Friday, July 31, 2015

Adidas


Kung mahilig ka sa sports, pwedeng umorder ng sports shoes online.  Pero kapag usapang 'adidas' sa Pinas, tinutuhog ito ng stick.

Walang makapagsasabi kung kelan nagsimulang gamitin ang salitang adidas na patungkol sa tatlong mahahabang daliri ng manok.  Actually, mahilig ang mga Pinoy na maggawa ng mga kakaibang pangalan sa iba't ibang mga bagay at kasama na dito ang mga pangalan sa pagkain.  Kaya nga kapag estranghero ka, tiyak na matatawa ka na lang kapag lingid sa iyong inaasahan ang mga salitang gamit ng iyong Pinoy na kausap.

Isa sa mga best seller ang pagkaing adidas na mabili lang diyan sa kanto.  Paborito itong iniihaw at kapag malupit ang lasa ng sawsawan  mo ay tiyak na dadami ang suki mo.  Kapag hindi mo pa natitikman ito, isa ito sa mga street food na di mo dapat palampasin.  At tiyak mapapajogging o mapapatakbo ka sa sarap.  Hehe.

Friday, July 24, 2015

Buttered Shrimp


Mabuti pa daw ang hipon at hindi nagrereklamo kahit buttered ito.  Haha.  Good joke or bad joke, nagpapatawa lang po para naman pampalubag sa isang stressful na araw.  Wala pong bad intention ang first sentence ng entry na ito.

Kadalasan sa mga event at handaan, mayroong lutong hipon lagi at hindi marahil mawawala ang buttered shrimp.  Kumpara sa sinigang na hipon, hindi kasi ganoon ka messy ang buttered shrimp considering na walang sabaw ito.  Aw, naglalaway na ako habang tinitingnan ang picture na ito.  Haha.  

Anyways, may mga kilala ako na talagang naduduling sa sarap lalo na kapag masarap ang pagkaluto ng buttered shrimp.  Napapapikit pa nga ang mga loko at habang may natitira pa ay hindi nila ito tatantanan.  Malamang nga ay may kanya-kanya tayong fave food.  Malas mo lang kung allergic ka sa hipon at hindi mo maeenjoy ang sarap na pinagpipiyestahan ng iba.  

Friday, July 17, 2015

Donut


Sino ba ang pwedeng tumanggi sa isang nakakatulong-laway treat na ito?

Halos lahat sa atin ay may sweet tooth at kapag isang pagkaing matamis ang usapan, isa marahil ang donut sa mga top picks na mapipili.  Sa paglipas ng panahon, laging mayroong bagong flavor at konsepto ng donut.  Dapat kapag donut lover ka ay up-to-date ka rin lagi sa latest fad ng pagkaing ito at talaga namang masasabi mong donuts are made from heaven.

Pero bakit nga ba ang ibang donuts ay may butas?  Hmmm.  Ang sabi ng iba ay para daw madaling hawakan ito.  Pero papaano mo ito mahahawakan nang maige kung naliligo naman ito sa chocolate o malagkit na coating?  May humirit naman bigla na bakit daw kailangang problemahin pa kung bakit may butas ang donut, hindi ba pwedeng kainin na lang at ienjoy ang pagkakataong iyon?  Haha.  Sya, sya, kainan na.

Friday, July 10, 2015

Balimbing


Ang balimbing ay kilala bilang starfruit o averrhoa carambola.  Sa Pilipinas ay madali itong alagaan at palaguin at kadalasan ay makikita ito sa ating bakuran lang.

Noong kabataan ko, kapag kapanahunan ng balimbing, talaga namang hindi kami magkakandaugaga sa pagsungkit o pag-akyat sa puno nito.  Marami kasing mga puno ng balimbing sa mga kapitbahay namin at dahil hindi naman binibili sa amin ang prutas na ito, magpaalam ka lang ay puwede ka nang manungkit o umakyat sa puno nito.

Ang madalas na kapartner nito ay asin.  Kapag matamis ang balimbing ay diretso kagat na kami.  Pero kapag medyo may kaasiman ay isinasawsaw sa suka muna para mas patok.  Ang ilan pa nga ay ginagawang minatamis ito.

Sa paglipas ng panahon, nagkaroon ng peste sa balimbing sa aming lugar kaya't simula noon ay hindi na napapakinabangan ang bunga ng punong ito.  Kapag umuuwi ako sa aming probinsiya ay hanggang alaala na lang ang mga prutas ng balimbing noong kabataaan ko.

One time, nang nagbakasyon ako sa Mindanao, muli akong nakakita ng balimbing sa katabing bahay nang tinutuluyan ko.  Dahil magkakilala ang mga tao sa probinsiya, madali akong nakahingi.  Talaga namang nanumbalik ang kabataan ko nang muli kong matikman ang sarap at asim ng balimbing lalo na iyong hinog na.  Pagkatapos ng maraming taon ay ngayon ko lang ulit natikman ang bungang ito.

Friday, July 3, 2015

Tortang Sardinas


Matagal ko nang narinig ang tungkol sa tortang sardinas pero kelan ko lang ito sinubukang gawin. 

May ilang mga kakilala ako na gustong-gusto nila ang tortang sardinas.  Masarap daw ito lalo na kapag ginigisa mo sa maraming sibuyas.  Ang amoy at lasa kasi ng sibuyas ang siyang pang-neutralize ng lasa at amoy ng sardinas.


Nang sinubukan kong gawin ito ay parang kumain pa rin ako ng sardinas na walang sauce.  Siyempre, sardinas nga e. Haha.  Dahil hindi ako mahilig kumain ng sibuyas, iginisa ko lang sa mantika ang sardinas at ilang sandali pa ay nilagyan ko na ito ng binateng itlog.  Ayun at napulaan tuloy ako ng kaibigan ko na di daw iyon ang tamang preparasyon.  Malamang next time ay lalagyan ko na ito ng tinadtad na sibuyas para lang makain ko ito nang hindi hinihiwalay ang sibuyas sa ulam.