Friday, November 27, 2015

Tortang Pancit Canton


Mayroong ipinagmamalaking luto ng pancit canton ang isa kong kaibigan.  Nang magawi siya sa bahay ay ipinakita niya kung paano ito lulutuin.

Nang marinig ko ang tortang pancit canton mula sa aking kaibigan ay napaisip ako kung paano kaya iyon?  Medyo weird ang dating sa akin ng pagkaing iyon pero dahil na rin sa walang merienda, ayun at natikman ko rin ito.

Isang minuto niyang pinakuluan ang pancit canton at pagkatapos na ma-drain ang sabaw nito ay kanya itong ibinabad sa binateng itlog.  Pagkaraan ng ilang sandali ay saka niya ibinuhos ang ibinabad na pancit canton sa kawali at hinulma ito na tipong torta.  Ang siste ay dapat na nababalot ng itlog ang pancit canton para surprise ang dating nito.

Friday, November 20, 2015

Tulya


Marami ka talagang matutunan kapag natututo kang maglakwatsa.

Nang makarating ako sa Ilocos, isang hindi pangkaraniwang luto ng tulya ang aking natikman.  Sa totoo lang, hindi bago sa akin ang kombinasyon ng kalabasa at sitaw.  Isa kasi ito sa paborito kong ulam lalo na kapag inihahalo ito sa ginisang karne o di kaya sa dinuguan.

Hindi ko alam na masarap pala ang kalabasa at sitaw sa tulya.  Kaya nang matikman ko ito ay ginaya ko rin ang lutong ito at talaga namang sarap-sulit ang putaheng ito.

Friday, November 13, 2015

Pagkain at Bulaklak


Parte na ng kaugalian natin ang mag-alay ng bulaklak at pagkain sa ating mga mahal sa buhay na pumanaw na.  Ang paghain ng pagkain ay namana daw natin sa mga Chinsese samantalang ang bulaklak naman ay sa mga puti. 

Minsan ay may pumuna sa isang tao na may dalang pagkain sa sementeryo.  Ang sabi ng pumuna ay imposible daw na matitikman o malanghap man lang ng patay ang dala nitong pagkain. Ang balik naman ng pinunang tao ay imposible din daw na malanghap ng patay ang dalang bulaklak ng taong pumuna sa kanya.


Ang mga bagay na ating nakagawian ay minana lang natin o tayo ay naimpluwensiyahan ng ibang tao.  Marahil ay sumasang-ayon sa ating paniniwala ang mga gawaing ito kaya’t atin din itong pinapraktis.  Sa ibang tao ay wala itong basehan at lalong wala itong tuwirang ipinapakitang katotohanan, ang mahalaga ay hindi natin nakakalimutan ang mga mahahalagang tao na naging bahagi na ng ating buhay at napamahal na sa atin.  Kung ano man ang klase ng pamamaraan para patuloy silang buhay sa ating alaala at isipan, siguro ay respeto na lang sa trip ng ibang tao.  Walang pakialamanan kumbaga dahil wala namang natatapakan o nasasagasaang ibang tao.

Friday, November 6, 2015

Bread Roll




Nakailang beses na rin akong nakagawa ng ganitong pagkain at laging blockbuster ito.  Nakita ko lang ito dati sa label ng isang mayonnaise at nang sinubukan kong gawin ay success naman.

Minsan ay may tumulong sa akin na magprepare nito at sobrang natuwa yata ang kasama ko at sa dami ng aming ginawa ay tiyak na mapaparami daw siya nang kain.  Sobrang laki nang tawa ko nang maluto ito ay hindi niya nagawang panindigan ang kanyang sinabi.  Wala pa yatang limang piraso ang kanyang nakain ay umayaw na siya.  Sobrang mabigat daw pala sa tiyan at kagyat siyang sumuko.  Ang ending, inabot pa ng kinabukasan ang natira naming bread rolls.