ng aswang.  Kapag sinusundan ka daw ng aswang ay hindi siya aatake sa iyong harapan at kadalasan ay magmumula ito sa iyong likuran.  Dahil napapadalas daw ang pagsunod sa kanya ng aswang at tipong makikipagrambulan ito dahil sa agresibo at mahihina nitong pagtiktik, ang ginawa ng nanay ko ay nagdadala siya palagi ng mahabang siit ng kawayan at kanya itong hinihila kapag inaabot siya ng gabi sa daan.  Sa ganoong sistema, hindi siya malalapitan ng aswang dahil sa dala niyang siit.

Ang isa daw sa hindi niya makakalimutang eksena ay nang mapadaan siya sa isang parte ng ilog kung saan ay tanghaling tapat noon.  Nakakita daw siya ng isang tao na kilala niya na tumutuwad sa gitna ng mababaw na parte ng ilog.  Sa pagtuwad daw ng taong iyon ay nasa pagitan ng kanyang mga hita ang kanyang mukha.  Nang makita daw nito ang nanay ko ay bigla itong tumayo at tipong handang sumugod sa kinaroroonan ng aking nanay.  Pulang-pula at nanlilisik daw ang mga mata nito at tipong hindi niya kilala ang nanay ko.  Mabuti na lang kamo at malakas ang loob ng nanay ko at kagyat niyang binati ito pero mahigpit ang hawak ng isang kamay ng nanay ko sa dala nitong itak.  Pagkarinig daw nito sa nanay ko ay tumalikod na lang ito at bumalik sa dati nitong puwesto.


Sa maraming beses na nakarinig ako ng mga ganoong klaseng kwento, ang kalimitang dahilan daw kung bakit ganoon ang pag-uugali ng mga taong suspected sa pagiging aswang ay mga bagong recruit daw ito.  Kasama daw ang ganoong behavior nila sa pag-aadjust bilang isang ‘aswang.’  Pero ang mga katulad daw nilang bago sa pagiging ‘aswang’ ay sobrang agresibo at tipong kahit anong hayop o sino mang tao na mapapagawi sa isang ilang na lugar kung saan sila pumupuwesto ay kanilang aawayin hanggang sa mapatay nila ito.

Friday, April 3, 2015

Adobong Pusit


Minsan ay mas pinipili natin ang ating comfort food lalo na kapag ito ay paborito natin.  Kahit ako ay mas gugustuhin kong orderin ang sa tingin ko ay alam ko na ang lasa kesa sa mag venture sa ibang pagkain na hindi ko pa natitikman lalo na kapag mahal ito.  Kapag sa mga handaan ay doon lang ako tumitikim ng mga pagkaing bago sa aking paningin at panlasa.

Kahit na sabihing paborito ko ang adobong pusit, minsan ay umaatras din ako kapag may naaamoy akong hindi maganda rito.  May mga luto kasi ng adobong pusit na amoy pa lang ay masasabi kong hindi na masarap o may 'something' sa pusit.  Madalas ay tumpak ako lalo na kapag naaamoy ko na medyo masangsang ang pusit dahil sa hindi magandang pag imbak dito.

Ang isa pang inaayawan ko ay kapag matigas ang karne ng pusit (o anumang karne).  Ayaw ko kasing nakikipaglaban pa sa pagkain para lang makakain nang maayos.  Mas ayos iyong isang kagatan pa lang ay naghihiwalay na agad ang karne at madaling nguyain ito.

Thursday, April 2, 2015

Penitensiya


Sa isang bansa kung saan ay mas nakakarami ang mga Katoliko, maraming mga gawain at ritwal ang ipinapamalas ng mga 'deboto' para sa kanilang pananampalataya.

Kahit na paulit-ulit na ipinapaalala ng simbahang Katoliko ang siyang 'nararapat' para sa pagpapalago ng spiritual na aspeto ng isang tao, ang iba sa mga ito ay nananatiling nakayakap sa kung ano ang kanilang nakagisnan at pinaniniwalaan.  Naniniwala ang iba sa kanila na ito ang tanging paraan para mabayaran nila ang kanilang kasalanan at para na rin makahingi nang kapatawaran.  Ang iba naman ay inoobserba ito bilang pasasalamat sa mga natupad na kahilingan.  At meron din namang umaasa na ang kanilang hiling ay mapagbibigyan sa pamamagitan ng pagsali sa ganitong ritwal.

Masyadong malalim ang ganitong aspeto nang pananampalataya ng mga taong sumasali dito.  Marahil ay naririnig natin ang mga katagang, 'Sino tayo para husgahan sila?'  Malamang nga ay wala tayo sa kanilang posisyon para mag-isip nang hindi maganda at manghusga.  Pero kung sakaling taus sa puso at talagang isinasabuhay ang ganitong ritwal, makikita natin ang resulta nito sa pang araw-araw na buhay ng mga taong ito at hindi lang tuwing Holy Week lamang ang kanilang panata at penitensiya.

Wednesday, April 1, 2015

Paradise


Sa isang lugar kung saan ay itinuturing itong paraiso ng mga dayo, magiging ordinaryo ba ito kapag naglagi ka na sa lugar na iyon?

Sadyang napapahanga tayo sa mga kakaibang tanawin na siyang bumubusog sa ating paningin, nagpapahanga sa ating kamalayan, at nagpapayabong sa ating experience.  Karaniwan, ang isang nakakabighaning lugar ay itinuturing natin bilang isang paraiso.

Minsan ay meron akong napuntahang isang lugar at may nakausap akong nakatira doon.  Nabanggit ko sa taong iyon na maganda ang kanilang lugar kaya't patuloy itong dinadayo ng mga turista.  Nagulat ako sa tinuran ng taong iyon.  Ang sagot niya sa akin ay hindi daw nila alam kung ano ang magandang tanawin sa kanilang lugar na patuloy na nagpapayabong ng kanilang turismo.  Ang alam lang nila ay ordinaryong tanawin lang ang meron sa kanila at para sa kanila ay hindi iyon ang definition nila ng isang magandang lugar.

Tama nga.  Subjective nga ang term na paraiso.  Depende ito kung papaano natin i-appreciate ang ganda ng isang lugar.  Malamang nga ay naumay na ang mga lokal sa lugar na iyon kaya't hindi nila makita ang magandang tanawin na siyang nakakabighani sa mga dumadayo doon.