Friday, November 27, 2015

Tortang Pancit Canton


Mayroong ipinagmamalaking luto ng pancit canton ang isa kong kaibigan.  Nang magawi siya sa bahay ay ipinakita niya kung paano ito lulutuin.

Nang marinig ko ang tortang pancit canton mula sa aking kaibigan ay napaisip ako kung paano kaya iyon?  Medyo weird ang dating sa akin ng pagkaing iyon pero dahil na rin sa walang merienda, ayun at natikman ko rin ito.

Isang minuto niyang pinakuluan ang pancit canton at pagkatapos na ma-drain ang sabaw nito ay kanya itong ibinabad sa binateng itlog.  Pagkaraan ng ilang sandali ay saka niya ibinuhos ang ibinabad na pancit canton sa kawali at hinulma ito na tipong torta.  Ang siste ay dapat na nababalot ng itlog ang pancit canton para surprise ang dating nito.

Friday, November 20, 2015

Tulya


Marami ka talagang matutunan kapag natututo kang maglakwatsa.

Nang makarating ako sa Ilocos, isang hindi pangkaraniwang luto ng tulya ang aking natikman.  Sa totoo lang, hindi bago sa akin ang kombinasyon ng kalabasa at sitaw.  Isa kasi ito sa paborito kong ulam lalo na kapag inihahalo ito sa ginisang karne o di kaya sa dinuguan.

Hindi ko alam na masarap pala ang kalabasa at sitaw sa tulya.  Kaya nang matikman ko ito ay ginaya ko rin ang lutong ito at talaga namang sarap-sulit ang putaheng ito.

Friday, November 13, 2015

Pagkain at Bulaklak


Parte na ng kaugalian natin ang mag-alay ng bulaklak at pagkain sa ating mga mahal sa buhay na pumanaw na.  Ang paghain ng pagkain ay namana daw natin sa mga Chinsese samantalang ang bulaklak naman ay sa mga puti. 

Minsan ay may pumuna sa isang tao na may dalang pagkain sa sementeryo.  Ang sabi ng pumuna ay imposible daw na matitikman o malanghap man lang ng patay ang dala nitong pagkain. Ang balik naman ng pinunang tao ay imposible din daw na malanghap ng patay ang dalang bulaklak ng taong pumuna sa kanya.


Ang mga bagay na ating nakagawian ay minana lang natin o tayo ay naimpluwensiyahan ng ibang tao.  Marahil ay sumasang-ayon sa ating paniniwala ang mga gawaing ito kaya’t atin din itong pinapraktis.  Sa ibang tao ay wala itong basehan at lalong wala itong tuwirang ipinapakitang katotohanan, ang mahalaga ay hindi natin nakakalimutan ang mga mahahalagang tao na naging bahagi na ng ating buhay at napamahal na sa atin.  Kung ano man ang klase ng pamamaraan para patuloy silang buhay sa ating alaala at isipan, siguro ay respeto na lang sa trip ng ibang tao.  Walang pakialamanan kumbaga dahil wala namang natatapakan o nasasagasaang ibang tao.

Friday, November 6, 2015

Bread Roll




Nakailang beses na rin akong nakagawa ng ganitong pagkain at laging blockbuster ito.  Nakita ko lang ito dati sa label ng isang mayonnaise at nang sinubukan kong gawin ay success naman.

Minsan ay may tumulong sa akin na magprepare nito at sobrang natuwa yata ang kasama ko at sa dami ng aming ginawa ay tiyak na mapaparami daw siya nang kain.  Sobrang laki nang tawa ko nang maluto ito ay hindi niya nagawang panindigan ang kanyang sinabi.  Wala pa yatang limang piraso ang kanyang nakain ay umayaw na siya.  Sobrang mabigat daw pala sa tiyan at kagyat siyang sumuko.  Ang ending, inabot pa ng kinabukasan ang natira naming bread rolls.


Friday, October 30, 2015

Bawang


Effective daw ang bawang na kainin ng mga taong high blood.  Pero hindi ito mabisang pangontra sa mga taong magaling magdulot ng high blood sa kapwa.  Haha.

Nang mapadaan kami minsan sa Mindoro ay namakyaw kami ng bungkos ng bawang.  Isa kasi ang bawang sa masugid na laman ng aming kusina.  At dahil native na bawang ang siyang itinitinda sa Mindoro, patok itong pampasalubong sa bahay.

