Friday, September 25, 2015

Tuna and Noodles


Kapag walang-wala talaga, ang karaniwang takbo ng ulam ko ay tuna na hinahaluan ng noodles at kung anu-ano pa.

Nakagawian ko nang mag stack ng mga delatang pagkain pang emergency.  Minsan kasi ay nagkaroon nang malalim na baha at dahil hanggang beywang ang lalim nito, hindi na ako nakalabas ng bahay para bumili ng pagkain.  Ang ending, buong araw akong dyeta at nagtyaga sa crackers at kape.  Haha.

Ang isang paborito kong niluluto ay tuna na hinahaluan ng noodles at mushroom.  Dry ang pagkakahanda nito at mas maganda kapag hindi malabsa o masyadong malambot ang noodles.  Mas lalong masarap kapag egg noodles ang gamit dahil hindi maalat ang timpla nito.  At para mas lalong sumarap pa ito, ang sekreto ko dito ay additional oyster sauce at ground pepper.

Friday, September 18, 2015

Tulya


Minsan ay wala akong magawa at kapag wala akong magawa ay naglilikot ang aking isipan tungkol sa pagkain na pwede kong pagtripan sa araw na iyon.

Sa pag-iikot ko sa palengke ay nakuha ang atensiyon ko ng tulya at bigla ay naalala ko ang pagkaing ito na sinahugan ng gulay nang minsang gumala ako sa isang probinsiya.

Kapag nagluluto ako ng pagkain ay tinitiyak kong kaya kong kainin ito.  Haha.  Kapag may nagtatanong kung masarap ang pagkaing niluto ko, ang usual kong sagot ay napagtitiyagaan naman.  Hehe.

Nang araw na iyon ay naisip kong sahugan ang tulya ng sweet corn at malunggay.  Simula nang magkamalay ako, abundant ang malunggay sa amin dahil may tanim kami nito sa harap ng bahay namin.  Halos lahat yata ng lutong gulay sa amin ay kadalasang sinasamahan ng malunggay kaya't nakahiligan ko na rin itong kainin.  Wonder gulay nga daw ang malunggay dahil may mga sanggkap itong na di matatagpuan sa ibang mga gulay.

Kaya't ayun, tama lang ang maalat na lasa ng tulya sa tamis ng lasa ng sweet corn at sa lasa ng malunggay.  Huwag lang dadamihan ang malunggay dahil papait ang timpla nito.

Friday, September 11, 2015

Cheesedog


Simulang nang dumami na ang mga nagtitinda ng street foods, dumami na rin ang uri ng mga street food na pwedeng mabili at kasama na dito ang hotdog/cheesedog.

Habang dumadami ang kumpetensiya ay nagiging creative ang marami sa mga tindero't tindera na mag-offer ng iba pang pwedeng ibenta sa kalye.  Ang mga traditional na kikiam, fish ball, squid ball ay nadagdagan ng kung anu't ano pa.  Nakakatuwang isipin na sa baryang halaga ay pwede ka nang tumikim ng mga pagkain na kadalasan ay nabibili ng buo lang  At hindi dito nalalayo ang cheesedog/hotdog.

May mga kilala ako na kapag wala silang ulam ay pupunta lang sila sa nagtitinda nito sa may kanto at may instant ulam na sila at may kasama pang libreng sawsawan.  Kung sa resto o karenderia sila bibili ay mas mahal ang benta sa hotdog/cheesedog samantalang dalawang piso lang kada hiwa ang pagkaing ito.

Friday, September 4, 2015

Minatamis na Buko Strips


Kapag nasa probinsiya ako ay madalas naming gawin ang meriendang ito.

Dahil libre ang niyog at kailangan mo lang ang taong kukuha nito, sagana ang ganitong klaseng kakanin sa amin.  Hindi naman kasi mahirap lutuin ang kakaning ito at kadalasan ay isang bagsakan lang at ubos na agad ito.  

Masarap ihanda ang mura pang buko, iyon bang hindi pa makapal at matigas ang laman.  Masarap kasi sa bibig ang medyo malambot na buko strips kumpara sa matigas na.  Mas maige ding gamitin ang muscovado at para mas mabango, malaking tulong ang vanilla syrup.  At mas patok lalo na kapag ang nabuong syrup ng asukal ay malagkit at medyo namumuo.  Sarap!.