Friday, October 30, 2015

Bawang


Effective daw ang bawang na kainin ng mga taong high blood.  Pero hindi ito mabisang pangontra sa mga taong magaling magdulot ng high blood sa kapwa.  Haha.

Nang mapadaan kami minsan sa Mindoro ay namakyaw kami ng bungkos ng bawang.  Isa kasi ang bawang sa masugid na laman ng aming kusina.  At dahil native na bawang ang siyang itinitinda sa Mindoro, patok itong pampasalubong sa bahay.

Hindi ako mahilig kumain ng bawang.  Minsan ay nababadtrip ako lalo na kapag nakakakagat ako nito sa kasarapan ng aking pagkain.  Pero kapag naggigisa ay gusto ko ang amoy nito.  At heto nga at namamakyaw ako ng bawang kahit na di ko ito trip kainin.

Nang bumalik na kami sa upuan namin sa loob ng bus, may isang babae na mukhang inosente ang tanong.  Ang tanong ng babae ay kung mabisang pangontra daw ba ang bawang sa aswang at kung totoong maraming aswang sa aming lugar.  Haha.  Natawa talaga ako sa tanong na iyon ng babae at tipong excited na makakita ng aswang.  Mabuti na lang kamo at hindi full moon ng gabing iyon at malamang ay sinampolan ko siya.  Haha.


Bago ko sinagot ang tanong ng babaeng iyon ay isinabit ko muna sa aking leeg ang isang bungkos ng bawang.  Pagkatapos ay sinabihan ko ang babae na hindi effective ang bawang bilang pangontra sa aswang.  Biglang siniko ako ng aking pinsan sabay sita sa akin na baka maniwala ang babae na isa akong aswang.  Haha.

Friday, October 23, 2015

Apple


‘One apple plus one apple?’ 

Eto ang paboritong kuwento na isini-share ng aming kapitbahay na teacher sa tuwing may mga umpukan at katuwaan.  Noong nag-aaral daw siya sa grade one ay ito ang naging tanong sa kanya ng kanyang guro.  Dahil sa hindi pa raw siya ganoon ka seryoso sa pag-aaral at hirap siya sa mga numero, madalas daw ay sumasabit sa gilid ng bangin ang kanyang grade sa Math.  Kaya’t kapag numbers na raw ang pinag-uusapan ay todong balisa na agad ang kanyang pakiramdam.

‘Ma’am, may I go out.’ 

Ang hirit niya sa kanyang guro sabay talilis agad.  Dahil sa malapit lang sa school ang kanilang bahay, ang madalas daw niyang takbuhan ay ang kanyang nanay.  Natatawa na lang daw ang kanyang nanay sa tuwing makikita ang hitsura nito na animo’y natatae dahil pinagpapawisan ito ng todo.

‘Two apples, anak.’

Sa tuwing masasagot ng kanyang nanay ang Math question ay tuwang-tuwa siya at mabilis pa sa alas-quatro kung ito ay tumakbo pabalik sa school.  Para daw siyang isang henyo dahil alam niyang tama lagi ang sagot ng kanyang nanay.

‘One banana plus one banana?’

Patay!  Iba na ang question ng kanyang teacher nang makita siyang nakabalik na sa loob ng kanilang silid.  Pakiramdam daw niya ay para uli siyang matatae at nagsimula na namang lumitaw ang pawis sa kanyang noo.

‘Ma’am, apple lang po ang alam ko.’

Haha.  Sa tuwing binibitawan nito ang kanyang punchline ay asahan mong hagalpakan na kami ng tawa.  Sadyang walang kupas talaga ang joke na iyon ng teacher naming kapitbahay.  Noong una ay ayaw ko pang maniwala subalit true to life experience pala niya talaga iyon.

Friday, October 16, 2015

Yakult



May napakinggan akong lokal na awiting reggae na may lyrics na sadyang pangkiliti ng imahinasyon.  Ang taong pumapatay daw ng sunog ay bumbero.  Ang taong naggugupit daw ng buhok ay barbero.  Ang taong mahilig daw uminum ng yakult ay yakulero.  Haha.

Siguro ay marami na sa atin ang nakatikim na ng yakult.  Wala na lang pakialamanan kung tawagin man tayong yakulero o yakulera.  Marahil ay naengganyo tayo ng commercial nito at sa dulot nitong tulong para sa ating digestion.  At marahil din ay meron sa atin na talagang may stock nito sa ref at naging ugali na ang pag-inum nito.

Sa makabagong panahon kung saan ay sari-saring sakit ang ating dinadanas dahil sa mga makabago at kung minsan ay nakakapaminsalang mga pagkain, marapat lang siguro na maging maalaga tayo sa ating katawan at sarili para hindi tayo magkakasakit.  Kung minsan, ang isang murang supplement gaya ng yakult ay pinanghihinayangan nating gastusan pero kapag naospital na tayo ay mas libong higit pa ang ating ginagastos para gumaling.  

Disclaimer lang po.  Hindi po ako ahente ng yakult at di rin po ako nagbebenta ng yakult.  Hehe.

Friday, October 9, 2015

Fried Chicken


Ano ba ang lasa ng fried chicken?

Kung di ka vegan, malamang ay isa sa top picks mong pagkain ay fried chicken.  Tiyak na mapapadami ka nang kain kapag fried chicken ang iyong ulam.  At malamang sa hindi ay mapapakamay ka pa dahil alam mong sarap to the bones ang pagkaing ito.


Pero ano nga ba ang lasa ng fried chicken?  Haha.  Naisip mo ba na darating ang sandali na hindi na alam ng taste bud mo ang lasa ng fried chicken kapag laging fried chicken ang ulam mo?  Dahil sa nagiging ordinaryo na lang ang fried chicken sa iyo ay tipong hindi na espesyal ang lasa nito na iyong hahanap-hanapin.  Kumbaga nawawala na ang excitement dahil ang ulam mo ay fried chicken na naman.  Hehe.

Friday, October 2, 2015

Pink Salmon


May mga tipo ng pagkain na maalala mo pa lang ay tulo laway ka na agad.

Minsan ay nasumpungan ko sa palengke ang belly strips ng pink salmon at dahil ilang taon na rin akong hindi nakatikim nito ay agad akong bumili ng isang pakete.  Natimbang na ang selyadong pakete ng salmon at hindi na pwede humirit ng dagdag.  Haha.

Maliban sa sinigang, ang trip kong luto para dito ay prito na half cook lang at sabay patulo ng oyster sauce para mas lumasa.  Dahil may sariling mantika ang isdang ito, hinahayaan ko na lang na kumatas ang mantika nito para maluto ito sa kanyang sariling mantika.  Kapag malapit na itong maluto ay saka ko ito papatakan ng oyster sauce para mas sumarap at hindi ko na ito nilalagyan ng asin.  At tiyak, kahit sinong makakaamoy nito ay siguradong gugutumin agad.