Hindi ako mahilig kumain ng bawang.  Minsan ay nababadtrip ako lalo na kapag nakakakagat ako nito sa kasarapan ng aking pagkain.  Pero kapag naggigisa ay gusto ko ang amoy nito.  At heto nga at namamakyaw ako ng bawang kahit na di ko ito trip kainin.

Nang bumalik na kami sa upuan namin sa loob ng bus, may isang babae na mukhang inosente ang tanong.  Ang tanong ng babae ay kung mabisang pangontra daw ba ang bawang sa aswang at kung totoong maraming aswang sa aming lugar.  Haha.  Natawa talaga ako sa tanong na iyon ng babae at tipong excited na makakita ng aswang.  Mabuti na lang kamo at hindi full moon ng gabing iyon at malamang ay sinampolan ko siya.  Haha.


Bago ko sinagot ang tanong ng babaeng iyon ay isinabit ko muna sa aking leeg ang isang bungkos ng bawang.  Pagkatapos ay sinabihan ko ang babae na hindi effective ang bawang bilang pangontra sa aswang.  Biglang siniko ako ng aking pinsan sabay sita sa akin na baka maniwala ang babae na isa akong aswang.  Haha.

Friday, October 23, 2015

Apple


‘One apple plus one apple?’ 

Eto ang paboritong kuwento na isini-share ng aming kapitbahay na teacher sa tuwing may mga umpukan at katuwaan.  Noong nag-aaral daw siya sa grade one ay ito ang naging tanong sa kanya ng kanyang guro.  Dahil sa hindi pa raw siya ganoon ka seryoso sa pag-aaral at hirap siya sa mga numero, madalas daw ay sumasabit sa gilid ng bangin ang kanyang grade sa Math.  Kaya’t kapag numbers na raw ang pinag-uusapan ay todong balisa na agad ang kanyang pakiramdam.

‘Ma’am, may I go out.’ 

Ang hirit niya sa kanyang guro sabay talilis agad.  Dahil sa malapit lang sa school ang kanilang bahay, ang madalas daw niyang takbuhan ay ang kanyang nanay.  Natatawa na lang daw ang kanyang nanay sa tuwing makikita ang hitsura nito na animo’y natatae dahil pinagpapawisan ito ng todo.

‘Two apples, anak.’

Sa tuwing masasagot ng kanyang nanay ang Math question ay tuwang-tuwa siya at mabilis pa sa alas-quatro kung ito ay tumakbo pabalik sa school.  Para daw siyang isang henyo dahil alam niyang tama lagi ang sagot ng kanyang nanay.

‘One banana plus one banana?’

Patay!  Iba na ang question ng kanyang teacher nang makita siyang nakabalik na sa loob ng kanilang silid.  Pakiramdam daw niya ay para uli siyang matatae at nagsimula na namang lumitaw ang pawis sa kanyang noo.

‘Ma’am, apple lang po ang alam ko.’

Haha.  Sa tuwing binibitawan nito ang kanyang punchline ay asahan mong hagalpakan na kami ng tawa.  Sadyang walang kupas talaga ang joke na iyon ng teacher naming kapitbahay.  Noong una ay ayaw ko pang maniwala subalit true to life experience pala niya talaga iyon.

Friday, October 16, 2015

Yakult



May napakinggan akong lokal na awiting reggae na may lyrics na sadyang pangkiliti ng imahinasyon.  Ang taong pumapatay daw ng sunog ay bumbero.  Ang taong naggugupit daw ng buhok ay barbero.  Ang taong mahilig daw uminum ng yakult ay yakulero.  Haha.

Siguro ay marami na sa atin ang nakatikim na ng yakult.  Wala na lang pakialamanan kung tawagin man tayong yakulero o yakulera.  Marahil ay naengganyo tayo ng commercial nito at sa dulot nitong tulong para sa ating digestion.  At marahil din ay meron sa atin na talagang may stock nito sa ref at naging ugali na ang pag-inum nito.

Sa makabagong panahon kung saan ay sari-saring sakit ang ating dinadanas dahil sa mga makabago at kung minsan ay nakakapaminsalang mga pagkain, marapat lang siguro na maging maalaga tayo sa ating katawan at sarili para hindi tayo magkakasakit.  Kung minsan, ang isang murang supplement gaya ng yakult ay pinanghihinayangan nating gastusan pero kapag naospital na tayo ay mas libong higit pa ang ating ginagastos para gumaling.  

Disclaimer lang po.  Hindi po ako ahente ng yakult at di rin po ako nagbebenta ng yakult.  Hehe.